Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Hamon ng Pagsasanay sa Anak Ngayon

Ang Hamon ng Pagsasanay sa Anak Ngayon

Ang Hamon ng Pagsasanay sa Anak Ngayon

SA KALALIMAN ng gabi, naghahanda nang magsara ng kaniyang restawran at umuwi ang may-ari. Pagkatapos, pumasok ang dalawang babae at isang bata at nag-order ng pagkain. Palibhasa’y pagod na pagod, gusto sanang sabihin sa kanila ng may-ari na sarado na ang restawran, subalit nagpasiya siyang magluto ng pagkaing kanilang inorder. Samantalang nag-uusap at kumakain ang dalawang babae, ang bata ay patakbu-takbo sa restawran, anupat hinuhulog ang mga biskuwit sa sahig at tinatapakan ang mga ito. Sa halip na sawayin ito, ngumiti ang ina ng bata. Nang sa wakas ay umalis na ang mga nagsikain, kailangang linisin ng pagod na may-ari ang maruming sahig.

Gaya ng nalalaman mo marahil, inilalarawan ng tunay sa buhay na situwasyong ito na hindi matagumpay na naisasagawa sa maraming pamilya ang pagsasanay sa mga anak. Iba-iba ang dahilan. Hinahayaan ng ilang mapagpalayaw na mga magulang na kumilos ang kanilang mga anak ayon sa gusto nila, anupat iniisip na dapat palakihin ang mga bata sa malayang kapaligiran. O dahil sa napakaabala nila sa kanilang buhay, baka walang panahon ang mga magulang para sa masusing pangangalaga at kinakailangang pagsasanay ng kanilang mga anak. Inaakala ng ilang magulang na ang pag-aaral ng kanilang anak ang pinakamahalagang bagay, kaya ibinibigay nila sa bata ang lahat halos ng kalayaan basta makakuha lamang ito ng matataas na grado sa paaralan at makapag-aral sa isang kilalang kolehiyo.

Gayunman, sinasabi ng ilan na kailangang baguhin ang mga simulain at pamantayan ng mga magulang at ng lipunan sa pangkalahatan. Nangangatuwiran sila na ang mga bata ay nasasangkot sa lahat ng uri ng krimen at dumarami ang karahasan sa paaralan sa araw-araw. Kaya, idiniin ng isang prinsipal sa isang paaralan ng mga batang nasa ika-5 hanggang ika-8 grado sa Seoul, Republika ng Korea, na dapat bigyan ng priyoridad ang pagsasanay sa personalidad ng mga bata. Sinabi niya: “Dapat munang linangin ang mabuting asal at saka sundan ng pagtuturo ng kaalaman.”

Ang mga babala ay winawalang-bahala ng mga magulang na gustong makapasok sa kolehiyo at magtagumpay sa buhay ang kanilang anak. Kung ikaw ay isang magulang, anong uri ng pagkatao ang gusto mong taglayin ng iyong anak? Isang adulto na may pagkadama ng moralidad at pananagutan? Isa na makonsiderasyon sa iba, marunong makibagay, at may positibong disposisyon? Kung gayon, pakisuyong bigyang-pansin ang susunod na artikulo.