Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

May Magagawa ba Talaga ang Iyong mga Panalangin?

May Magagawa ba Talaga ang Iyong mga Panalangin?

May Magagawa ba Talaga ang Iyong mga Panalangin?

SINO sa atin ang hindi pa napapaharap sa isang matinding kalagayan na hindi natin kayang kontrolin? Ipinakikita ng Bibliya na alam ni apostol Pablo na mababago ng panalangin ang kalalabasan ng gayong mga krisis.

Nang makulong si Pablo sa Roma nang walang makatuwirang dahilan, hiniling niya sa kaniyang mga kapananampalataya na ipanalangin siya, na idinaragdag pa: “Pinapayuhan ko kayo na lalung-lalo nang gawin ito, upang masauli ako sa inyo sa lalong madaling panahon.” (Hebreo 13:18, 19) Sa isa pang pagkakataon, nagpahayag si Pablo ng pananalig na tutugunin ng Diyos ang mga panalangin para sa maaga niyang paglaya. (Filemon 22) Di-nagtagal ay pinalaya si Pablo at nagpatuloy siya sa kaniyang gawaing pagmimisyonero.

Ngunit talaga bang mababago ng panalangin ang kalalabasan ng iyong mga suliranin? Marahil. Gayunman, tandaan na hindi lamang isang pormal na relihiyosong kaugalian ang panalangin. Ito ay aktuwal na pakikipagtalastasan sa ating maibigin at makapangyarihang Ama sa langit. Hindi tayo dapat mag-atubiling maging lubhang espesipiko sa ating mga panalangin ngunit pagkatapos ay matiyaga nating hintayin kung paano tutugon si Jehova.

Maaaring hindi tuwirang tumugon ang Diyos sa bawat panalangin, ni lagi mang sumagot sa paraan o panahon na inaasahan natin. Halimbawa, paulit-ulit na ipinanalangin ni Pablo ang kaniyang “tinik sa laman.” Hindi inalis ng Diyos ang suliranin ni Pablo, anuman iyon, subalit inaliw niya si Pablo sa nakapagpapatibay na mga salitang: “Ang aking di-sana-nararapat na kabaitan ay sapat na para sa iyo; sapagkat ang aking kapangyarihan ay pinasasakdal sa kahinaan.”​—2 Corinto 12:7-9.

Makapagtitiwala rin tayo na kahit hindi alisin ng Diyos ang isang partikular na suliranin, maaari siyang ‘gumawa ng daang malalabasan upang mabata natin iyon.’ (1 Corinto 10:13) Hindi magtatagal at wawakasan na ng Diyos ang lahat ng paghihirap ng sangkatauhan. Samantala, may magagawa talaga ang pagbaling sa “Dumirinig ng panalangin.”​—Awit 65:2.