Isang Liham kay Noe
Isang Liham kay Noe
“MAHAL kong Noe, ilang ulit ko na pong nabasa sa Bibliya ang tungkol sa inyo at kung paano kayo nagtayo ng arka na naging dahilan para maligtas kayo at ang inyong pamilya sa Baha.”
Iyan ang pasimula ng liham na isinali ng isang 15-taóng-gulang na babae na nagngangalang Minnamaria sa isang paligsahan sa pagsulat para sa mga estudyante na edad 14 hanggang 21 taon. Ang paligsahan ay isinaayos ng serbisyo ng koreo sa Finland, ang Federation for Finnish Mother Tongue Teachers, at ng Finnish Literature Society. Ang mga kalahok ay hinilingang sumulat ng isang liham batay sa isang aklat. Maaaring ipatungkol ito sa awtor ng aklat o sa isang tauhan dito. Pumili ang mga guro ng mahigit na 1,400 sa mga liham ng kanilang mga estudyante at ibinigay ang mga ito sa mga hurado ng patimpalak. Pagkatapos ay pumili ang mga hurado ng isang pinakamahusay, sampung ikalawang pinakamahuhusay, at sampung ikatlong pinakamahuhusay na sanaysay. Natuwa si Minnamaria na ang kaniyang liham ay napasama sa ikatlong grupo.
Bakit si Noe, isang lalaki na nabuhay mga 5,000 taon na ang nakalilipas, ang sinulatan ni Minnamaria, na isang tin-edyer na estudyante? Nagkomento siya: “Ang Bibliya ang unang-unang bagay na pumasok sa isip ko. Naging pamilyar na pamilyar sa akin ang mga tauhan sa Bibliya. Marami na akong nabasa tungkol sa kanila anupat parang buháy na buháy sila para sa akin. Napili ko si Noe dahil kapana-panabik at naiiba ang buhay niya kaysa sa akin.”
Ang liham ni Minnamaria kay Noe ay nagtapos sa mga pananalitang: “Kayo po ay nananatiling isang halimbawa ng pananampalataya at pagkamasunurin. Ang inyong buhay ay nagpapatibay sa lahat ng bumabasa ng Bibliya na kumilos kasuwato ng kanilang pananampalataya.”
Ang liham na ito ng isang kabataang mambabasa ng Bibliya ay naglalarawan nang mainam na ang Bibliya talaga “ay buháy at [nagbibigay ng] lakas” sa mga tao, bata man o matanda.—Hebreo 4:12.