Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magpaakay sa Diyos na Buháy

Magpaakay sa Diyos na Buháy

Magpaakay sa Diyos na Buháy

“Bumaling kayo . . . sa Diyos na buháy, na siyang gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng lahat ng bagay na nasa mga iyon.”​—GAWA 14:15.

1, 2. Bakit angkop lamang na kilalanin si Jehova bilang ang “Diyos na buháy”?

PAGKATAPOS pagalingin ni apostol Pablo at ni Bernabe ang isang lalaki, tiniyak ni Pablo sa mga nagmamasid sa Listra: “Kami rin ay mga tao na may mga kahinaang katulad ng sa inyo, at nagpapahayag sa inyo ng mabuting balita, upang bumaling kayo mula sa walang-kabuluhang mga bagay na ito tungo sa Diyos na buháy, na siyang gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng lahat ng bagay na nasa mga iyon.”​—Gawa 14:15.

2 Tunay na tunay ngang si Jehova ay, hindi isang walang-buhay na idolo, kundi ang “Diyos na buháy”! (Jeremias 10:10; 1 Tesalonica 1:9, 10) Bukod sa siya ay buháy, si Jehova ang Bukal ng ating buhay. “Siya mismo ang nagbibigay sa lahat ng buhay at ng hininga at ng lahat ng mga bagay.” (Gawa 17:25) Interesado siya sa pagtatamasa natin ng buhay, sa kasalukuyan at sa hinaharap. Idinagdag pa ni Pablo na ‘hindi pinabayaan ng Diyos na wala siyang patotoo sapagkat gumawa siya ng mabuti, na binibigyan kayo ng mga ulan mula sa langit at mabubungang kapanahunan, na lubusang pinupuno ang inyong mga puso ng pagkain at pagkagalak.’​—Gawa 14:17.

3. Bakit tayo makapagtitiwala sa patnubay na inilalaan ng Diyos?

3 Ang interes ng Diyos sa ating buhay ay nagbibigay ng dahilan upang magtiwala tayo sa kaniyang patnubay. (Awit 147:8; Mateo 5:45) Maaaring iba ang reaksiyon ng ilan kapag nakasusumpong sila ng tagubilin sa Bibliya na hindi nila nauunawaan o na sa wari ay mahigpit. Gayunman, ang pagtitiwala sa patnubay ni Jehova ay napatunayang isang katalinuhan. Upang ilarawan: Kahit hindi nauunawaan ng isang Israelita ang kautusan laban sa paghipo sa isang bangkay, nakikinabang siya sa pagsunod dito. Una, ang kaniyang pagsunod ay maglalapít sa kaniya sa Diyos na buháy; ikalawa, tutulong ito sa kaniya na makaiwas sa mga sakit.​—Levitico 5:2; 11:24.

4, 5. (a) Bago ang panahong Kristiyano, anong patnubay hinggil sa dugo ang ibinigay ni Jehova? (b) Paano natin nalaman na ang patnubay ng Diyos hinggil sa dugo ay nagsasangkot sa mga Kristiyano?

4 Katulad din ito ng patnubay ng Diyos hinggil sa dugo. Sinabi niya kay Noe na hindi dapat kumain ng dugo ang mga tao. Pagkatapos sa Kautusan, isiniwalat ng Diyos na ang tanging sinasang-ayunang paggamit ng dugo ay sa altar​—para sa kapatawaran ng kasalanan. Sa pamamagitan ng mga tagubiling iyon, inilalatag ng Diyos ang pundasyon para sa sukdulang paggamit ng dugo​—ang pagliligtas ng buhay sa pamamagitan ng pantubos ni Jesus. (Hebreo 9:14) Oo, ang patnubay ng Diyos ay nagpapakita ng kaniyang pagmamalasakit sa ating buhay at kapakanan. Sa pagtalakay sa Genesis 9:4, ganito ang isinulat ng iskolar sa Bibliya noong ika-19 na siglo na si Adam Clarke: “Ang utos na ito [kay Noe] ay maingat pa ring sinusunod ng mga Kristiyano sa silangan . . . Ipinagbabawal ang pagkain ng dugo sa ilalim ng kautusan, sapagkat umaakay ito ng pansin sa dugo na ititigis para sa kasalanan ng sanlibutan; at sa ilalim ng Ebanghelyo hindi ito dapat kainin, sapagkat dapat na ito ay laging ituring na kumakatawan sa dugo na itinigis para sa kapatawaran ng mga kasalanan.”

5 Maaaring tinutukoy ng iskolar na ito ang saligang ebanghelyo, o mabuting balita, na nakasentro kay Jesus. Kalakip diyan ang pagsusugo ng Diyos sa kaniyang Anak upang mamatay para sa atin, upang ibuhos ang kaniyang dugo para magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan. (Mateo 20:28; Juan 3:16; Roma 5:8, 9) Sinasaklaw rin ng komentong iyon ang utos nang maglaon sa mga tagasunod ni Kristo na umiwas sa dugo.

6. Anong mga tagubilin hinggil sa dugo ang ibinigay sa mga Kristiyano, at bakit?

6 Alam mo na nagbigay ang Diyos sa mga Israelita ng daan-daang tuntunin. Nang mamatay si Jesus, hindi na kinakailangang sundin ng kaniyang mga alagad ang lahat ng mga kautusang iyon. (Roma 7:4, 6; Colosas 2:13, 14, 17; Hebreo 8:6, 13) Gayunman, nang maglaon isang katanungan ang bumangon hinggil sa isang mahalagang pananagutan​—ang pagpapatuli ng mga lalaki. Ang mga di-Judio ba na nagnanais makinabang sa dugo ni Kristo ay kailangan pang magpatuli, anupat ipinakikita na nasa ilalim pa rin sila ng Kautusan? Noong 49 C.E., inasikaso ng Kristiyanong lupong tagapamahala ang usaping iyan. (Gawa, kabanata 15) Sa tulong ng espiritu ng Diyos, ipinasiya ng mga apostol at matatandang lalaki na ang kahilingang magpatuli ay nagwakas kasama ng Kautusan. Gayunman, nananatili pa rin ang ilang kahilingan ng Diyos para sa mga Kristiyano. Sa isang liham para sa mga kongregasyon, sumulat ang lupong tagapamahala: “Minagaling ng banal na espiritu at namin mismo na huwag nang magdagdag ng higit pang pasanin sa inyo, maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan, na patuloy na umiwas sa mga bagay na inihain sa mga idolo at sa dugo at sa mga bagay na binigti at sa pakikiapid. Kung pakaiingatan ninyo ang inyong sarili sa mga bagay na ito, kayo ay uunlad.”​—Gawa 15:28, 29.

7. Gaano kahalaga para sa mga Kristiyano na ‘umiwas sa dugo’?

7 Maliwanag, itinuring ng lupong tagapamahala ang ‘pag-iwas sa dugo’ na napakahalaga sa moral gaya ng pag-iwas sa seksuwal na imoralidad o pagsamba sa mga idolo. Pinatutunayan nito na seryoso ang pagbabawal hinggil sa dugo. Ang mga Kristiyano na walang-pagsisising gumagawa ng idolatriya o seksuwal na imoralidad ay hindi “magmamana ng kaharian ng Diyos”; “ang kanilang magiging bahagi ay sa . . . ikalawang kamatayan.” (1 Corinto 6:9, 10; Apocalipsis 21:8; 22:15) Pansinin ang pagkakaiba: Ang pagwawalang-bahala sa patnubay ng Diyos may kaugnayan sa kabanalan ng dugo ay maaaring magdulot ng walang hanggang kamatayan. Ang paggalang naman sa hain ni Jesus ay maaaring umakay tungo sa buhay na walang hanggan.

8. Ano ang nagpapakita na dinibdib ng sinaunang mga Kristiyano ang patnubay ng Diyos hinggil sa dugo?

8 Paano inunawa at sinunod ng sinaunang mga Kristiyano ang patnubay ng Diyos hinggil sa dugo? Alalahanin ang komento ni Clarke: “Sa ilalim ng Ebanghelyo hindi ito dapat kainin, sapagkat dapat na ito ay laging ituring na kumakatawan sa dugo na itinigis para sa kapatawaran ng mga kasalanan.” Pinatutunayan ng kasaysayan na dinibdib ng sinaunang mga Kristiyano ang bagay na ito. Sumulat si Tertullian: “Pansinin yaong mga totoong uhaw na uhaw, sa isang dulaan sa arena, na kumukuha ng sariwang dugo ng balakyot na mga kriminal . . . at dinadala nila ito upang ipanggamot sa kanilang epilepsi.” Kabaligtaran ng mga paganong kumakain ng dugo, sinabi ni Tertullian na ang mga Kristiyano ay “wala man lamang dugo ng mga hayop sa [kanilang] mga pagkain . . . Sa mga paglilitis sa mga Kristiyano ay binibigyan ninyo sila ng mga longganisang punô ng dugo. Siyempre pa, kumbinsido kayo na di-matuwid [ito] sa kanila.” Oo, kahit pinagbabantaan ng kamatayan, hindi kakain ng dugo ang mga Kristiyano. Ganiyan kahalaga sa kanila ang patnubay ng Diyos.

9. Ano ang kasali sa pag-iwas sa dugo bukod sa di-pagkain ng mismong dugo?

9 Maaaring isipin ng ilan na ang ibig lamang sabihin ng lupong tagapamahala na ang mga Kristiyano ay hindi dapat kumain o uminom ng mismong dugo ni kumain ng karneng di-napatulo ang dugo o ng pagkaing may halong dugo. Totoo, iyon ang unang kahulugan ng utos ng Diyos kay Noe. At sinabi naman talaga sa utos ng mga apostol sa mga Kristiyano na ‘ingatan ang kanilang sarili sa mga bagay na binigti,’ karneng di-napatulo ang dugo. (Genesis 9:3, 4; Gawa 21:25) Subalit alam ng sinaunang mga Kristiyano na higit pa ang nasasangkot. Ginagamit kung minsan ang dugo para sa medikal na mga kadahilanan. Binanggit ni Tertullian na sa pagsisikap na gamutin ang epilepsi, kumakain ang ilang pagano ng sariwang dugo. At maaaring may iba pang mga gamit ang dugo upang gamutin ang sakit o diumano’y bumuti ang kalusugan. Kaya naman, para sa mga Kristiyano, kasali sa pag-iwas sa dugo ang hindi paggamit nito para sa “medikal” na mga kadahilanan. Pinanghahawakan nila ang paninindigang iyan kahit manganib ang kanilang buhay dahil dito.

Ang Dugo Bilang Gamot

10. Ano ang ilang paraan kung saan ginagamit ang dugo sa paggagamot, na nagbabangon ng anong tanong?

10 Karaniwan na ngayon ang paggamit ng dugo para sa paggagamot. Ang sinaunang mga pagsasalin ay ginagamitan ng purong dugo​—kinuha mula sa nagbigay nito, inimbak, at ibinibigay sa pasyente, marahil sa isang nasugatan sa labanan. Nang maglaon, natutuhan ng mga mananaliksik na paghiwa-hiwalayin ang dugo sa pangunahing mga sangkap nito. Sa pamamagitan ng pagsasalin lamang ng isang sangkap, maaaring hati-hatiin ng mga manggagamot ang iniabuloy na dugo para sa mas maraming pasyente, marahil ay plasma sa isang napinsalang lalaki at mga pulang selula naman sa iba. Ipinakikita ng patuloy na pagsasaliksik na ang isang sangkap, gaya ng plasma ng dugo, ay maaaring iproseso upang makakuha ng maraming maliliit na bahagi ng sangkap, na maaaring ibigay sa mas marami pang pasyente. Ang mga pagsisikap na makakuha ng mas marami pang maliliit na bahagi ng sangkap ng dugo ay nagpapatuloy, at iniuulat ang bagong mga gamit ng maliliit na bahagi ng sangkap ng dugo. Paano kaya dapat tumugon ang isang Kristiyano? Matatag ang kaniyang pasiya na hinding-hindi siya magpapasalin ng dugo, ngunit hinihimok siya ng kaniyang manggagamot na tanggapin ang isang pangunahing sangkap, na marahil ay purong pulang selula (packed red cells). O maaaring kalakip sa terapi ang paggamit ng katiting lamang ng isang maliit na bahagi na kinuha mula sa isang sangkap ng dugo. Paano makapagpapasiya ang isang lingkod ng Diyos sa gayong mga tanong, anupat isinasaisip na ang dugo ay banal at na ang dugo ni Kristo ay nagliligtas-buhay na siyang pinakadakilang diwa nito?

11. Anong paninindigan na tumpak sa medikal na paraan hinggil sa dugo ang matagal nang pinanghahawakan ng mga Saksi?

11 Maraming dekada na ang nakalilipas nang niliwanag ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang paninindigan. Halimbawa, nagbigay sila ng isang artikulo sa The Journal of the American Medical Association (Nobyembre 27, 1981; muling inilimbag sa Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay? pahina 27-​9). * Ang artikulong iyan ay sumipi mula sa Genesis, Levitico, at Gawa. Sinasabi nito: ‘Bagaman ang mga talatang ito ay hindi isinasaad sa mga terminong medikal, para sa mga Saksi ni Jehova ito ay nagbabawal sa pagsasalin ng purong dugo, purong pulang selula ng dugo, plasma, at pati na ng mga puting selula ng dugo at platelet.’ Ang aklat-aralin noong 2001 na Emergency Care, sa ilalim ng “Komposisyon ng Dugo,” ay nagsabi: “Ang dugo ay binubuo ng ilang sangkap: plasma, mga pula at puting selula ng dugo, at mga platelet.” Kaya naman, kasuwato ng medikal na mga katotohanan, tinatanggihan ng mga Saksi ang pagsasalin ng purong dugo o anuman sa apat na pangunahing mga sangkap nito.

12. (a) Anong paninindigan ang iniharap may kaugnayan sa maliliit na bahagi ng sangkap na kinuha mula sa pangunahing mga sangkap ng dugo? (b) Saan masusumpungan ang karagdagang impormasyon tungkol dito?

12 Nagpatuloy ang artikulong ito sa medisina: ‘Ang relihiyosong pang-unawa ng mga Saksi ay hindi tahasang nagbabawal sa paggamit ng [maliliit na bahagi ng sangkap ng dugo] na gaya ng albumin, immune globulin, at hemophiliac preparation; bawat Saksi ay dapat magpasiya kung tatanggapin niya ang mga ito.’ Mula noong 1981, maraming maliliit na bahagi ng sangkap ng dugo (naihiwalay na maliliit na bahagi na kinuha mula sa isa sa apat na pangunahing sangkap) ang naibukod para magamit. Alinsunod dito, naglaan Ang Bantayan ng Hunyo 15, 2000, ng nakatutulong na impormasyon tungkol sa paksang ito sa artikulong “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa.” Para sa kapakinabangan ng milyun-milyong mambabasa sa ngayon, ang sagot ay muling inilimbag sa pahina 29-31 ng magasing ito. Naglalaan ito ng mga detalye at pangangatuwiran, pero makikita mo na ang sinasabi nito ay kasuwato ng mahahalagang ideya na iniharap noong 1981.

Ang Papel ng Iyong Budhi

13, 14. (a) Ano ang budhi, at paano ito nasasangkot sa mga bagay na may kaugnayan sa dugo? (b) Anong patnubay hinggil sa pagkain ng karne ang inilaan ng Diyos para sa Israel, ngunit anong mga tanong ang maaaring bumangon noon?

13 Ang gayong impormasyon ay humihiling ng paggamit ng budhi sa pagpapasiya. Bakit? Sumasang-ayon ang mga Kristiyano sa pangangailangang sundin ang patnubay ng Diyos, gayunman sa ilang situwasyon, dapat gumawa ng personal na mga pagpapasiya, at nasasangkot dito ang budhi. Ang budhi ang likas na kakayahang magsuri at magpasiya sa mga bagay-bagay, na kadalasa’y mga usapin sa moral. (Roma 2:14, 15) Gayunman, alam mo na nagkakaiba-iba ang mga budhi. * Binabanggit ng Bibliya na ang ilan ay may “budhi na mahina,” na nagpapahiwatig na ang budhi ng iba ay malakas. (1 Corinto 8:12) Nagkakaiba-iba ang mga Kristiyano sa antas ng kanilang pagsulong sa pagkatuto sa sinasabi ng Diyos, sa pagiging sensitibo sa kaniyang iniisip, at sa pagkakapit ng mga ito sa kanilang mga pagpapasiya. Mailalarawan natin ito sa kaso ng mga Judio at sa pagkain ng karne.

14 Maliwanag sa Bibliya na ang isang taong masunurin sa Diyos ay hindi kakain ng karneng di-napatulo ang dugo. Napakahalaga niyan anupat maging sa panahon ng kagipitan, nang kumain ang mga sundalong Israelita ng karneng di-napatulo ang dugo, nakagawa sila ng malubhang pagkakamali, o kasalanan. (Deuteronomio 12:15, 16; 1 Samuel 14:31-​35) Gayunpaman, maaaring bumangon ang mga katanungan noon. Kapag kinatay ng isang Israelita ang isang tupa, gaano kabilis niya dapat patuluin ang dugo nito? Kailangan ba niyang gilitan ang leeg ng hayop para doon tumulo ang dugo? Kailangan bang ibitin ang tupa sa pamamagitan ng mga paa nito sa likod? Gaano katagal? Ano naman ang gagawin niya sa isang malaking baka? Kahit napatulo na ang dugo, maaaring may maiwan pa ring dugo sa karne. Maaari ba niyang kainin ang gayong karne? Sino ang magpapasiya?

15. Paano tumugon ang ilang Judio may kaugnayan sa pagkain ng karne, ngunit ano ang iniutos ng Diyos?

15 Gunigunihin ang isang masigasig na Judio na napapaharap sa gayong mga usapin. Maaaring naisip niya na para talaga makatiyak, iiwasan niya ang karneng ipinagbibili sa pamilihan ng karne, kung paanong iniiwasan ng ibang Judio ang karne kung may posibilidad na ito ay inihandog sa isang idolo. Ang ibang Judio naman ay maaaring kumakain ng karne tangi lamang pagkatapos sundin ang mga ritwal upang alisin ang dugo. * (Mateo 23:23, 24) Ano ang masasabi mo sa gayong iba’t ibang mga reaksiyon? Karagdagan pa, yamang hindi hiniling ng Diyos ang gayong mga pagkilos, hindi kaya makabubuti para sa mga Judio na magpadala ng maraming tanong sa isang konsilyo ng mga rabbi para makakuha ng pasiya sa bawat isa sa mga ito? Bagaman nagkaroon ng gayong kaugalian sa Judaismo, nakatutuwang malaman na hindi inutusan ni Jehova ang kaniyang tunay na mga mananamba na maghanap ng mga pagpapasiya hinggil sa dugo sa gayong paraan. Nagbigay ang Diyos ng saligang patnubay sa pagkatay ng malinis na mga hayop at sa pagpapatulo ng dugo ng mga ito, pero hindi na siya nagbigay ng karagdagang detalye.​—Juan 8:32.

16. Bakit maaaring may magkakaibang pangmalas ang mga Kristiyano hinggil sa pagtanggap ng isang iniksiyon ng maliit na bahagi na nagmula sa isang sangkap ng dugo?

16 Gaya ng binabanggit sa parapo 11 at 12, hindi tumatanggap ang mga Saksi ni Jehova ng pagsasalin ng purong dugo o ng apat na pangunahing sangkap nito​—plasma, mga pulang selula, mga puting selula, at mga platelet. Kumusta naman ang maliliit na bahagi na kinuha sa isang pangunahing sangkap ng dugo, gaya ng mga serum na naglalaman ng mga antibody na panlaban sa isang sakit o pangontra sa kamandag ng ahas? (Tingnan ang pahina 30, parapo 4.) Iniisip ng ilan na ang gayong maliliit na bahagi ng sangkap ng dugo ay, sa diwa, hindi na dugo at sa gayo’y hindi na saklaw ng utos na ‘umiwas sa dugo.’ (Gawa 15:29; 21:25; pahina 31, parapo 1) Pananagutan nila iyan. Ang budhi naman ng iba ay nagpapakilos sa kanila na tanggihan ang lahat ng bagay na kinuha sa dugo (hayop o tao), kahit ang napakaliit na bahagi ng isa lamang pangunahing sangkap ng dugo. * Ang iba pa ay maaaring tumatanggap ng mga iniksiyon ng protina ng plasma na panlaban sa sakit o pangontra sa kamandag ng ahas, subalit maaari namang tinatanggihan nila ang ibang maliliit na bahagi ng sangkap ng dugo. Bukod diyan, ang tungkuling ginagampanan ng ilang produkto na kinuha sa isa sa apat na pangunahing sangkap ng dugo ay maaaring halos kaparehong-kapareho ng tungkulin ng buong sangkap na pinagkunan nito at gumaganap ng tumutustos-buhay na papel sa katawan anupat ituturing ito ng karamihan sa mga Kristiyano na di-katanggap-tanggap.

17. (a) Paano makatutulong ang ating budhi kapag napapaharap tayo sa mga katanungan hinggil sa maliliit na bahagi ng sangkap ng dugo? (b) Bakit napakaseryoso ang mga pagpapasiya hinggil sa bagay na ito?

17 Nakatutulong ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa budhi kapag gumagawa tayo ng gayong mga pagpapasiya. Ang unang hakbang ay alamin ang sinasabi ng Salita ng Diyos at sikaping hubugin ang iyong budhi alinsunod dito. Iyan ang magsasangkap sa iyo na magpasiya kasuwato ng patnubay ng Diyos sa halip na hilingin ang iba na magpasiya para sa iyo. (Awit 25:4, 5) May kaugnayan sa pagtanggap ng maliliit na bahagi ng sangkap ng dugo, naiisip ng ilan, ‘Depende ito sa budhi, kaya hindi na ito mahalaga.’ Maling pangangatuwiran iyan. Ang katotohanang depende sa budhi ang isang bagay ay hindi nangangahulugang hindi na ito mahalaga. Maaari itong maging napakaseryoso. Ang isang dahilan ay maaari itong makaapekto sa mga indibiduwal na naiiba ang budhi kaysa sa atin. Makikita natin iyan sa payo ni Pablo tungkol sa karne na maaaring inihandog sa isang idolo at nang dakong huli ay ipinagbili sa pamilihan. Dapat mabahala ang isang Kristiyano na hindi niya ‘masugatan ang mga budhing mahina.’ Kung matisod niya ang iba, maaari niyang ‘maipahamak ang kaniyang kapatid na alang-alang dito ay namatay si Kristo’ at magkasala laban kay Kristo. Kaya naman, bagaman ang mga usapin hinggil sa napakaliliit na bahagi ng sangkap ng dugo ay para sa personal na pagpapasiya, dapat seryosohing mabuti ang mga pagpapasiyang iyon.​—1 Corinto 8:8, 11-​13; 10:25-31.

18. Paano maiiwasan ng isang Kristiyano na maging manhid ang kaniyang budhi may kaugnayan sa mga pagpapasiya hinggil sa dugo?

18 Isa pang kaugnay na aspekto ang nagdiriin sa pagiging seryoso ng mga pagpapasiyang may kaugnayan sa dugo. Ito ay ang maaaring maging epekto sa iyo ng gayong mga pagpapasiya. Kung ang paggamit mo ng maliliit na bahagi ng sangkap ng dugo ay babagabag sa iyong budhing sinanay sa Bibliya, hindi mo ito dapat ipagwalang-bahala. Ni dapat mong supilin ang idinidikta ng iyong budhi dahil lamang may nagsabi sa iyo, “Hindi naman masamang gumamit nito; marami na ang gumamit niyan.” Tandaan, milyun-milyong tao sa ngayon ang nagwawalang-bahala sa kanilang budhi, at nagiging manhid ito, anupat pinahihintulutan silang magsinungaling o gumawa ng iba pang bagay na mali nang hindi man lamang nababagabag. Tiyak na nais ng mga Kristiyano na iwasan ang gayong landasin.​—2 Samuel 24:10; 1 Timoteo 4:1, 2.

19. Sa pagpapasiya hinggil sa mga usaping medikal na nagsasangkot sa dugo, ano ang pinakamahalagang bagay na dapat nating isaisip?

19 Bago ang konklusyon nito, ang muling-inilimbag na sagot sa pahina 29-31 ay nagsabi: “Ang katotohanan ba na nagkakaiba ang mga opinyon at mga pagpapasiya na salig sa budhi ay nangangahulugan na ang usapin ay di-mahalaga? Hindi. Ito’y seryoso.” Ito ay lalo nang seryoso dahil nasasangkot dito ang iyong kaugnayan sa “Diyos na buháy.” Ang kaugnayang iyan lamang ang maaaring umakay tungo sa buhay na walang hanggan, salig sa nagliligtas na kapangyarihan ng itinigis na dugo ni Jesus. Linangin ang matinding pagpapahalaga sa dugo dahil sa ginagawa ng Diyos sa pamamagitan nito​—ang pagliligtas ng buhay. Angkop ang isinulat ni Pablo: “Kayo ay walang pag-asa at walang Diyos sa sanlibutan. Ngunit ngayon sa pagiging kaisa ni Kristo Jesus kayo na dating malayo ay naging malapit sa pamamagitan ng dugo ng Kristo.”​Efeso 2:12, 13.

[Mga talababa]

^ par. 11 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 13 Sa isang pagkakataon, nagtungo si Pablo kasama ang apat na iba pang Kristiyano sa templo para linisin ang kanilang sarili sa seremonyal na paraan. Wala nang bisa ang Kautusan noon, ngunit kumilos si Pablo ayon sa payo ng matatandang lalaki sa Jerusalem. (Gawa 21:23-25) Gayunman, maaaring nadama ng ilang Kristiyano na hindi nila magagawang pumunta sa templo o magsagawa ng gayong seremonya. Nagkakaiba-iba noon ang mga budhi, at gayundin sa ngayon.

^ par. 15 Binabalangkas ng Encyclopaedia Judaica ang “masalimuot at maliliit” na mga tuntunin tungkol sa “angkop na paghahain” (koshering) ng karne. Binabanggit nito kung ilang minuto dapat ibabad sa tubig ang karne, kung paano ito patutuluin sa isang tabla, kung gaano kapino o kagaspang ang ipapahid ditong asin, at kung ilang beses itong huhugasan sa malamig na tubig.

^ par. 16 Nagiging karaniwan na sa ngayon na ang pangunahin o aktibong sangkap ng ilang iniksiyon ay isang recombinant na produkto na hindi nagmula sa dugo. Ngunit sa ilang kaso, maaaring may kahalong kaunting maliit na bahagi ng sangkap ng dugo, gaya ng albumin.​—Tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Ang Bantayan ng Oktubre 1, 1994.

Maalaala Mo Kaya?

• Naglaan ang Diyos kay Noe, sa mga Israelita, at sa mga Kristiyano ng anong patnubay hinggil sa dugo?

• May kaugnayan sa dugo, ano ang lubusang tinatanggihan ng mga Saksi ni Jehova?

• Sa anong diwa nakadepende sa budhi ng isa ang paggamit ng maliliit na bahagi ng isang pangunahing sangkap ng dugo, ngunit ano ang hindi ibig sabihin nito?

• Sa mga pagpapasiya, bakit ang ating kaugnayan sa Diyos ang pinakamahalagang bagay na dapat nating isaisip?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Chart sa pahina 22]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

SALIGANG PANININDIGAN SA DUGO

PURONG DUGO

DI-KATANGGAP-TANGGAP

Mga pulang selula

Mga puting selula

Mga platelet

Plasma

KRISTIYANO ANG MAGPAPASIYA

Maliliit na bahagi ng mga pulang selula

Maliliit na bahagi ng mga puting selula

Maliliit na bahagi ng mga platelet

Maliliit na bahagi ng plasma

[Larawan sa pahina 20]

Nagpasiya ang lupong tagapamahala na ang mga Kristiyano ay dapat ‘umiwas sa dugo’

[Larawan sa pahina 23]

Huwag mong ipagwalang-bahala ang iyong budhi kung napapaharap ka sa isang pagpapasiya hinggil sa isang maliit na bahagi ng sangkap ng dugo