Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aling Relihiyon ang Dapat Mong Piliin?

Aling Relihiyon ang Dapat Mong Piliin?

Aling Relihiyon ang Dapat Mong Piliin?

‘ANG iba’t ibang relihiyon ay iba’t ibang daan lamang na may iisang patutunguhan. Tutal, iisa lang naman ang Diyos, hindi ba?’ Ganiyan din ang pangmalas ng marami na nakadaramang bagaman importanteng umanib sa isang relihiyon, hindi talaga mahalaga kung aling relihiyon ang pipiliin ng isa.

Sa unang tingin, waring tama ang argumentong ito, yamang totoo naman na mayroon lamang iisang Diyos, ang Makapangyarihan-sa-lahat. (Isaias 44:6; Juan 17:3; 1 Corinto 8:5, 6) Gayunman, hindi natin puwedeng ipagwalang-bahala ang maliwanag na mga pagkakaiba​—mga pagkakasalungatan pa nga​—ng maraming relihiyosong grupo na nag-aangking naglilingkod sa tunay na Diyos. Malaki ang pagkakaiba nila sa kanilang mga kaugalian, paniniwala, turo, at mga kahilingan. Napakalaki ng mga pagkakaiba anupat yaong mga kabilang sa isang relihiyon o grupo ay nahihirapang maunawaan o tanggapin ang itinuturo o pinaniniwalaan ng iba.

Sa kabilang panig, sinabi ni Jesus: “Ang Diyos ay Espiritu, at yaong mga sumasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:24) Ang pagsamba ba sa Diyos sa katotohanan ay nagpapahintulot sa maraming magkakaibang ideya hinggil sa kung sino ang Diyos, kung ano ang kaniyang mga layunin, at kung paano niya nais na sambahin siya? Makatuwiran bang maniwala na hindi mahalaga sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat kung paano natin siya sinasamba?

Ang Tunay na mga Kristiyano Noon at Ngayon

Kung minsan, ang mga Kristiyano noong unang siglo ay may magkakaibang opinyon tungkol sa mga bagay-bagay. Halimbawa, sa pagtukoy sa mga taga-Corinto, sinabi ni apostol Pablo: “May ibinunyag sa akin tungkol sa inyo, mga kapatid ko, yaong mga nasa sambahayan ni Cloe, na may mga di-pagkakasundo na umiiral sa gitna ninyo. Ang ibig kong sabihin ay ito, na ang bawat isa sa inyo ay nagsasabi: ‘Ako ay kay Pablo,’ ‘Ngunit ako ay kay Apolos,’ ‘Ngunit ako ay kay Cefas,’ ‘Ngunit ako ay kay Kristo.’ ”​—1 Corinto 1:11, 12.

Itinuring ba ni Pablo ang mga pagkakaibang ito na hindi gaanong mahalaga? Sinusunod lamang ba ng bawat indibiduwal ang kaniyang sariling landas tungo sa kaligtasan? Hindi nga! Nagpaalaala si Pablo: “Pinapayuhan ko kayo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo na kayong lahat ay magsalita nang magkakasuwato, at na huwag magkaroon ng mga pagkakabaha-bahagi sa gitna ninyo, kundi lubos kayong magkaisa sa iisang pag-iisip at sa iisang takbo ng kaisipan.”​—1 Corinto 1:10.

Sabihin pa, ang pagkakaisa ng paniniwala ay hindi makakamit sa pamamagitan ng pamimilit. Natatamo lamang ito kapag maingat na sinusuri ng mga indibiduwal ang mga bagay-bagay at sumapit sa gayunding mga konklusyon at tinanggap ang mga ito. Sa gayon, ang personal na pag-aaral sa Salita ng Diyos at ang matapat na pagnanais na ikapit ang natututuhan ay mahahalagang hakbang sa pagtatamasa ng uri ng pagkakaisa na binanggit ni Pablo. Maaari bang masumpungan ang gayong uri ng pagkakaisa? Gaya ng nakita na natin, matagal nang pinakikitunguhan ng Diyos ang kaniyang bayan bilang isang grupo. Posible bang makilala ang grupong iyan sa ngayon?

Ang mga Kapakinabangan ng Tamang Pakikipagsamahan

Minsan ay nagtanong ang salmistang si David: “O Jehova, sino ang magiging panauhin sa iyong tolda? Sino ang tatahan sa iyong banal na bundok?” Isa nga iyang nakapupukaw-kaisipang tanong. Sumagot si David: “Siyang lumalakad nang walang pagkukulang at nagsasagawa ng katuwiran at nagsasalita ng katotohanan sa kaniyang puso.” (Awit 15:1, 2) Ang tumpak na pagkaunawa sa Bibliya ay makatutulong sa isa na makilala ang relihiyon na nakatutugon sa mga kahilingang iyan ng Diyos. Pagkatapos, sa pamamagitan ng pakikisama sa grupong iyan, tatamasahin ng isa ang nakapagpapatibay na pakikipagsamahan sa mga taong sumasamba sa Diyos sa pagkakaisa at “sa espiritu at katotohanan.”

Ipinakita ng mga Saksi ni Jehova na posibleng matamo ang pagkakaisa sa paniniwala at pagkilos kahit sa di-nagkakaisang sanlibutan sa ngayon. Kabilang sa kanila ang dating mga miyembro ng maraming iba’t ibang relihiyon at etnikong grupo. Ang ibang mga Saksi ay mga agnostiko o mga ateista noon. Ang iba pa ay talagang hindi seryoso sa relihiyon. Nagmula sa iba’t ibang mga relihiyon, kultura, at pilosopiyang ito ang mga indibiduwal na nagtatamasa ngayon ng relihiyosong pagkakaisa na hindi nakikita sa daigdig sa ngayon.

Ang saligan ng gayong pagkakaisa ay ang Salita ng Diyos, ang Bibliya. Sabihin pa, nalalaman ng mga Saksi ni Jehova na hindi nila puwedeng diktahan ang iba kung ano ang gagawin. Ngunit pinahahalagahan nila ang pribilehiyo na pasiglahin ang iba na mag-aral ng Bibliya upang maging matibay na saligan nila iyon sa pagpili sa mga bagay na may kaugnayan sa pagsamba. Sa ganitong paraan, marami pa ang makababahagi sa mga pagpapala na nagmumula sa pagsamba sa Diyos “sa espiritu at katotohanan.”

Sa ngayon, malaki ang panganib na mabiktima ng nakasasamang mga impluwensiya at pang-akit. Napakahalaga ng pagpili ng tamang anyo ng pakikipagsamahan. Sinasabi ng Bibliya na “siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong” at na “ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (Kawikaan 13:20; 1 Corinto 15:33) Ang pakikisama sa tunay na mga mananamba ng Diyos ay isang proteksiyon. Kaya naman, pinaaalalahanan tayo ng Bibliya: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon, gaya ng kinaugalian ng iba, kundi nagpapatibayang-loob sa isa’t isa, at lalung-lalo na samantalang inyong nakikita na papalapit na ang araw.” (Hebreo 10:24, 25) Kaylaking pagpapala nga kapag ang tunay na magkakaibigan, ang espirituwal na magkakapatid, ay maibiging nagtutulungan sa isa’t isa upang matupad nila ang kanilang mga pananagutan sa harap ng Diyos!

Ganito rin ang pangmalas ni Ottmar. Bagaman lumaki sa isang pamilyang Katoliko sa Alemanya, huminto siya sa pagsisimba. Ipinaliwanag niya: “Tuwing nagsisimba ako, umuuwi ako na nakadaramang walang layunin ang buhay gaya nang pumasok ako.” Gayunman, patuloy siyang nanampalataya sa Diyos. Pagkatapos ay nakausap niya ang mga Saksi ni Jehova at nakumbinsi na sila ang tunay na mga lingkod ng Diyos. Nakita niya ang pangangailangang makipagsamahan sa kanila. Sinasabi niya ngayon: “Sa pagiging aktibo sa pambuong-daigdig na organisasyon, nagtatamasa ako ng kapayapaan ng isip at puso. Pasulong akong tinutulungan na magkaroon ng mas tumpak na kaalaman sa Bibliya. Napakalaking bagay niyan para sa akin.”

Isang Paanyaya sa mga Naghahanap

Ang mga taong magkakatulad ang kaisipan na gumagawang magkakasama bilang isang grupo ay makatatapos ng isang atas nang mas mahusay kaysa sa mga indibiduwal na gumagawa nang kaniya-kaniya. Halimbawa, ganito ang pangwakas na mga tagubilin ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Paano lubusang maisasakatuparan ang gayong atas kung walang pangangasiwa o organisasyon? Paano masusunod ng isa ang maka-Kasulatang utos na ito kung sinisikap niyang paglingkuran ang Diyos nang nag-iisa?

Noong nakaraang taon, ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay namahagi ng 91,933,280 salig-Bibliyang mga aklat, buklet, at brosyur, bukod pa sa 697,603,247 magasin, sa gayo’y napaabutan ng mensahe na nagmumula sa Salita ng Diyos ang daan-daang milyong tao sa 235 lupain. Kaylaking patotoo na ang pagsisikap ng nagkakaisa at lubhang organisadong grupo ay di-hamak na mas malaki ang magagawa kaysa sa pagsisikap ng walang katulong na indibiduwal!

Bukod sa pamamahagi ng literatura sa Bibliya, ang mga Saksi ni Jehova ay nagdaraos ng walang-bayad na mga pag-aaral sa Bibliya upang tulungan ang mga tao na magkaroon ng lubos na kaunawaan sa hinihiling ng Diyos. Noong nakaraang taon, sa katamtaman, 5,726,509 na gayong mga pag-aaral sa Bibliya ang idinaos bawat linggo sa mga indibiduwal o mga grupo. Ang pagtuturong ito sa Bibliya ay nakatulong sa milyun-milyong tao na magtamo ng matibay na saligan na makatutulong sa kanilang pagpili sa mga bagay na may kaugnayan sa pagsamba. Inaanyayahan kang pag-aralan ang mga kahilingan ng Diyos gaya ng nakasaad sa Bibliya. Pagkatapos ay makagagawa ka ng iyong pagpili.​—Efeso 4:13; Filipos 1:9; 1 Timoteo 6:20; 2 Pedro 3:18.

Kung nais mong palugdan ang Diyos, napakahalagang umanib sa isang relihiyon​—ngunit hindi basta sa anumang relihiyosong grupo o denominasyon. Kailangan mong isalig ang iyong pagpili ng relihiyon sa tumpak na kaalaman sa Bibliya, hindi sa walang-patotoong mga doktrina o sabi-sabi. (Kawikaan 16:25) Pag-aralan mo ang mga kahilingan para sa tunay na relihiyon. Ihambing mo ang mga ito sa iyong mga paniniwala. Pagkatapos ay pumili ka alinsunod dito.​—Deuteronomio 30:19.

[Mga larawan sa pahina 7]

Nagtatamasa ang mga Saksi ni Jehova ng pagkakaisa sa isang di-nagkakaisang daigdig