Pinipigilan ba ng Neutralidad ang Kristiyanong Pag-ibig?
Pinipigilan ba ng Neutralidad ang Kristiyanong Pag-ibig?
ANG pagiging Kristiyano ay nangangahulugan ng higit pa sa pagbabasa ng Bibliya, pananalangin, at pagkanta ng mga himno tuwing Linggo. Nasasangkot dito ang paggawa ng mga bagay para sa Diyos at sa mga tao. Ganito ang sabi ng Bibliya: “Umibig tayo, huwag sa salita ni sa dila man, kundi sa gawa at katotohanan.” (1 Juan 3:18) May taimtim na pagmamalasakit si Jesus sa iba, at nais ng mga Kristiyano na tularan siya. Hinimok ni apostol Pablo ang mga kapananampalataya niya na laging magkaroon ng “maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon.” (1 Corinto 15:58) Ngunit ano ba ang gawain ng Panginoon? Kasama ba rito ang pagsisikap na baguhin ang patakaran ng gobyerno para sa kapakinabangan ng mga maralita at ng mga naaapi? Ganiyan ba ang ginawa ni Jesus?
Bagaman hinimok si Jesus na makialam sa pulitikal na mga bagay o pumanig sa sinuman, tumanggi siyang gawin ito. Tumanggi siya sa alok ni Satanas na taglayin ang kapangyarihan sa lahat ng Mateo 4:8-10; 22:17-21; Juan 6:15) Subalit hindi siya pinigilan ng kaniyang neutralidad na gumawa para sa kapakinabangan ng iba.
kaharian ng sanlibutan, tumanggi siyang makisangkot sa isang pagtatalo hinggil sa pagbabayad ng buwis, at lumayo siya nang magkaroon ng isang kilusan upang gawin siyang hari. (Nagtuon si Jesus ng pansin sa kung ano ang magdudulot ng permanenteng kabutihan sa iba. Bagaman ang kaniyang pagpapakain sa limang libo at pagpapagaling sa mga maysakit ay nagbigay ng pansamantalang kaginhawahan sa iilan, naging posible na makamit ng buong sangkatauhan ang walang-hanggang mga pagpapala dahil sa kaniyang turo. Nakilala si Jesus, hindi bilang isang organisador ng mga kampanya ukol sa pisikal na tulong, kundi bilang “Guro” lamang. (Mateo 26:18; Marcos 5:35; Juan 11:28) Sinabi niya: “Dahil dito ay ipinanganak ako, at dahil dito ay dumating ako sa sanlibutan, upang ako ay magpatotoo sa katotohanan.”—Juan 18:37.
Pangangaral ng Isang Bagay na Mas Mahusay Kaysa sa Pulitika
Ang katotohanang itinuro ni Jesus ay hindi teoriya sa pulitika. Sa halip, ito ay nakasentro sa Kaharian na siya mismo ang magiging Hari. (Lucas 4:43) Ang Kahariang ito ay isang makalangit na pamahalaan, at siyang papalit sa lahat ng administrasyon ng tao at magdudulot ng permanenteng kapayapaan sa sangkatauhan. (Isaias 9:6, 7; 11:9; Daniel 2:44) Samakatuwid, ito lamang ang tanging pag-asa ng sangkatauhan. Hindi ba mas maibigin kung ihahayag ang gayong pag-asa sa hinaharap kaysa sa pasiglahin ang iba na magtiwala sa mga tao na maglaan ng isang matatag na kinabukasan? Sinasabi ng Bibliya: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga taong mahal, ni sa anak man ng makalupang tao, na sa kaniya ay walang pagliligtas. Ang kaniyang espiritu ay pumapanaw, siya ay bumabalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ring iyon ay maglalaho ang kaniyang pag-iisip. Maligaya siya na ang kaniyang pinakasaklolo ay ang Diyos ni Jacob, na ang kaniyang pag-asa ay kay Jehova na kaniyang Diyos.” (Awit 146:3-5) Kaya sa halip na ipadala ang kaniyang mga alagad upang ipangaral ang isang mas mainam na paraan upang organisahin ang mga gobyerno, tinuruan sila ni Jesus na mangaral ng ‘mabuting balita ng kaharian.’—Mateo 10:6, 7; 24:14.
Kung gayon, ito ang “gawain ng Panginoon” na iniatas sa mga Kristiyanong mangangaral na gawin. Dahil ang mga sakop ng Kaharian ng Diyos ay hinihilingang mag-ibigan sa isa’t isa, ang Kaharian ay magtatagumpay sa pag-aalis ng karalitaan sa pamamagitan ng pamamahagi sa mga kayamanan ng sangkatauhan sa timbang na paraan. (Awit 72:8, 12, 13) Ito ay mabuting balita at tiyak na nararapat ipangaral.
Sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay organisado na gawin ang “gawaing [ito] ng Panginoon” sa 235 lupain. Kasuwato ng utos ni Jesus, iginagalang nila ang lahat ng pamahalaan. (Mateo 22:21) Ngunit sinusunod din nila ang mga salitang ito sa kaniyang mga tagasunod: “Hindi kayo bahagi ng sanlibutan, kundi pinili ko kayo mula sa sanlibutan.”—Juan 15:19.
Ang ilan na dating nagtataguyod ng pulitika ay nagbago pagkatapos na pag-aralang mabuti ang Bibliya. Ganito ang sabi ng isang pulitikong Italyano na miyembro ng Catholic Action, isang organisasyong kontrolado ng simbahan: “Nakisangkot ako sa pulitika, yamang sa palagay ko, ang isang tao ay dapat na may aktibong papel sa pulitikal at panlipunang pagsulong ng komunidad.” Pagkatapos magbitiw bilang alkalde ng lunsod upang ipangaral ang Kaharian ng Diyos bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, ipinaliwanag niya kung bakit nabibigo
ang mga pagsisikap ng taimtim na mga tao sa pulitika. “Ganito na talaga ang kalagayan ng sanlibutan, hindi dahil sa walang ginawang pagsisikap ang disenteng mga tao upang pabutihin ang kalagayan ng lipunan, kundi sa halip ay dahil sa ang taimtim na pagsisikap ng iilan ay nadaraig ng kabalakyutan ng marami.”Ang pananatiling hiwalay sa pulitika upang ipangaral ang tanging tunay na pag-asa ng sangkatauhan ay hindi pumipigil sa tunay na mga Kristiyano na tulungan ang iba sa praktikal na mga paraan. Natututuhan niyaong mga tinutulungan nilang maging mga sakop ng Kaharian ng Diyos na baguhin ang mapaminsalang mga saloobin, igalang ang awtoridad, pabutihin ang kanilang buhay pampamilya, at taglayin ang timbang na pangmalas sa materyal na kayamanan. Higit sa lahat, tinutulungan ng mga Saksi ni Jehova ang mga tao na matamasa ang isang matalik na kaugnayan sa Diyos.
Nakikinabang sa mga mangangaral ng Kaharian ng Diyos ang lipunang tinitirahan nila. Ngunit higit pa riyan, inaakay nila ang mga tao na magtiwala sa isang tunay na pamahalaan na magdudulot ng permanenteng kapayapaan sa lahat ng umiibig sa Diyos. Kaya bilang resulta ng kanilang neutralidad, walang nakahahadlang sa mga Kristiyanong ito upang maglaan ng pinakanagtatagal at pinakapraktikal na tulong na makukuha sa ngayon.
[Kahon/Larawan sa pahina 7]
Mula sa Pulitika Tungo sa Pangangaral ng Kaharian ng Diyos
Noong bata pa siya, natutuhan ni Átila ang teolohiya ukol sa kalayaan (liberation theology) mula sa mga pari ng kaniyang parokya sa Belém, Brazil. Natuwa siya nang kaniyang marinig na sa bandang huli ay mapalalaya ang sangkatauhan sa paniniil, at sumama siya sa isang komunidad ng mga aktibista, kung saan natutuhan niyang mag-organisa ng mga kilos-protesta at mga kampanya ng civil disobedience.
Ngunit natutuwa rin si Átila sa pagtuturo sa mga anak ng grupo, na ginagamit ang aklat na ibinigay sa kaniya, ang Pakikinig sa Dakilang Guro. * Itinuro ng aklat ang hinggil sa mabuting paggawi at pagsunod sa mga awtoridad. Dahil dito, nagtaka si Átila kung bakit hindi sinusunod ng mga nagtataguyod ng teolohiya ukol sa kalayaan ang matataas na pamantayang moral ni Jesus at kung bakit nalilimutan ng ilan ang mga taong inaapi kapag nagkaroon sila ng kapangyarihan. Iniwan niya ang komunidad. Nang maglaon, kumatok sa kaniyang pinto ang mga Saksi ni Jehova at ipinakipag-usap sa kaniya ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Di-nagtagal, nag-aaral na siya ng Bibliya at natututuhan ang tungkol sa tunay na lunas sa paniniil sa sangkatauhan.
Sa panahon ding iyon, dumalo si Átila sa isang Katolikong seminar hinggil sa pananampalataya at pulitika. “Ito ang dalawang paraan ng pagtingin sa iisang situwasyon,” ang paliwanag ng mga instruktor. Dinaluhan din niya ang isang pulong sa Kingdom Hall. Kaylaki ng pagkakaiba! Unang-una, walang naninigarilyo, umiinom, o malaswang nagbibiro. Nagpasiya siya na sumama sa mga Saksi ni Jehova sa kanilang gawaing pangangaral, at di-nagtagal ay nabautismuhan siya. Ngayon ay nakikita niya kung bakit ang teolohiya ukol sa kalayaan ay hindi ang totoong solusyon sa mga problema ng mga maralita.
[Talababa]
^ par. 15 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Mga larawan sa pahina 6]
Ang neutralidad ng mga ministrong Kristiyano ay hindi pumipigil sa kanila na tumulong sa iba