Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pinagpapala ang mga Nagbibigay ng Kaluwalhatian sa Diyos

Pinagpapala ang mga Nagbibigay ng Kaluwalhatian sa Diyos

Pinagpapala ang mga Nagbibigay ng Kaluwalhatian sa Diyos

“Yuyukod sila sa harap mo, O Jehova, at magbibigay ng kaluwalhatian sa iyong pangalan.”​—AWIT 86:9.

1. Bakit tayo maaaring magbigay ng kaluwalhatian sa Diyos sa mga paraang nakahihigit sa magagawa ng mga nilalang na walang buhay?

SI Jehova ay nararapat purihin ng lahat ng kaniyang nilalang. Bagaman ang kaniyang mga nilalang na walang buhay ay tahimik na nagbibigay sa kaniya ng kaluwalhatian, tayong mga tao ay may kakayahang mangatuwiran, umunawa, magpahalaga, at sumamba. Kung gayon, sinasabi sa atin ng salmista: “May-pagbubunyi kayong sumigaw sa Diyos, lahat kayong mga tao sa lupa. Umawit kayo ukol sa kaluwalhatian ng kaniyang pangalan. Gawin ninyong maluwalhati ang papuri sa kaniya.”​—Awit 66:1, 2.

2. Sinu-sino ang mga tumugon sa utos na magbigay ng kaluwalhatian sa pangalan ng Diyos, at bakit?

2 Ang karamihan sa sangkatauhan ay tumatangging kumilala sa Diyos o magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian. Gayunman, sa 235 lupain, ipinakikita ng mahigit sa anim na milyong Saksi ni Jehova na kanilang nakikita ang “di-nakikitang mga katangian” ng Diyos sa mga bagay na kaniyang ginawa at na kanilang “naririnig” ang tahimik na patotoo ng sangnilalang. (Roma 1:20; Awit 19:2, 3) Sa pag-aaral ng Bibliya, nakilala rin nila at inibig si Jehova. Inihula ng Awit 86:9, 10: “Ang lahat ng mga bansa na ginawa mo ay darating, at yuyukod sila sa harap mo, O Jehova, at magbibigay ng kaluwalhatian sa iyong pangalan. Sapagkat ikaw ay dakila at gumagawa ng kamangha-manghang mga bagay; ikaw ang Diyos, ikaw lamang.”

3. Paano nag-uukol ng “sagradong paglilingkod araw at gabi” ang “malaking pulutong”?

3 Sa katulad na paraan, inilalarawan ng Apocalipsis 7:9, 15 ang “isang malaking pulutong” ng mga mananamba na “nag-uukol [sa Diyos] ng sagradong paglilingkod araw at gabi sa kaniyang templo.” Hindi naman literal na hinihiling ng Diyos na purihin siya ng kaniyang mga lingkod nang walang tigil, pero ang kaniyang mga mananamba ay isang pangglobong organisasyon. Kaya kapag gabi sa ilang lupain, ang mga lingkod naman ng Diyos sa kabilang panig ng globo ay abala sa pagpapatotoo. Kaya masasabing hindi nilulubugan ng araw ang mga nagbibigay ng kaluwalhatian kay Jehova. Di-magtatagal, ilalakas ng “bawat bagay na may hininga” ang kani-kanilang tinig sa pagpuri kay Jehova. (Awit 150:6) Samantala, ano ang magagawa natin bilang mga indibiduwal upang magbigay ng kaluwalhatian sa Diyos? Anu-anong hamon ang maaaring mapaharap sa atin? At anu-anong pagpapala ang naghihintay sa mga nagbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos? Bilang sagot, isaalang-alang natin ang isang ulat sa Bibliya hinggil sa tribo ni Gad ng Israel.

Isang Sinaunang Hamon

4. Anong hamon ang napapaharap sa tribo ni Gad?

4 Bago pumasok sa Lupang Pangako, hiniling ng mga miyembro ng tribo ni Gad ng Israel na pahintulutan silang manirahan sa silangan ng Jordan sa isang lugar na angkop maging pastulan. (Bilang 32:1-5) Ang pagtira roon ay mangangahulugan ng pagharap sa matitinding hamon. Magiging proteksiyon ng mga tribo sa kanluran ang Libis ng Jordan​—isang likas na balakid sa militar na pagsalakay. (Josue 3:13-17) Gayunman, hinggil sa mga lupain sa silangan ng Jordan, ganito ang sinabi ng The Historical Geography of the Holy Land, ni George Adam Smith: “Patag lahat [ang mga lupain], at halos walang makikitang sagabal, sa taas ng malaking talampas ng Arabia. Dahil dito, ang mga ito ay palaging nakahantad sa pagsalakay ng gutóm na mga taong pagala-gala, anupat taun-taon ay dinudumog ng mga taong ito ang mga lupain upang manginain ang kanilang mga kawan.”

5. Paano pinasigla ni Jacob ang mga inapo ni Gad na tumugon kapag sinalakay sila?

5 Paano kaya haharapin ng tribo ni Gad ang gayong walang-lubay na panggigipit? Maraming siglo bago nito, noong malapit na siyang mamatay, inihula ng kanilang ninuno na si Jacob: “Kung tungkol kay Gad, isang pangkat ng mandarambong ang lulusob sa kaniya, ngunit lulusubin niya ang pinakahulihan.” (Genesis 49:19) Sa unang tingin, waring nakapanlulumo ang mga salitang iyon. Subalit ang totoo, nagpapahiwatig ito ng utos na lumaban ang mga Gadita. Tiniyak sa kanila ni Jacob na kapag ginawa nila ito, uurong sa kahiya-hiyang paraan ang mga manlulusob, habang hinahabol sila ng mga Gadita sa kanilang pinakahulihan.

Mga Hamon sa Ating Pagsamba sa Ngayon

6, 7. Paano nakakatulad ng situwasyon ng mga Kristiyano sa ngayon ang kalagayan ng tribo ni Gad?

6 Tulad ng tribo ni Gad, ang mga Kristiyano sa ngayon ay nakahantad sa mga panggigipit at pabigat ng sistema ni Satanas; walang makahimalang proteksiyon ang nagliligtas sa atin sa pakikipagpunyagi sa mga ito. (Job 1:10-12) Marami sa atin ang kailangang humarap sa mga panggigipit ng pagpasok sa paaralan, paghahanapbuhay, at pagpapalaki sa mga anak. Nariyan din ang personal o panloob na mga panggigipit. Kailangan namang batahin ng ilan ang “isang tinik sa laman” sa anyo ng malubhang kapansanan o karamdaman. (2 Corinto 12:7-10) Naliligalig naman ang iba dahil pakiramdam nila’y wala silang halaga. “Ang kapaha-pahamak na mga araw” ng pagtanda ay maaaring humadlang sa may-edad nang mga Kristiyano sa paglilingkod kay Jehova di-tulad noong malakas pa sila.​—Eclesiastes 12:1.

7 Ipinaaalaala rin sa atin ni apostol Pablo na “tayo ay may pakikipagbuno . . . laban sa balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako.” (Efeso 6:12) Palagi tayong nakahantad sa “espiritu ng sanlibutan,” ang espiritu ng paghihimagsik at moral na katiwalian na itinataguyod ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo. (1 Corinto 2:12; Efeso 2:2, 3) Tulad ni Lot na may takot sa Diyos, maaaring nababagabag tayo ngayon sa imoral na mga bagay na ginagawa o sinasabi ng mga taong nasa paligid natin. (2 Pedro 2:7) Nakahantad din tayo sa tuwirang pagsalakay ni Satanas. Si Satanas ay nakikipagdigma sa nalabi ng mga pinahiran, “na tumutupad sa mga utos ng Diyos at may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” (Apocalipsis 12:17) Nararanasan din ng “ibang mga tupa” ni Jesus ang pagsalakay ni Satanas sa anyo ng mga pagbabawal at pag-uusig.​—Juan 10:16.

Magpadaig o Lumaban?

8. Paano tayo dapat tumugon sa mga pagsalakay ni Satanas, at bakit?

8 Ano ang dapat na maging pagtugon natin sa mga pagsalakay ni Satanas? Gaya ng sinaunang tribo ni Gad, dapat tayong maging malakas sa espirituwal at lumaban alinsunod sa mga tagubilin ng Diyos. Nakalulungkot, ang ilan ay nagsisimula nang magpadaig sa mga panggigipit sa buhay, anupat pinababayaan ang kanilang espirituwal na mga pananagutan. (Mateo 13:20-22) Ganito ang sinabi ng isang Saksi kung bakit mababa ang bilang ng mga dumadalo sa pulong sa kanilang kongregasyon: “Talagang napapagod na ang mga kapatid. Nasasagad na silang lahat.” Sabihin pa, maraming dahilan upang mapagod ang mga tao sa ngayon. Kaya madaling ituring ang pagsamba sa Diyos bilang karagdagang panggigipit, isang nakapagpapabigat na obligasyon. Pero iyan ba ay makatuwiran​—o wasto​—na pangmalas?

9. Paano nagdudulot ng kaginhawahan ang pagpasan sa pamatok ni Kristo?

9 Isaalang-alang ang sinabi ni Jesus sa mga pulutong noong panahon niya na napabibigatan din ng mga panggigipit sa buhay: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo.” Ipinahiwatig ba ni Jesus na magkakaroon ng kaginhawahan sa pamamagitan ng pagbabawas sa paglilingkod ng isang tao sa Diyos? Sa kabaligtaran, sinabi ni Jesus: “Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa.” Ang isang pamatok ay isang balangkas na gawa sa kahoy o metal na tumutulong sa isang tao o hayop na dalhin ang isang mabigat na pasan. Kung gayon, bakit naman nanaisin ng sinuman na magpasan ng gayong pamatok? Hindi ba tayo “nabibigatan” na? Oo, pero maaari ring basahin nang ganito ang tekstong Griego: “Makipamatok ka sa akin.” Isip-isipin na lamang: Inaalukan tayo ni Jesus ng tulong na balikatin ang ating pasan! Hindi natin ito kailangang gawin sa sariling lakas lamang natin.​—Mateo 9:36; 11:28, 29, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures​—With References; 2 Corinto 4:7.

10. Ano ang magiging resulta ng ating pagsisikap na magbigay ng kaluwalhatian sa Diyos?

10 Kapag pinapasan natin ang pamatok ng pagkaalagad, nilalabanan natin si Satanas. “Salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo,” ang pangako ng Santiago 4:7. Hindi ito nangangahulugan na madali itong gawin. Ang paglilingkod sa Diyos ay nagsasangkot ng malaking pagsisikap. (Lucas 13:24) Pero nangangako ng ganito ang Bibliya sa Awit 126:5: “Yaong mga naghahasik ng binhi na may mga luha ay gagapas na may hiyaw ng kagalakan.” Oo, hindi tayo sumasamba sa isang Diyos na walang pagpapahalaga sa ating mga ginawa. Siya ay “tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya,” at pinagpapala niya ang mga nagbibigay sa kaniya ng kaluwalhatian.​—Hebreo 11:6.

Pagluwalhati sa Diyos Bilang mga Mangangarál ng Kaharian

11. Paano nagsisilbing pandepensa laban sa mga pagsalakay ni Satanas ang ministeryo sa larangan?

11 Iniutos ni Jesus: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” Ang gawaing pangangaral ang pangunahing paraan ng pagbibigay sa Diyos ng “hain ng papuri.” (Mateo 28:19; Hebreo 13:15) Ang ‘pagsusuot natin sa ating mga paa ng panyapak para sa mabuting balita ng kapayapaan’ ay isang napakahalagang bahagi ng ating “kumpletong kagayakang pandigma”​—ang ating pandepensa laban sa mga pagsalakay ni Satanas. (Efeso 6:11-15) Ang pagpuri sa Diyos sa ating ministeryo sa larangan ay isang mainam na paraan upang palakasin ang ating pananampalataya. (2 Corinto 4:13) Tinutulungan tayo nito na ingatan ang ating isipan laban sa negatibong mga bagay. (Filipos 4:8) Sa pamamagitan ng pakikibahagi sa ministeryo sa larangan, natatamasa natin ang nakapagpapatibay na pakikipagsamahan sa ating kapuwa mga mananamba.

12, 13. Paano makikinabang ang mga pamilya sa regular na pakikibahagi sa ministeryo sa larangan? Ilarawan.

12 Ang gawaing pangangaral ay maaari ring maging isang kasiya-siyang aktibidad ng pamilya. Siyempre, kailangan ng mga kabataan ang timbang na libangan. Gayunman, ang panahong ginugugol sa ministeryo sa larangan bilang pamilya ay hindi naman kailangang maging nakababagot. Maaari itong gawing higit na kasiya-siya ng mga magulang sa pamamagitan ng pagsasanay sa kanilang mga anak na maging mabisa sa pakikipag-usap sa ministeryo. Hindi ba’t malamang na masiyahan ang mga kabataan sa mga bagay kung saan sila mahusay? Sa pagpapakita ng timbang na pangmalas at hindi paghiling ng higit sa makakaya ng mga kabataan, matutulungan sila ng mga magulang na makasumpong ng kagalakan sa ministeryo.​—Genesis 33:13, 14.

13 Karagdagan pa, nagiging malapít ang ugnayan ng pamilyang magkakasamang pumupuri sa Diyos. Isaalang-alang ang isang kapatid na babae na inabandona ng kaniyang di-sumasampalatayang asawa, anupat iniwan sa kaniya ang lima nilang anak. Dahil dito, napaharap siya sa hamon na magtrabaho at maglaan sa materyal na paraan para sa kaniyang mga anak. Pagód na pagód na ba siya anupat winalang-bahala na niya ang espirituwal na kapakanan ng kaniyang mga anak? Nagugunita niya: “Puspusan kong pinag-aralan ang Bibliya at ang mga publikasyong salig sa Bibliya at sinikap kong ikapit ang aking nabasa. Regular kong dinadala ang mga bata sa mga pulong at sa ministeryong pagbabahay-bahay. Ano ang naging resulta ng aking mga pagsisikap? Lahat ng aking limang anak ay bautisado na.” Sa katulad na paraan, ang lubusang pakikibahagi sa ministeryo ay makatutulong sa iyong pagsisikap na palakihin ang iyong mga anak “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.”​—Efeso 6:4.

14. (a) Paano makapagbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos ang mga kabataan sa paaralan? (b) Ano ang makatutulong sa mga kabataan upang hindi nila ‘ikahiya ang mabuting balita’?

14 Mga kabataan, kung nakatira kayo sa isang lupain kung saan pinahihintulutan ng batas ang pakikipag-usap tungkol sa relihiyon, nagbibigay ba kayo ng kaluwalhatian sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa paaralan, o pinahihintulutan ninyong mapigilan kayo ng takot sa tao? (Kawikaan 29:25) Isang 13-taóng-gulang na Saksi sa Puerto Rico ang sumulat: “Hindi ako kailanman nahihiyang mangaral sa paaralan sapagkat alam kong ito ang katotohanan. Sa klase, palagi akong nagtataas ng kamay at sinasabi ko ang aking natututuhan sa Bibliya. Kung may libre akong panahon, nagpupunta ako sa aklatan at nagbabasa ng aklat na Tanong ng mga Kabataan.” * Pinagpala ba ni Jehova ang kaniyang mga pagsisikap? Iniulat niya: “Kung minsan, nagtatanong sa akin ang mga kaklase ko at humihiling pa nga ng kopya ng aklat.” Kung nag-aatubili ka sa bagay na ito, marahil ay kailangan mong patunayan sa iyong sarili “ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos” sa pamamagitan ng masikap na personal na pag-aaral. (Roma 12:2) Kapag kumbinsido kang ang iyong natututuhan ay ang katotohanan, hindi mo kailanman ‘ikahihiya ang mabuting balita.’​—Roma 1:16.

Isang ‘Bukas na Pinto’ Ukol sa Paglilingkod

15, 16. Anong “malaking pinto na umaakay sa gawain” ang pinasok ng ilang Kristiyano, at anong mga pagpapala ang ibinunga nito?

15 Sumulat si apostol Pablo na “isang malaking pinto na umaakay sa gawain” ang binuksan sa kaniya. (1 Corinto 16:9) Maaari kayang pahintulutan ng iyong kalagayan na pasukin mo ang isang pinto na umaakay sa gawain? Halimbawa, ang pakikibahagi sa ministeryo bilang regular o auxiliary pioneer ay nagsasangkot ng paglalaan ng 70 o 50 oras sa gawaing pangangaral sa isang buwan. Siyempre pa, pinahahalagahan ng kapuwa mga Kristiyano ang mga payunir sa kanilang tapat na paglilingkod. Pero ang bagay na gumugugol sila ng higit na panahon sa ministeryo ay hindi nagpapadama sa kanila na sila’y nakahihigit sa kanilang mga kapatid. Sa halip, nililinang nila ang saloobing pinasisigla ni Jesus: “Kami ay walang-kabuluhang mga alipin. Ang aming ginawa ang siyang dapat naming gawin.”​—Lucas 17:10.

16 Kailangan sa pagpapayunir ang pagdidisiplina at pag-oorganisa sa sarili, at ang pagiging handang magsakripisyo. Gayunman, sulit ang mga pagpapala. “Tunay na isang pagpapala ang magamit nang wasto ang Salita ng Diyos ng katotohanan,” ang sabi ng isang payunir na nagngangalang Tamika. “Kapag nagpapayunir ka, napakadalas mong gamitin ang Bibliya. Ngayon kapag nagpupunta ako sa bahay-bahay, naiisip ko na ang mga tekstong angkop sa bawat may-bahay.” (2 Timoteo 2:15) Ganito naman ang sinabi ng isang payunir na nagngangalang Mica: “Ang makita kung paano nakaaapekto sa buhay ng mga tao ang katotohanan ay isa pang kamangha-manghang pagpapala.” Gayundin ang binanggit ng isang kabataang nagngangalang Matthew hinggil sa kagalakan na “makita ang isa na sumapit sa katotohanan. Walang ibang uri ng kagalakan ang maipapalit dito.”

17. Paano dinaig ng isang Kristiyano ang negatibong mga damdamin hinggil sa pagpapayunir?

17 Maaari mo bang pag-isipang magpayunir? Marahil ay gusto mo pero nadarama mong hindi ka karapat-dapat. “May negatibo akong mga damdamin hinggil sa pagpapayunir,” ang pag-amin ng kabataang kapatid na babaing nagngangalang Kenyatte. “Nadarama kong wala akong kakayahan. Hindi ko alam kung paano maghanda ng mga introduksiyon o mangatuwiran mula sa Kasulatan.” Gayunman, nag-atas ang matatanda ng isang may-gulang na payunir na sister upang gumawang kasama niya. “Masaya ang gumawang kasama niya,” ang naalaala ni Kenyatte. “Iyan ang dahilan kung bakit nagustuhan kong magpayunir.” Sa pamamagitan ng ilang pampatibay-loob at pagsasanay, marahil ay magugustuhan mo ring magpayunir.

18. Anong mga pagpapala ang maaaring tamasahin ng mga pumapasok sa paglilingkod bilang misyonero?

18 Ang pagpapayunir ay maaaring magbukas ng pinto sa iba pang pribilehiyo ng paglilingkod. Halimbawa, maaaring kuwalipikado ang ilang mag-asawa para sa pagsasanay bilang misyonero upang ipadala at mangaral sa isang banyagang lupain. Dapat makibagay ang mga misyonero sa bagong bansa, marahil sa bagong wika, bagong kultura, at bagong mga pagkain. Subalit nagiging balewala ang gayong mga problema kung ihahambing sa mga pagpapalang matatamo. Si Mildred, isang beteranong misyonera sa Mexico, ay nagsabi: “Hindi ko kailanman pinagsisihan ang aking pasiya na maging misyonera. Bata pa ako ay pangarap ko na ito.” Ano bang mga pagpapala ang natamasa na niya? “Sa aming bansa, mahirap maghanap ng pagdarausan ng pag-aaral sa Bibliya. Dito, nagkaroon ako ng apat na estudyanteng nagsimula nang lumabas sa larangan!”

19, 20. Paano nagdulot ng mga pagpapala sa marami ang paglilingkod sa Bethel, paglilingkod sa ibang bansa, at ang Ministerial Training School?

19 Mayayamang pagpapala rin ang natatamasa ng mga naglilingkod sa Bethel sa mga tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Ganito ang sinabi ni Sven, isang kabataang lalaking naglilingkod sa Alemanya, hinggil sa kaniyang trabaho sa Bethel: “Nadarama kong ang aking ginagawa ay may nagtatagal na halaga. Puwede ko sanang gamitin ang aking mga kasanayan sa sanlibutan. Ngunit para itong pagdedeposito ng pera sa isang bangko na malapit nang malugi.” Totoo, ang paglilingkod bilang isang boluntaryong walang sahod ay nagsasangkot ng pagsasakripisyo. Subalit sinabi ni Sven: “Pag-uwi mo, alam mo na ang lahat ng ginawa mo sa araw na iyon ay para kay Jehova. At napakasarap ng iyong pakiramdam dahil diyan.”

20 Nasisiyahan naman ang ilang kapatid sa pagpapala ng paglilingkod sa ibang bansa, sa pagtatayo ng mga sangay sa banyagang mga lupain. Sumulat ang isang mag-asawang nakapaglingkod na sa walong banyagang atas: “Talagang nakatutuwa ang mga kapatid dito. Nadudurog ang aming puso sa pag-alis namin​—ikawalong beses nang ‘nadurog’ ang aming puso. Tunay ngang isang kamangha-manghang karanasan ang natamasa namin!” Nariyan din ang Ministerial Training School. Nagbibigay ito ng espirituwal na pagsasanay sa kuwalipikadong mga kapatid na lalaki na walang asawa. Sumulat ang isang nagtapos sa paaralang ito: “Nahihirapan akong mag-isip ng mga salita upang pasalamatan kayo sa gayon kahanga-hangang paaralan. Mayroon pa bang ibang organisasyon na magpapagal nang husto upang magbigay ng pagsasanay?”

21. Anong hamon ang napapaharap sa lahat ng Kristiyano sa kanilang paglilingkod sa Diyos?

21 Oo, maraming pinto ng gawain ang bukás. Sabihin pa, karamihan sa atin ang hindi makapaglilingkod sa Bethel o sa isang banyagang lupain. Kinilala mismo ni Jesus na ang mga Kristiyano ay magluluwal ng iba’t ibang dami ng ‘bunga’ dahil sa iba’t ibang kalagayan. (Mateo 13:23) Kung gayon, ang ating hamon bilang mga Kristiyano ay gamitin sa pinakamabisang paraan ang ating situwasyon​—makibahagi nang lubusan sa paglilingkod kay Jehova hangga’t ipinahihintulot ng ating kalagayan. Kapag ginawa natin iyan, nagbibigay tayo ng kaluwalhatian kay Jehova, at makatitiyak tayo na lubos siyang malulugod. Isaalang-alang si Ethel, isang may-edad nang kapatid na babae sa isang nursing home. Regular siyang nagpapatotoo sa kapuwa mga residente sa kaniyang nursing home at nakikibahagi sa pagpapatotoo sa telepono. Sa kabila ng kaniyang mga limitasyon, buong-kaluluwa siya sa kaniyang paglilingkod.​—Mateo 22:37.

22. (a) Sa anu-ano pang mga paraan tayo makapagbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos? (b) Anong kamangha-manghang panahon ang naghihintay sa atin?

22 Gayunman, tandaan na ang pangangaral ay isa lamang sa mga paraan upang mabigyan natin ng kaluwalhatian si Jehova. Sa pamamagitan ng pagiging huwaran sa ating paggawi at hitsura kapag tayo’y nasa ating pinagtatrabahuhan, nasa paaralan, at nasa bahay, pinasasaya natin ang puso ni Jehova. (Kawikaan 27:11) Ipinangangako ng Kawikaan 28:20: “Ang taong may tapat na mga gawa ay tatanggap ng maraming pagpapala.” Samakatuwid, dapat tayong ‘maghasik nang sagana’ sa ating paglilingkod sa Diyos, sa pagkaalam na tayo’y mag-aani ng saganang mga pagpapala. (2 Corinto 9:6) Sa paggawa nito, magiging pribilehiyo natin na maging buháy sa kamangha-manghang panahon kapag ang “bawat bagay na may hininga” ay magbibigay kay Jehova ng kaluwalhatian na talaga namang nararapat sa kaniya!​—Awit 150:6.

[Talababa]

^ par. 14 Ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​Mga Sagot na Lumulutas ay inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

Naaalaala Mo Ba?

• Paano naglilingkod kay Jehova ang bayan ng Diyos “araw at gabi”?

• Anong hamon ang hinarap ng tribo ni Gad, at ano ang itinuturo nito sa mga Kristiyano sa ngayon?

• Paano nagsisilbing proteksiyon ang ministeryo sa larangan laban sa mga pagsalakay ni Satanas?

• Anong ‘bukas na pinto’ ang pinasok ng ilan, at anong mga pagpapala ang natatamasa nila?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 15]

Kung paanong nilabanan ng mga Gadita ang mga pangkat ng mandarambong, kailangang labanan ng mga Kristiyano ang mga pagsalakay ni Satanas

[Larawan sa pahina 17]

Natatamasa natin ang nakapagpapatibay na pakikipagsamahan sa ministeryo sa larangan

[Mga larawan sa pahina 18]

Ang pagpapayunir ay maaaring magbukas ng pinto sa iba pang pribilehiyo ng paglilingkod, kasama ang:

1. Paglilingkod sa ibang bansa

2. Paglilingkod sa Bethel

3. Paglilingkod bilang misyonero