Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

‘Ituro sa Kanila na Tuparin ang Lahat ng mga Bagay na Iniutos Ko sa Inyo’

‘Ituro sa Kanila na Tuparin ang Lahat ng mga Bagay na Iniutos Ko sa Inyo’

‘Ituro sa Kanila na Tuparin ang Lahat ng mga Bagay na Iniutos Ko sa Inyo’

“Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad . . . , na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.”​—MATEO 28:19, 20.

1. Anong pag-uusap ang naganap sa pagitan ng alagad na si Felipe at ng lalaking nagmula sa Etiopia?

ANG lalaking nagmula sa Etiopia ay naglakbay hanggang sa Jerusalem. Doon ay sumamba siya sa Diyos na kaniyang iniibig, si Jehova. Lumilitaw na iniibig din niya ang kinasihang Salita ng Diyos. Habang pauwi siya sakay ng kaniyang karo, binabasa niya ang isang kopya ng isinulat ni propeta Isaias nang kausapin siya ni Felipe, isang alagad ni Kristo. Tinanong ni Felipe ang Etiope: “Talaga bang nalalaman mo ang iyong binabasa?” Sumagot ang lalaki: “Paano ko nga iyon magagawa, malibang may pumatnubay sa akin?” Tinulungan ni Felipe ang taimtim na estudyanteng ito ng Kasulatan upang maging alagad ni Kristo.​—Gawa 8:26-39.

2. (a) Sa anong paraan naging makahulugan ang tugon ng Etiope? (b) Anu-anong mga tanong na nauugnay sa atas ni Kristo na gumawa ng mga alagad ang ating isasaalang-alang?

2 Kapansin-pansin ang tugon ng Etiope. Sinabi niya: ‘Paano ko magagawa iyon, malibang may pumatnubay sa akin.’ Oo, kailangan niya ang isang tagapatnubay, isa na aakay sa kaniya. Inilalarawan ng mismong komentong iyon ang kahalagahan ng espesipikong tagubilin na inilakip ni Jesus sa kaniyang atas na gumawa ng mga alagad. Anong tagubilin? Upang malaman ang sagot, ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga salita ni Jesus na masusumpungan sa Mateo kabanata 28. Ang naunang artikulo ay nagtuon ng pansin sa mga tanong na bakit? at saan? Isasaalang-alang naman natin ngayon ang dalawa pang tanong na nauugnay sa utos ni Kristo na gumawa ng mga alagad​—ano? at kailan?

“Itinuturo sa Kanila na Tuparin ang Lahat ng mga Bagay”

3. (a) Paano nagiging alagad ni Jesu-Kristo ang isang tao? (b) Ano ang kalakip sa paggawa ng mga alagad?

3 Ano ang dapat nating ituro upang tulungan ang iba na maging mga alagad ni Kristo? Iniutos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Kaya dapat nating ituro ang mga bagay na iniutos ni Kristo. * Kung gayon, ano ang makatutulong upang matiyak na ang isang indibiduwal na tinuturuan ng mga utos ni Jesus ay hindi lamang magiging isang alagad kundi mananatili ring gayon? Ang isang susing salik ay makikita sa maingat na pagpili ni Jesus ng mga salita. Pansinin na hindi lamang niya sinabi: ‘Ituro sa kanila ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.’ Sa halip, sinabi niya: ‘Ituro sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.’ (Mateo 19:17) Ano ang ipinahihiwatig nito?

4. (a) Ano ang ibig sabihin ng tuparin ang isang utos? (b) Ilarawan kung paano natin ituturo sa isa na tuparin ang mga utos ni Kristo.

4 Ang tuparin ang isang utos ay nangangahulugang “iayon ang pagkilos ng isa” sa isang utos​—ang sundin ito. Kung gayon, paano natin matuturuan ang isa na tuparin, o sundin, ang mga bagay na iniutos ni Kristo? Buweno, isipin kung paano tinuturuan ng isang instruktor sa pagmamaneho ang kaniyang mga estudyante upang tuparin ang mga batas trapiko. Maaaring ituro ng instruktor sa kaniyang mga estudyante ang mga alituntunin sa daan sa silid-aralan. Gayunman, upang turuan ang mga estudyante na sundin ang mga alituntuning iyon, kailangan niyang patnubayan ang mga estudyante habang aktuwal silang nagmamaneho sa daan at nagsisikap nang husto na ikapit ang kanilang natutuhan. Sa katulad na paraan, kapag nagdaraos tayo ng pag-aaral ng Bibliya sa mga tao, itinuturo natin sa kanila ang mga utos ni Kristo. Subalit kailangan din nating patnubayan ang mga estudyante habang sinisikap nilang ikapit ang mga tagubilin ni Kristo sa kanilang pang-araw-araw na buhay at sa ministeryo. (Juan 14:15; 1 Juan 2:3) Kaya ang lubusang pagtupad sa utos ni Kristo na gumawa ng mga alagad ay humihiling na tayo ay maging kapuwa mga guro at mga tagapatnubay. Sa gayong paraan, tinutularan natin ang halimbawang itinakda ni Jesus at ni Jehova mismo.​—Awit 48:14; Apocalipsis 7:17.

5. Bakit maaaring mag-atubili ang isang inaaralan natin sa Bibliya na sundin ang utos ni Kristo na gumawa ng mga alagad?

5 Kalakip sa pagtuturo sa iba na tuparin ang mga utos ni Jesus ang pagtulong sa kanila na sundin ang utos na gumawa ng mga alagad. Waring mahirap ito para sa ilang inaaralan natin ng Bibliya. Kahit na dati silang mga aktibong miyembro ng isang relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, malamang na hindi sila kailanman tinuruan ng kanilang dating mga relihiyosong guro na humayo at gumawa ng mga alagad. Tahasang inaamin ng ilang lider ng relihiyon na pagdating sa pagtuturo sa kanilang kawan na mag-ebanghelyo, bigung-bigo ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Bilang komento sa utos ni Jesus na humayo sa sanlibutan at tulungan ang lahat ng uri ng tao na maging mga alagad, binanggit ng iskolar ng Bibliya na si John R. W. Stott: “Ang pagkabigo nating sundin ang kahulugan ng utos na ito ang pinakamalaking kahinaan ng mga nag-eebanghelyong Kristiyano sa larangan ng pag-eebanghelyo sa ngayon.” Idinagdag niya: “May tendensiya tayong ihayag ang ating mensahe mula sa malayo. Kung minsan ay para tayong mga taong nasa ligtas na dako sa baybayin na sumisigaw ng payo sa mga taong nalulunod. Hindi tayo tumatalon sa tubig para sagipin sila. Natatakot tayong mabasa.”

6. (a) Kapag tinutulungan ang isang estudyante ng Bibliya, paano natin matutularan ang halimbawa ni Felipe? (b) Paano natin maipakikita ang ating pagmamalasakit kapag ang isang estudyante ng Bibliya ay nagsimulang makibahagi sa gawaing pangangaral?

6 Kung ang isang inaaralan natin ng Bibliya ay dating nakaugnay sa isang relihiyon na ang mga miyembro ay ‘natatakot mabasa,’ maaaring maging isang hamon para sa kaniya na daigin ang kaniyang takot sa tubig, wika nga, at sundin ang utos ni Kristo na gumawa ng mga alagad. Kakailanganin niya ang tulong. Kaya naman kailangan tayong maging matiisin habang ibinibigay sa kaniya ang uri ng tagubilin at patnubay na magpapalalim sa kaniyang kaunawaan at mag-uudyok sa kaniya na kumilos, kung paanong ang mga turo ni Felipe ay nagbigay-liwanag sa Etiope at gumanyak dito na magpabautismo. (Juan 16:13; Gawa 8:35-38) Bukod diyan, ang ating hangarin na turuan ang mga estudyante ng Bibliya na tuparin ang utos na gumawa ng mga alagad ay nagpapakilos sa atin na gumawang kasama nila upang patnubayan sila kapag sinimulan nila ang kanilang unang mga hakbang sa pangangaral ng Kaharian.​—Eclesiastes 4:9, 10; Lucas 6:40.

“Lahat ng mga Bagay”

7. Kalakip sa pagtuturo sa iba na “tuparin ang lahat ng mga bagay” ang pagtuturo sa kanila ng anong mga utos?

7 Hindi lamang natin itinuturo sa bagong mga alagad na sila’y gumawa ng mga alagad. Tinagubilinan tayo ni Jesus na ituro sa iba na “tuparin ang lahat ng mga bagay” na iniutos niya. Tiyak na kasama riyan ang dalawang pinakadakilang utos​—ang ibigin ang Diyos at ibigin ang kapuwa. (Mateo 22:37-39) Paano maaaring turuan ang isang bagong alagad na tuparin ang mga utos na iyon?

8. Ilarawan kung paano maaaring turuan ang isang bagong alagad na sundin ang utos na magpakita ng pag-ibig.

8 Pag-isipang muli ang ilustrasyon ng estudyante sa pagmamaneho. Habang nagmamaneho ang estudyante sa daan, katabi ang kaniyang instruktor, natututo ang estudyante hindi lamang sa pakikinig sa kaniyang instruktor kundi sa pagmamasid din sa ibang mga drayber. Halimbawa, maaaring ituro ng instruktor sa estudyante ang isang drayber na may-kabaitang hinayaan ang ibang sasakyan na mauna sa kaniya sa daan; o isang drayber na may-konsiderasyong nagbaba ng ilaw ng kaniyang sasakyan upang hindi masilaw ang mga nakakasalubong niya; o isang drayber na handang tumulong sa isang kakilala na nasiraan ng kotse. Ang gayong mga halimbawa ay nagtuturo sa estudyante ng mahahalagang aral na maaari niyang ikapit kapag nagmamaneho siya. Sa gayunding paraan, ang isang bagong alagad na naglalakbay sa daan patungo sa buhay ay natututo hindi lamang mula sa kaniyang guro kundi sa maiinam ding halimbawa na nakikita niya sa kongregasyon.​—Mateo 7:13, 14.

9. Paano natututuhan ng bagong alagad ang ibig sabihin ng pagtupad sa utos na magpakita ng pag-ibig?

9 Halimbawa, maaaring maobserbahan ng isang estudyante ng Bibliya ang isang nagsosolong magulang na puspusang nagsisikap na pumunta sa Kingdom Hall dala-dala ang kaniyang maliliit na anak. Maaari niyang makita ang isang nanlulumong indibiduwal na may-katapatang dumadalo sa mga pulong sa kabila ng kaniyang pakikipagpunyagi laban sa depresyon, isang may-edad nang babaing balo na naghahatid ng iba pang may-edad na patungo sa bawat pulong ng kongregasyon, o isang tin-edyer na nakikibahagi sa paglilinis ng Kingdom Hall. Maaaring mapansin ng isang estudyante ng Bibliya ang isang elder sa kongregasyon na may-katapatang nangunguna sa paglilingkod sa larangan kahit na marami siyang pananagutan sa kongregasyon. Baka makausap niya ang isang Saksi na may kapansanan at hindi na makaalis ng bahay ngunit isang pinagmumulan ng espirituwal na pampatibay-loob sa lahat ng dumadalaw sa kaniya. Maaari namang mapagmasdan ng estudyante ang isang mag-asawa na gumagawa ng malalaking pagbabago sa kanilang buhay upang alagaan ang kanilang may-edad nang mga magulang. Sa pamamagitan ng pagmamasid sa gayong mabait, matulungin, at maaasahang mga Kristiyano, natututuhan ng bagong alagad sa pamamagitan ng halimbawa ng iba ang ibig sabihin ng pagsunod sa utos ni Kristo na ibigin ang Diyos at ang kapuwa, lalo na ang mga kapananampalataya. (Kawikaan 24:32; Juan 13:35; Galacia 6:10; 1 Timoteo 5:4, 8; 1 Pedro 5:2, 3) Sa ganitong paraan, ang bawat miyembro ng kongregasyong Kristiyano ay maaari​—at dapat​—maging isang guro at isang tagapatnubay.​—Mateo 5:16.

“Hanggang sa Katapusan ng Sistema ng mga Bagay”

10. (a) Gaano tayo katagal magpapatuloy sa paggawa ng mga alagad? (b) Anong halimbawa ang ipinakita ni Jesus hinggil sa pagtupad sa mga atas?

10 Hanggang kailan ba natin dapat ipagpatuloy ang paggawa ng mga alagad? Hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay. (Mateo 28:20) Matutupad kaya natin ang pitak na ito ng atas ni Jesus? Bilang isang pandaigdig na kongregasyon, determinado tayong gawin ang gayon. Noong nakalipas na mga taon, malugod nating inilaan ang ating panahon, lakas, at ari-arian upang masumpungan ang mga “wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan.” (Gawa 13:48) Sa kasalukuyan, gumugugol ang mga Saksi ni Jehova ng katamtamang oras na mahigit sa tatlong milyon araw-araw sa buong taon sa pangangaral ng Kaharian at paggawa ng mga alagad sa buong daigdig. Ginagawa natin iyan dahil sinusunod natin ang halimbawa ni Jesus. Sinabi niya: “Ang aking pagkain ay ang gawin ko ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain.” (Juan 4:34) Iyan din ang ating taos-pusong hangarin. (Juan 20:21) Hindi lamang natin nais pasimulan ang gawaing ipinagkatiwala sa atin; nais nating tapusin ito.​—Mateo 24:13; Juan 17:4.

11. Ano ang nangyari sa ilan nating mga kapatid na Kristiyano, at ano ang dapat nating itanong sa ating sarili?

11 Gayunman, ikinalulungkot natin na makita ang ilang kapananampalataya natin na naging mahina sa espirituwal at, bilang resulta ay nagmabagal o huminto na sa pagsunod sa utos ni Kristo na gumawa ng mga alagad. Mayroon ba tayong magagawa upang matulungan sila na muling makisama sa kongregasyon at muling makibahagi sa paggawa ng mga alagad? (Roma 15:1; Hebreo 12:12) Ipinakikita sa paraan ng pagtulong ni Jesus sa kaniyang mga apostol noong sila’y pansamantalang nanghina ang maaari nating gawin ngayon.

Magpakita ng Pagmamalasakit

12. (a) Noong malapit nang mamatay si Jesus, ano ang ginawa ng kaniyang mga apostol? (b) Paano pinakitunguhan ni Jesus ang kaniyang mga apostol sa kabila ng kanilang malulubhang kahinaan?

12 Sa pagwawakas ng ministeryo ni Jesus sa lupa, nang malapit na siyang mamatay, “iniwan siya [ng mga apostol] at tumakas.” Gaya ng inihula ni Jesus, ‘nangalat ang bawat isa sa kanila sa kanilang sariling bahay.’ (Marcos 14:50; Juan 16:32) Paano pinakitunguhan ni Jesus ang kaniyang mga kasamahang nanghina sa espirituwal? Di-nagtagal pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli, sinabi ni Jesus sa ilan sa mga tagasunod niya: “Huwag kayong matakot! Humayo kayo, iulat ninyo sa aking mga kapatid, upang makaparoon sila sa Galilea; at doon nila ako makikita.” (Mateo 28:10) Bagaman ang mga apostol ay nagpakita ng malulubhang kahinaan, tinawag pa rin sila ni Jesus na “aking mga kapatid.” (Mateo 12:49) Hindi siya nawalan ng pagtitiwala sa kanila. Sa ganitong paraan, naging maawain at mapagpatawad si Jesus, kung paanong maawain at mapagpatawad din si Jehova. (2 Hari 13:23) Paano natin matutularan si Jesus?

13. Paano natin dapat malasin ang mga naging mahina sa espirituwal?

13 Dapat tayong magkaroon ng masidhing pagmamalasakit sa mga nagmabagal o huminto na sa pakikibahagi sa ministeryo. Natatandaan pa rin natin ang mga gawa ng pag-ibig na ipinakita noon ng mga kapananampalatayang iyon​—na ang ilan marahil ay sa loob ng maraming dekada. (Hebreo 6:10) Talagang hinahanap-hanap natin ang kanilang pakikipagsamahan. (Lucas 15:4-7; 1 Tesalonica 2:17) Kung gayon, paano natin maipahahayag ang ating pagmamalasakit sa kanila?

14. Bilang pagtulad kay Jesus, paano natin matutulungan ang isang mahina?

14 Sinabi ni Jesus sa kaniyang nanlulumong mga apostol na dapat silang magtungo sa Galilea at na makikita nila siya roon. Sa diwa, inaanyayahan sila ni Jesus na dumalo sa isang pantanging pagpupulong. (Mateo 28:10) Gayundin sa ngayon, pinasisigla natin ang mahihina sa espirituwal na dumalo sa mga pagpupulong ng kongregasyong Kristiyano, at baka kailangan natin silang pasiglahin nang hindi lamang minsan upang gawin ang gayon. Sa kaso ng mga apostol, nagbunga ang paanyaya, yamang “ang labing-isang alagad ay pumaroon sa Galilea sa bundok sa dakong isinaayos ni Jesus para sa kanila.” (Mateo 28:16) Kaylaking kagalakan ang nadarama natin kapag gayundin ang naging tugon ng mahihina sa espirituwal sa ating magiliw na mga paanyaya at muli silang dumalo sa Kristiyanong mga pagpupulong!​—Lucas 15:6.

15. Paano natin matutularan ang halimbawa ni Jesus sa malugod na pagtanggap sa mahihina na nagtutungo sa ating dako ng pagpupulong?

15 Paano tayo tutugon kapag ang isang mahinang Kristiyano ay dumating sa Kingdom Hall? Buweno, ano ba ang ginawa ni Jesus nang makita niya ang kaniyang mga apostol, na ang pananampalataya ay pansamantalang nanghina, sa itinakdang lugar ng pagpupulong? “Si Jesus ay lumapit at nagsalita sa kanila.” (Mateo 28:18) Hindi niya sila tinitigan mula sa malayo kundi sa halip ay nilapitan niya sila. Gunigunihin ang laking ginhawang nadama ng mga apostol nang si Jesus ay magkusa! Nawa’y magkusa rin tayo at malugod na tanggapin ang mahihina sa espirituwal na nagsisikap na bumalik sa kongregasyong Kristiyano.

16. (a) Ano ang matututuhan natin sa paraan ng pakikitungo ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod? (b) Paano natin matutularan ang pangmalas ni Jesus sa mahihina? (Tingnan ang talababa.)

16 Ano pa ang ginawa ni Jesus? Una, ipinatalastas niya: “Ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na sa akin.” Ikalawa, nagbigay siya ng atas: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad.” Ikatlo, nangako siya: “Ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw.” Pero napansin mo ba ang hindi ginawa ni Jesus? Hindi niya sinaway ang mga alagad dahil sa kanilang mga pagkukulang at pag-aalinlangan. (Mateo 28:17) Mabisa ba ang kaniyang pamamaraan? Oo. Di-nagtagal, ang kaniyang mga apostol ay muli nang ‘nagtuturo at nagpapahayag ng mabuting balita.’ (Gawa 5:42) Sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawa ni Jesus kung paano dapat malasin at kung paano dapat pakitunguhan ang mahihina, makaaasa tayong makakita ng nakakatulad na nakapagpapasiglang mga resulta sa ating lokal na kongregasyon. *​—Gawa 20:35.

“Ako ay Sumasainyo sa Lahat ng mga Araw”

17, 18. Anong nakapagpapatibay na mga kaisipan ang masusumpungan sa mga salita ni Jesus na “ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw”?

17 Ang huling mga salita sa atas ni Jesus, “ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw,” ay naglalaman ng nakapagpapatibay na kaisipan para sa lahat ng nagsisikap na tuparin ang utos ni Kristo na gumawa ng mga alagad. Anuman ang gawing pagsalansang ng mga kaaway laban sa ating gawaing pangangaral ng Kaharian at anumang uri ng paninirang-puri ang maaari nilang ilabas laban sa atin, wala tayong dahilan para matakot. Bakit naman? Si Jesus, ang ating Lider, na nagtataglay ng ‘lahat ng awtoridad sa langit at sa lupa,’ ay sumasaatin upang alalayan tayo!

18 Ang pangako ni Jesus na “ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw” ay isa ring pinagmumulan ng malaking kaaliwan. Habang nagsisikap tayong tuparin ang utos ni Kristo na gumawa ng mga alagad, nakararanas tayo hindi lamang ng mga araw ng kagalakan kundi ng mga araw rin ng kalungkutan. (2 Cronica 6:29) Dumaraan ang ilan sa atin sa malulungkot na panahon habang nagdadalamhati dahil sa kamatayan ng isang minamahal. (Genesis 23:2; Juan 11:33-36) Kinakaharap naman ng iba ang pagtanda, kung kailan humihina na ang kalusugan at nauubos na ang lakas. (Eclesiastes 12:1-6) Napapaharap naman ang iba sa mga panahong nadaraig sila ng depresyon. (1 Tesalonica 5:14) At parami nang parami sa atin ang nakikipagpunyagi sa matinding kahirapan sa kabuhayan. Magkagayunman, sa kabila ng gayong mga hamon, nagtatagumpay tayo sa ating ministeryo dahil si Jesus ay kasama natin sa “lahat ng mga araw,” pati na sa pinakamalulungkot na araw ng ating buhay.​—Mateo 11:28-30.

19. (a) Anu-anong mga tagubilin ang nilalaman ng atas ni Jesus na gumawa ng mga alagad? (b) Ano ang tumutulong sa atin na tuparin ang atas ni Kristo?

19 Gaya ng nakita na natin dito at sa naunang artikulo, ang atas ni Jesus na gumawa ng mga alagad ay sumasaklaw sa lahat ng pitak. Sinabi ni Jesus sa atin kung bakit at kung saan natin dapat isakatuparan ang kaniyang utos. Sinabi rin niya sa atin kung ano ang ating dapat ituro at kung hanggang kailan natin dapat gawin ito. Sabihin pa, ang pagtupad sa dakilang atas na ito ay isang hamon. Subalit sa pamamagitan ng awtoridad ni Kristo na umaalalay sa atin at dahil sumasaatin siya, matutupad natin ito! Hindi ka ba sumasang-ayon?

[Mga talababa]

^ par. 3 Binanggit ng isang reperensiyang akda na ang sinabi ni Jesus ay “binabautismuhan sila . . . tinuturuan sila,” hindi ‘binabautismuhan sila at tinuturuan sila.’ Samakatuwid, ang utos na magbautismo at magturo ay “hindi eksaktong . . . dalawang magkasunod na gawa.” Sa halip, “ang pagtuturo ay isang patuluyang proseso, na sa isang antas ay nauuna sa bautismo . . . at sa isang antas ay kasunod ng bautismo.”

^ par. 16 Masusumpungan ang karagdagang impormasyon kung paano mamalasin at matutulungan ang mahihina sa Ang Bantayan ng Pebrero 1, 2003, pahina 15-18.

Paano Mo Sasagutin?

• Paano natin tinuturuan ang iba na tuparin ang iniutos ni Jesus?

• Anu-anong mga aral ang matututuhan ng isang bagong alagad mula sa iba sa kongregasyon?

• Ano ang maaari nating gawin upang tulungan ang mga naging mahina sa espirituwal?

• Anong pampatibay-loob at kaaliwan ang nakukuha natin mula sa pangako ni Jesus na “ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw”?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 15]

Kailangan tayong maging kapuwa mga guro at mga tagapatnubay

[Mga larawan sa pahina 17]

Natututuhan ng bagong alagad ang mahahalagang aral mula sa halimbawang ipinakikita ng iba