Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Bakit pinahintulutan ni David, na isang tapat na lingkod ni Jehova, ang kaniyang asawang si Mical na magkaroon ng isang imaheng terapim, o idolo, gaya ng ipinakikita sa 1 Samuel 19:12, 13?

Isaalang-alang muna natin sandali ang konteksto. Nang mabalitaan ng asawa ni David ang pakana ni Haring Saul na patayin si David, agad siyang kumilos. Sinasabi ng Bibliya: “Kaagad na pinababa ni Mical si David sa bintana, upang makayaon ito at makatakbo at makatakas. Nang magkagayon ay kinuha ni Mical ang imaheng terapim [na maliwanag na kasinlaki at kahugis ng isang tao] at inilagay niya iyon sa higaan, at ang isang lambat na yari sa balahibo ng kambing ay inilagay niya sa kaniyang dakong ulunan, pagkatapos ay tinakpan niya iyon ng isang kasuutan.” Nang dumating ang mga mensahero ni Saul upang dakpin si David, sinabi sa kanila ni Mical: “Siya ay may sakit.” Inantala ng estratehiyang ito ang paghahanap kay David kaya nagtagumpay siya sa pagtakas.​—1 Samuel 19:11-16.

Ipinahihiwatig ng arkeolohikal na mga tuklas na noong sinaunang panahon, ang mga imaheng terapim ay iniingatan hindi lamang para sa relihiyosong gamit kundi para sa legal na mga layunin. Kung paanong tinitiyak ng mga titulo ng pagmamay-ari at nasusulat na mga testamento ang mga karapatan sa pagmamana ngayon, gayundin ang layunin ng mga imaheng terapim noong sinaunang panahon. Maliwanag, sa ilalim ng ilang kalagayan, ang pag-aari ng terapim ay maaaring magbigay sa isang manugang na lalaki ng karapatang manahin ang ari-arian ng kaniyang namatay na biyenang lalaki. Ito ang maaaring paliwanag kung bakit, bago pa nito, kinuha ni Raquel ang mga imaheng terapim ng kaniyang ama at kung bakit gayon na lamang ang pagkabahala nito na mabawi ang mga ito. Sa pagkakataong iyon, hindi alam ng asawa ni Raquel na si Jacob ang ginawa ng kaniyang asawa.​—Genesis 31:14-34.

Nang maging isang bansa ang mga Israelita, tinanggap nila ang Sampung Utos, ang ikalawa rito ay espesipikong nagbabawal sa paggawa ng mga idolo. (Exodo 20:4, 5) Nang maglaon, tinukoy ni propeta Samuel ang kautusang ito sa pakikipag-usap kay Haring Saul. Sinabi niya: “Ang paghihimagsik ay katulad ng kasalanang panghuhula, at ang pagkilos nang may kapangahasan ay katulad ng paggamit ng mahiwagang kapangyarihan at terapim.” (1 Samuel 15:23) Sa kadahilanang ito, malayong mangyari na ang terapim ay nagsilbi sa mga layunin may kaugnayan sa pagmamana sa Israel. Gayunpaman, waring nagpatuloy ang sinaunang anyong ito ng pamahiing Judio sa ilang sambahayang Israelita. (Hukom 17:5, 6; 2 Hari 23:24) Ang bagay na nag-ingat si Mical ng isang imaheng terapim sa kaniyang mga pag-aari ay nagpapakita na ang kaniyang puso ay hindi naging sakdal kay Jehova. Maaaring hindi alam ni David ang tungkol sa imaheng terapim o pinayagan niya ito sapagkat si Mical ay anak ni Haring Saul.

Ang pananaw ni David hinggil sa bukod-tanging debosyon kay Jehova ay ipinahahayag sa pananalitang ito: “Si Jehova ay dakila at lubhang marapat na purihin, at siya ay marapat katakutan nang higit kaysa sa lahat ng iba pang diyos. Sapagkat ang lahat ng diyos ng mga bayan ay walang-silbing mga diyos. Kung tungkol kay Jehova, ginawa niya ang langit.”​—1 Cronica 16:25, 26.

[Larawan sa pahina 29]

Ipinagbabawal ng ikalawa sa Sampung Utos ang paggawa ng mga idolo, gaya ng terapim na ipinakikita rito

[Credit Line]

Mula sa aklat na The Holy Land, Tomo II, 1859