Paggawa ng Mabuti sa mga Panahon ng Kagipitan
Paggawa ng Mabuti sa mga Panahon ng Kagipitan
“GUMAWA tayo ng mabuti sa lahat,” ang himok ni apostol Pablo, “ngunit lalo na roon sa mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya.” (Galacia 6:10) Buong-sikap na ikinakapit ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ang simulaing iyan sa kanilang buhay, anupat gumagawa ng mabuti sa lahat, lalo na sa kanilang mga kapananampalataya. Paulit-ulit itong nakikita sa mga panahon ng kagipitan. Isaalang-alang natin ang mga halimbawa kamakailan mula sa tatlong bansa.
Noong Disyembre 2002, hinampas ng isang malakas na bagyo ang Guam, na may hanging may lakas na mahigit sa 300 kilometro bawat oras. Maraming tahanan ang nasira at ang ilan ay wasak na wasak. Mabilis na nag-organisa ang lokal na mga kongregasyon ng mga maglilinis upang tumulong sa mga pamilyang Saksi na pinakamalubhang naapektuhan. Nagpadala ang sangay sa Guam ng mga materyales at mga manggagawa upang kumpunihin ang nasirang mga tahanan, at tumulong din ang sangay sa Hawaii. Sa loob ng ilang linggo, dumating ang isang pangkat ng mga karpintero mula sa Hawaii upang tumulong sa muling pagtatayo, at upang tulungan ang mga kapatid na ito, nagbakasyon sa kanilang mga trabaho ang ilang mga kapatid na tagaroon. Isang patotoo sa buong pamayanan ang espiritu ng masayang pagtutulungan.
Sa isang karatig-pook sa lunsod ng Mandalay, Myanmar, nagkasunog di-kalayuan sa Kingdom Hall. Malapit dito ang bahay ng isang di-aktibong sister at ng kaniyang pamilya. Ang hangin ay patungo sa direksiyon ng kaniyang bahay, kaya tumakbo siya sa Kingdom Hall upang humingi ng tulong. Nang panahong iyon, ang Kingdom Hall ay inaayos, kaya maraming kapatid ang naroroon. Nagulat silang makita ang sister dahil hindi nila alam na nakatira siya sa lugar na iyon. Karaka-raka, tumulong ang mga kapatid sa paglilikas ng mga gamit ng pamilya sa ligtas na dako. Nang mabalitaan ng asawang lalaki na di-Saksi ang tungkol sa sunog, kaagad siyang umuwi kung saan nasumpungan niyang inaasikaso ng mga kapatid ang kaniyang pamilya. Siya ay napahanga at nagpasalamat, gayundin nakahinga siya nang maluwag sapagkat kadalasang sinasamantala ng mga magnanakaw ang gayong mga situwasyon. Ang kabaitang ito ng mga kapatid ang nagpakilos sa sister at sa kaniyang anak na lalaki na muling makisama sa kongregasyong Kristiyano, at dumadalo na sila ngayon sa lahat ng mga pagpupulong.
Noong nakaraang taon ng paglilingkod, napaharap sa taggutom ang marami sa Mozambique dahil sa mga tagtuyot at mahinang ani. Agad tumugon ang lokal na tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng paglalaan ng pagkain para sa mga nagdarahop. Ang mga pagkain ay ipinamahagi sa mga Kingdom Hall, kung
minsan pagkatapos ng mga pulong ng kongregasyon. Isang sister na nagsosolong magulang ang nagsabi: “Nanlulumo ako nang dumalo ako sa pagpupulong dahil hindi ko alam kung ano ang ipakakain ko sa aking mga anak pag-uwi namin.” Agad siyang napasigla ng maibiging tulong ng mga kapatid. “Para akong nabuhay-muli!” aniya.Ang mga Saksi ay ‘gumagawa rin ng mabuti’ sa espirituwal na paraan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mensahe ng kaaliwan at pag-asa mula sa Bibliya. Naniniwala sila gaya ng matalinong tao noong una: “Kung tungkol sa sinumang nakikinig sa [makadiyos na karunungan], tatahan siya nang tiwasay at hindi maliligalig ng panghihilakbot sa kapahamakan.”—Kawikaan 1:33.
[Mga larawan sa pahina 31]
1, 2. Pamamahagi ng pagkain sa mga nagdarahop sa Mozambique
3, 4. Sinira ng bagyo sa Guam ang maraming tahanan
[Credit Lines]
Bata, sa kaliwa: Andrea Booher/FEMA News Photo; babae, sa itaas: AP Photo/Pacific Daily News, Masako Watanabe