Sinaunang Palakasan at ang Kahalagahan ng Pagwawagi
Sinaunang Palakasan at ang Kahalagahan ng Pagwawagi
“ANG bawat tao na nakikibahagi sa isang paligsahan ay nagpipigil ng sarili sa lahat ng bagay.” “Kung ang sinuman ay nakikipaglaban . . . sa mga palaro, hindi siya pinuputungan malibang nakipaglaban siya ayon sa mga alituntunin.”—1 Corinto 9:25; 2 Timoteo 2:5.
Mahalagang bahagi ng sinaunang sibilisasyon ng Gresya ang mga palaro na tinutukoy rito ni apostol Pablo. Ano ang sinasabi sa atin ng kasaysayan tungkol sa mga paligsahang iyon at sa nangingibabaw na damdamin sa mga ito?
Kamakailan, idinaos ang isang eksibisyon tungkol sa mga palarong Griego, ang Nike—Il gioco e la vittoria (“Nike—Ang Palaro at ang Tagumpay”), sa Colosseum ng Roma. * Sinagot ng mga eksibit ang tanong na iyan at pinag-iisip tayo nito kung paano dapat malasin ng Kristiyano ang palakasan.
Isang Sinauna at Mahalagang Kaugalian
Hindi ang Gresya ang unang sibilisasyon na nakibahagi sa palakasan. Magkagayon man, noong mga ikawalong siglo B.C.E.,
inilarawan ng makatang Griego na si Homer ang isang lipunan na pinasigla ng mga mithiin ng kabayanihan at saloobin ng pagpapaligsahan, kung saan lubhang pinahahalagahan ang kakayahang militar at palakasan. Ayon sa paliwanag ng eksibisyon, nagsimula ang unang mga kapistahang Griego bilang relihiyosong mga okasyon upang parangalan ang mga diyos sa mga libing ng mga bayani. Halimbawa, inilalarawan ng akda ni Homer na Iliad, ang pinakamatanda na naingatang akda sa literaturang Griego, kung paano isinuko ng maharlikang mga mandirigma, mga kasama ni Achilles, ang kanilang mga sandata sa mga ritwal ng libing para kay Patroclus at kung paano sila nagpaligsahan upang patunayan ang kanilang kagitingan sa boksing, wrestling, paghahagis ng discus at diyabelin, at karera ng karo.Ipinagdiwang din ang katulad na mga kapistahan sa buong Gresya. Ganito ang sabi ng manwal sa eksibisyon: “Mahalagang pagkakataon ang mga kapistahan upang pansamantalang itigil ng mga Griego, bilang paggalang sa kanilang mga diyos, ang kanilang walang-katapusan at madalas na mararahas na pagtatalo, at matagumpay nilang naibaling ang kanilang karaniwang saloobin ng pagpapaligsahan tungo sa mapayapa ngunit taimtim ding tagumpay: ang paligsahan sa palakasan.”
Sinunod ng mga pangkat ng mga estadong-lunsod ang kaugalian ng regular na pagtitipon sa karaniwang mga sentro ng pagsamba upang magbigay-galang sa kanilang mga bathala sa pamamagitan ng mga paligsahan sa palakasan. Nang maglaon, naging bantog ang apat sa mga kapistahang iyon—ang Olympic at ang Nemean, na kapuwa inialay kay Zeus, at ang Pythian at ang Isthmian, na ang bawat isa’y inialay kay Apollo at kay Poseidon—hanggang sa makamit ng mga ito ang katayuan ng pagiging mga kapistahang Panhellenic (patungkol sa lahat ng Griego). Samakatuwid, bukás ito sa mga kalahok mula sa buong nasasakupan ng Gresya. Itinampok ng mga kapistahan ang hain at panalangin at pinarangalan din ang mga diyos sa pamamagitan ng panukdulang mga kompetisyon sa palakasan at sining.
Idinaraos ang pinakamatanda at pinakakilala sa mga kapistahang iyon, na sinasabing mula pa noong 776 B.C.E., tuwing ikaapat na taon bilang parangal kay Zeus sa Olympia. Ang kapistahan ng Pythian ang pangalawa sa kabantugan. Idinaraos malapit sa pinakabantog na orakulo ng sinaunang daigdig, sa Delphi, kasali rin dito ang palakasan. Subalit bilang parangal sa patron ng tula at musika, si Apollo, ang pagdiriin ay nasa awit at sayaw.
Ang mga Laro
Kung ihahambing sa makabagong palakasan, ang dami ng mga laro ay lubhang limitado, at mga lalaki lamang ang nakikibahagi. Hindi na hihigit pa sa sampung laro ang programa sa sinaunang Olympics. Inilarawan ang mga ito sa mga estatuwa, relyebe, moseyk, at mga ipinintang larawan sa mga plorerang yari sa terakota na nakaeksibit sa Colosseum.
May mga takbuhan sa tatlong distansiya—ang istadyum, na mga 200 metro; ang dobleng takbuhan, kahawig sa 400 metro ngayon; at ang mahabang takbuhan, na mga 4,500 metro. Tumatakbo at nag-eehersisyo ang mga atleta nang hubo’t hubad. Ang mga lumalahok sa pentathlon ay nakikipagpaligsahan sa limang laro: pagtakbo, long jump, discus, diyabelin, at wrestling. Kabilang sa iba pang laro ang boksing at pancratium, na inilarawan bilang “isang malupit na palakasan ng pinagsamang suntukan at wrestling.” Pagkatapos, may karera ng karo sa distansiyang walong istadyum, na may magaan at bukás sa likod na sasakyan na nakapatong sa maliliit na gulong at hinihila ng dalawa o apat na bisiro o adultong mga kabayo.
Labis-labis na marahas at kung minsan ay nakamamatay pa nga ang boksing. Sa palibot ng kanilang kamao, isinusuot ng mga kalahok ang mga pilas ng matigas na katad na may nakasingit na metal na mga buton na nakaluluray ng laman. Maguguniguni mo kung bakit hindi makilala ng isang kalahok na nagngangalang Stratofonte ang
kaniyang sarili sa salamin pagkatapos ng apat na oras na boksing. Pinatutunayan ng sinaunang mga estatuwa at mga moseyk na naging kakila-kilabot at pangit ang hitsura ng mga boksingero.Sa wrestling, hinihiling ng mga alituntunin na ang mga kalahok ay makahahawak lamang sa itaas na bahagi ng katawan, at ang unang makapagpabagsak sa kaniyang kalaban nang tatlong beses ang panalo. Sa kabaligtaran, walang pagbabawal sa mga paghawak sa pancratium. Ang mga kalahok ay maaaring sumipa, sumuntok, at pumilipit sa mga hugpungan. Ang pagdukit sa mata, pagkalmot, at pagkagat lamang ang bawal. Ang layunin ay huwag makakilos ang nabuwal na kalaban hanggang sa mapilitan siyang sumuko. Itinuturing ito ng ilan na “pinakamagaling na pagtatanghal sa lahat sa Olympia.”
Sinasabing nangyari ang pinakabantog na sagupaan sa pancratium ng sinaunang panahon sa final sa Olympic noong 564 B.C.E. Si Arrhachion, na sinasakal, ay alisto anupat nalinsad niya ang isa sa mga daliri sa paa ng kaniyang kalaban. Dahil sa matinding sakit, sumuko ang kaniyang kalaban ilang sandali lamang bago mamatay si Arrhachion. Ipinahayag ng mga hukom ang bangkay ni Arrhachion na siyang panalo!
Ang karera ng karo ang pinakapopular sa mga laro at ito rin ang pinakapopular sa mga aristokrata, yamang ang nagwawagi ay hindi ang nagpapatakbo nito kundi ang may-ari ng karo at ng mga kabayo. Ang simula ng karera ang mapanganib na mga sandali sa paligsahan, kung saan ang mga tagapagpatakbo ng karo ay kailangang manatili sa daanan, at higit sa lahat sa bawat pag-ikot sa mga ikutang poste sa bawat dulo ng karerahan. Ang mga pagkakamali o hindi pagsunod sa tuntunin ng laro ay maaaring maging sanhi ng mga aksidente kung kaya lalo pang naging kagila-gilalas ang popular na larong ito.
Ang Gantimpala
“Ang mga mananakbo sa isang takbuhan ay tumatakbong lahat,” ang sabi ni apostol Pablo, “ngunit isa lamang ang tumatanggap ng gantimpala.” (1 Corinto 9:24) Pinakamahalagang bagay ang pagwawagi. Walang pilak o bronse, walang ikalawa o ikatlong puwesto. “Ang tagumpay, ‘Nike,’ ang sukdulang tunguhin ng atleta,” paliwanag ng eksibisyon. “Ito lamang ang magdudulot ng kasiyahan yamang sinasalamin nito ang kaniyang personal na pagkatao, sa pisikal at moral, at ang ipinagmamalaki ng kaniyang sariling bayan.” Ang saloobing ito ang buod ng isang taludtod mula sa akda ni Homer: “Natutuhan kong laging makahigit.”
Simboliko lamang ang gantimpalang ibinibigay sa isang nagwagi sa Panhellenic Games—isang korona ng mga dahon. Tinawag ito ni Pablo na “isang koronang nasisira.” (1 Corinto 9:25) Gayunman, may malalim na kahulugan ang gantimpala. Lumalarawan ito sa mismong puwersa ng kalikasan na nagkakaloob ng kapangyarihan nito sa nagwagi. Ang tagumpay, na puspusang pinagsusumikapan, ay nangangahulugan ng lingap mula sa mga diyos. Pinatunayan ng mga eksibit kung paano inilalarawan sa isipan ng sinaunang mga eskultor at mga pintor si Nike, ang may-pakpak na diyosa ng tagumpay ng Gresya, na nagpuputong ng korona sa nagwagi. Ang tagumpay sa Olympia ang tugatog ng karera ng sinumang atleta.
Ang mga korona sa Olympic ay yari sa mga dahon ng ligaw na olibo—ng pino sa Isthmian, ng laurel sa Pythian, ng ligaw na seleri naman sa Nemean. Nag-alok naman ng pera o iba pang gantimpala ang mga organisador ng mga palaro sa ibang dako upang maakit ang de-kalibreng mga kalahok. Ang ilang plorera na nakadispley sa eksibisyon ay mga gantimpala sa Panathenaic Games, na idinaos sa Atenas bilang parangal sa diyosang
si Athena. Ang mga amphora na ito ay dating naglalaman ng mahalagang langis ng olibo mula sa Attica. Inilalarawan ng isang dekorasyon sa isang panig ng mga plorera ang diyosa at may nakasulat na pariralang “gantimpala para sa mga paligsahan ni Athena.” Inilalarawan naman sa kabilang panig ang isang partikular na laro, malamang ang isa kung saan nakamit ng atleta ang kaniyang tagumpay.Tinamasa ng mga lunsod sa Gresya ang katanyagan ng kanilang mga atleta, na naging mga bayani sa kanilang sariling mga pamayanan dahil sa kanilang mga tagumpay. Ipinagdiriwang ang pagbabalik ng mga nagtagumpay sa pamamagitan ng mga prusisyon. Nagtatayo ng mga estatuwa para sa kanila bilang mga handog ng pasasalamat sa mga diyos—isang karangalan na karaniwang hindi ibinibigay sa mga mortal—at inaawit ng mga makata ang tungkol sa kanilang kagitingan. Pagkatapos, ang mga nagwagi ay binibigyan ng unang mga puwesto sa pampublikong mga seremonya at tumatanggap ng mga pensiyon mula sa kaban ng bayan.
Mga Himnasyo at ang Kanilang mga Atleta
Itinuturing na isang mahalagang salik sa pagsulong ng sundalong-mamamayan ang kompetisyon sa palakasan. Lahat ng mga lunsod sa Gresya ay may kani-kanilang himnasyo, kung saan inilalakip ang intelektuwal at relihiyosong pagtuturo sa pisikal na pagsasanay sa mga kabinataan. Isinaayos ang mga gusali ng mga himnasyo sa palibot ng maluluwang na lugar para sa ehersisyo, na napalilibutan ng mga portiko at iba pang mga dakong may bubong na ginagamit bilang mga aklatan at mga silid-aralan. Ang mga institusyong iyon ay dinadalaw lalo na ng mga kabinataan mula sa mayayamang pamilya na makapaglalaan ng panahon sa pag-aaral sa halip na magtrabaho. Dito, ang mga atleta ay dumaraan sa mahaba at puspusang paghahanda para sa mga palaro sa tulong ng mga tagasanay, na siya ring nagtatakda ng mga pagkain at tumitiyak na walang anumang seksuwal na gawain ang mangyayari.
Nagbigay ng pagkakataon ang eksibisyon sa Colosseum upang hangaan ng mga dumadalaw ang magagandang larawan ng sinaunang mga atleta, na ang karamihan ay mga kopya ng orihinal na mga eskulturang Griego na ginawa noong panahon ng Imperyo ng Roma. Yamang sa ideolohiya ng sinaunang Griego ang pisikal na kasakdalan ay katumbas ng moral na kasakdalan at tinataglay lamang ng mga maharlika, kinakatawan ng makikisig na katawan ng matagumpay na mga atleta ang isang pilosopikal na mithiin. Pinahalagahan ng mga Romano ang mga ito bilang mga likhang-sining, na ang marami rito ay naging palamuti sa mga istadyum, paliguan, malalaking bahay, at mga palasyo.
Sa mga Romano, laging popular ang mararahas na panoorin, kaya sa lahat ng mga laro ng Gresya na itinanghal sa Roma, paborito ang boksing, wrestling, at pancratium. Itinuturing ng mga Romano ang mga palakasang iyon, na hindi paligsahan sa pagitan ng mga magkapantay upang malaman ang kani-kanilang kagalingan, kundi bilang libangan lamang. Tinalikdan na ang orihinal na ideya ng palakasan bilang panlahat na pakikibahagi ng pilíng mga atletang-mandirigma na bahagi ng kanilang edukasyon. Sa halip, minaliit ng mga Romano ang mga palarong Griego bilang nakapagpapalusog na ehersisyo lamang bago maligo o isang pinanonood na palakasan na isinasagawa ng mas mababang-klaseng mga propesyonal, katulad ng mga paligsahan ng mga gladyador.
Ang mga Kristiyano at ang mga Palaro
Maliwanag na ang relihiyosong katangian ng mga palaro ang isang dahilan kung bakit iniwasan 2 Corinto 6:14, 16) Kumusta naman ang palakasan sa ngayon?
ito ng mga Kristiyano noong unang siglo, sapagkat “anong pakikipagkasundo mayroon ang templo ng Diyos sa mga idolo?” (Maliwanag, hindi pinararangalan ng makabagong palakasan ang paganong mga diyos. Gayunman, hindi ba totoo na ang ilang palakasan ay napaliligiran ng halos-relihiyosong damdamin, na katulad niyaong umiral sa mga sinauna? Isa pa, gaya ng ipinakita ng mga ulat nitong nakalipas na mga taon, upang manalo, handang uminom ang mga atleta ng mga drogang nagpapahusay sa paglalaro subalit nagsasapanganib naman sa kanilang kalusugan at sa kanilang buhay pa nga.
Para sa mga Kristiyano, hindi gaanong mahalaga ang pisikal na tagumpay. Ang espirituwal na mga katangian ng “lihim na pagkatao ng puso” ang siyang nagpapaganda sa atin sa paningin ng Diyos. (1 Pedro 3:3, 4) Kinikilala natin na hindi lahat ng nakikibahagi sa palakasan ngayon ay may matinding saloobin ng pakikipagkompetensiya, subalit marami ang gayon. Makatutulong ba sa atin ang pakikisama sa kanila na sundin ang maka-Kasulatang payo na ‘huwag gumawa ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo, o dahil sa egotismo, kundi magkaroon ng kababaan ng pag-iisip?’ O hindi kaya magbunga ang gayong pakikisama ng “mga alitan, hidwaan, paninibugho, mga silakbo ng galit, mga pagtatalo, mga pagkakabaha-bahagi”?—Filipos 2:3; Galacia 5:19-21.
Posibleng magkaroon ng karahasan sa maraming makabagong palakasan kung saan pisikal na nagkakasalingan ang mga manlalaro. Dapat tandaan ng sinumang naaakit sa gayong palakasan ang mga salita sa Awit 11:5: “Si Jehova ang sumusuri sa matuwid at gayundin sa balakyot, at ang sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan nga ng Kaniyang kaluluwa.”
Kung wasto ang gamit, maaaring maging kasiya-siya ang ehersisyo, at sinabi ni apostol Pablo na “ang pagsasanay sa katawan ay kapaki-pakinabang nang kaunti.” (1 Timoteo 4:7-10) Gayunman, nang banggitin niya ang tungkol sa mga palarong Griego, angkop na binanggit ni Pablo ang mga ito upang ilarawan lamang ang kahalagahan para sa mga Kristiyano na magkaroon ng mga katangiang gaya ng pagpipigil sa sarili at pagbabata. Higit sa lahat ng bagay, ang tunguhing pinagsisikapang abutin ni Pablo ay ang matanggap ang bigay-Diyos na “korona” ng buhay na walang hanggan. (1 Corinto 9:24-27; 1 Timoteo 6:12) Sa bagay na iyan, nag-iwan siya ng isang halimbawa para sa atin.
[Talababa]
^ par. 4 Ang nike ay salitang Griego para sa “tagumpay.”
[Kahon/Mga larawan sa pahina 31]
Ang Boksingero Pagkatapos ng Laban
Ipinakikita ng bronseng ito noong ikaapat na siglo B.C.E. ang kapaha-pahamak na mga epekto ng sinaunang boksing, kung saan, ayon sa katalogo sa eksibisyon sa Roma, “lubhang pinupuri bilang isang mainam na halimbawa ang resistensiya ng boksingero . . . na nakikilahok sa nakapapagod na mga laban, kung saan ‘sugat ang ibinibigay para sa sugat.’” “Nadaragdagan ng mga sugat mula sa katatapos na laban ang mga sugat mula sa dating laban,” ang sabi pa ng paglalarawan.
[Larawan sa pahina 29]
Ang karera ng karo ang pinakakilalang laro sa sinaunang mga kompetisyon
[Larawan sa pahina 30]
Inilalarawan sa isipan ng sinaunang mga dalubsining si Nike, ang may-pakpak na diyosa ng tagumpay, na nagpuputong sa nagwagi