Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ipalakpak ng mga Ilog ang Kanilang mga Kamay”

“Ipalakpak ng mga Ilog ang Kanilang mga Kamay”

“Ipalakpak ng mga Ilog ang Kanilang mga Kamay”

SULYAPAN mo ang isang mapa ng lupa, at sa karamihan ng mga lugar, ay makikita mo ang mga linyang parang ahas na paliku-liko sa mga lupain. Ang pakurba-kurbang mga linyang ito ay bumabagtas sa mga kapatagan, disyerto, at madamong mga lupain. Lumiliko ang mga ito sa mga libis, malalalim na lambak, at kagubatan. (Habakuk 3:9) Ang mga ito ay mga ilog, na waring malalaking ugat ng buhay ng ating planeta. Ang gayong mga daanang-tubig ay nagbibigay-patotoo sa karunungan at kapangyarihan ng Maylalang ng lupa, si Jehova. Habang pinagmamasdan natin ang mga ito, nadarama rin natin ang nadama ng salmista na umawit: “Ipalakpak ng mga ilog ang kanilang mga kamay; sama-samang humiyaw nang may kagalakan ang mga bundok sa harap ni Jehova.”​—Awit 98:8, 9. *

May malapit na kaugnayan ang mga ilog sa kasaysayan ng tao. Binabanggit ng Bibliya ang apat na pangunahing ilog na nagsanga mula sa ilog na lumalabas sa Eden. (Genesis 2:10-14) Ang isa sa kauna-unahang mga sibilisasyon ay nagsimula sa mabubungang libis ng mga ilog ng Tigris at Eufrates sa Gitnang Silangan. Nagkaroon ng bantog na mga sibilisasyon sa tulong ng Ilog Hwang sa Tsina, ng Ganges at Indus sa timugang Asia, at ng Nilo sa Ehipto.

Kaya hindi nakapagtataka na laging nanggigilalas ang tao sa kapangyarihan, sa kasaganaan, at sa kagandahan ng mga ilog. Ang Nilo sa Ehipto ay umaagos sa layong halos 6,670 kilometro. Kinikilala naman ang Amazon sa Timog Amerika bilang ang pinakamalaking ilog. Bagaman mariringal ang ilang ilog, ubod naman ng ganda ang iba, gaya ng mas lalong maliit at mabilis-dumaloy na Ilog Tone sa Hapon.

Ano ang nagpapaagos sa mga ilog? Sa isang salita, grabidad. Ang grabidad ang siyang humihila sa tubig mula sa mas mataas na lugar tungo sa mas mababa. Kung minsan, nagkakaroon ng dumadagundong na mga talon dahil dito. Bilang paglalarawan sa mga pagtatanghal na ito ng lakas at karingalan, sinasabi ng Bibliya: “Ang mga ilog ay naglakas, O Jehova, ang mga ilog ay naglakas ng kanilang ugong; ang mga ilog ay patuloy na naglalakas ng kanilang dagundong.”​—Awit 93:3.

“Sino ba ang gumuhit sa daan ng pagbuhos ng ulan?” ang tanong ni Jehova sa makadiyos na taong si Job. (Job 38:25, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino) Oo, saan nga ba nagmumula ang lahat ng tubig? Nasasangkot sa sagot ang isang masalimuot na sistemang tinatawag na siklo ng tubig. Ang sirkulasyon ng tubig sa lupa ay walang humpay dahil sa puwersa ng enerhiya ng araw at ng grabidad. Pagkatapos maging singaw ang tubig, pumapaitaas ito sa atmospera. Pagkaraan, lumalamig ito at namumuo para maging mga ulap. Sa kalaunan, bumabalik sa lupa ang singaw na ito bilang niyebe o ulan. Ang malaking bahagi ng tubig ay nakaimbak sa mga karagatan, lawa, ilog, glacier, sa mga yelong tumatakip sa polo, at sa ilalim ng lupa.

May kinalaman sa katangi-tanging siklong ito, sinasabi ng Bibliya: “Ang lahat ng agusang-taglamig ay humuhugos sa dagat, gayunma’y hindi napupuno ang dagat. Sa dakong hinuhugusan ng mga agusang-taglamig, doon bumabalik ang mga iyon upang humugos.” (Eclesiastes 1:7) Tanging si Jehova lamang, ang Diyos ng walang-hanggang karunungan at maibiging pangangalaga, ang makapagpapatakbo sa gayong siklo. At ano ang sinasabi sa atin ng gayong malikhaing disenyo sa kung anong uri ng persona ang Diyos? Siya ay Diyos ng dakilang karunungan at maibiging pangangalaga.​—Awit 104:13-15, 24, 25; Kawikaan 3:19, 20.

Sa kabila ng kanilang laki at dami, naglalaman lamang ang mga ilog ng napakakaunting suplay ng tubig-tabang sa daigdig. Gayunpaman, mahalaga ang mga ito sa buhay. “Kung walang mapagkukunan ng tubig at isang antas ng pangangasiwa rito, magiging imposible ang pagtustos kapuwa sa pinakasimple at sa pinakamasalimuot na mga pangangailangan ng buhay ng tao,” ang sabi ng aklat na Water. “Ang rekord ng pagtugon ng tao sa katotohanang iyan ang bumubuo sa kalakhang bahagi ng kasaysayan ng sibilisasyon.”

Sa loob ng libu-libong taon, napawi ng mga ilog ang uhaw ng tao at napaglaanan ng tubig ang kaniyang mga hardin. Angkop na angkop pagtamnan ng mga pananim ang matabang lupa sa tabi ng maraming ilog. Pansinin kung paano ipinahahayag ang ideyang ito sa isang pagpapala sa mga lingkod ni Jehova: “Pagkagaganda ng iyong mga tolda, O Jacob, ng iyong mga tabernakulo, O Israel! Tulad ng mga agusang libis ay umaabot ang mga iyon sa malayo, tulad ng mga hardin sa tabi ng ilog. Tulad ng mga halamang aloe na itinanim ni Jehova, tulad ng mga sedro sa tabi ng tubig.” (Bilang 24:5, 6) Tinutustusan din ng mga ilog ang mga hayop gaya ng mga pato at ng chakal na nakikita mo rito. Ang totoo, habang lalo tayong nag-aaral tungkol sa mga ilog, lalo naman tayong nauudyukan na magpasalamat kay Jehova.

[Talababa]

^ par. 3 Tingnan ang 2004 Calendar of Jehovah’s Witnesses, May/​June.

[Kahon/​Larawan sa pahina 8]

Ang Talon ng Iguaçú, na nasa hanggahan sa pagitan ng Argentina at Brazil, ay isa sa pinakamalawak sa lahat ng talon. May lapad itong tatlong kilometro mula sa magkabilang gilid. Masusumpungan ito sa isang hindi pa nagagalaw na tropikal na kagubatan, at binubuo ng halos 300 mas maliliit na talon. Halos 10,000 metro kubiko ng tubig ang humuhugos mula sa mga ito bawat segundo tuwing tag-ulan.

[Larawan sa pahina 9]

Ilog Tone, Hapon