Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Kasiya-siyang Buhay sa Kabila ng mga Pighati

Isang Kasiya-siyang Buhay sa Kabila ng mga Pighati

Isang Kasiya-siyang Buhay sa Kabila ng mga Pighati

AYON SA SALAYSAY NI AUDREY HYDE

Sa pagbabalik-tanaw sa mahigit na 63 taon sa buong-panahong ministeryo​—59 na taon sa punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova​—masasabi kong nagkaroon ako ng isang kasiya-siyang buhay. Totoo, ang makita kong unti-unting namamatay sa kanser ang aking unang asawa at nagdurusa sa nakapangingilabot na mga epekto ng sakit na Alzheimer ang ikalawang asawa ko ay matinding dagok. Pero hayaan mong ikuwento ko sa iyo kung paano ko napanatili ang aking kagalakan sa kabila ng mga kapighatiang ito.

LUMAKI ako sa isang bukid malapit sa maliit na bayan ng Haxtun sa kaparangan ng hilagang-silangang Colorado, malapit sa hangganan ng Nebraska. Ikalima ako sa anim na anak nina Orille at Nina Mock. Sina Russell, Wayne, Clara, at Ardis ay isinilang sa pagitan ng 1913 at 1920, at ipinanganak naman ako nang sumunod na taon. Isinilang si Curtis noong 1925.

Noong 1913, si Inay ay naging isang Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Nang maglaon, naging Saksi rin ang lahat ng iba pang miyembro ng aming pamilya.

Isang Kapaki-pakinabang na Buhay sa Kaparangan

Lubhang progresibo si Itay. May ilaw na de-kuryente sa lahat ng gusali namin sa bukid, isang bagay na di-pangkaraniwan noong panahong iyon. Tinamasa rin namin ang karaniwang mga produkto ng pagtatrabaho sa bukid​—mga itlog mula sa aming mga manok, at gatas, krema, at mantikilya mula sa aming mga baka. Gumamit kami ng mga kabayo sa pag-aararo sa lupa at nagtanim kami ng mga strawberry at patatas, gayundin ng trigo at mais.

Naniniwala si Itay na kaming mga anak ay dapat matutong lahat na magtrabaho. Bago pa man ako mag-aral, sinanay na akong magtrabaho sa bukid. Naaalaala ko ang mga panahon ng tag-araw sa ilalim ng mainit na araw, na nag-aasarol ako ng mahahabang hanay sa aming hardin. ‘Makaaabot pa kaya ako sa dulo?’ ang naisip ko. Tagaktak ang pawis ko, at kinagat ako ng mga bubuyog. Kung minsan, naaawa ako sa sarili ko dahil ang ibang mga bata ay hindi kailangang magpagal na gaya namin. Gayunman, ang totoo kapag nagbabalik-tanaw ako sa aking pagkabata, nagpapasalamat ako na tinuruan kaming magtrabaho.

Lahat kami ay may mga atas. Mas magaling si Ardis sa paggagatas ng baka kaysa sa akin, kaya ang trabaho ko ay linisin ang mga kuwadra ng kabayo, anupat pinapala ang mga dumi ng mga ito. Gayunman, nagkakatuwaan din kami at naglalaro. Kami ni Ardis ay naglaro ng softball sa isang lokal na koponan. Ako ay nagsisilbing pitcher, o kaya ay bantay sa third base, at si Ardis naman sa first base.

Napakaganda ng maaliwalas na kalangitan sa gabi sa parang. Ang libu-libong bituin ay nagpapaalaala sa akin sa ating Maylalang, ang Diyos na Jehova. Kahit bata pa, naiisip ko ang Awit 147:4, na kababasahan ng ganito: “Tinutuos niya [ni Jehova] ang bilang ng mga bituin; silang lahat ay tinatawag niya ayon sa kanilang mga pangalan.” Marami sa maaliwalas na mga gabing ito, ipinapatong ng aso namin, si Judge, ang kaniyang ulo sa aking kandungan at sinasamahan ako. Madalas akong umuupo sa aming beranda kapag hapon at hinahangaan ang bukirin ng luntiang trigo habang hinihipan ang mga ito ng dumaraang hangin, anupat nagiging parang pilak ang mga ito sa sikat ng araw.

Ang Mainam na Halimbawa ni Inay

Ang aking ina ay isang napakatapat na asawa. Si Itay ang laging ulo ng sambahayan, at tinuruan kami ni Inay na igalang siya. Noong 1939, naging isa rin siyang Saksi ni Jehova. Alam naming mahal kami ni Itay kahit na pinagtatrabaho niya kami nang puspusan at hindi niya kami pinalaki sa layaw. Madalas sa panahon ng taglamig ay nirerendahan niya ang dalawang kabayo, ikinakabit ang isang sleigh (paragos na pang-yelo) at isinasakay kami. Tuwang-tuwa kami sa kislap ng niyebe!

Gayunman, si Inay ang nagpalaki sa amin upang ibigin ang Diyos at igalang ang Bibliya. Natutuhan namin na ang pangalan ng Diyos ay Jehova at na siya ang Bukal ng buhay. (Awit 36:9; 83:18) Natutuhan din namin na naglaan siya sa atin ng mga panuntunan, hindi para pagkaitan tayo ng kasiyahan, kundi para makinabang tayo. (Isaias 48:17) Laging idiniriin sa amin ni Inay ang katotohanan na mayroon kaming isang espesyal na gawain na dapat isagawa. Natutuhan namin na sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”​—Mateo 24:14.

Noong mga panahong iyon, kapag dumarating ako sa bahay galing sa paaralan at wala sa bahay ang aking ina, umaalis ako para hanapin siya. Minsan, noong mga anim o pitong taóng gulang ako, natagpuan ko siya sa kamalig. Pagkatapos ay nagsimulang umulan nang malakas. Nasa ikalawang palapag kami ng kamalig na imbakan ng dayami, at tinanong ko siya kung pinapasapit bang muli ng Diyos ang isa pang Baha. Tiniyak niya sa akin na ipinangako ng Diyos na hindi na niya muling pupuksain ang lupa sa pamamagitan ng delubyo. Naaalaala ko rin na maraming ulit akong tumatakbo para magkubli sa isang kanlungan sa ilalim ng lupa, yamang pangkaraniwan ang mga buhawi.

Bago pa man ako isilang, nakikibahagi na si Inay sa gawaing pangangaral. Isang grupo ang nagtitipon sa aming bahay, na lahat ay may pag-asang mabuhay kasama ni Kristo sa langit. Bagaman ang pangangaral sa bahay-bahay ay isang hamon para kay Inay, hinayaan niyang ang kaniyang pag-ibig sa Diyos ang dumaig sa kaniyang takot. Siya ay tapat hanggang sa kaniyang kamatayan noong Nobyembre 24, 1969 sa edad na 84 na taon. “Inay, pupunta ka na sa langit, at makakasama mo na ang mga kilala mo,” ang ibinulong ko sa kaniya. Kayligaya ko na kasama ko si Inay nang pagkakataong iyon at masabi sa kaniya ang aking pagtitiwala sa pag-asang iyon! Marahan niyang sinabi, “Napakabait mo sa akin.”

Nagsimula Kaming Mangaral

Noong 1939, si Russell ay naging payunir, gaya ng tawag sa buong-panahong mga ebanghelisador na kabilang sa mga Saksi ni Jehova. Nagpayunir siya sa Oklahoma at Nebraska hanggang noong 1944 nang tawagin siya para maglingkod sa punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova (tinatawag na Bethel), sa Brooklyn, New York. Nagsimula akong magpayunir noong Setyembre 20, 1941, at naglingkod sa iba’t ibang lugar sa Colorado, Kansas, at Nebraska. Masaya ang mga taóng iyon ng pagpapayunir hindi lamang dahil sa natutulungan ko ang iba na matuto hinggil kay Jehova kundi dahil natutuhan ko ring umasa sa kaniya.

Nang magsimulang magpayunir si Russell, si Wayne naman ay nasa kolehiyo noon sa silangang baybayin ng Estados Unidos matapos magtrabaho sa loob ng ilang panahon. Nang maglaon, inanyayahan siya sa Bethel. Naglingkod siya sa loob ng ilang panahon sa Kingdom Farm, malapit sa Ithaca, New York. Doon nagtatanim ng pagkain para sa maliit na pamilya sa Kingdom Farm gayundin para sa mga 200 manggagawa sa Brooklyn Bethel. Ginamit ni Wayne ang kaniyang mga kasanayan at karanasan sa paglilingkod kay Jehova hanggang sa mamatay siya noong 1988.

Napangasawa ng ate kong si Ardis si James Kern, at nagkaroon sila ng limang anak. Namatay siya noong 1997. Ang isa ko pang ate, si Clara, ay nananatiling tapat kay Jehova hanggang sa ngayon, at kapag nagbabakasyon ako, dinadalaw ko pa rin siya sa kaniyang bahay sa Colorado. Ang bunso naming kapatid na lalaki, si Curtis, ay dumating sa Brooklyn Bethel noong kalagitnaan ng dekada ng 1940. Nagmamaneho siya ng trak papunta at pabalik sa Kingdom Farm dala ang iba’t ibang mga suplay at ani. Hindi na siya nag-asawa, at namatay siya noong 1971.

Ang Aking Hangarin​—Paglilingkod sa Bethel

Ang mga kuya ko ang naunang nagtungo sa Bethel, at hangarin kong maglingkod din doon. Nakatitiyak ako na ang kanilang mainam na halimbawa ang dahilan kaya ako inanyayahan. Ang pakikinig sa mga kuwento ng aking ina hinggil sa kasaysayan ng organisasyon ng Diyos at ang pagkakita ko mismo sa katuparan ng mga hula sa Bibliya hinggil sa mga huling araw ang nagpasidhi sa aking hangarin na maglingkod sa Bethel. Nanata ako kay Jehova sa panalangin na kung papayagan niya akong maglingkod sa Bethel, hinding-hindi ako aalis malibang may mga obligasyong Kristiyano akong dapat asikasuhin.

Dumating ako sa Bethel noong Hunyo 20, 1945, at inatasang magtrabaho bilang tagapaglinis. Mayroon akong 13 kuwartong dapat linisin, na may 26 na kama na kailangang ayusin araw-araw, idagdag pa ang mga pasilyo, mga hagdan, at mga bintanang dapat linisin. Mahirap ang trabaho. Araw-araw habang nagtatrabaho, lagi kong sinasabi sa aking sarili, ‘Totoo, pagód ka na, pero nasa Bethel ka, ang bahay ng Diyos!’

Noong nagsisimula pa lang akong maglingkod sa Bethel, may isang labis na nakahihiyang bagay na nangyari sa akin. Palibhasa’y lumaki sa kabukiran, wala akong ideya na ang dumbwaiter ay isang maliit na elebeytor na nagdadala ng suplay sa bawat palapag. Buweno, isang araw ay tumanggap ako ng tawag sa telepono habang nagtatrabaho na humihiling, “Puwede mo bang pababain dito ang dumbwaiter?” Kaagad na ibinaba ng tumawag ang telepono, kaya hindi ko alam kung ano ang gagawin. Pero naalaala ko na isa sa mga kapatid na lalaking nakatira sa palapag na nililinis ko ay waiter. Kaya kumatok ako sa pinto niya at sinabi sa kaniya, “Pinabababa ka nila sa kusina.”

Pagpapakasal kay Nathan Knorr

Mula noong dekada ng 1920, ang mga Bethelite na nagnanais mag-asawa ay hinihilingang lumabas sa Bethel at maglingkod sa kapakanan ng Kaharian sa ibang lugar. Ngunit noong unang mga taon ng dekada ng 1950, may ilang magkasintahan na nakapaglingkod na sa Bethel sa loob ng mahaba-habang panahon ang pinahintulutang mag-asawa at manatili. Kaya nang si Nathan H. Knorr, na nang panahong iyon ay nangunguna sa pambuong-daigdig na gawaing pang-Kaharian, ay magpakita sa akin ng interes, naisip ko, ‘Heto ngayon ang isa na mananatili!’

Maraming responsibilidad si Nathan sa pangangasiwa sa pambuong-daigdig na gawain ng mga Saksi ni Jehova. Kaya naging lubha siyang matapat sa akin, anupat binigyan niya ako ng maraming dahilan kung bakit kailangan akong mag-isip na mabuti bago ko tanggapin ang kaniyang alok na kasal. Nang mga panahong iyon, madalas siyang magbiyahe para dalawin ang mga sangay ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig at madalas na ilang linggo siyang wala. Kaya ipinaliwanag niya na magkakahiwalay kami sa loob ng mahahabang yugto ng panahon.

Bilang isang kabataang babae, nangangarap akong makasal sa tagsibol at magpulot-gata sa mga isla ng Hawaii sa Pasipiko. Buweno, ikinasal kami nang taglamig, noong Enero 31, 1953, at nagpulot-gata kami nang Sabado ng hapon at Linggong iyon sa New Jersey. Pagdating ng Lunes ay balik na kami sa trabaho. Gayunman, pagkalipas ng isang linggo ay umalis kami para sa isang linggong pulot-gata.

Isang Masikap na Kasama

Si Nathan ay 18 taóng gulang nang dumating siya sa Bethel noong 1923. Tumanggap siya ng mahalagang pagsasanay mula sa makaranasang mga kapatid na gaya ni Joseph F. Rutherford, na nanguna sa gawain ng mga Saksi, at ng manedyer ng palimbagan na si Robert J. Martin. Nang mamatay si Brother Martin noong Setyembre 1932, si Nathan ang naging manedyer ng palimbagan. Nang sumunod na taon, isinama ni Brother Rutherford si Nathan nang dumalaw siya sa mga sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Europa. Noong Enero 1942 nang mamatay si Brother Rutherford, ibinigay kay Nathan ang pananagutan ng pangangasiwa sa pambuong-daigdig na gawain ng mga Saksi ni Jehova.

Si Nathan ay lubhang progresibo, palaging nagpaplano nang patiuna para sa pagsulong sa hinaharap. Iniisip ng iba na hindi ito angkop, yamang ang wakas ng sistemang ito ng mga bagay ay itinuturing na napakalapit na. Sa katunayan, isa sa nakakita sa mga plano ni Nathan ang nagtanong sa kaniya: “Ano ito, Brother Knorr? Wala ka bang anumang pananampalataya?” Sumagot siya: “Oo, mayroon, pero kapag ang wakas ay hindi dumating agad gaya ng inaasahan natin, handa na tayo.”

Ang isang ideya na partikular nang itinaguyod ni Nathan ay ang pagtatatag ng isang paaralan para sa mga misyonero. Kaya naman, noong Pebrero 1, 1943, isang paaralan para sa mga misyonero ang pinasimulan sa Kingdom Farm kung saan naglilingkod ang kuya kong si Wayne. Bagaman ang paaralan ay binubuo ng isang kurso ng puspusang pag-aaral sa Bibliya nang humigit-kumulang sa limang buwan, tiniyak ni Nathan na may libangan din ang mga estudyante. Noong mga unang klase, sumasali siya sa paglalaro ng softball, ngunit nang maglaon hindi na siya naglaro dahil sa takot na mapinsala siya na maaaring makahadlang naman sa pagdalo niya sa mga pandistritong kombensiyon sa tag-araw. Sa halip, pinili niyang maging umpire. Tuwang-tuwa ang mga estudyante kapag labis-labis niyang binabaluktot ang mga alituntunin para paboran ang mga banyagang estudyante na naglalaro.

Paglalakbay Kasama ni Nathan

Nang malaon, nagsimula akong maglakbay sa ibang bansa kasama ni Nathan. Nasiyahan ako sa pagbabahagi ng mga karanasan sa mga boluntaryo sa sangay at sa mga misyonero. Nakita ko mismo ang kanilang pag-ibig at debosyon, at nalaman ko ang kanilang rutin at mga kalagayan sa pamumuhay sa iniatas sa kanila na mga bansa. Sa paglipas ng maraming taon, patuloy akong nakatatanggap ng mga liham na nagpapahayag ng pagpapahalaga sa gayong mga pagdalaw.

Sa pagbabalik-tanaw sa aming mga paglalakbay, marami akong natatandaang mga karanasan. Halimbawa, nang dumalaw kami sa Poland, dalawang sister ang nagbubulungan sa harap ko. Tinanong ko sila, “Bakit kayo nagbubulungan?” Humingi sila ng paumanhin, anupat ipinaliliwanag na nasanay na silang bumulong noong ipinagbabawal pa ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Poland at ang kanilang mga bahay ay nilagyan ng mga opisyal ng mga nakatagong mikropono upang palihim na mapakinggan ng mga ito ang mga pag-uusap ng mga Saksi.

Si Sister Adach ay isa sa maraming naglingkod sa ilalim ng pagbabawal sa Poland. Kulot ang kaniyang buhok at may bangs. Minsan ay hinawi niya ang kaniyang bangs at ipinakita sa akin ang isang malalim na pilat, ang resulta ng pagpalo sa kaniya ng isang mang-uusig. Nagulat ako sa pagkakita mismo ng mga resulta ng malupit na pagtrato na kinailangang batahin ng ating mga kapatid.

Pangalawa sa Bethel, ang Hawaii ang paborito kong lugar. Naaalaala ko ang kombensiyon doon sa lunsod ng Hilo noong 1957. Malaking okasyon iyon, at ang bilang ng dumalo ay mas malaki kaysa sa bilang ng mga Saksi roon. Ibinigay pa nga ng alkalde kay Nathan ang susi ng lunsod. Marami ang dumating para batiin kami, anupat pinapalamutian kami ng mga kuwintas na bulaklak.

Ang isa pang kapana-panabik na kombensiyon ay sa Nuremberg, Alemanya, noong 1955, na idinaos kung saan dating nagpaparada ang mga sundalo ni Hitler. Marami ang nakaaalam na sumumpa si Hitler na lilipulin ang bayan ni Jehova sa Alemanya, ngunit ngayon ang istadyum na ito ay punung-puno ng mga Saksi ni Jehova! Hindi ko mapigilan ang aking mga luha. Napakalaki ng plataporma at may kapansin-pansing tanawin sa likuran na 144 na malalaking haligi. Nasa plataporma ako at nakita ko ang napakaraming tagapakinig na mahigit sa 107,000. Napakalayo ng dulo anupat halos hindi ko makita ang huling hanay.

Nadama namin ang katapatan ng mga kapatid na Aleman at ang lakas na tinanggap nila buhat kay Jehova noong panahon ng pag-uusig sa kanila sa ilalim ng pamamahalang Nazi. Pinatibay nito ang aming determinasyon na maging matapat at panatilihin ang aming katapatan kay Jehova. Si Nathan ang nagbigay ng pangwakas na pahayag, at sa pagtatapos nito, kumaway siya bilang pamamaalam sa mga tagapakinig. Kaagad silang tumugon sa pamamagitan ng pagwawagayway ng kanilang mga panyo bilang pamamaalam. Para itong isang napakagandang taniman ng mga bulaklak.

Hindi ko rin malilimutan ang aming pagdalaw sa Portugal noong Disyembre 1974. Dumalo kami sa kauna-unahang pagpupulong ng mga Saksi sa Lisbon matapos maging legal ang ating gawaing pangangaral doon. Ipinagbawal ito sa loob ng 50 taon! Bagaman mayroon lamang 14,000 mamamahayag ng Kaharian sa bansa nang panahong iyon, mahigit na 46,000 ang dumalo para sa dalawang pagpupulong na idinaos. Napaluha ako nang sabihin ng mga kapatid: “Hindi na namin kailangang magtago. Malaya na kami.”

Mula noong naglalakbay ako kasama ni Nathan hanggang sa ngayon, nasisiyahan ako sa di-pormal na pagpapatotoo​—sa mga eroplano, sa mga restawran​—at sa pagpapatotoo sa lansangan. Lagi akong nagdadala ng mga literatura para handa ako. Minsan, habang hinihintay namin ang isang eroplano na naantala ang biyahe, tinanong ako ng isang babae kung saan ako nagtatrabaho. Umakay iyon sa pakikipag-usap sa kaniya at sa iba pang nakapaligid sa amin na nakikinig. Ang paglilingkod sa Bethel at ang aking gawaing pangangaral ang pinagkakaabalahan ko at lubhang nagpapaligaya sa akin.

Pagkakasakit at Pampatibay-Loob Bilang Pamamaalam

Noong 1976, nagkasakit si Nathan ng kanser, at ako, pati na ang mga miyembro ng pamilyang Bethel, ay tumulong sa kaniya na maharap ito. Sa kabila ng kaniyang humihinang kalusugan, inaanyayahan namin sa aming kuwarto ang iba’t ibang miyembro ng mga tanggapang pansangay mula sa buong daigdig na nasa Brooklyn noon para sa pagsasanay. Naaalaala ko ang mga pagdalaw nina Don at Earlene Steele, Lloyd at Melba Barry, Douglas at Mary Guest, Martin at Gertrud Poetzinger, Pryce Hughes, at marami pang iba. Madalas ay ibinabahagi nila sa amin ang ilang mga karanasan mula sa kanilang bansa. Ako ay lalo nang humahanga sa mga karanasang may kaugnayan sa katatagan ng ating mga kapatid sa ilalim ng pagbabawal.

Nang matanto ni Nathan na malapit na siyang mamatay, binigyan niya ako ng ilang mahuhusay na payo para tulungan akong makayanan ang pagkabalo. Sinabi niya: “Nagkaroon tayo ng maligayang pag-aasawa. Maraming tao ang hindi kailanman nakaranas niyan.” Ang isang bagay kung kaya naging maligaya ang aming pag-aasawa ay ang pagkamaalalahanin ni Nathan. Halimbawa, kapag nakakatagpo namin ang iba’t ibang kapatid sa aming mga paglalakbay, sasabihin niya sa akin: “Audrey, minsan kapag hindi kita ipinakikilala sa kanila, iyon ay dahil sa nakaligtaan ko ang pangalan nila.” Natutuwa ako at sinabi niya iyon sa akin nang patiuna.

Pinaalalahanan ako ni Nathan: “Pagkamatay, tiyak ang ating pag-asa, at hindi na tayo kailangang dumanas pang muli ng kirot.” Pagkatapos ay hinimok niya ako: “Tumingin ka sa unahan, yamang naroon ang iyong gantimpala. Huwag kang mabuhay sa kahapon​—bagaman ang iyong mga alaala ay magpapatuloy. Tutulungan ka ng panahon na maghilom. Huwag kang maghinanakit at maawa sa iyong sarili. Magsaya ka na tinamasa mo ang mga kagalakan at mga pagpapalang ito. Hindi magtatagal, masusumpungan mong ang mga alaala ay magdudulot sa iyo ng kagalakan. Ang mga alaala ay kaloob ng Diyos sa atin.” Idinagdag pa niya: “Maging abala ka​—sikapin mong gamitin ang iyong buhay sa paggawa ng isang bagay para sa iba. Ito ang tutulong sa iyo na makasumpong ng kagalakan sa pamumuhay.” Nang dakong huli, noong Hunyo 8, 1977, natapos na niya ang kaniyang makalupang buhay.

Pagpapakasal kay Glenn Hyde

Sinabi sa akin ni Nathan na maaari akong mabuhay sa kahapon taglay ang aking mga alaala o na maaari akong bumuo ng panibagong buhay. Kaya noong 1978, matapos akong lumipat sa Watchtower Farms sa Wallkill, New York, nagpakasal ako kay Glenn Hyde, isang napakakisig, tahimik, at mahinahong tao. Bago siya naging Saksi, naglingkod siya sa Hukbong-Dagat nang ang Estados Unidos ay nakikipagdigma sa Hapon.

Si Glenn ay sakay noon ng isang barkong PT (patrol torpedo) at naatasan sa silid na kinalalagyan ng makina. Dahil sa ingay ng makina, humina ang kaniyang pandinig. Pagkatapos ng digmaan, naging bumbero siya. Sa loob ng maraming taon ay binabangungot siya dahil sa mga karanasan niya noong panahon ng digmaan. Nalaman niya ang katotohanan sa Bibliya mula sa kaniyang sekretarya, na nagpatotoo sa kaniya sa di-pormal na paraan.

Nang maglaon, noong 1968, tinawag si Glenn sa Bethel upang maglingkod bilang bumbero sa Brooklyn. Pagkatapos, nang magkaroon ng trak ng bumbero ang Watchtower Farms, inilipat siya roon noong 1975. Sa kalaunan, dinapuan siya ng sakit na Alzheimer. Pagkatapos ng sampung taon naming pagsasama, namatay si Glenn.

Paano ko ito makakayanan? Ang karunungang ipinagkaloob ni Nathan sa akin nang alam niyang mamamatay na siya ang muling umaliw sa akin. Paulit-ulit kong binabasa ang isinulat niya sa akin hinggil sa pagharap sa pagkabalo. Ibinabahagi ko pa rin ang mga komentong ito sa iba na nawalan ng kanilang mga kabiyak, at sila rin ay naaliw sa payo ni Nathan. Oo, kapaki-pakinabang ang tumingin sa unahan gaya ng pinasigla niyang gawin ko.

Isang Mahalagang Kapatiran

Ang pantanging nakaragdag sa aking maligaya at kasiya-siyang buhay ay ang mahal na mga kaibigan sa pamilyang Bethel. Ang isang partikular na indibiduwal ay si Esther Lopez, na nagtapos noong 1944 sa ikatlong klase ng Watchtower Bible School of Gilead. Bumalik siya sa Brooklyn noong Pebrero 1950 para maglingkod bilang tagapagsalin ng ating mga literatura sa Bibliya sa wikang Kastila. Madalas kapag wala si Nathan, si Esther ang aking pinakamatalik na kasama. Nasa Watchtower Farms din siya. Ngayong mahigit na siyang 90 taóng gulang, humihina na ang kaniyang kalusugan at inaalagaan sa aming klinika.

Sa mismong pamilya ko, sina Russell at Clara na lamang ang nabubuhay. Si Russell ay mahigit nang 90 taon at tapat na naglilingkod sa Brooklyn Bethel. Kabilang siya sa mga unang pinahintulutan na manatili sa Bethel pagkatapos mag-asawa. Noong 1952, pinakasalan niya ang kapuwa Bethelite na si Jean Larson. Ang kapatid ni Jean na si Max ay dumating sa Bethel noong 1939 at pumalit kay Nathan bilang tagapangasiwa sa palimbagan noong 1942. Patuloy pa rin si Max sa paghawak ng maraming pananagutan sa Bethel, lakip na ang pag-aalaga sa kaniyang mahal na asawang si Helen, na nagbabata ng multiple sclerosis.

Sa pagbabalik-tanaw sa mahigit na 63 taon sa buong-panahong paglilingkod kay Jehova, masasabi kong nagkaroon ako ng isang kasiya-siyang buhay. Naging tahanan ko ang Bethel, at patuloy ako sa paglilingkod dito nang may kagalakan ng puso. Pinapupurihan ko ang aking mga magulang dahil sa pagkikintal nila sa amin ng kahalagahan ng mahusay na pagtatrabaho at ng pagnanais na paglingkuran si Jehova. Ngunit ang talagang dahilan kung kaya nagiging kasiya-siya ang buhay ay ang ating kamangha-manghang kapatiran at ang pag-asang mabuhay magpakailanman kasama ng ating mga kapatid sa isang paraisong lupa, na naglilingkod sa ating Dakilang Maylalang, ang tanging tunay na Diyos na si Jehova magpakailan-kailanman.

[Larawan sa pahina 24]

Ang aking mga magulang sa araw ng kanilang kasal noong Hunyo 1912

[Larawan sa pahina 24]

Kaliwa pakanan: Si Russell, Wayne, Clara, Ardis, ako, at si Curtis noong 1927

[Larawan sa pahina 25]

Nakatayo ako sa pagitan nina Frances at Barbara McNaught, habang nagpapayunir noong 1944

[Larawan sa pahina 25]

Sa Bethel noong 1951. Mula kaliwa pakanan: Ako, si Esther Lopez, at ang aking hipag na si Jean

[Larawan sa pahina 26]

Kasama si Nathan at ang kaniyang mga magulang

[Larawan sa pahina 26]

Kasama si Nathan noong 1955

[Larawan sa pahina 27]

Kasama si Nathan sa Hawaii

[Larawan sa pahina 29]

Kasama ang aking ikalawang asawa na si Glenn