Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pinakamahalagang Pamana

Ang Pinakamahalagang Pamana

Ang Pinakamahalagang Pamana

SA DAPIT-HAPON ng kaniyang buhay, sumulat ang may-edad nang si apostol Juan: “Wala na akong mas dakilang dahilan sa pagpapasalamat kaysa sa mga bagay na ito, na marinig ko na ang aking mga anak ay patuloy na lumalakad sa katotohanan.”​—3 Juan 4.

Tinutukoy ng tapat na apostol ang kaniyang mga anak sa espirituwal na diwa. Gayunman, nadarama ng maraming magulang ang katulad ng sa apostol. Nagpagal sila upang palakihin ang kanilang mga anak “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova,” at nagagalak sila ngayon na makita ang kanilang malalaki nang anak na “lumalakad sa katotohanan.” (Efeso 6:4) Sa katunayan, ang pagtuturo sa mga anak sa daan patungo sa buhay na walang hanggan ay nagbibigay sa kanila ng pinakamahalagang pamana. Ito ay dahil sa ang makadiyos na debosyon, na kalakip dito ang pamumuhay ng mga Kristiyano sa paraang nais ni Jehova, ang may ‘hawak ng pangako sa buhay ngayon at yaong darating.’​—1 Timoteo 4:8.

Lubhang pinahahalagahan ni Jehova, ang sakdal na Ama, ang makadiyos na mga magulang na nagsisikap nang husto upang turuan sa espirituwal ang kanilang mga anak. Kapag positibong tumugon ang mga bata, nakasusumpong sila ng malaking kagalakan sa pagtataguyod ng tunay na pagsamba kasama ng kanilang mga magulang. Habang nagkakaedad ang mga bata, nakapagtitipon sila ng kasiya-siyang mga alaala ng mga karanasang iyon. Maligayang ginugunita ng ilan ang unang pagkakataon na sila’y nakibahagi sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. * O marahil ay naiisip nila ang panahon nang una silang makabasa ng isang teksto sa Bibliya sa ministeryo sa bahay-bahay na kasama ng isa sa kanilang mga magulang. Paano nila malilimutan ang pakikinig sa pagbabasa ng kanilang mga magulang mula sa Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya o sa Pakikinig sa Dakilang Guro? * May naaalaala si Gabriel na gustung-gusto niya: “Nang ako’y apat na taóng gulang pa lamang, inaawitan ako ng nanay ko araw-araw samantalang siya’y nagluluto. Natatandaan ko pa ang marubdob na damdamin ng isang awiting pang-Kaharian. Nang maglaon, natulungan ako nito na maunawaan ang kahalagahan ng paglilingkod kay Jehova.” Marahil natatandaan mo rin ang magandang awit na tinutukoy ni Gabriel. Ito ang numero 157 sa aklat-awitan na Umawit ng mga Papuri kay Jehova, at ito’y pinamagatang “Sambahin si Jehova sa Panahon ng Kabataan.”

Ganito ang simula ng awit: “Buhat sa bibig ng [mga] sanggol,/Ang papuri sa Diyos iniukol.” Tunay, may mga batang nagkapribilehiyong makasama si Jesus, at malamang na nagdulot sila ng kaluguran sa kaniya dahil sa kanilang nakarerepresko at matapat na asal. Ginamit pa nga ni Jesus ang pagiging madaling turuan ng mga bata bilang halimbawang matutularan ng kaniyang mga tagasunod. (Mateo 18:3, 4) Kaya ang mga bata ay may wastong dako sa pagsamba kay Jehova. Sa katunayan, ang mga liriko ng awit ay nagpapatuloy: “Kahit sanggol nagbubunyi sa Diyos.”

Sa pamamagitan ng kanilang kapuri-puring paggawi​—sa tahanan, sa paaralan, at sa iba pang dako​—maraming bata ang nagpaparangal sa Diyos at sa kanilang pamilya. Kaylaking pagpapala nga para sa kanila na magkaroon ng [mga] magulang, Kristiyanong tapat.” (Deuteronomio 6:7) Naninindigan ang makadiyos na mga magulang sa panig ng Diyos, na bilang isang maibiging Ama, ay nagtuturo sa kaniyang mga nilalang na lumakad sa daan na dapat nilang lakaran. At kaylaking pagpapala ang kanilang tinatanggap! Habang tinuturuan naman nila ang mga kabataan sa kanilang pamilya, tuwang-tuwa silang magkaroon ng mga anak na sumusunod sa utos na sila’y “dapat igalang ng kabataan”! (Isaias 48:17, 18) Ganito ang sinabi ni Angélica, na sa kasalukuyan ay naglilingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico: “Laging sinisikap ng aking mga magulang na ikapit ang mga simulain ng Bibliya. Pinangyari niyan na maging lubhang kaayaaya ang aking pagkabata. Maligaya ako.”

Sumasang-ayon ang mga Kristiyanong iyon na mahalagang pangalagaang mabuti ang iyong espirituwal na pamana. Marahil ikaw ay isang kabataang pinalalaki sa isang pamilya na may tunay na mga pamantayang Kristiyano. Kung gayon, pinapayuhan ka ng awit ding iyon na: “Kabataan, linisin ang daan.” Darating ang panahon na magpapasiya ka para sa iyong sarili, kaya matuto na ngayon na “si Jehova ay pagtiwalaan./Ang maging tanyag dapat iwasan.”

Kung uunahin mo sa iyong buhay ang pagiging popular, maaaring maging walang kabuluhan ang lahat ng pagsasanay na tinanggap mo at maaaring masira ang iyong mga pag-asa sa hinaharap. Maaaring hindi ka maging maingat dahil sa iyong hangarin na maging popular. Nagbunga ito sa ilan ng pakikisama sa mga taong waring mabubuti naman at kaakit-akit pa nga, subalit walang interes sa mga pamantayang Kristiyano. Inilalarawan iyan ng nangyari kay Tara, isang pangunahing tauhan na gumanap sa video na Young People Ask​—How Can I Make Real Friends? Katulad ni Tara, matutuklasan ng sinumang kabataang Kristiyano na nakikisama sa mga hindi nagpapahalaga sa tunay na pagsamba na sa malao’t madali ang “masamang kasama’y kasiraan,” gaya ng sinasabi ng awit. Nangangailangan ng mga taon ng pagsisikap upang magkaroon ng mabubuting ugali, subalit napakadaling masira ng mga ito.

Walang alinlangan, hindi madali ang daan ng makadiyos na pagkatakot. Gayunman, gaya ng sinasabi ng awit, kung “alalahanin ang iyong Maylalang,/At si Jehova ay paglingkuran,” magtatayo ka ng isang matibay na pundasyon para sa tunay na tagumpay. At “pagtanda mo kagalaka’y lubos.” Lalo mong mapahahalagahan na sa ilalim ng maibiging pangangalaga ni Jehova, walang anumang makapagpapahinto sa iyo sa paggawa ng tama sa kaniyang paningin. Iyan ang paraan upang maging isang maygulang at makadiyos na adulto. Bukod pa riyan, ang matalinong pagkatuto sa Kristiyanong pagsasanay ay nagbibigay sa iyo ng pagkakataon na ‘palugdan ang puso ng Diyos.’ Mayroon pa bang hihigit diyan na pribilehiyo para sa tao?​—Kawikaan 27:11.

Kaya nga, mga kabataan, laging alalahanin kung gaano kahalaga ang pagsasanay mula kay Jehova at sa inyong Kristiyanong mga magulang. Pakilusin ka nawa ng kanilang dakilang pag-ibig sa iyo na gawin kung ano ang nakalulugod sa paningin ni Jehova. Tulad ni Jesu-Kristo at ng tapat na kabataang si Timoteo, mapaliligaya mo ang iyong makalangit na Ama at ang iyong makalupang mga magulang. At kung ikaw man ay maging isang magulang mismo, malamang na sasang-ayon ka kay Angélica, na nabanggit kanina, na nagsabi: “Kung magkakaanak man ako, sisikapin kong mabuti na ikintal sa kaniyang puso ang pag-ibig kay Jehova mula sa pagkasanggol, upang ito ang maging patnubay niya sa buhay.” Tiyak, ang matuwid na daan na patungo sa buhay na walang hanggan ang pinakamahalagang pamana!

[Mga talababa]

^ par. 4 Ang bahaging ito ng programa sa pagtuturo ng Bibliya na isinasagawa sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay bukás sa bata’t matanda.

^ par. 4 Ang mga nabanggit na publikasyon ay inilathala ng mga Saksi ni Jehova.