Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Matutulungan Ka ba ng Bibliya na Sanayin ang Iyong mga Anak?

Matutulungan Ka ba ng Bibliya na Sanayin ang Iyong mga Anak?

Matutulungan Ka ba ng Bibliya na Sanayin ang Iyong mga Anak?

KAAKIT-AKIT na bulaklak ang orkid, subalit mahirap itong alagaan. Upang matagumpay na magawa ito, kailangan mong isaayos ang temperatura, liwanag, at laki ng pasô. Ang orkid ay madaling maapektuhan ng di-angkop na lupa at abono at madaling mapinsala ng sakit at mga insekto. Kaya, karaniwang nabibigo ang isa sa unang pagkakataon na siya’y magsikap na magtanim ng orkid.

Mas mahirap at komplikado ang pag-aalaga ng mga anak, at nangangailangan din ito ng masusing pangangalaga. Kaya karaniwang nadarama ng mga magulang na hindi nila alam kung ano ang dapat gawin pagdating sa pagpapalaki ng anak. Nadarama ng marami na kailangan nila ng tulong, kung paanong ang isang nagtatanim ng orkid ay nangangailangan ng payo mula sa isang eksperto. Maliwanag, gusto ng bawat magulang na makakuha ng pinakamagaling na patnubay. Saan masusumpungan ang gayong patnubay?

Bagaman ang Bibliya ay hindi isang manwal tungkol sa pagpapalaki ng anak, kinasihan ng Maylalang ang mga manunulat upang isama rito ang maraming praktikal na payo hinggil sa paksang ito. Idiniriin ng Bibliya ang paglinang ng kanais-nais na mga katangian, na karaniwang iniisip ng marami na nakaliligtaan na. (Efeso 4:22-24) Sa bagay na ito, ibinibigay ng maka-Kasulatang payo ang napakahalagang aspekto ng timbang na edukasyon. Nakinabang na ang libu-libo na nagkapit ng payong iyon, anumang yugto ng panahon sila nabuhay o anuman ang kanilang pinagmulang kultura. Kaya, makatutulong sa iyo ang pagsunod sa maka-Kasulatang payo upang maging matagumpay sa pagsasanay sa iyong mga anak.

Halimbawa ng mga Magulang​—Ang Pinakamainam na Edukasyon

“Gayunman, ikaw ba, na nagtuturo sa iba, ay hindi nagtuturo sa iyong sarili? Ikaw, na nangangaral na ‘Huwag magnakaw,’ nagnanakaw ka ba? Ikaw, na nagsasabing ‘Huwag mangalunya,’ nangangalunya ka ba?”​Roma 2:21, 22.

Isang tsirman ng Seoul Board of Education ang nagsabi: “Ang halimbawa sa salita at gawa ang pinakamainam na edukasyon ng bata.” Kung hindi nagpapakita ng mabuting halimbawa sa salita at gawa ang mga magulang at nagbibigay ng espesipikong tagubilin sa kanilang anak, agad na mag-iisip ang bata na sila ay mapagpaimbabaw. Mawawalan ng bisa ang mga salita ng mga magulang. Halimbawa, kung nais turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak ng pagkamatapat, sila mismo ay dapat na maging matapat. Kapag ayaw sagutin ng mga magulang ang tawag sa telepono, karaniwan na sa ilang magulang na utusan ang kanilang anak na sabihing, “Wala po rito ang itay ko (o ang inay ko).” Maiilang at malilito ang batang binigyan ng gayong utos. Sa kalaunan, maaaring hindi na siya makonsensiya kapag nagsinungaling siya sa ilalim ng isang mahirap na situwasyon. Kaya, kung taimtim na gusto ng mga magulang na ang kanilang anak ay maging isang taong matapat, sila mismo ay dapat na magsalita nang buong katapatan at kumilos na kasuwato nito.

Gusto mo bang sanayin ang iyong anak na maging magalang sa pagsasalita? Kung gayon, magpakita ka ng mabuting halimbawa. Agad kang gagayahin ng iyong anak. Ganito ang sabi ni Sung-sik, isang ama ng apat na anak: “Nagpasiya kaming mag-asawa na huwag gumamit ng walang-galang na mga salita. Nagpakita kami ng paggalang sa isa’t isa at hindi kami nagtaas ng boses kahit kami ay balisa o galit. Mas mabisa ang mabuting halimbawa kaysa mga salita lamang. Nalulugod kami na ang aming mga anak ay magagalang at may magandang asal kapag nakikipag-usap sila sa iba.” Sinasabi ng Bibliya sa Galacia 6:7: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.” Dapat munang ipakita ng mga magulang na gustong ang kanilang mga anak ay magkaroon ng matataas na pamantayang moral na sila mismo ay namumuhay ayon sa mga pamantayang iyon.

Panatilihing Bukás ang mga Linya ng Komunikasyon

“Ikikintal mo [ang mga utos ng Diyos] sa iyong anak at sasalitain mo iyon kapag nakaupo ka sa iyong bahay at kapag naglalakad ka sa daan at kapag nakahiga ka at kapag bumabangon ka.”​—Deuteronomio 6:7.

Nauuso ang pag-oobertaym. Kapag ang mag-asawa ay parehong nagtatrabaho, may matinding epekto ito sa kanilang mga anak. Umuunti ang panahong ginugugol ng maraming magulang na kasama ng kanilang mga anak. Samantalang nasa bahay, kailangang gawin ng mga magulang ang mga gawain sa bahay at iba pang atas, anupat sila’y malamang na pagod na pagod na. Sa ilalim ng gayong mga kalagayan, paano mo mapananatili ang mabuting komunikasyon sa iyong mga anak? Maaaring bumangon ang mga pagkakataong makapag-usap kung gagawin ninyong mag-anak ang mga gawaing-bahay nang magkakasama. Inalis pa nga ng isang ulo ng pamilya ang TV, pangunahin na upang magkaroon ng higit na panahon para makipag-usap sa kaniyang mga anak. Ang sabi niya: “Sa simula, nababagot ang mga bata, subalit habang naglalaro kami ng mga puzzle game at aming pinag-uusapan ang kawili-wiling mga aklat, nasanay na silang walang TV.”

Mahalagang masanay ang mga bata sa murang gulang na makipag-usap sa kanilang mga magulang. Kung hindi, kapag naging tin-edyer na ang mga bata at marahil ay mapaharap sa mga problema, hindi nila ituturing ang kanilang mga magulang bilang mga kaibigan na maaari nilang makausap. Paano mo sila matutulungan na ipahayag ang kanilang niloloob? Ang Kawikaan 20:5 ay nagsasabi: “Ang panukala sa puso ng tao ay gaya ng malalim na tubig, ngunit ang taong may kaunawaan ang siyang sasalok nito.” Sa pamamagitan ng paggamit ng mga tanong na dinisenyo upang sabihin niya ang kaniyang niloloob, gaya ng “Ano sa palagay mo?” mahihimok ng mga magulang ang kanilang mga anak na ipahayag ang kanilang mga kaisipan at damdamin.

Ano ang gagawin mo kung makagawa ng malubhang pagkakamali ang iyong anak? Iyan ang panahon na kailangan niya ng mabait na konsiderasyon. Supilin mo ang iyong damdamin habang nakikinig ka sa iyong anak. Ganito ang sinabi ng isang ama tungkol sa paraan ng pagharap niya sa gayong situwasyon: “Kapag nagkamali ang mga bata, sinisikap ko na huwag maging labis ang aking reaksiyon. Nauupo ako at nakikinig sa sasabihin nila. Sinisikap kong unawain ang situwasyon. Kapag nahihirapan akong supilin ang aking galit, nagpapalipas ako ng ilang sandali at pinakakalma ko ang aking sarili.” Kung susupilin mo ang iyong damdamin at makikinig ka, mas madaling matatanggap ang iyong pagtutuwid.

Mahalaga ang Disiplinang Salig sa Pag-ibig

“Kayo, mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.”​—Efeso 6:4.

Upang magtamo ng mabubuting resulta, mahalaga ang paraan ng pagbibigay mo ng maibiging disiplina. Paano maaaring ‘inisin ng mga magulang ang kanilang mga anak’? Kung ang disiplina ay hindi angkop sa kalubhaan ng pagkakamali o kung ito ay ibinibigay sa paraang lubhang mapamintas, tatanggihan ito ng mga bata. Ang disiplina ay dapat na laging ibigay nang may pag-ibig. (Kawikaan 13:24) Kung makatuwiran mong kinakausap ang iyong mga anak, matatanto nila na dinidisiplina mo sila dahil sa pag-ibig.​—Kawikaan 22:15; 29:19.

Sa kabilang panig naman, makabubuti sa mga anak na maranasan ang di-kanais-nais na mga resulta ng maling paggawi. Halimbawa, kung nakagawa ng masama sa ibang tao ang bata, maaari mong igiit na humingi siya ng tawad. Kapag nilabag niya ang mga tuntunin ng pamilya, maaari kang maglagay ng mga restriksiyon sa ilang pribilehiyo upang idiin ang kahalagahan ng pagsunod sa mga tuntunin.

Iminumungkahing maglapat ng disiplina sa tamang panahon. Binabanggit ng Eclesiastes 8:11: “Dahil ang hatol laban sa masamang gawa ay hindi kaagad inilalapat, kung kaya ang puso ng mga anak ng mga tao ay lubusang nakatalaga sa mga iyon upang gumawa ng masama.” Sa katulad na paraan, susubukin ng maraming bata kung hindi sila maparurusahan pagkatapos nilang gumawa ng mali. Kaya minsang nagbabala ka na parurusahan sila kapag nakagawa sila ng espesipikong masamang gawa, tiyakin na ilapat ang parusa.

Mahalaga ang Kaayaayang Paglilibang

“May . . . panahon ng pagtawa . . . at panahon ng pagluksu-lukso.”​—Eclesiastes 3:1, 4.

Ang oras ng pamamahinga at paglilibang na kaayaaya at timbang ay mahalaga para sa pag-unlad ng isip at katawan ng bata. Kapag nakikibahagi ang mga magulang sa paglilibang na kasama ng kanilang mga anak, tumitibay ang mga buklod ng pamilya at nakadarama ng katiwasayan ang mga bata. Anu-anong uri ng paglilibang ang maaaring gawing magkakasama ng mga miyembro ng pamilya? Kung paglalaanan mo ng panahon na pag-isipan ito, makasusumpong ka ng maraming kasiya-siyang bagay na magagawa ninyo. May mga isport na nilalaro sa labas ng bahay, gaya ng pagbibisikleta, at mga larong ginagamitan ng bola, gaya ng tenis, badminton, at balibol. Ilarawan sa isipan ang masasayang panahon na maaari ninyong tamasahin kapag magkakasamang tumutugtog ng mga instrumento sa musika ang pamilya. Magagandang alaala naman ang maaaring maging bunga ng paglalakbay sa kalapit na lugar upang masiyahan sa kalikasan.

Sa gayong mga situwasyon, maikikintal ng mga magulang sa kanilang mga anak ang isang timbang na pangmalas sa paglilibang. Isang lalaking Kristiyano na may tatlong anak na lalaki ang nagsabi: “Hangga’t maaari, nakikibahagi ako sa paglilibang ng aking mga anak. Halimbawa, kung naglalaro sila ng mga computer game, nagtatanong ako kung paano nilalaro ang mga ito. Kapag masigla nilang ipinaliliwanag ang mga ito, ginagamit ko ang pagkakataon upang ipakipag-usap ang tungkol sa panganib ng di-kanais-nais na libangan. Napansin ko na tinatanggihan nila ang di-angkop na libangan.” Oo, ang mga batang maligaya sa paglilibang ng buong pamilya ay hindi nahihilig na manood ng mga programa sa telebisyon, video, sine, at mga laro sa Internet na nagtatampok ng karahasan, imoralidad, at pag-abuso sa droga.

Tulungan ang Iyong mga Anak na Magkaroon ng Mabubuting Kaibigan

“Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.”​—Kawikaan 13:20.

Isang Kristiyanong ama na matagumpay na nagpalaki ng apat na anak ang nagsabi: “Napakahalaga ang pagpili nila ng mga kaibigan. Maaaring sirain ng isang masamang kaibigan ang lahat ng pagpapagal na ginawa mo.” Upang tulungan ang kaniyang mga anak na magkaroon ng mabubuting kaibigan, may-katalinuhan siyang nagtanong: Sino ang pinakamatalik mong kaibigan? Bakit gusto mo siya? Ano ang gusto mong tularan sa kaniya? Isinasaayos naman ng isa pang magulang na anyayahan ng kaniyang mga anak ang malalapít nilang kaibigan sa bahay. Sa gayon ay maoobserbahan niya sila at mabibigyan ang kaniyang mga anak ng angkop na patnubay.

Mahalaga rin na turuan ang mga anak na maaari silang makipagkaibigan sa mga nakatatandang tao gayundin sa kanilang mga kaedad. Ganito ang sabi ni Bum-sun, isang ama ng tatlong anak na lalaki: “Tinutulungan ko ang aking mga anak na maunawaang ang kanilang mga kaibigan ay hindi kinakailangang mga kaedad nila, gaya nina David at Jonatan sa Bibliya. Sa katunayan, inaanyayahan ko ang mga Kristiyano na iba’t iba ang edad upang masiyahan sa pakikisama sa aking mga anak. Bunga nito, nakikihalubilo ang aking mga anak sa maraming tao na hindi nila kaedad.” Ang pakikisama sa huwarang mga adulto ay nagbibigay sa mga bata ng bentaha na matuto ng maraming bagay.

Maaari Kang Magtagumpay sa Pagsasanay ng Anak

Ayon sa isang surbey na isinagawa sa Estados Unidos, hindi gaanong nagtagumpay ang maraming magulang na nagsikap magkintal sa kanilang mga anak ng mga katangiang gaya ng pagpipigil sa sarili, disiplina sa sarili, at pagkamatapat. Bakit napakahirap nito? Isang ina na sumagot sa surbey ang nagsabi: ‘Nakalulungkot na ang tanging paraan upang maprotektahan ang aming mga anak ay ang ikulong sila sa bahay at huwag silang palabasin.’ Nasa isip niya na ang kapaligiran kung saan lumalaki ang mga bata ngayon ay lalong masama higit kailanman. Sa situwasyong ito, posible nga bang mapalaki ang mga bata nang matagumpay?

Kung nais mong mag-alaga ng isang orkid subalit nababahala ka na baka malanta ito, maaaring masiraan ka ng loob. Kung dumating ang isang eksperto sa pagtatanim ng orkid at magbigay sa iyo ng ilang mabubuting ideya at may-pagtitiwalang magsabi sa iyo, “Magtatagumpay ka kung ganito ang gagawin mo,” tiyak na mapapawi ang mga agam-agam mo! Si Jehova, ang Kataas-taasang Awtoridad sa kalikasan ng tao, ay naglalaan ng payo tungkol sa pinakamagaling na paraan sa pagpapalaki ng mga anak. Sinabi niya: “Sanayin mo ang bata ayon sa daang nararapat sa kaniya; tumanda man siya ay hindi niya iyon lilihisan.” (Kawikaan 22:6) Kapag sinanay mo ang mga bata ayon sa payo ng Bibliya, malamang na magkaroon ka ng kagalakang makita ang iyong mga anak na lumalaking responsableng mga adulto, makonsiderasyon sa iba, at may pagkadama ng moralidad. Kung gayon, iibigin sila ng mga tao ngunit higit sa lahat ni Jehova, ang ating makalangit na Ama.