Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pormula Para sa Mahaba at Maligayang Buhay

Ang Pormula Para sa Mahaba at Maligayang Buhay

Ang Pormula Para sa Mahaba at Maligayang Buhay

“GUSTONG tumanda ng lahat; pero walang gustong maging matanda.” Ganiyan ang isinasaad ng isang kasabihan. Maraming tao na malapit nang sumapit sa edad ng pagreretiro ang umaasang magkakaroon ng mas maraming oras at mas kakaunting pananagutan. Subalit nangangamba silang mawalan ng layunin sa buhay at maging walang silbi. Ikinatatakot din nila ang pag-iisa, kalungkutan, at humihinang kalusugan.

Ano, kung gayon, ang lihim ng maligayang buhay? Nakapagpapaligaya kapuwa sa bata at matanda ang mabubuting kaibigan at ang maibiging pamilya. Ngunit hindi ang magagawa ng iba upang pagyamanin ang buhay ng isang taong may-edad na ang pinakamahalaga. Ang mas mahalaga ay kung ano ang magagawa ng isang may-edad na para sa iba.

Ipinahihiwatig ng isang matagal na pag-aaral sa 423 may-edad nang mag-asawa na “ang pagtulong sa ibang tao ay maaaring magpahaba ng mismong buhay natin.” Ganito ang paliwanag ni Stephanie Brown, na nagsagawa ng pag-aaral: “Ipinakikita ng mga resultang ito na hindi ang nakukuha natin sa mga pakikipag-ugnayan sa iba ang pinakakapaki-pakinabang; kundi ang ibinibigay natin.” Kabilang sa gayong pagbibigay ang pagtulong sa iba sa gawaing-bahay, pag-aalaga sa mga bata, pag-aasikaso sa mahahalagang bagay, paglalaan ng transportasyon, o pakikinig sa isang taong nangangailangan ng kausap.

Mga 2,000 taon na ang nakalilipas, sinabi ni Jesu-Kristo: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Ang pormula para sa mahaba at maligayang buhay ay hindi nakasalalay sa malaking pera sa bangko o pampabatang mga terapi at mga pagkain. Sa halip, masusumpungan ito sa pananatiling aktibo at pagbibigay ng panahon, sigla, at lakas upang pagyamanin ang buhay ng iba.

Gayunman, hindi sapat ang pagbibigay upang maligtasan natin ang pagtanda, sakit, at kamatayan. Ang Kaharian lamang ng Diyos ang makapag-aalis ng gayong mga bagay. Sa ilalim ng pamamahala nito, mawawala na ang sakit at “hindi na magkakaroon [maging] ng kamatayan.” (Apocalipsis 21:3, 4; Isaias 33:24) Sa katunayan, ang masunuring mga tao ay tatahan magpakailanman sa kaligayahan sa isang paraisong lupa. (Lucas 23:43) Nagagalak ang mga Saksi ni Jehova na ibigay sa iba ang salig-Bibliyang pormulang ito para sa mahaba at maligayang buhay.