Rebeka—Isang Makadiyos at Determinadong Babae
Rebeka—Isang Makadiyos at Determinadong Babae
IPAGPALAGAY na personal kang makapipili ng isang asawa para sa iyong anak na lalaki. Anong uri ng babae ang pipiliin mo? Anu-ano ang mga kuwalipikasyon na dapat niyang taglayin? Hahanap ka ba ng isa na maganda, matalino, mabait, at masipag? O ikaw ba’y may iba pang katangiang hinahanap?
Napaharap kay Abraham ang problemang ito. Ipinangako ni Jehova na dadaloy ang mga pagpapala sa kaniyang mga inapo sa pamamagitan ng kaniyang anak na si Isaac. Ayon sa ulat na isinasaalang-alang natin, matanda na ngayon si Abraham, subalit binata pa rin ang kaniyang anak. (Genesis 12:1-3, 7; 17:19; 22:17, 18; 24:1) Yamang ibabahagi ni Isaac ang mga pagpapala sa mapapangasawa niya at sa sinumang magiging anak nila, isinaayos ni Abraham na humanap ng isang nararapat na asawa para kay Isaac. Pangunahin na, siya ay dapat na maging isang lingkod ni Jehova. Yamang walang mga babaing naglilingkod kay Jehova na matatagpuan sa Canaan, kung saan naninirahan si Abraham, kailangan niyang humanap sa ibang lugar. Sa wakas, si Rebeka ang napili. Paano siya natagpuan? Siya ba ay isang espirituwal na babae? Ano ang matututuhan natin mula sa pagsasaalang-alang sa kaniyang halimbawa?
Ang Paghahanap Para sa Isang Kuwalipikadong Babae
Isinugo ni Abraham ang kaniyang pinakamatandang lingkod, malamang na si Eliezer, sa malayong Mesopotamia upang kumuha ng isang kasintahang babae para kay Isaac sa mga kamag-anak ni Abraham, na kapuwa mga mananamba ni Jehova. Napakaseryosong bagay nito anupat si Eliezer ay kaniyang pinanumpa na hindi siya kukuha ng isang Canaanita bilang asawa para kay Isaac. Kapansin-pansin ang pagpupumilit ni Abraham tungkol dito.—Genesis 24:2-10.
Pagkatapos maglakbay tungo sa lunsod ng mga Genesis 24:11-14.
kamag-anak ni Abraham, dinala ni Eliezer ang kaniyang sampung kamelyo sa tabi ng isang balon. Gunigunihin ang tanawin! Gabi na noon, at nananalangin si Eliezer: “Narito, nakatayo ako sa tabi ng isang bukal ng tubig, at ang mga anak na babae ng mga tao ng lunsod ay lumalabas upang sumalok ng tubig. Mangyari nga na ang kabataang babae na sasabihan ko, ‘Pakisuyo, ibaba mo ang iyong bangang pantubig upang ako ay makainom,’ at magsasabi nga, ‘Uminom ka, at paiinumin ko rin ang iyong mga kamelyo,’ siya ang italaga mo sa iyong lingkod, kay Isaac.”—Gaya ng malamang na nalalaman ng bawat babae roon, ang isang uhaw na kamelyo ay makaiinom ng maraming tubig (hanggang 100 litro). Kaya ang isang babae na mag-aalok na mag-igib ng tubig para sa sampung kamelyo ay dapat na maging handa para sa mahirap na gawain. Ang paggawa niya nito samantalang nagmamasid ang iba subalit hindi naman tumutulong ay magbibigay ng tiyak na katibayan ng kaniyang lakas, pagtitiyaga, pagpapakumbaba, at pagkamaawain sa mga tao at sa mga hayop.
Ano ang nangyari? “Bago siya matapos sa pagsasalita, aba, narito, lumalabas si Rebeka, na ipinanganak kay Betuel na anak ni Milca na asawa ni Nahor, na kapatid ni Abraham, at ang kaniyang bangang pantubig ay nakapatong sa kaniyang balikat. At ang kabataang babae ay lubhang kaakit-akit ang anyo, isang dalaga, . . . at lumusong siya sa bukal at pinasimulang punuin ang kaniyang bangang pantubig at pagkatapos ay umahon. Kaagad na tumakbo ang lingkod upang salubungin siya at nagsabi: ‘Pakisuyo, pahigupin mo ako ng kaunting tubig mula sa iyong banga.’ Sinabi naman niya: ‘Uminom ka, panginoon ko.’ Sa gayon ay dali-dali niyang ibinaba ang kaniyang banga sa kaniyang kamay at pinainom siya.”—Genesis 24:15-18.
Kuwalipikado ba si Rebeka?
Si Rebeka ay apo ni Abraham sa pamangkin, at bukod pa sa pagiging maganda, siya ay may kagalingan. Hindi siya nag-aatubiling makipag-usap sa isang estranghero, ni siya man ay masyadong palakaibigan. Pinagpakitaan niya ng pabor si Eliezer nang ito’y humingi ng maiinom. Dapat lamang asahan ang paggawa niyan, yamang ito ay isang tanda ng pagpapakita ng karaniwang paggalang.
Kumusta naman ang ikalawang bahagi ng pagsubok?Sinabi ni Rebeka: “Uminom ka, panginoon ko.” Subalit hindi lamang iyon ang sinabi niya. Nagpatuloy si Rebeka: “Ang iyong mga kamelyo rin ay isasalok ko ng tubig hanggang sa matapos silang uminom.” Nag-alok siya ng higit pa kaysa maaaring normal na asahan ng isa. May pagkukusa, “dali-dali niyang ibinuhos ang laman ng kaniyang banga sa labangan at tumakbo nang pabalik-balik sa balon upang sumalok ng tubig, at patuloy siyang sumalok para sa lahat ng kaniyang mga kamelyo.” Maliksi niyang ginagawa ang kaniyang gawain. “Samantala,” ang sabi ng ulat, “ang lalaki ay nakatitig sa kaniya sa pagkamangha.”—Genesis 24:19-21.
Nang malaman niya na ang dalaga ay kamag-anak ni Abraham, nagpatirapa si Eliezer bilang pasasalamat kay Jehova. Nagtanong siya kung may silid sa bahay ng ama nito upang pagpalipasan nila ng gabi, siya at ang kaniyang mga kasama. Positibong sumagot si Rebeka at tumakbong pauwi ng bahay dala-dala ang balita tungkol sa mga bisita.—Genesis 24:22-28.
Pagkatapos makinig sa kuwento ni Eliezer, naunawaan ng kapatid ni Rebeka, si Laban, at ng kaniyang ama, si Betuel, na pinapatnubayan ng Diyos ang mga bagay-bagay. Walang alinlangang si Rebeka ang nakatalaga para kay Isaac. “Kunin mo siya at yumaon ka,” ang sabi nila, “at maging asawa siya ng anak ng iyong panginoon, gaya ng sinalita ni Jehova.” Ano naman ang nadama ni Rebeka hinggil sa bagay na ito? Nang tanungin kung siya ay aalis kaagad, sumagot siya sa isang salita sa Hebreo na nangangahulugang: “Handa akong sumama.” Hindi siya pinilit na tanggapin ang alok na ito ng pag-aasawa. Niliwanag ito ni Abraham nang sabihin niya na makalalaya si Eliezer sa pananagutan mula sa kaniyang sumpa “kung ang babae ay hindi sumama.” Ngunit nakita rin ni Rebeka ang patnubay ng Diyos sa bagay na ito. Kaya, walang pagpapaliban na iniwan niya ang kaniyang pamilya upang mapangasawa ang isang lalaking hindi pa niya kailanman nakita. Ang Genesis 24:29-59.
may lakas-loob na pagpapasiyang iyon ay isang namumukod-tanging pagpapamalas ng pananampalataya. Tunay nga na siya ang tamang napili!—Nang makasalubong si Isaac, nagtalukbong si Rebeka bilang katibayan ng pagpapasakop. Kinuha siya ni Isaac bilang kaniyang asawa, at walang-alinlangang dahil sa kaniyang maiinam na katangian, inibig siya ni Isaac.—Genesis 24:62-67.
Kambal na Anak na Lalaki
Si Rebeka ay hindi nagkaanak sa loob ng mga 19 na taon. Sa wakas, naglihi siya ng kambal, subalit naging mahirap ang pagdadalang-tao, sapagkat ang mga bata ay nagbubuno sa loob ng kaniyang bahay-bata, anupat dumaing si Rebeka sa Diyos. Maaaring gayundin ang ating gawin kapag dumaranas tayo ng matinding kabagabagan sa ating buhay. Narinig ni Jehova si Rebeka at binigyan siya ng katiyakan. Siya ay magiging ina ng dalawang bansa, at “ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata.”—Genesis 25:20-26.
Ang mga pananalitang iyon ay maaaring hindi lamang ang dahilan ng higit na pagmamahal ni Rebeka para sa kaniyang nakababatang anak, si Jacob. Magkaiba ang mga batang lalaki. Si Jacob ay “walang kapintasan,” subalit si Esau ay may saloobing hindi gaanong nababahala sa espirituwal na mga bagay anupat para lamang sa isang pagkain, ipinagbili niya kay Jacob ang kaniyang karapatan sa pagkapanganay, ang karapatan niyang magmana ng mga pangako ng Diyos. Ang pag-aasawa ni Esau ng dalawang babaing Hiteo ay nagpapakita ng pagwawalang-bahala—paghamak pa nga—sa espirituwal na mga pamantayan, anupat nagdulot ng matinding kapighatian sa kaniyang mga magulang.—Genesis 25:27-34; 26:34, 35.
Pagsisikap na Matamo ang Pagpapala Para kay Jacob
Hindi sinasabi ng Bibliya kung alam ni Isaac na dapat maglingkod si Esau kay Jacob. Anuman ang kalagayan, alam kapuwa nina Rebeka at Jacob na ang pagpapala ay para kay Jacob. Kaagad na kumilos si Rebeka nang marinig niya na balak basbasan ni Isaac si Esau kapag dinalhan niya ang kaniyang ama ng pagkaing karne ng hayop mula sa kaniyang pangangaso. Naroon pa rin ang katangian ni Rebeka ng pagiging determinado at masigasig na taglay niya noong kaniyang kabataan. ‘Inutusan’ niya si Jacob na magdala ng dalawang batang kambing. Maghahanda siya ng isang pagkain na kinagigiliwan ng kaniyang asawa. Pagkatapos, dapat magkunwari si Jacob na siya si Esau upang makuha niya ang pagpapala. Tumutol si Jacob. Tiyak na mahahalata ng kaniyang ama ang panlilinlang at susumpain siya! Nagpumilit si Rebeka. “Mapasaakin nawa ang sumpa na nauukol sa iyo, anak ko,” ang sabi niya. Pagkatapos ay inihanda niya ang pagkain, inayusan si Jacob para maging kamukha ni Esau, at isinugo ito sa kaniyang asawa.—Genesis 27:1-17.
Hindi sinasabi kung bakit ganito ang ikinilos ni Rebeka. Hinahatulan ng marami ang kaniyang ikinilos, subalit hindi siya hinatulan ng Bibliya, ni hinatulan man siya ni Isaac nang matuklasan nitong si Jacob ang tumanggap ng pagpapala. Sa halip, dinagdagan pa ni Isaac ang pagpapala. (Genesis 27:29; 28:3, 4) Alam ni Rebeka ang inihula ni Jehova tungkol sa kaniyang mga anak na lalaki. Kaya kumilos siya upang matiyak na si Jacob ang makakuha ng pagpapala na nararapat sa kaniya. Ito ay maliwanag na kasuwato ng kalooban ni Jehova.—Roma 9:6-13.
Isinugo si Jacob sa Haran
Binigo ngayon ni Rebeka ang mga plano ni Esau sa pamamagitan ng paghimok kay Jacob na tumakas hanggang sa lumipas ang galit ng kaniyang kapatid. Hiniling niya ang pahintulot ni Isaac hinggil sa kaniyang plano subalit may-kabaitang iniwasan ang pagbanggit sa galit ni Esau kay Jacob. Sa halip, mataktika siyang nagsumamo sa kaniyang asawa sa pamamagitan ng pagsasabing nababalisa siya na baka makapag-asawa si Jacob ng isang Canaanita. Ang mismong ideya ay sapat na upang mahikayat si Isaac na utusan si Jacob na iwasan ang gayong pag-aasawa at isugo siya sa pamilya ni Rebeka upang humanap ng asawang may takot sa Diyos. Walang ulat na nakita pang muli ni Rebeka si Jacob, subalit ang kaniyang pagkilos ay naging lubhang kapaki-pakinabang para sa magiging bansang Israel.—Genesis 27:43–28:2.
Ang nalalaman natin tungkol kay Rebeka ay nag-uudyok sa atin na hangaan siya. Napakaganda niya, subalit ang kaniyang makadiyos na debosyon ang siyang tunay niyang kagandahan. Iyan ang hinanap ni Abraham sa isang manugang na babae. Malamang na nahigitan ng iba pa niyang mabubuting katangian ang lahat ng inaasahan ni Abraham. Ang kaniyang pananampalataya at lakas ng loob sa pagsunod sa patnubay ng Diyos at ang kaniyang sigasig, kahinhinan, at pagiging mapagbigay at mapagpatuloy ay mga katangian na dapat tularan ng lahat ng mga babaing Kristiyano. Ito ang mga katangian na hinahanap mismo ni Jehova sa isang tunay na ulirang babae.