Natatandaan Mo Ba?
Natatandaan Mo Ba?
Pinahalagahan mo ba ang pagbabasa sa katatapos na mga isyu ng Ang Bantayan? Kung gayon, tingnan kung masasagot mo ang sumusunod na mga tanong:
• Ano ang nagpapakita na may mga kapatid na lalaki at babae si Jesus?
Sinasabi ito ng Bibliya sa Mateo 13:55, 56 at Marcos 6:3. Ang salitang Griego (adelphos) na matatagpuan sa mga talatang ito ay ginagamit upang ipakita ang “pisikal o legal na kaugnayan [at] nangangahulugan lamang ng tunay na kapatid o kapatid sa ama o sa ina.” (The Catholic Biblical Quarterly, Enero 1992)—12/15, pahina 3.
• Anong nagbagong mukha ng digmaan ang kitang-kita, at ano ang kadalasang pinakaugat na mga dahilan?
Nitong nakaraang mga taon, ang mga digmaang sumalanta sa sangkatauhan ay halos mga digmaang sibil—mga digmaan sa pagitan ng magkakalabang pangkat ng mga mamamayan ng iisang bansa. Ang pagkakapootan sa lipi at tribo, pagkakaiba-iba ng relihiyon, kawalang-katarungan, at magulong pulitika ay pawang mga dahilan. Ang isa pang dahilan ay ang kasakiman sa kapangyarihan at salapi.—1/1, pahina 3-4.
• Paano natin nalalaman na hindi nilayon ni Jesus na paulit-ulit na bigkasin nang saulado ng mga Kristiyano ang mga salita sa huwarang panalangin?
Ibinigay ni Jesus ang halimbawang ito ng panalangin sa panahon ng kaniyang Sermon sa Bundok. Mga 18 buwan pagkalipas nito, inulit niya ang mahahalagang punto ng kaniyang naunang tagubilin hinggil sa panalangin. (Mateo 6:9-13; Lucas 11:1-4) Kapansin-pansin ang bagay na hindi niya ito inulit nang salita por salita, anupat ipinahihiwatig na hindi siya nagbibigay ng liturhikong panalangin na paulit-ulit na bibigkasin nang saulado.—2/1, pahina 8.
• Pagkatapos ng Baha, saan nakuha ng kalapati ang dahon ng olibo na dinala nito sa arka?
Hindi natin alam ang alat at temperatura ng tubig-baha. Ngunit kilala ang mga punong olibo sa kakayahan ng mga ito na magpausbong ng supang kahit matapos putulin ang mga ito. Kaya malamang na buháy pa rin ang ilan pagkahupa ng tubig-baha at saka nag-usbong ng mga dahon pagkatapos nito.—2/15, pahina 31.
• Noong panahon ng digmaang sibil sa Nigeria at pagbabarikada sa Biafra, paano nakatanggap ng espirituwal na pagkain ang mga Saksi ni Jehova sa lugar na iyon?
Isang empleado ng gobyerno ang naatasan ng tungkulin sa Europa at ang isa naman ay nagtrabaho sa paliparan ng Biafra. Kapuwa sila mga Saksi. Tinanggap nila ang mapanganib na atas na pagdadala ng espirituwal na pagkain sa Biafra, sa gayon ay nakinabang ang maraming kapatid hanggang sa magwakas ang digmaan noong 1970.—3/1, pahina 27.
• Ano ang naisagawa dahil sa Kapayapaan ng Westphalia, at paano nasangkot ang relihiyon?
Pinaghiwa-hiwalay ng Repormasyon ang Banal na Imperyong Romano sa tatlong pananampalataya—Katoliko, Luterano, at Calvinista. Binuo ang Unyon ng mga Protestante at Liga ng mga Katoliko noong unang mga taon ng ika-17 siglo. Pagkatapos ay sumiklab ang isang relihiyosong alitan sa Bohemia at lumaki ito tungo sa internasyonal na tunggalian sa kapangyarihan. Nakipagtagisan ang mga tagapamahalang Katoliko at Protestante para sa higit na kapangyarihan sa pulitika at pakinabang sa komersiyo. Sa wakas, idinaos ang mga usapang pangkapayapaan sa lalawigan ng Westphalia sa Alemanya. Pagkalipas ng halos limang taon, nilagdaan ang Kasunduan sa Westphalia noong 1648, na tumapos sa Tatlumpung Taóng Digmaan at naging pasimula ng pagsilang ng makabagong Europa bilang isang kontinente na may independiyenteng mga estado.—3/15, pahina 20-3.
• Ano ang kahulugan ng marka, o pangalan, ng “mabangis na hayop”—ang bilang na 666?
Binanggit ang markang ito sa Apocalipsis 13:16-18. Ang mabangis na hayop ay tumutukoy sa pamamahala ng tao, at ang pagtataglay ng mabangis na hayop ng “bilang ng isang tao” ay nagpapahiwatig na masasalamin sa mga pamahalaan ang di-sakdal na kalagayan ng tao. Ang 6 na dinagdagan ng 60 at dinagdagan pa ng 600 ay nagpapakita na kulang na kulang ito sa paningin ng Diyos. Yaong mga nagtataglay ng marka nito ay nag-uukol ng tulad-pagsambang parangal sa pulitikal na Estado, o umaasa rito ukol sa kaligtasan.—4/1, pahina 4-7.