Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pangangalaga sa mga May-edad Na—Isang Pananagutang Kristiyano

Pangangalaga sa mga May-edad Na—Isang Pananagutang Kristiyano

Pangangalaga sa mga May-edad Na​—Isang Pananagutang Kristiyano

“Maging hanggang sa katandaan ng isa ay ako pa rin ang Isang iyon; at hanggang sa magkauban ang isa ay patuloy akong magpapasan.”​—ISAIAS 46:4.

1, 2. Paano naiiba ang pangangalaga ng ating makalangit na Ama sa pangangalagang ibinibigay ng mga magulang na tao?

INAARUGA ng tapat na mga magulang ang kanilang mga anak sa panahon ng pagkasanggol, pagkabata, at sa mga taon ng pagbibinata’t pagdadalaga. Kahit sumapit na ang mga kabataan sa pagiging adulto at mayroon na silang sariling pamilya, patuloy pa rin ang kanilang mga ama at ina sa pagbibigay ng maibiging pansin at suporta.

2 Bagaman may limitasyon sa maaaring gawin ng mga tao para sa kanilang mga anak, ang ating makalangit na Ama ay laging nakapaglalaan sa kaniyang tapat na mga lingkod ng maibiging pansin at suporta. Kausap ang kaniyang piniling bayan noong sinaunang panahon, sinabi ni Jehova: “Maging hanggang sa katandaan ng isa ay ako pa rin ang Isang iyon; at hanggang sa magkauban ang isa ay patuloy akong magpapasan.” (Isaias 46:4) Talaga ngang nakapagbibigay-katiyakan ang mga pananalitang ito para sa may-edad nang mga Kristiyano! Hindi iniiwan ni Jehova ang mga nananatiling matapat sa kaniya. Sa halip, nangangako siyang palalakasin, susuportahan, at papatnubayan niya sila sa buong buhay nila, kahit sa katandaan.​—Awit 48:14.

3. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

3 Paano natin matutularan ang maibiging pagmamalasakit ni Jehova sa mga may-edad na? (Efeso 5:1, 2) Talakayin natin ang mga paraan kung paano mapangangalagaan ng mga anak, mga tagapangasiwa sa kongregasyon, at indibiduwal na mga Kristiyano ang mga pangangailangan ng may-edad nang mga miyembro ng ating pambuong-daigdig na kapatiran.

Ang Ating Pananagutan Bilang mga Anak

4. Ano ang pananagutan ng mga anak na Kristiyano sa kanilang mga magulang?

4 “Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina.” (Efeso 6:2; Exodo 20:12) Sa pamamagitan ng simple ngunit makahulugang pagsipi na ito mula sa Hebreong Kasulatan, ipinaalaala ni apostol Pablo sa mga anak ang kanilang pananagutan sa kanilang mga magulang. Pero paano kumakapit ang mga pananalitang ito sa pangangalaga sa mga may-edad na? Isang nakaaantig-pusong halimbawa noong bago ang panahong Kristiyano ang tutulong sa atin na sagutin ang tanong na ito.

5. (a) Ano ang nagpapakita na hindi nalimutan ni Jose ang kaniyang pampamilyang mga pananagutan? (b) Ano ang ibig sabihin ng parangalan ang ating mga magulang, at anong mainam na halimbawa ang ipinakita ni Jose sa bagay na ito?

5 Sa loob ng mahigit na 20 taon, hindi nakita ni Jose ang kaniyang may-edad nang ama, ang patriyarkang si Jacob. Gayunman, maliwanag na hindi naiwala ni Jose ang kaniyang pampamilyang pag-ibig para kay Jacob. Sa katunayan, nang isiwalat ni Jose ang tunay niyang pagkatao sa kaniyang mga kapatid na lalaki, nagtanong siya: “Buháy pa ba ang aking ama?” (Genesis 43:7, 27; 45:3) Nang panahong iyon, dumaranas ng taggutom ang lupain ng Canaan. Kaya naman, nagpasabi si Jose sa kaniyang ama: “Lumusong ka sa akin. Huwag kang magpaliban. At manahanan ka sa lupain ng Gosen, at manatili kang malapit sa akin . . . At maglalaan ako sa iyo ng pagkain doon.” (Genesis 45:9-11; 47:12) Oo, kabilang sa pagpaparangal sa matanda nang mga magulang ang protektahan at paglaanan sila sa materyal na paraan kapag wala na sila sa kalagayan na pangalagaan ang kanilang sarili. (1 Samuel 22:1-4; Juan 19:25-​27) Malugod na tinanggap ni Jose ang pananagutang ito.

6. Paano ipinakita ni Jose ang kaniyang tunay na pag-ibig sa kaniyang ama, at paano natin matutularan ang kaniyang halimbawa?

6 Dahil sa pagpapala ni Jehova, si Jose ay naging isa sa pinakamayaman at pinakamakapangyarihang mga tao sa Ehipto. (Genesis 41:40) Ngunit hindi niya itinuring ang kaniyang sarili na napakaimportante o napakaabala para parangalan ang kaniyang 130-taóng-gulang na ama. Nang mabalitaan niya na si Jacob (o Israel) ay parating na, “ipinahanda ni Jose ang kaniyang karo at umahon upang salubungin si Israel na kaniyang ama sa Gosen. Nang magpakita siya sa kaniya ay kaagad siyang sumubsob sa kaniyang leeg at umiyak sa kaniyang leeg nang paulit-ulit.” (Genesis 46:28, 29) Ang pagsalubong na ito ay hindi lamang basta pormal na pagpapakita ng paggalang. Mahal na mahal ni Jose ang kaniyang may-edad nang ama at hindi siya nahiyang ipakita ang kaniyang pag-ibig. Kung tayo ay may tumatanda nang mga magulang, sagana rin ba nating ipinakikita sa kanila ang ating mga kapahayagan ng pag-ibig?

7. Bakit nais ni Jacob na mailibing sa Canaan?

7 Ang debosyon ni Jacob kay Jehova ay nanatiling matibay hanggang sa wakas ng kaniyang buhay. (Hebreo 11:21) Dahil sa kaniyang pananampalataya sa mga pangako ng Diyos, hiniling ni Jacob na ilibing ang kaniyang mga labí sa Canaan. Pinarangalan ni Jose ang kaniyang ama sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang mga kahilingan, sa kabila ng malaki-laking gastusin at pagsisikap na nasasangkot.​—Genesis 47:29-​31; 50:7-14.

8. (a) Ano ang pangunahing salik na nag-uudyok sa atin na pangalagaan ang ating may-edad nang mga magulang? (b) Ano ang ginawa ng isang buong-panahong lingkod upang mapangalagaan ang kaniyang tumatanda nang mga magulang? (Tingnan ang kahon sa pahina 17.)

8 Ano ang nag-udyok kay Jose na pangalagaan ang kaniyang ama? Bagaman mga salik ang pag-ibig at pagkadama ng utang na loob sa isa na nagbigay sa kaniya ng buhay at nag-aruga sa kaniya, walang alinlangan na nakadama rin si Jose ng masidhing pagnanais na palugdan si Jehova. Dapat na ganoon din tayo. Sumulat si Pablo: “Kung ang sinumang babaing balo ay may mga anak o mga apo, matuto muna ang mga ito na magsagawa ng makadiyos na debosyon sa kanilang sariling sambahayan at patuloy na magbayad ng kaukulang kagantihan sa kanilang mga magulang at mga lolo’t lola, sapagkat ito ay kaayaaya sa paningin ng Diyos.” (1 Timoteo 5:4) Tunay nga, ang pag-ibig kay Jehova at mapagpitagang pagkatakot sa kaniya ay magpapakilos sa atin na pangalagaan ang tumatanda nang mga magulang natin, anuman ang maging hamon sa paggawa nito. *

Kung Paano Ipinakikita ng mga Elder na Nagmamalasakit Sila

9. Sino ang hinirang ni Jehova na magpastol sa kawan, lakip na sa may-edad nang mga Kristiyano?

9 Noong malapit nang magwakas ang kaniyang mahabang buhay, tinukoy ni Jacob si Jehova bilang “ang tunay na Diyos na nagpapastol sa akin sa panahon ng aking buong pag-iral hanggang sa araw na ito.” (Genesis 48:15) Sa ngayon, pinapastulan ni Jehova ang kaniyang makalupang mga lingkod sa pamamagitan ng Kristiyanong mga tagapangasiwa, o mga elder, sa ilalim ng patnubay ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, “ang punong pastol.” (1 Pedro 5:2-4) Paano matutularan ng mga tagapangasiwa si Jehova habang pinangangalagaan nila ang may-edad nang mga miyembro ng kawan?

10. Ano ang ginagawa para makapaglaan ng materyal na tulong sa may-edad nang mga Kristiyano? (Tingnan ang kahon sa pahina 19.)

10 Di-nagtagal mula nang magsimula ang kongregasyong Kristiyano, hinirang ng mga apostol ang “pitong lalaking may patotoo . . . puspos ng espiritu at karunungan” upang pangasiwaan ang “araw-araw na pamamahagi” ng pagkain sa nagdarahop na Kristiyanong mga babaing balo. (Gawa 6:1-6) Nang maglaon, inutusan ni Pablo ang tagapangasiwang si Timoteo na ilagay ang uliran na matatandang babaing balo sa talaan ng mga nararapat tumanggap ng materyal na tulong. (1 Timoteo 5:3, 9, 10) Sa katulad na paraan, ang mga tagapangasiwa sa kongregasyon sa ngayon ay kusang-loob na nagsasaayos ng praktikal na tulong para sa may-edad nang mga Kristiyano kung kinakailangan ito. Gayunman, higit pa ang nasasangkot sa pangangalaga sa tapat na mga may-edad na.

11. Ano ang sinabi ni Jesus hinggil sa nagdarahop na babaing balong nagbigay ng maliit na kontribusyon?

11 Noong malapit nang matapos ang kaniyang ministeryo sa lupa, umupo si Jesus sa templo at “nagsimulang masdan kung paanong ang pulutong ay naghuhulog ng salapi sa mga kabang-yaman.” Pagkatapos ay may isa na nakaagaw ng kaniyang pansin. Ganito ang sabi ng ulat: “Isang dukhang babaing balo ang dumating at naghulog ng dalawang maliit na barya, na may napakaliit na halaga.” Tinawag ni Jesus ang kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang dukhang babaing balo na ito ay naghulog ng higit kaysa sa lahat niyaong mga naghuhulog ng salapi sa mga kabang-yaman; sapagkat silang lahat ay naghulog mula sa kanilang labis, ngunit siya, mula sa kaniyang kakapusan, ay naghulog ng lahat ng taglay niya, ang kaniyang buong ikabubuhay.” (Marcos 12:41-44) Kung halaga ng salapi ang pag-uusapan, maliit ang kontribusyon ng babaing balo, ngunit alam ni Jesus kung gaano kalaki ang pagpapahalaga ng kaniyang makalangit na Ama sa gayong buong-kaluluwang mga kapahayagan ng debosyon. Sa kabila ng edad ng dukhang babaing balo, hindi ipinagwalang-bahala ni Jesus ang ginawa niya.

12. Paano maipakikita ng mga elder ang kanilang pagpapahalaga sa naitutulong ng may-edad nang mga Kristiyano?

12 Tulad ni Jesus, hindi ipinagwawalang-bahala ng mga tagapangasiwang Kristiyano ang ginagawa ng mga may-edad na upang itaguyod ang tunay na pagsamba. May dahilan ang mga elder upang papurihan ang mga may-edad na sa kanilang pakikibahagi sa ministeryo, sa kanilang pakikibahagi sa mga pagpupulong, sa kanilang positibong impluwensiya sa kongregasyon, at sa kanilang pagbabata. Ang taimtim at nakapagpapatibay na pananalita ay makatutulong sa mga may-edad na upang makasumpong ng “dahilan na magbunyi” sa kanilang sagradong paglilingkod, sa gayo’y naiiwasan ang nakasisiphayong mga paghahambing sa nagagawa ng ibang mga Kristiyano o sa mga naisakatuparan nila noon.​—Galacia 6:4.

13. Sa anu-anong paraan magagamit ng mga elder ang mga kakayahan at karanasan ng mga may-edad na?

13 Maaaring pasalamatan ng mga elder ang mahalagang naitutulong ng may-edad nang mga Kristiyano sa pamamagitan ng paggamit sa kanilang karanasan at mga kakayahan. Ang huwarang mga may-edad na ay maaaring gamitin paminsan-minsan sa mga pagtatanghal o mga panayam. “Talagang nagbibigay-pansin at nakikinig ang mga tagapakinig kapag kinakapanayam ko ang isang may-edad nang kapatid na nagpalaki ng mga anak sa katotohanan,” ang sabi ng isang elder. Iniulat ng mga elder sa isa pang kongregasyon na isang 71-taóng-gulang na payunir na sister ang naging matagumpay sa pagtulong sa mga mamamahayag ng Kaharian na maging regular sa paglilingkod sa larangan. Pinasisigla rin niya sila na gawin ang “pinakamahahalagang bagay,” gaya ng pagbabasa ng Bibliya at ng pang-araw-araw na teksto at pagkatapos ay pagbubulay-bulay sa kanilang nabasa.

14. Paano ipinakita ng isang lupon ng mga elder ang pagpapahalaga sa isang may-edad nang kapuwa tagapangasiwa?

14 Pinahahalagahan din ng mga elder ang tulong ng may-edad nang mga kapuwa tagapangasiwa. Si José, na mahigit nang 70 taon at nakapaglingkod na bilang elder sa loob ng maraming dekada, ay sumailalim sa maselang operasyon kamakailan. Palibhasa’y matatagalan ang kaniyang paggaling, naisip niyang bitiwan ang kaniyang pribilehiyo ng paglilingkod bilang punong tagapangasiwa. “Nagulat ako sa reaksiyon ng ibang mga elder,” ang sabi ni José. “Sa halip na tanggapin ang mungkahi ko, itinanong nila kung anong praktikal na tulong ang kailangan upang maipagpatuloy ko ang pag-aasikaso sa aking mga pananagutan.” Sa tulong ng isang nakababatang elder, naipagpatuloy ni José ang paglilingkod bilang punong tagapangasiwa nang may kagalakan, at ito ay naging isang pagpapala sa kongregasyon. Sinabi ng isang kapuwa elder: “Lubhang pinahahalagahan ng mga kapatid ang gawain ni José bilang isang elder. Iniibig at iginagalang nila siya dahil sa kaniyang karanasan at halimbawa ng pananampalataya. Isa siyang kayamanan sa aming kongregasyon.”

Pangangalaga sa Isa’t Isa

15. Bakit dapat maging interesado ang lahat ng Kristiyano sa kapakanan ng mga may-edad nang kasama nila?

15 Hindi lamang ang mga anak na may matatanda nang magulang at ang hinirang na mga lingkod ang dapat magmalasakit hinggil sa mga may-edad na. Sa paghahalintulad sa kongregasyong Kristiyano sa katawan ng tao, sumulat si Pablo: “Binuo ng Diyos ang katawan, na binibigyan ng lalong saganang karangalan ang bahagi na may kakulangan, upang huwag magkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa katawan, kundi ang mga sangkap nito ay magkaroon ng magkakatulad na pagmamalasakit sa isa’t isa.” (1 Corinto 12:24, 25) Upang gumana nang magkakasuwato ang kongregasyong Kristiyano, ang bawat miyembro ay dapat mabahala hinggil sa kapakanan ng kaniyang mga kapananampalataya, pati na sa mga may-edad na.​—Galacia 6:2.

16. Paano natin maipakikita ang interes sa mga may-edad na kapag dumadalo tayo sa mga Kristiyanong pagpupulong?

16 Ang mga Kristiyanong pagpupulong ay nagbibigay ng mainam na pagkakataon upang ipakita ang ating interes sa mga may-edad na. (Filipos 2:4; Hebreo 10:24, 25) Naglalaan ba tayo ng panahon para kausapin ang mga may-edad na sa gayong mga pagkakataon? Bagaman maaaring angkop na kumustahin ang kanilang pisikal na kalagayan, maaari ba tayong ‘magbahagi ng ilang espirituwal na kaloob,’ marahil sa pamamagitan ng pagbabahagi ng isang nakapagpapatibay na karanasan o isang maka-Kasulatang kaisipan? Yamang ang ilang may-edad na ay hindi gaanong makakilos, magiging kabaitan na lumapit sa kanila sa halip na asahang sila ang lalapit sa atin. Kung mahina ang kanilang pandinig, baka kailanganin nating magsalita nang mabagal at bumigkas nang malinaw. At upang magkaroon ng tunay na “pagpapalitan ng pampatibay-loob,” kailangan tayong makinig na mabuti sa sinasabi ng may-edad nang mga indibiduwal.​—Roma 1:11, 12.

17. Paano natin maipakikita ang ating pagmamalasakit sa may-edad nang mga Kristiyano na hindi na makaalis ng bahay?

17 Paano kung ang ilang may-edad na ay hindi makadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong? Ipinakikita ng Santiago 1:27 na tungkulin nating “alagaan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian.” Ang isang kahulugan ng pandiwang Griego na isinaling “alagaan” ay “dalawin.” (Gawa 15:36) At tunay ngang pinahahalagahan ng mga may-edad na ang ating mga pagdalaw! Habang nakabilanggo sa Roma noong mga 65 C.E., si Pablo na isang “lalaking matanda na” ay halos wala nang kasama. Inaasam-asam niyang makita ang kaniyang kamanggagawang si Timoteo at sumulat siya: “Gawin mo ang iyong buong makakaya na pumarito sa akin sa di-kalaunan.” (Filemon 9; 2 Timoteo 1:3, 4; 4:9) Bagaman hindi naman sila literal na mga bilanggo, ang ilang may-edad na ay hindi na makaalis sa kanilang bahay dahil sa mga problema sa kalusugan. Sa diwa, maaaring sinasabi nila, ‘Pakisuyo, gawin mo ang iyong buong makakaya para madalaw mo ako kaagad.’ Tumutugon ba tayo sa gayong mga pagsusumamo?

18. Anu-anong kapakinabangan ang maidudulot ng ating pagdalaw sa mga may-edad na?

18 Huwag kailanman maliitin ang kapaki-pakinabang na mga epekto ng pagdalaw sa isang may-edad nang espirituwal na kapatid. Nang nasa Roma ang isang Kristiyano na nagngangalang Onesiforo, masikap niyang hinanap si Pablo, natagpuan ito, at mula noon ay ‘madalas na siyang nagdudulot ng kaginhawahan sa kaniya.’ (2 Timoteo 1:16, 17) “Gustung-gusto kong makasama ang mga kabataan,” ang sabi ng isang kapatid na babaing may-edad na. “Ang pinakagusto ko ay pinakikitunguhan nila ako na parang kapamilya nila. Talagang nakapagpapatibay ito sa akin.” Isa pang may-edad nang Kristiyano ang nagsabi: “Talagang pinahahalagahan ko kapag may nagpapadala sa akin ng kard, kapag may tumatawag sa akin sa telepono nang kahit ilang minuto, o kapag may sandaling dumadalaw sa akin. Para itong paglanghap ng sariwang hangin.”

Ginagantimpalaan ni Jehova ang mga Nagmamalasakit

19. Anong mga pagpapala ang nagmumula sa pangangalaga sa mga may-edad na?

19 Ang pagmamalasakit sa mga may-edad na ay nagdudulot ng maraming pagpapala. Ang pakikisama sa kanila at pakikinabang sa kanilang kaalaman at karanasan ay isa nang pribilehiyo. Nararanasan ng mga tagapag-alaga ang malaking kaligayahan na nagmumula sa pagbibigay, gayundin ang pagkadama na may naisakatuparan sila at ang panloob na kapayapaan dahil sa pagtupad ng kanilang maka-Kasulatang pananagutan. (Gawa 20:35) Bukod diyan, ang mga nangangalaga sa mga may-edad na ay hindi dapat mag-alala na sila mismo ay iiwanan sa kanilang pagtanda. Tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos: “Ang kaluluwang bukas-palad ay patatabain, at ang saganang dumidilig sa iba ay sagana ring didiligin.”​—Kawikaan 11:25.

20, 21. Paano minamalas ni Jehova yaong mga nangangalaga sa mga may-edad na, at ano ang dapat na maging determinasyon natin?

20 Ginagantimpalaan ni Jehova ang may-takot sa Diyos na mga anak, tagapangasiwa, at iba pang mapagmalasakit na mga Kristiyano sa kanilang walang pag-iimbot na pag-aasikaso sa mga pangangailangan ng may-edad nang mga kapananampalataya. Ang gayong espiritu ay kasuwato ng kawikaang ito: “Siyang nagpapakita ng lingap sa maralita ay nagpapautang kay Jehova, at ang kaniyang pakikitungo ay babayaran Niya sa kaniya.” (Kawikaan 19:17) Kung inuudyukan tayo ng pag-ibig na magpakita ng lingap sa mga maralita at dukha, itinuturing ng Diyos ang gayong pagbibigay bilang isang pautang na babayaran niya ng mga pagpapala. Babayaran din niya tayo dahil sa pagbibigay ng maibiging pangangalaga sa ating may-edad nang mga kapuwa mananamba, na marami sa kanila ay ‘mga dukha may kinalaman sa sanlibutan ngunit mayaman sa pananampalataya.’​—Santiago 2:5.

21 Talaga ngang napakasagana ng kabayaran mula sa Diyos! Kalakip dito ang buhay na walang hanggan. Para sa karamihan ng mga lingkod ni Jehova, iyon ay magiging buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa, kung saan ang mga epekto ng minanang kasalanan ay aalisin at ang tapat na mga may-edad na ay magtatamasa ng pagsasauli sa lakas ng kanilang kabataan. (Apocalipsis 21:3-5) Habang hinihintay natin ang pinagpalang panahong iyon, patuloy nawa nating tuparin ang ating pananagutan bilang mga Kristiyano na pangalagaan ang mga may-edad na.

[Talababa]

^ par. 8 Para sa praktikal na mga mungkahi kung paano pangangalagaan ang may-edad nang mga magulang, tingnan ang Gumising! ng Pebrero 8, 1994, pahina 3-10.

Anu-ano ang Iyong Sagot?

• Paano mapararangalan ng mga anak ang kanilang matanda nang mga magulang?

• Paano ipinakikita ng mga elder ang pagpapahalaga sa may-edad nang mga miyembro ng kawan?

• Ano ang magagawa ng indibiduwal na mga Kristiyano upang ipakita ang kanilang tunay na interes sa mga may-edad na?

• Anu-anong pagpapala ang naidudulot ng pangangalaga sa may-edad nang mga Kristiyano?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon sa pahina 17]

Nang Mangailangan ng Tulong ang Kaniyang mga Magulang

Si Philip ay naglilingkod bilang isang boluntaryong manggagawa sa konstruksiyon sa Liberia noong 1999 nang matanggap niya ang balitang may malubhang sakit ang kaniyang ama. Palibhasa’y kumbinsido na hindi ito kayang haraping mag-isa ng kaniyang ina, nagpasiya siyang umuwi sa kanila upang isaayos ang medikal na pangangalaga para sa kaniyang ama.

“Hindi madaling umuwi,” ang naalaala ni Philip, “ngunit nadama ko na ang una kong obligasyon ay ang aking mga magulang.” Sa loob ng sumunod na tatlong taon, inilipat niya ang kaniyang mga magulang sa isang mas angkop na tahanan at sa tulong ng mga kapuwa Kristiyano roon ay naiayos niya ito upang matugunan ang pantanging mga pangangailangan ng kaniyang ama.

Mas handa na ngayon ang ina ni Philip na harapin ang seryosong problema sa kalusugan ng kaniyang ama. Kamakailan, tinanggap ni Philip ang paanyaya na magtrabaho bilang isang boluntaryo sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Macedonia.

[Kahon sa pahina 19]

Hindi Nila Ipinagwalang-bahala ang Kaniyang mga Pangangailangan

Nang si Ada, isang 85-taóng-gulang na Kristiyano sa Australia, ay maratay sa kaniyang tahanan dahil sa mahinang kalusugan, isinaayos ng mga elder sa kongregasyon na maglaan ng tulong. Inorganisa nila ang isang grupo ng mga kapananampalataya na maaaring tumulong sa kaniya. Nalulugod ang mga kapatid na ito na asikasuhin ang mga trabahong gaya ng paglilinis, paglalaba, pagluluto, at pagpaparoo’t parito upang asikasuhin ang ibang mga bagay para sa kaniya.

Sinimulan ang pagtulong na iyon halos isang dekada na ang nakalilipas. Hanggang ngayon, mahigit nang 30 kapuwa Saksi ni Jehova ang tumulong sa pag-aalaga kay Ada. Patuloy nila siyang dinadalaw, anupat binabasahan siya mula sa mga publikasyon sa Bibliya, ibinabalita sa kaniya ang espirituwal na pagsulong ng mga kabilang sa kongregasyon, at regular na nananalangin na kasama siya.

Isang Kristiyanong elder doon ang nagkomento: “Itinuturing ng mga nag-aalaga kay Ada na isang pribilehiyo na tulungan siya. Marami ang napasisigla sa kaniyang tapat na paglilingkod sa loob ng maraming dekada, at hindi man lamang sumagi sa kanilang isip na ipagwalang-bahala ang kaniyang mga pangangailangan.”

[Larawan sa pahina 16]

Sagana ba tayo sa pagpapakita ng pagmamahal sa ating may-edad nang mga magulang?

[Mga larawan sa pahina 18]

Ang lahat sa kongregasyon ay makapagpapakita ng kanilang pag-ibig sa may-edad nang mga kapananampalataya