Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Complutensian Polyglot—Isang Makasaysayang Tulong sa Pagsasalin

Ang Complutensian Polyglot—Isang Makasaysayang Tulong sa Pagsasalin

Ang Complutensian Polyglot​—Isang Makasaysayang Tulong sa Pagsasalin

NOONG mga taon ng 1455, nagkaroon ng malaking pagbabago sa paglalathala ng Bibliya. Ginamit ni Johannes Gutenberg ang isang palimbagan upang gawin ang unang Bibliya na kailanman ay inimprenta na ginagamit ang isahang tipong letra. Nang dakong huli, ang pamamahagi ng Bibliya ay hindi na nahadlangan ng limitadong suplay ng sulat-kamay na mga dokumento. Sa wakas, ang mga Bibliya ay magagawa na nang maramihan at sa medyo kaunting gastos. Di-nagtagal, ang Bibliya ang naging pinakamalaganap na naipamahaging aklat sa daigdig.

Ang Bibliya ni Gutenberg ay nasa wikang Latin. Subalit di-nagtagal, natanto ng mga iskolar sa Europa na kailangan nila ang isang mapananaligang teksto ng Bibliya sa orihinal na mga wika nito​—sa Hebreo at Griego. Itinuturing ng Simbahang Katoliko ang Latin na Vulgate bilang ang tanging katanggap-tanggap na bersiyon ng Bibliya, subalit may dalawang malaking balakid. Noong ika-16 na siglo, karamihan ng mga tao ay hindi makaunawa ng Latin. Karagdagan pa, sa yugto ng sanlibong taon, nakagawa ng maraming pagkakamali ang mga tagakopya ng teksto ng Vulgate.

Kailangan kapuwa ng mga tagapagsalin at mga iskolar ang isang Bibliya sa orihinal na mga wika, gayundin ang pinagbuting salin sa Latin. Noong 1502, nagpasiya ang kardinal na si Jiménez de Cisneros, pulitikal at espirituwal na tagapayo ni Reyna Isabella I ng Espanya, na sapatan ang kanilang pangangailangan sa pamamagitan ng isa lamang publikasyon. Ang makasaysayang tulong na ito sa pagsasalin ay nakilala bilang ang Complutensian Polyglot. Nilayon ni Cisneros na gumawa ng isang Polyglot, o maraming-wikang Bibliya, na naglalaman ng pinakamainam na teksto sa Hebreo, Griego, at Latin, kasama ang ilang bahagi sa Aramaiko. Bago pa ang pag-iimprenta noon, kaya ang tagumpay na ito ay naging mahalagang pangyayari sa sining ng pag-iimprenta.

Sinimulan ni Cisneros ang kaniyang mahirap na atas sa pamamagitan ng pagbili sa maraming sinaunang mga manuskritong Hebreo, na marami sa Espanya. Tinipon din niya ang iba’t ibang manuskritong Griego at Latin. Ito ang magiging saligan para sa tekstong Polyglot. Ipinagkatiwala ni Cisneros ang gawaing pagtitipon sa isang pangkat ng mga iskolar na inorganisa niya sa bagong tatag na University of Alcalá de Henares, sa Espanya. Isa sa mga iskolar na hiniling ni Cisneros na maging bahagi ng pangkat ay si Erasmus ng Rotterdam, subalit tinanggihan ng kilalang dalubwikang ito ang paanyaya.

Nagtrabaho nang sampung taon ang mga iskolar upang matipon ang maraming tomo na naglalaman ng mga teksto ng Bibliya sa ilang wika, pagkatapos nito ay gumugol pa ng karagdagang apat na taon ang aktuwal na pag-iimprenta. Maraming teknikal na problema, yamang walang magamit na mga kalipunang tipo sa Hebreo, Griego, o Aramaiko ang mga tagaimprenta sa Espanya. Kaya umupa si Cisneros ng isang dalubhasang tagaimprenta, si Arnaldo Guillermo Brocario, upang ihanda ang mga kalipunang tipo sa mga wikang ito. Sa wakas, sinimulan ng mga tagaimprenta ang paggawa ng mga Bibliya noong 1514. Ang anim na tomo ay nakumpleto noong Hulyo 10, 1517, mga apat na buwan lamang bago namatay ang kardinal. Mga anim na raang kopya ng kumpletong akda ang nailathala, sa kabalintunaan, noong panahon mismo na nasa kasagsagan ang Inkisisyong Kastila. *

Ang Pag-aayos sa Polyglot

Ang bawat pahina ng Polyglot ay nagbibigay ng saganang impormasyon. Sa apat na tomo na naglalaman ng Hebreong Kasulatan, ang tekstong Vulgate ay lumilitaw sa gitna ng bawat pahina; ang tekstong Hebreo ay nasa panlabas na tudling; at ang tekstong Griego, kasama ang interlinear na salin sa Latin, sa loob ng tudling. Sa mga gilid ng pahina, lumilitaw ang mga pinagmulan ng maraming terminong Hebreo. At sa gawing ibaba ng bawat pahina na katugma sa Pentateuch, isinama rin ng mga editor ang Targum of Onkelos (isang Aramaikong saling nagpapakahulugan sa unang limang aklat ng Bibliya) pati na ang isang salin sa Latin.

Ang ikalimang tomo ng Polyglot ay naglalaman ng Griegong Kasulatan sa dalawang tudling. Inilalahad ng isang tudling ang tekstong Griego, at ang isa naman ay ang katumbas na tekstong Latin mula sa Vulgate. Ang pagkakatugma ng mga teksto sa dalawang wika ay ipinakikita sa pamamagitan ng maliliit na titik na nagtuturo sa mambabasa sa katumbas na salita sa bawat tudling. Ang tekstong Griego ng Polyglot ang unang kumpletong aklat ng Griegong Kasulatan, o “Bagong Tipan,” na kailanma’y naimprenta, at di-nagtagal ay nasundan ito ng edisyon na inihanda ni Erasmus.

Naging napakaingat ng mga iskolar sa pagpu-proofread sa teksto ng ikalimang tomo anupat 50 lamang ang mali sa pag-iimprenta. Dahil sa gayong napakahigpit na pag-iingat ng mga iskolar na ito, itinuring ng modernong mga kritiko na nakahihigit ito sa kilalang tekstong Griego ni Erasmus. Ang eleganteng mga titik sa Griego ay bumagay sa simpleng kagandahan ng mas matatandang unsyal na mga manuskrito. Sa kaniyang aklat na The Printing of Greek in the Fifteenth Century, ganito ang sabi ni R. Proctor: “Sa Espanya nauukol ang karangalan sa paggawa ng kaniyang unang tipong Griego, na walang alinlangang ang pinakamagandang kalipunang tipo sa Griego na kailanma’y nagawa.”

Ang ikaanim na tomo ng Polyglot ay naglalaman ng iba’t ibang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya: isang diksyunaryo ng Hebreo at Aramaiko, isang interpretasyon ng mga pangalang Griego, Hebreo, at Aramaiko, isang paliwanag hinggil sa balarilang Hebreo, at isang indiseng Latin para sa diksyunaryo. Hindi kataka-taka, ang Complutensian Polyglot ay pinapurihan bilang isang “bantayog sa sining ng pag-iimprenta at sa maka-Kasulatang siyensiya.”

Nilayon ni Cisneros ang akdang ito “upang muling pasiglahin ang interes sa pag-aaral sa kasulatan,” gayunman hindi niya gustong mabasa ng karaniwang mga tao ang Bibliya. Iniisip niyang “ang Salita ng Diyos ay dapat na maingat na maikubli mula sa pagkaunawa ng karaniwang tao.” Naniniwala rin siya na “ang Kasulatan ay dapat na mapasulat lamang sa tatlong sinaunang wika na ipinahintulot ng Diyos sa inskripsiyong nakasulat sa ibabaw ng ulo ng kaniyang Anak na ipinako.” * Sa dahilang ito, hindi kasali sa Complutensian Polyglot ang anumang salin sa Kastila.

Ang Vulgate Kung Ihahambing sa Orihinal na mga Wika

Ang mismong katangian ng Polyglot ay lumikha ng ilang di-pagkakasundo sa pagitan ng mga iskolar na gumawa nito. Ang kilalang iskolar na Kastila na si Antonio de Nebrija * ay itinalagang mangasiwa sa pagrerebisa sa teksto ng Vulgate na lilitaw sa Bibliyang Polyglot. Bagaman itinuturing ng Simbahang Katoliko ang Vulgate ni Jerome bilang ang tanging awtorisadong bersiyon, nakita ni Nebrija ang pangangailangang ihambing ang Vulgate sa orihinal na mga tekstong Hebreo, Aramaiko, at Griego. Nais niyang ituwid ang maliwanag na mga pagkakamali na naging bahagi ng umiiral na mga kopya ng Vulgate.

Upang malutas ang anumang pagkakasalungatan ng Vulgate at ng orihinal na mga wika, hinimok ni Nebrija si Cisneros: “Minsan mo pang sindihan ang dalawang sulo ng ating relihiyon, ang mga wikang Hebreo at Griego. Gantimpalaan mo yaong mga nagtatalaga ng kanilang sarili sa atas na ito.” At ito pa ang sumunod niyang iminungkahi: “Tuwing may lilitaw na pagkakaiba sa mga manuskritong Latin sa Bagong Tipan, dapat nating ihambing ito sa mga manuskritong Griego. Tuwing may di-pagkakasundo sa pagitan ng iba’t ibang manuskritong Latin o sa pagitan ng mga manuskritong Latin at Griego sa Matandang Tipan, dapat nating suriin ang katumpakan nito sa mapananaligang Hebreong manuskrito.”

Paano tumugon si Cisneros? Sa kaniyang paunang salita sa Bibliyang Polyglot, maliwanag na sinabi ni Cisneros ang kaniyang opinyon. “Inilagay namin ang saling Latin ng pinagpalang si Jerome sa pagitan ng Sinagoga [ang tekstong Hebreo] at ng Simbahan sa Silangan [ang tekstong Griego], kung paanong ang mga magnanakaw ay ibinitin, sa magkabilang tabi ni Jesus, na kumakatawan sa Simbahang Romano, o Latin.” Samakatuwid, hindi ipinahintulot ni Cisneros na iwasto ni Nebrija ang Latin na Vulgate ayon sa teksto ng orihinal na mga wika. Sa wakas, nagpasiya si Nebrija na iwan ang proyekto kaysa iugnay ang kaniyang pangalan sa mababang klase na rebisyon.

Comma Johanneum

Bagaman ang Bibliyang Polyglot ng Alcalá de Henares ay isang napakalaking pagsulong sa paggawa ng pinagbuting teksto sa orihinal na mga wika ng Bibliya, nangibabaw paminsan-minsan ang tradisyon sa kaalaman. Lubhang mataas ang paggalang sa Vulgate anupat sa ilang okasyon, napilitan ang mga editor na iwasto ang tekstong Griego ng “Bagong Tipan” upang matiyak na tumutugma ito sa Latin sa halip na iwasto ang Latin upang tumugma sa orihinal na Griego. Ang isa sa mga halimbawa nito ay ang bantog na tekstong huwad na kilala bilang comma Johanneum. * Wala sa sinaunang mga manuskritong Griego ang naglalaman ng pariralang ito, na ayon sa katibayan ay isiningit mga ilang siglo pagkasulat ni Juan ng kaniyang liham; ni hindi rin lumilitaw ang teksto sa pinakamatatandang mga manuskritong Latin ng Vulgate. Kaya inalis ni Erasmus ang interpolasyong ito sa kaniyang Griegong “Bagong Tipan.”

Ayaw namang baguhin ng mga editor ng Polyglot ang talatang ito na naging bahagi na ng tradisyonal na tekstong Vulgate sa loob ng mga dantaon. Kaya, pinanatili nila ang tekstong huwad sa Latin at ipinasiyang isalin at isingit ito sa tekstong Griego upang pagtugmain ang dalawang tudling.

Isang Saligan Para sa Bagong mga Salin ng Bibliya

Ang kahalagahan ng Complutensian Polyglot ay hindi lamang nakadepende sa bagay na naglalaman ito ng unang inimprentang edisyon ng kumpletong Griegong Kasulatan ng Septuagint. Kung paanong ang Griegong “Bagong Tipan” ni Erasmus ay naging ang Tinatanggap na Teksto ng Griegong Kasulatan (ang saligan para sa maraming salin sa ibang mga wika), ang tekstong Hebreo ng Polyglot ang naging pinakasaligang teksto para sa Hebreo-Aramaikong Kasulatan. * Ginamit ni William Tyndale ang Polyglot na ito bilang saligan ng tekstong Hebreo para sa kaniyang pagsasalin ng Bibliya sa Ingles.

Kaya naman, malaki ang naitulong ng mahusay na akda ng pangkat na gumawa ng Complutensian Polyglot sa pagsulong ng kaalaman sa Kasulatan. Nailathala ito noong panahong pinasigla ng lumalagong interes sa Bibliya sa buong Europa ang pagsasalin nito sa karaniwang wika ng mga tao. Ang Polyglot ay isa pang hakbang sa sunud-sunod na mga pamamaraan na nagkaroon ng bahagi sa pagpapasulong at pag-iingat sa tekstong Griego at Hebreo. Lahat ng ito ay kasuwato ng layunin ng Diyos na ‘ang dalisay na pananalita ni Jehova,’ ‘ang salita ng ating Diyos, ay mananatili hanggang sa panahong walang takda.’​—Awit 18:30; Isaias 40:8; 1 Pedro 1:25.

[Mga talababa]

^ par. 6 Anim na raang kopya ang ginawa sa papel, at anim na kopya sa pergamino. Noong 1984, isang limitadong edisyon na katulad ng orihinal na kopya ang inilimbag.

^ par. 12 Hebreo, Griego, at Latin.​—Juan 19:20.

^ par. 14 Si Nebrija ang itinuturing na tagapanguna ng makataong mga Kastila (liberal na mga iskolar). Noong 1492, inilathala niya ang unang Gramática castellana (Balarila ng Wikang Castiliano). Pagkaraan ng tatlong taon, nagpasiya siyang italaga ang natitirang bahagi ng buhay niya sa pag-aaral ng Banal na Kasulatan.

^ par. 18 Ang idinagdag na tekstong huwad na masusumpungan sa mga salin ng Bibliya sa 1 Juan 5:7 ay kababasahan ng “sa langit, ang Ama, ang Salita, at ang Banal na Espiritu: at ang tatlong ito ay iisa.”

^ par. 21 Para sa isang ulat ng akda ni Erasmus, tingnan Ang Bantayan, Marso 15, 1983, pahina 20-4.

[Larawan sa pahina 29]

Kardinal Jiménez de Cisneros

[Credit Line]

Biblioteca Histórica. Universidad Complutense de Madrid

[Larawan sa pahina 30]

Antonio de Nebrija

[Credit Line]

Biblioteca Histórica. Universidad Complutense de Madrid

[Picture Credit Line sa pahina 28]

Biblioteca Histórica. Universidad Complutense de Madrid