Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dapat Bang Makisangkot ang Klero sa Pulitika?

Dapat Bang Makisangkot ang Klero sa Pulitika?

Dapat Bang Makisangkot ang Klero sa Pulitika?

“ANG pakikisangkot sa pulitika ay makatutulong sa mga maralita, ang sabi ng isang arsobispong taga-Canada sa mga peregrino . . . Kahit na ang pulitikal na sistema ay waring hindi kasuwato ng kalooban ng Diyos, ‘dapat tayong makisangkot dito upang makapagbigay tayo ng katarungan sa mga maralita.’ ”​—Catholic News.

Pangkaraniwan ang mga ulat hinggil sa matatandang lider ng simbahan na nagsasabing sila’y pabor na ang isa ay makisangkot sa pulitika; karaniwan din na humawak ng pulitikal na tungkulin ang mga lider ng relihiyon. Sinisikap ng ilan na linisin ang pulitika. Hinahangaan at inaalaala naman ang iba dahil sa kanilang mga kampanya sa mga isyu hinggil sa pagkakapantay-pantay ng lahi at pag-aalis ng pang-aalipin.

Magkagayunman, maraming miyembro ng simbahan ang di-mapalagay kapag may pinapanigan ang kanilang mga mangangaral pagdating sa pulitikal na mga isyu. “Kinukuwestiyon kung minsan ng mga nagsisimbang Protestante ang pakikisangkot ng kanilang klero,” ang sabi ng isang artikulo sa Christian Century hinggil sa teolohiya sa pulitika. Ipinapalagay ng maraming relihiyosong tao na ang simbahan ay isang napakasagradong lugar para sa pulitika.

Nagbabangon ito ng ilang kapansin-pansing tanong na mahalaga sa lahat ng nagnanais makakita ng isang mas magandang daigdig. Kaya bang linisin ng mga mangangaral ng Kristiyanismo ang pulitika? * Ang pakikisangkot ba sa pulitika ang paraan ng Diyos upang makamit ang isang mas mainam na gobyerno at mas magandang daigdig? Ang orihinal na layunin ba ng Kristiyanismo ay ang pasimulan ang isang bagong paraan ng pagsasagawa ng pulitika?

Kung Paano Nagsimula ang Pulitika sa Ngalan ni Kristo

Sa The Early Church, sinabi ng istoryador na si Henry Chadwick na ang sinaunang kongregasyong Kristiyano ay kilalá sa “di-pakikialam [nito] pagdating sa pagkakaroon ng kapangyarihan sa sanlibutang ito.” Ito ay isang “di-makapulitika, mapayapa, at pasipistang komunidad.” Ganito ang sabi ng A History of Christianity: “May paninindigan ang karamihan sa mga Kristiyano na wala sa kanilang mga miyembro ang dapat humawak ng katungkulan sa ilalim ng estado . . . Noon pa mang pasimula ng ikatlong siglo, sinabi na ni Hippolytus na ang makasaysayang kaugalian ng mga Kristiyano ay humihiling sa isang mahistradong pambayan na magbitiw sa kaniyang tungkulin bilang kondisyon sa pagsama niya sa Simbahan.” Subalit unti-unti, ang mga taong nag-iimbot ng kapangyarihan ang nagsimulang manguna sa maraming kongregasyon, anupat binigyan nila ang kanilang mga sarili ng matatayog na titulo. (Gawa 20:29, 30) Nais ng ilan na kapuwa maging lider ng relihiyon at maging pulitiko. Ang biglaang pagbabago sa pamahalaan ng Roma ay nagbigay sa gayong mga lider ng simbahan ng pagkakataon na kanilang hinahangad.

Noong taóng 312 C.E., ang paganong emperador ng Roma na si Constantino ay naging palakaibigan sa naturingang Kristiyanismo. Nakagugulat na handang makipagkompromiso ang mga obispo ng simbahan sa paganong emperador kapalit ng mga pribilehiyong ipinagkaloob niya sa kanila. “Higit at higit na nasangkot ang Simbahan sa pulitikal na mga desisyon,” ang sulat ni Henry Chadwick. Ano ba ang naging epekto sa mga lider ng simbahan ng pakikisangkot nila sa pulitika?

Kung Paano Naapektuhan ng Pulitika ang mga Mangangaral

Ang ideya na gagamitin ng Diyos ang mga lider ng simbahan bilang mga pulitiko ay itinaguyod lalo na ni Augustine, isang maimpluwensiyang teologong Katoliko noong ikalimang siglo. Pinangarap niya na ang simbahan ang mamamahala sa mga bansa at magdudulot ng kapayapaan sa sangkatauhan. Ngunit ganito ang isinulat ng istoryador na si H. G. Wells: “Ang kalakhang bahagi ng kasaysayan ng Europa mula noong ikalima hanggang ikalabinlimang siglo ay binubuo ng kabiguan ng pagsisikap na ipatupad ang dakilang ideyang ito hinggil sa isang pandaigdig na pamahalaan ng Diyos.” Hindi nakapagdulot ng kapayapaan ang Sangkakristiyanuhan maging sa Europa, at lalo na sa daigdig. Nasira ang kredibilidad ng Kristiyanismo sa marami. Ano kaya ang nangyari?

Maraming nag-aangking nangangaral ng Kristiyanismo ang naakit sa pulitika taglay ang mabubuting intensiyon, ngunit sa dakong huli ay nasangkot sa paggawa ng masama. Si Martin Luther, isang mangangaral at tagapagsalin ng Bibliya, ay kilala sa kaniyang pagsisikap na baguhin ang Simbahang Katoliko. Gayunman, ang kaniyang matapang na paninindigan laban sa mga doktrina ng simbahan ang nagpatanyag sa kaniya sa mga may pulitikal na motibo sa paghihimagsik. Nawala ang respeto ng marami kay Luther nang magsimula rin siyang magsalita hinggil sa pulitikal na mga isyu. Noong una ay pinaboran niya ang mga magbubukid na nagrerebelde laban sa mapaniil na mga maharlika. Pagkatapos, nang maging marahas ang rebelyon, pinasigla naman niya ang mga maharlika na durugin ang rebelyon, na ginawa naman nila, anupat libu-libo ang namatay. Hindi kataka-taka, itinuturing siya ng mga magbubukid bilang traidor. Pinasigla rin ni Luther ang mga maharlika na magrebelde laban sa Katolikong emperador. Sa katunayan, ang mga Protestante, na siyang naging pagkakakilanlan ng mga tagasunod ni Luther, ay nakabuo na ng isang pulitikal na kilusan mula pa sa pasimula ng kanilang rebelyon. Paano naapektuhan ng kapangyarihan si Luther? Pinasamâ siya nito. Halimbawa, bagaman noong una ay sinalansang niya ang pamimilit sa mga lumalaban sa relihiyon, pinasigla niya nang maglaon ang kaniyang mga kaibigang pulitiko na patayin sa pamamagitan ng pagsunog ang mga sumasalansang sa pagbibinyag sa mga sanggol.

Si John Calvin ay isang kilalang klerigo sa Geneva, ngunit nagkaroon din siya ng malaking impluwensiya sa pulitika. Nang ipakita ni Michael Servetus na walang saligan sa Kasulatan ang Trinidad, ginamit ni Calvin ang kaniyang impluwensiya sa pulitika upang suportahan ang pagpatay kay Servetus, na sinunog sa tulos. Tunay na isang kahila-hilakbot na paglihis mula sa mga turo ni Jesus!

Marahil ay nalimutan ng mga lalaking ito ang sinasabi ng Bibliya sa 1 Juan 5:19: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” Nagkaroon ba sila talaga ng taimtim na hangarin na linisin ang pulitika noong panahon nila, o ang pagkakataon bang magkaroon ng kapangyarihan at maimpluwensiyang mga kaibigan ang nakaakit sa kanila? Anuman ang nangyari, dapat sanang natandaan nila ang kinasihang mga salita ng alagad ni Jesus na si Santiago: “Hindi ba ninyo alam na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-alit sa Diyos? Samakatuwid, ang sinumang naghahangad na maging kaibigan ng sanlibutan ay ginagawa ang kaniyang sarili na kaaway ng Diyos.” (Santiago 4:4) Alam ni Santiago na sinabi ni Jesus hinggil sa kaniyang mga tagasunod: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.”​—Juan 17:14.

Magkagayunman, bagaman kinikilala na hindi dapat maging bahagi ng kasamaan ng sanlibutan ang mga Kristiyano, marami ang tumututol sa pagiging neutral sa pulitika, anupat tunay na “hindi bahagi ng sanlibutan.” Sinasabi nila na ang gayong neutralidad ay pumipigil sa mga Kristiyano na aktibong magpakita ng pag-ibig sa iba. Naniniwala sila na ang mga lider ng simbahan ay dapat magsalita at makibahagi sa paglaban sa katiwalian at kawalang-katarungan. Pero ang neutralidad ba na itinuro ni Jesus ay talagang di-kasuwato ng aktibong pagmamalasakit sa iba? Maaari bang manatiling hiwalay ang isang Kristiyano mula sa mga pulitikal na isyung lumilikha ng pagkakabaha-bahagi at kasabay nito ay maglaan ng praktikal na tulong sa iba? Susuriin ng susunod na artikulo ang mga tanong na ito.

[Talababa]

^ par. 5 Binibigyang-katuturan ang pulitika bilang “ang mga gawaing nauugnay sa pamamahala ng isang bansa o lugar, lalo na ang pagtatalo o alitan sa pagitan ng mga indibiduwal o partido na nagtataglay o umaasang makapagkakamit ng kapangyarihan.”​—The New Oxford Dictionary of English.

[Larawan sa pahina 4]

Nakipagkompromiso ang mga lider ng simbahan sa mga tagapamahala, gaya ni Emperador Constantino, upang tumanggap ng pulitikal na kapangyarihan

[Credit Line]

Musée du Louvre, Paris

[Mga larawan sa pahina 5]

Bakit ba naaakit sa pulitika ang kilalang mga lider ng relihiyon?

Augustine

Luther

Calvin

[Credit Lines]

Augustine: ICCD Photo; Calvin: Portrait by Holbein, from the book The History of Protestantism (Vol. II)