Mga Kabataan, Naghahanda ba Kayo Para sa Kinabukasan?
Mga Kabataan, Naghahanda ba Kayo Para sa Kinabukasan?
“Nalalaman kong lubos ang mga kaisipan na iniisip ko tungkol sa inyo, . . . mga kaisipang ukol sa kapayapaan, at hindi ukol sa kapahamakan, upang bigyan kayo ng kinabukasan at pag-asa.”—JEREMIAS 29:11.
1, 2. Sa anong iba’t ibang paraan maaaring malasin ang mga taon ng kabataan?
ITINUTURING ng karamihan sa mga adulto na isang napakagandang panahon ng buhay ang pagiging kabataan. Naaalaala nila ang lakas at sigla na taglay nila noong nasa kabataan pa sila. Masaya nilang ginugunita ang panahon noong wala pa silang gaanong mga pananagutan, ang panahon na punung-puno sila ng kasiyahan at marami pang oportunidad na naghihintay sa buong buhay nila.
2 Malamang na iba ang pangmalas ninyong mga kabataan sa mga bagay-bagay. Baka may mga problema kayo sa pagharap sa emosyonal at pisikal na mga pagbabagong kaakibat ng pagiging kabataan. Sa paaralan, maaari kayong mapaharap sa matinding panggigipit ng kasamahan. Baka kailangan kayong magsikap na maging determinadong tanggihan ang pag-abuso sa droga, alkohol, at imoralidad. Napapaharap din ang marami sa inyo sa isyu hinggil sa neutralidad o sa iba pang mga isyu na may kaugnayan sa inyong pananampalataya. Oo, maaaring maging mahirap ang panahon ng kabataan. Subalit ito ay panahon pa rin ng oportunidad. Ang tanong ay, Paano ninyo gagamitin ang gayong mga oportunidad?
Masiyahan sa Inyong Kabataan
3. Anong payo at babala ang ibinigay ni Solomon sa mga kabataan?
3 Sasabihin sa inyo ng mga nakatatandang tao na hindi nagtatagal ang panahon ng kabataan, at tama naman sila. Sa loob lamang ng ilang taon, lilipas din ang panahon ng kabataan ninyo. Kaya masiyahan kayo habang taglay ninyo ito! Iyan ang payo ni Haring Solomon, na sumulat: “Magsaya ka, binata, sa iyong kabataan, at dulutan ka nawa ng iyong puso ng kabutihan sa mga araw ng iyong kabinataan, at lumakad ka sa mga lakad ng iyong puso at sa mga bagay na nakikita ng iyong mga mata.” Gayunman, nagbabala si Solomon sa mga kabataan: “Alisin mo ang kaligaligan mula sa iyong puso, at ilayo mo ang kapahamakan mula sa iyong laman.” Karagdagan pa, sinabi niya: “Ang kabataan at ang kasariwaan ng buhay ay walang kabuluhan.”—Eclesiastes 11:9, 10.
4, 5. Bakit isang katalinuhan para sa mga kabataan na maghanda para sa hinaharap? Ilarawan.
4 Naiintindihan mo ba ang ibig sabihin ni Solomon? Upang ilarawan ito, isipin ang isang kabataang tumanggap ng malaking regalo, marahil ay pamana. Ano ang gagawin niya rito? Maaari niyang lustayin ang lahat ng ito para magpakasaya—kagaya ng alibughang anak sa talinghaga ni Jesus. (Lucas 15:11-23) Subalit ano ang mangyayari kapag naubos na ang salapi? Tiyak na pagsisisihan niya ang kaniyang pagiging napakairesponsable! Sa kabilang panig naman, ipagpalagay na ginamit niya ang regalo upang maghanda para sa kinabukasan, marahil ay may-katalinuhang ipinuhunan ang kalakhang bahagi nito. Sa dakong huli, kapag nakikinabang na siya mula sa kaniyang pamumuhunan, sa palagay ba ninyo ay pagsisisihan niya na hindi niya nilustay ang lahat ng kaniyang salapi sa pagpapakasaya noong bata pa siya? Siyempre hindi!
5 Isipin ninyo na regalo ng Diyos ang mga taon ng inyong kabataan, at totoo naman ito. Paano ninyo ito gagamitin? Maaari ninyong sayangin ang lahat ng lakas at siglang iyan sa pagpapalugod sa sarili, anupat walang-tigil sa pagpapakasaya nang hindi nagpaplano para sa kinabukasan. Subalit kung gagawin ninyo ito, tiyak na magiging “walang kabuluhan” nga “ang kabataan at ang kasariwaan ng buhay” para sa inyo. Tunay ngang mas mabuti na samantalahin ang inyong kabataan sa paghahanda para sa hinaharap!
6. (a) Anong payo ni Solomon ang naglalaan ng patnubay sa mga kabataan? (b) Ano ang gustong gawin ni Jehova para sa mga kabataan, at paano makikinabang dito ang isang kabataan?
Eclesiastes 12:1) Iyan ang susi sa tagumpay—makinig kay Jehova at gawin ang kaniyang kalooban. Sinabi ni Jehova sa sinaunang mga Israelita kung ano ang gusto niyang gawin para sa kanila: “Nalalaman kong lubos ang mga kaisipan na iniisip ko tungkol sa inyo, . . . mga kaisipang ukol sa kapayapaan, at hindi ukol sa kapahamakan, upang bigyan kayo ng kinabukasan at pag-asa.” (Jeremias 29:11) Gusto rin ni Jehova na bigyan kayo ng “kinabukasan at pag-asa.” Kung aalalahanin ninyo siya sa inyong mga pagkilos, pag-iisip, at mga pagpapasiya, magkakatotoo ang kinabukasan at pag-asang iyon.—Apocalipsis 7:16, 17; 21:3, 4.
6 Binanggit ni Solomon ang isang simulain na makatutulong sa inyo para magamit sa pinakamabuting paraan ang inyong kabataan. Sinabi niya: “Alalahanin mo ngayon ang iyong Dakilang Maylalang sa mga araw ng iyong kabinataan.” (“Lumapit Kayo sa Diyos”
7, 8. Paano mapapalapít sa Diyos ang isang kabataan?
7 Pinasigla tayo ni Santiago na alalahanin si Jehova nang himukin niya tayo: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:8) Si Jehova ang Maylalang, ang makalangit na Soberano, na karapat-dapat sa lahat ng pagsamba at papuri. (Apocalipsis 4:11) Gayunman, kung lalapit tayo sa kaniya, lalapit siya sa atin. Hindi ba nakapagpapasigla sa inyong puso ang gayong maibiging interes?—Mateo 22:37.
8 Lumalapit tayo kay Jehova sa ilang paraan. Halimbawa, sinabi ni apostol Pablo: “Magmatiyaga kayo sa pananalangin, na nananatiling gising doon taglay ang pasasalamat.” (Colosas 4:2) Sa ibang salita, ugaliin ang laging pananalangin. Huwag masiyahan sa basta pagsasabi lamang ng amen pagkatapos kayong katawanin sa panalangin ng inyong ama o ng isang kapuwa Kristiyano sa kongregasyon. Nasubukan na ba ninyong isiwalat ang nilalaman ng inyong puso kay Jehova at sabihin sa kaniya ang inyong iniisip, pinangangambahan, at kinakaharap na mga hamon? Nasabi na ba ninyo sa kaniya ang mga bagay na ikahihiya ninyong ipakipag-usap sa kaninumang tao? Nagdudulot ng mapayapang damdamin ang matapat at taos-pusong mga panalangin. (Filipos 4:6, 7) Tumutulong ang mga ito na mapalapít tayo kay Jehova at madama na lumalapit siya sa atin.
9. Paano maaaring makinig kay Jehova ang isang kabataan?
9 Makikita natin ang isa pang paraan ng paglapit kay Jehova sa kinasihang mga salitang ito: “Makinig ka sa payo at tumanggap ka ng disiplina, upang maging marunong ka sa iyong kinabukasan.” (Kawikaan 19:20) Oo, kung nakikinig kayo kay Jehova at sumusunod sa kaniya, naghahanda kayo para sa kinabukasan. Paano ninyo maipakikita na talagang nakikinig kayo kay Jehova? Walang alinlangan na regular kayong dumadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong at nakikinig sa mga bahagi ng programa. Gayundin, ‘pinararangalan ninyo ang inyong ama at ang inyong ina’ sa pamamagitan ng pagdalo sa pampamilyang pag-aaral sa Bibliya. (Efeso 6:1, 2; Hebreo 10:24, 25) Iyan ay kapuri-puri. Subalit karagdagan dito, ‘binibili ba ninyo ang panahon’ upang maghanda para sa mga pulong, upang regular na magbasa ng Bibliya, upang magsaliksik? Sinisikap ba ninyong ikapit ang inyong nababasa, upang makalakad kayo bilang “marurunong”? (Efeso 5:15-17; Awit 1:1-3) Kung ginagawa ninyo ito, lumalapit kayo kay Jehova.
10, 11. Anong maraming kapakinabangan ang natatanggap ng mga kabataan kapag nakikinig sila kay Jehova?
10 Sa pambungad na pananalita ng aklat ng Mga Kawikaan, ipinaliwanag ng kinasihang manunulat ang layunin ng aklat na iyan ng Bibliya. Sinabi niya na ito ay “upang ang isa ay makaalam ng karunungan at disiplina, upang makakilala ng mga pananalita ng pagkaunawa, upang tumanggap ng disiplinang nagbibigay ng kaunawaan, katuwiran at kahatulan at katapatan, upang magbigay ng katalinuhan sa mga walang-karanasan, ng kaalaman at kakayahang mag-isip sa kabataan.” (Kawikaan 1:1-4) Samakatuwid, habang binabasa at ikinakapit ninyo ang mga isinasaad ng Kawikaan—gayundin ang iba pang bahagi ng Bibliya—malilinang ninyo ang katuwiran at katapatan, at matutuwa si Jehova na lumalapit kayo sa kaniya. (Awit 15:1-5) Habang higit ninyong nililinang ang kahatulan, katalinuhan, kaalaman, at kakayahang mag-isip, lalong bubuti ang inyong mga pasiya.
11 Magiging di-makatuwiran kaya na asahang kikilos nang may katalinuhan sa ganitong paraan ang isang kabataan? Hindi, sapagkat gayon ang ginagawa ng maraming kabataang Kristiyano. Bilang resulta, iginagalang sila ng iba at ‘hindi hinahamak ang kanilang kabataan.’ (1 Timoteo 4:12) Tama namang ipagmalaki sila ng kanilang mga magulang, at sinasabi ni Jehova na pinasasaya nila ang kaniyang puso. (Kawikaan 27:11) Bagaman bata pa sila, makapagtitiwala sila na kumakapit sa kanila ang kinasihang mga salitang ito: “Masdan mo ang walang kapintasan at tingnan mo ang matuwid, sapagkat ang kinabukasan ng taong iyon ay magiging mapayapa.”—Awit 37:37.
Pumili Nang Mahusay
12. Ano ang isa sa mahahalagang pagpili na gagawin ng mga kabataan, at bakit may nagtatagal na mga resulta ang gayong pagpili?
12 Ang pagiging nasa kabataan ay isang panahon ng mga pagpili, na ang ilan sa mga ito ay may nagtatagal na mga resulta. Makaaapekto sa inyong kinabukasan ang ilang pagpili na gagawin ninyo ngayon. Ang matalinong mga pagpili ay magbubunga ng maligaya at matagumpay na buhay. Makasisira naman sa buong buhay ninyo ang di-matalinong mga pagpili. Isaalang-alang kung gaano ito katotoo sa dalawang pagpili na kailangan ninyong gawin. Una: Sino ang gusto ninyong makasama? Bakit ito mahalaga? Buweno, sinasabi ng kinasihang kawikaan: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.” (Kawikaan 13:20) Sa ibang salita, sa dakong huli ay nagiging kagaya tayo ng mga nakakasama natin—nagiging matalino o mangmang. Alin dito ang gusto ninyo?
13, 14. (a) Bukod sa tuwirang pakikipag-ugnayan sa mga tao, ano pa ang nasasangkot sa pakikisama? (b) Anong pagkakamali ang dapat iwasan ng mga kabataan?
13 Kapag iniisip ninyo ang pakikisama, malamang na iniisip ninyo ang pakikisalamuha sa mga tao. Tama iyan, ngunit higit pa riyan ang nasasangkot. Kapag nanonood kayo ng programa sa telebisyon, nakikinig ng musika, nagbabasa ng nobela, nanonood ng sine, o gumagamit ng ilang impormasyon sa Internet, kayo ay nakikisama. Kung ibinubuyo kayo ng gayong pakikisama sa marahas at imoral na mga hilig o inuudyukan kayong mag-abuso sa droga, maglasing, o gumawa ng anumang bagay na salungat sa mga simulain ng Bibliya, nakikisama kayo sa “hangal,” na kumikilos na para bang hindi umiiral si Jehova.—Awit 14:1.
14 Baka inaakala ninyo na yamang dumadalo naman kayo sa mga Kristiyanong pagpupulong at aktibo sa kongregasyon, matatag na kayo anupat hindi na maaapektuhan ng marahas na pelikula o ng mga musikang magaganda ang himig ngunit may kuwestiyunableng mga liriko. Marahil ay nadarama ninyo na wala namang masamang mangyayari kung susulyap lamang kayo sa isang pornograpikong Web site sa Internet. Sinasabi sa inyo ni apostol Pablo na mali kayo! Sinasabi niya: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (1 Corinto 15:33) Nakalulungkot, nasira ang mabubuting ugali ng maraming mahuhusay na kabataang Kristiyano dahil sa di-matalinong pakikisama. Kung gayon, maging determinado na iwasan ang gayong pakikisama. Kung gagawin ninyo ito, susundin ninyo ang payo ni Pablo: “Huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.”—Roma 12:2.
15. Anong ikalawang pagpili ang kailangang gawin ng mga kabataan, at anong mga panggigipit ang napapaharap sa kanila kung minsan hinggil sa bagay na ito?
15 Narito ang ikalawang pagpili na napapaharap sa inyo. Darating ang panahon na magpapasiya kayo kung ano ang gusto ninyong gawin kapag natapos na kayo sa pag-aaral. Kung naninirahan kayo sa lupain na doo’y mahirap maghanap ng trabaho, baka makadama kayo ng panggigipit na sunggaban ang pinakamagandang trabaho na maaaring makuha. Kung naninirahan naman kayo sa isang maunlad na bansa, baka maraming mapagpipilian, na ang ilan sa mga ito ay nakatutukso. Dahil sa taimtim na mga hangarin, baka himukin kayo ng inyong mga guro o ng inyong mga magulang na itaguyod ang isang karera na nag-aalok ng pinansiyal na kasiguruhan, marahil ay kayamanan pa nga. Gayunman, ang pagsasanay sa gayong karera ay maaaring labis na makabawas sa panahong ginugugol ninyo sa paglilingkod kay Jehova.
16, 17. Ipaliwanag kung paano makatutulong ang iba’t ibang kasulatan sa isang kabataan upang magkaroon siya ng timbang na pangmalas sa trabaho.
16 Tandaan na sumangguni sa Bibliya bago magpasiya. Pinasisigla tayo ng Bibliya na magtrabaho para mabuhay, anupat ipinakikita na pananagutan nating tustusan ang ating sarili. (2 Tesalonica 3:10-12) Gayunman, may iba pa ring mga bagay na nasasangkot. Pinasisigla namin kayo na basahin ang sumusunod na mga kasulatan at pag-isipan kung paano makatutulong ang mga ito sa isang kabataan upang maging timbang sa pagpili ng karera: Kawikaan 30:8, 9; Eclesiastes 7:11, 12; Mateo 6:33; 1 Corinto 7:31; 1 Timoteo 6:9, 10. Pagkatapos basahin ang mga talatang ito, nakikita ba ninyo ang pangmalas ni Jehova hinggil sa bagay na iyon?
17 Hindi dapat maging gayon na lamang kahalaga ang sekular na trabaho anupat naisasaisantabi na nito ang ating paglilingkod kay Jehova. Kung magiging kuwalipikado kayo para sa isang maayos na trabaho bagaman haiskul lamang ang inyong natapos, mabuti. Kung nangangailangan naman kayo ng karagdagang pagsasanay pagkatapos ng haiskul, ipakipag-usap ninyo iyon sa inyong mga magulang. Gayunman, huwag kailanman kaliligtaan “ang mga bagay na higit na mahalaga”—ang espirituwal na mga bagay. (Filipos 1:9, 10) Huwag tularan ang pagkakamali ni Baruc, ang kalihim ni Jeremias. Nawala ang pagpapahalaga niya sa kaniyang pribilehiyo ng paglilingkod at nagsimulang ‘humanap ng mga dakilang bagay para sa kaniyang sarili.’ (Jeremias 45:5) Pansamantala niyang nalimutan na walang ‘dakilang bagay’ sa sanlibutang ito ang makapaglalapít sa kaniya kay Jehova o makatutulong sa kaniya na maligtas sa pagkapuksa ng Jerusalem. Gayundin ang masasabi sa atin sa ngayon.
Pahalagahan ang Espirituwal na mga Bagay
18, 19. (a) Ano ang dinaranas ng karamihan sa mga kapuwa ninyo, at ano ang dapat ninyong madama para sa kanila? (b) Bakit marami ang hindi nakadarama ng espirituwal na pagkagutom?
18 Nakakita na ba kayo ng mga larawan sa media hinggil sa mga batang nasa mga bansang sinalot ng taggutom? Kung oo, tiyak na naawa kayo sa kanila. Naaawa rin ba kayo sa gayunding paraan sa mga tao sa inyong komunidad? Bakit kayo dapat maawa sa kanila? Dahil ang karamihan sa kanila ay halos mamamatay na rin sa gutom. Nagdurusa sila dahil sa taggutom na inihula ni Amos: “ ‘Dumarating ang mga araw,’ ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘at magpapasapit ako ng taggutom sa lupain, ng taggutom, hindi sa tinapay, at ng pagkauhaw, hindi sa tubig, kundi sa pagkarinig sa mga salita ni Jehova.’ ”—Amos 8:11.
19 Totoo, ang karamihan sa mga halos mamamatay na dahil sa espirituwal na pagkagutom na ito ay hindi “palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Marami ang hindi nakadarama ng espirituwal na pagkagutom. Baka pa nga nadarama ng ilan na busog sila. Ngunit kung gayon ang nadarama nila, dahil ito sa kinakain nilang walang-saysay na “karunungan ng sanlibutan,” na kabilang dito ang materyalismo, makasiyensiyang haka-haka, opinyon tungkol sa moralidad, at iba pang gayong bagay. Inaakala ng ilan na makaluma na ang mga turo ng Bibliya dahil sa modernong “karunungan.” Gayunman, “ang sanlibutan sa pamamagitan ng karunungan nito ay hindi nakakilala sa Diyos.” Hindi kayo matutulungan ng karunungan ng sanlibutan na mapalapít sa Diyos. Ito ay “kamangmangan [lamang] sa Diyos.”—1 Corinto 1:20, 21; 3:19.
20. Bakit hindi makatuwiran na naising tularan ang mga taong hindi sumasamba kay Jehova?
20 Kapag tiningnan ninyo ang mga larawang iyon ng nagugutom na mga bata, gusto ba ninyong maging katulad nila? Siyempre hindi! Gayunman, ipinakikita ng ilang kabataan sa mga pamilyang Kristiyano na gusto nilang makatulad ang mga taong nakapalibot sa kanila na halos mamamatay na dahil sa espirituwal na pagkagutom. Malamang, iniisip ng gayong mga kabataan na ang mga kabataan sa sanlibutan ay malaya sa alalahanin at nasisiyahan sa buhay. Nalilimutan nila na hiwalay kay Jehova ang mga kabataang iyon. (Efeso 4:17, 18) Nalilimutan din nila ang masasamang epekto ng pagiging halos mamamatay na dahil sa espirituwal na pagkagutom. Ang ilan sa mga ito ay ang di-ninanais na pagdadalang-tao ng mga tin-edyer at ang pisikal at emosyonal na mga epekto ng imoralidad, paninigarilyo, paglalasing, at pag-abuso sa droga. Ang pagiging halos mamamatay na dahil sa espirituwal na pagkagutom ay nagbubunga rin ng mapaghimagsik na espiritu, ng pagkadama ng kawalang-pag-asa, at ng kawalan ng layunin sa buhay.
21. Paano natin maipagsasanggalang ang ating sarili mula sa pagtulad sa maling mga saloobin ng mga hindi sumasamba kay Jehova?
21 Kung gayon, kapag nasa paaralan kayo kasama ng mga hindi ninyo kapuwa sumasamba kay Jehova, huwag paiimpluwensiya sa kanilang mga saloobin. (2 Corinto 4:18) Ang ilan ay magsasalita nang may paghamak sa mga espirituwal na bagay. Karagdagan pa, maglalabas ang media ng tusong propaganda, na nagpapahiwatig na normal lamang ang gumawa ng imoralidad, maglasing, o gumamit ng masasamang salita. Labanan ang gayong impluwensiya. Patuloy na makisama nang regular sa mga taong “nanghahawakan sa pananampalataya at sa isang mabuting budhi.” Sikaping “laging maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon.” (1 Timoteo 1:19; 1 Corinto 15:58) Manatiling abala sa Kingdom Hall at sa paglilingkod sa larangan. Habang nag-aaral kayo, makibahagi sa paglilingkod bilang auxiliary pioneer sa pana-panahon. Patibayin ang inyong espirituwal na pangmalas sa ganitong paraan, at hindi ninyo maiwawala ang inyong pagiging timbang.—2 Timoteo 4:5.
22, 23. (a) Bakit hindi naiintindihan ng iba ang mga pasiyang madalas na ginagawa ng isang kabataang Kristiyano? (b) Pinasisigla ang mga kabataan na gawin ang ano?
22 Ang espirituwal na pangmalas sa mga bagay-bagay
ay malamang na aakay sa inyo na gumawa ng mga pasiyang hindi maiintindihan ng iba. Halimbawa, isang kabataang lalaking Kristiyano ang may talento sa musika at nangunguna sa klase sa bawat asignatura sa paaralan. Nang magtapos siya, sumama siya sa kaniyang ama sa negosyong paglilinis ng bintana upang maitaguyod niya ang kaniyang piniling gawain bilang isang buong-panahong ebanghelisador, o payunir. Hindi kailanman naintindihan ng kaniyang mga guro ang mga dahilan ng kaniyang pasiya, ngunit kung malapít kayo kay Jehova, tiyak namin na naiintindihan ninyo ito.23 Habang pinag-iisipan ninyo kung paano gagamitin ang napakahalagang mga kakayahan ng inyong kabataan, ‘maingat na mag-imbak para sa inyong sarili ng isang mainam na pundasyon para sa hinaharap, upang makapanghawakan kayong mahigpit sa tunay na buhay.’ (1 Timoteo 6:19) Maging determinadong ‘alalahanin ang inyong Dakilang Maylalang’ sa panahon ng inyong kabataan—at sa buong natitirang bahagi ng inyong buhay. Iyan ang tanging paraan upang makapaghanda para sa isang matagumpay na hinaharap, isang kinabukasan na hindi kailanman magwawakas.
Ano ang Konklusyon Mo?
• Anong kinasihang payo ang tumutulong sa mga kabataan sa kanilang pagpaplano para sa kinabukasan?
• Anu-ano ang ilang paraan na ‘makalalapit sa Diyos’ ang isang kabataan?
• Anu-ano ang ilang pagpapasiya ng isang kabataan na makaaapekto sa kaniyang kinabukasan?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 15]
Hahayaan ba ninyong ubusin ng personal na mga gawain ang lahat ng inyong lakas at sigla bilang isang kabataan?
[Larawan sa pahina 16, 17]
Pinananatiling malinaw ng matatalinong kabataang Kristiyano ang kanilang espirituwal na pangmalas