Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gagawin o Hindi Gagawin sa Iba?

Gagawin o Hindi Gagawin sa Iba?

Gagawin o Hindi Gagawin sa Iba?

“KUNG ano ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa iba.” Ang kasabihang ito sa moral ay ipinalalagay na nagmula sa kilaláng guro at pilosopong Tsino na si Confucius. Sa ngayon, pagkalipas ng mga 2,500 taon, naniniwala pa rin ang marami na nagawa na ng isang tao ang kaniyang moral na tungkulin basta’t hindi siya gumagawa ng anumang pinsala sa iba.

Walang-alinlangang ang tuntuning ito ni Confucius sa paggawi ay may halaga. Sa kabilang dako naman, isinisiwalat ng Bibliya ang isa pang elemento sa paggawi at interaksiyon ng tao. Bukod sa kasalanan ng paggawa ng masama sa kapuwa (sin of commission), binabanggit din ng Bibliya ang tungkol sa kasalanan ng di-paggawa ng tama sa iba (sin of omission). Ang Kristiyanong alagad na si Santiago ay sumulat: “Kung nalalaman ng isa kung paano gagawin ang tama at gayunma’y hindi ito ginagawa, ito ay kasalanan sa kaniya.” (Santiago 4:17) Sa halip na basta turuan ang mga Kristiyano na huwag gumawa ng masama sa iba, ibinigay ni Jesu-Kristo ang payong ito: “Lahat ng mga bagay . . . na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.”​—Mateo 7:12.

Orihinal na nilayon ng Diyos na pakitunguhan ng buong sangkatauhan ang isa’t isa kung paano nila gustong pakitunguhan sila. Nagpakita siya ng pinakamainam na halimbawa sa pagmamalasakit sa kapakanan ng iba sa paraan ng paglalang niya sa mga tao: “Pinasimulang lalangin ng Diyos ang tao ayon sa kaniyang larawan, nilalang niya siya ayon sa larawan ng Diyos; nilalang niya sila na lalaki at babae.” (Genesis 1:27) Nangangahulugan ito na maibiging pinagkalooban ng Diyos ang mga tao ng isang budhi na kung masasanay nang wasto ay papatnubay sa kanila upang pakitunguhan ang iba sa paraan na gusto nilang pakitunguhan sila.

Marami sa ngayon ang nagdurusa nang walang pag-asa at tulong sa mga kamay ng mga taong walang malasakit at makasarili. Maliwanag, higit pa sa basta hindi paggawa ng masama at nakapipinsala sa iba ang kailangan kundi, sa halip, ang paggawa ng mabuti at pagtulong sa kanila. Dahil dito, boluntaryong kumikilos ang mga Saksi ni Jehova upang tulungan ang iba na matuto hinggil sa kamangha-manghang pag-asa na masusumpungan sa Salita ng Diyos. Kapag dumadalaw sila sa kanilang mga kapuwa taglay ang mabuting balita mula sa Bibliya, ginagawa nila iyon sa espiritu ng pag-ibig, anupat ginagawa sa iba ang gusto nilang gawin sa kanila.