Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Naglayag Sila Patungong Ciprus”

“Naglayag Sila Patungong Ciprus”

“Naglayag Sila Patungong Ciprus”

GANITO sinimulan ng aklat ng Mga Gawa ang ulat nito ng mga karanasan ng mga misyonerong Kristiyano na sina Pablo, Bernabe, at Juan Marcos nang dumalaw sila sa Ciprus noong mga 47 C.E. (Gawa 13:4) Noon, gaya rin sa ngayon, tinatamasa ng Ciprus ang lubhang estratehikong posisyon sa silangang Mediteraneo.

Gustong kunin ng mga Romano ang pulo, at napasailalim ito sa pamamahala ng Roma noong 58 B.C.E. Bago nangyari iyan, ang Ciprus ay may kawili-wiling kasaysayan. Sinakop ito ng mga taga-Fenicia, Griego, Asiryano, Persiano, at ng mga Ehipsiyo. Dumating ang mga Krusado, Franco, at mga taga-Venice noong Edad Medya, na sinundan ng mga Ottoman. Sinakop ng Britanya ang pulo noong 1914 at pinamahalaan ito hanggang sa kasarinlan nito noong 1960.

Turismo ang pangunahing pinagkakakitaan nito sa ngayon, subalit noong panahon ni Pablo ang Ciprus ay sagana sa likas na yaman, na ginamit ng mga Romano upang punuin ang ingatang-yaman ng Roma. Natuklasan ang tanso maaga sa kasaysayan ng pulo, at tinatayang sa pagtatapos ng panahong Romano, 250,000 tonelada ng tanso ang namina. Gayunman, naubos ng industriya ng pagmimina ng tanso ang karamihan ng masinsing kagubatan dahil sa pagtunaw ng tanso. Naglaho na ang marami sa kagubatan ng pulo nang dumating doon si Pablo.

Ang Ciprus sa Ilalim ng mga Romano

Ayon sa Encyclopædia Britannica, ibinigay ni Julio Cesar ang Ciprus sa Ehipto at, pagkatapos niya, ni Mark Antony. Gayunman, sa ilalim ni Augusto, ito ay ibinalik sa Roma at pinamahalaan​—gaya ng may-katumpakang binanggit ni Lucas, ang manunulat ng Mga Gawa​—ng isang proconsul, na tuwirang nananagot sa Roma. Si Sergio Paulo ang proconsul nang mangaral doon si Pablo.​—Gawa 13:7.

Pinasigla ng Pax Romana, isang internasyonal na kapayapaang ipinatupad ng Roma, ang pagpapalawak ng mga minahan at industriya sa Ciprus, anupat umunlad ang kalakalan. Nagkaroon ng karagdagang kita dahil sa pagkanaroroon ng mga hukbong Romano at ng mga peregrino na dumagsa roon upang parangalan si Aphrodite, ang bathalang patron ng pulo. Dahil dito, gumawa ng bagong mga daan, daungan, at mararangyang gusaling pampubliko. Pinanatili ang Griego bilang opisyal na wika, at​—kasama ang Romanong emperador​—sinamba ng maraming tao sina Aphrodite, Apolo, at Zeus. Ang mga tao ay namuhay sa kasaganaan at nagtamasa ng isang kawili-wiling buhay sa sosyal at kultural na paraan.

Ganito ang kapaligiran ng Ciprus nang si Pablo ay maglakbay rito at magturo sa mga tao tungkol kay Kristo. Gayunman, ang Kristiyanismo ay ipinakilala sa Ciprus bago pa dumating doon si Pablo. Sinasabi sa atin ng ulat ng Mga Gawa na pagkamatay ng unang Kristiyanong martir, si Esteban, ang ilang sinaunang Kristiyano ay tumakas patungong Ciprus. (Gawa 11:19) Si Bernabe, ang kasama ni Pablo, ay isang katutubo ng Ciprus, at yamang pamilyar na pamilyar siya sa pulo, tiyak na isa siyang mahusay na giya para kay Pablo sa kaniyang paglalakbay para mangaral.​—Gawa 4:36; 13:2.

Pagtalunton sa mga Paglalakbay ni Pablo

Hindi madaling taluntunin ang mga detalye ng mga paglalakbay ni Pablo sa Ciprus. Gayunman, ang mga arkeologo ay may malinaw na ideya tungkol sa mahusay na sistema ng daan noong panahong Romano. Dahil sa heograpikal na katangian ng pulo, kailangang sundin kahit ng makabagong mga haywey sa ngayon ang ruta ring iyon na malamang na dinaanan ng sinaunang mga misyonero.

Naglayag sina Pablo, Bernabe, at Juan Marcos mula sa Seleucia patungo sa daungan ng Salamis. Bakit sa Salamis, gayong ang Pafos ang kabisera at pangunahing daungang-dagat? Una sa lahat, ang Salamis ay nasa silangang baybayin, mga 200 kilometro lamang mula sa Seleucia, sa mismong kontinente. Bagaman ang Salamis sa ilalim ng mga Romano ay napalitan ng Pafos bilang ang kabisera, nanatiling sentro ng kultura, edukasyon, at komersiyo sa pulo ang Salamis. Maraming Judio sa Salamis, at pinasimulan ng mga misyonero na “ipahayag ang salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio.”​—Gawa 13:5.

Sa ngayon, mga kaguhuan na lamang ang natira sa Salamis. Gayunman, pinatutunayan ng mga natuklasan ng arkeolohiya ang dating kaluwalhatian at kayamanan ng lunsod. Kilalang-kilala ang pamilihan, ang sentro ng pulitikal at relihiyosong gawain, sa pagiging marahil ang pinakamalaking Romanong tipunang-dako na kailanman ay nahukay sa rehiyon ng Mediteraneo. Ipinakikita ng mga kaguhuan nito, na nagmula pa sa panahon ni Augusto Cesar, ang masalimuot na disenyo ng moseyk na mga sahig, mga himnasyo, ekselenteng sistema ng mga paliguan, isang istadyum at ampiteatro, mariringal na libingan, at isang malaking teatro na makapaglalaman ng 15,000 katao! Nasa di-kalayuan ang mga kaguhuan ng maringal na templo ni Zeus.

Subalit hindi nahadlangan ni Zeus ang lunsod mula sa pagsalanta ng mga lindol. Pinatag ng malakas na lindol noong 15 B.C.E. ang kalakhang bahagi ng Salamis, bagaman ito ay itinayong muli noong dakong huli ni Augusto. Ito’y nasirang muli ng isang lindol noong 77 C.E., at muling itinayo. Noong ikaapat na siglo, winasak ng sunud-sunod na lindol ang Salamis, at hindi na muling nakamit ang dati nitong kaluwalhatian. Pagsapit ng Edad Medya, ang daungan nito ay napuno ng banlik at napabayaan.

Hindi binanggit kung paano tumugon ang mga tao sa Salamis sa pangangaral ni Pablo. Subalit si Pablo ay kailangan ding mangaral sa ibang mga pamayanan. Sa paglisan mula sa Salamis, may tatlong pangunahing mapagpipiliang ruta ang mga misyonero: ang isa sa hilagang baybayin, na bumabagtas sa kabundukan ng Kyrenia; ang isa pang ruta ay pakanluran sa ibayo ng kapatagan ng Mesaoria sa pamamagitan ng pangunahing bahagi ng pulo; at ang ikatlong ruta ay bumabagtas sa baybayin sa gawing timog.

Ayon sa tradisyon, sinunod ni Pablo ang ikatlong ruta. Bumabagtas ito sa matabang lupang sakahan na may natatanging pulang lupa. Mga 50 kilometro sa timog-kanluran, dumaraan ang ruta sa lunsod ng Larnaca bago lumiko sa hilaga patungo sa looban.

“Sa Buong Pulo”

Di-nagtagal at nakaabot sa sinaunang lunsod ng Ledra ang haywey. Nasa lugar na ito sa ngayon ang Nicosia, ang makabagong-panahong kabisera. Naglaho na ang anumang katibayan ng sinaunang lunsod-kaharian. Subalit noong ika-16 na siglo ang mga pader ng Venice na nasa palibot ng sentro ng Nicosia ay isang abala at makipot na daan na ang pangalan ay Ledra Street. Kung naglakbay ba o hindi si Pablo sa Ledra, hindi natin alam. Basta sinasabi sa atin ng Bibliya na sila’y lumibot “sa buong pulo.” (Gawa 13:6) Sinabi ng The Wycliffe Historical Geography of Bible Lands na “malamang na ito ang paraan upang malibot ang lahat ng pamayanang Judio sa Ciprus sa paanuman.”

Tiyak na interesado si Pablo na makausap ang maraming tao hangga’t maaari sa Ciprus. Kaya, maaaring sinundan niya ang ruta sa gawing timog mula sa Ledra patungong Amathus at Kourion​—dalawang malalaking lunsod na may lumalaking populasyon.

Ang Kourion ay nakatunghay sa itaas ng dagat sa mga dalisdis na halos katapat ng mga dalampasigan sa ibaba. Ang kahanga-hangang Griego-Romanong lunsod ay niyanig ng mismong lindol na nagwasak sa Salamis noong 77 C.E. May mga kaguhuan ng isang templo na inialay kay Apolo na nagmula pa noong 100 C.E. Ang istadyum ay makapaglalaman ng 6,000 manonood. Ang maluhong istilo ng buhay ng marami sa Kourion ay makikita sa magagandang moseyk na nagpapalamuti sa mga sahig ng kahit pribadong malalaking bahay.

Paglalakbay Patungo sa Pafos

Mula sa Kourion, ang ruta na may magandang tanawin ay nagpapatuloy pakanluran hanggang sa rehiyon na gumagawa ng alak, na unti-unting tumataas hanggang sa daan na biglang pababa at paliko patungo sa mga dalisdis papunta sa mga dalampasigang natatakpan ng mga graba ng malalaki at makikinis na bato. Ayon sa mitolohiyang Griego, ito mismo ang dako kung saan nagpakita mula sa dagat ang bagong-silang na diyosang si Aphrodite.

Si Aphrodite ang pinakapopular sa mga bathala ng Gresya sa Ciprus at marubdob na sinasamba hanggang noong ikalawang siglo C.E. Nasa Pafos ang sentro ng pagsamba kay Aphrodite. Isang malaking kapistahan ang idinaraos doon tuwing tagsibol upang parangalan siya. Dumarating sa Pafos ang mga peregrino mula sa Asia Minor, Ehipto, Gresya, at hanggang sa malayong Persia para sa kapistahan. Nang ang Ciprus ay nasa ilalim ng pamamahala ng mga Ptolemy ng Ehipto, naipakilala sa mga taga-Ciprus ang pagsamba sa mga Paraon.

Ang Pafos ang Romanong kabisera ng Ciprus at ang sentro ng proconsul, at binigyan ito ng awtoridad na gumawa ng mga baryang tanso. Nawasak din ito ng lindol noong 15 B.C.E., at gaya sa kaso ng Salamis, naglaan ng pondo si Augusto para muling itayo ang lunsod. Isiniwalat ng mga paghuhukay ang maluluhong istilo ng pamumuhay ng mayayaman sa Pafos noong unang siglo​—malalapad na lansangan sa lunsod, malalaking pribadong bahay na punô ng palamuti, mga paaralan sa musika, himnasyo, at isang ampiteatro.

Ito ang Pafos na dinalaw nina Pablo, Bernabe, at Juan Marcos, at dito rin kung saan ang proconsul na si Sergio Paulo​—“isang lalaking matalino”​—​ay ‘may-pananabik na naghangad na marinig ang salita ng Diyos’ sa kabila ng matinding pagsalansang ng manggagaway na si Elimas. Ang proconsul ay “namangha sa turo ni Jehova.”​—Gawa 13:6-12.

Pagkatapos ng matagumpay na gawaing pangangaral sa Ciprus, nagpatuloy ang mga misyonero sa kanilang gawain sa Asia Minor. Ang unang misyonerong paglalakbay na iyon ni Pablo ay isang mahalagang pangyayari sa paglaganap ng tunay na Kristiyanismo. Tinatawag ito ng aklat na St. Paul’s Journeys in the Greek Orient bilang “ang tunay na pasimula ng misyong Kristiyano at ng . . . karera ni Pablo bilang misyonero.” Sinabi pa nito: “Ang Ciprus ay matatagpuan sa dakong-tagpuan ng mga ruta sa dagat na patungo sa Sirya, Asia Minor, at Gresya, at dito ang waring makatuwirang unang yugto ng isang ekspedisyon bilang misyonero.” Ngunit ito lamang ang unang yugto. Pagkalipas ng dalawampung siglo, nagpapatuloy pa rin ang Kristiyanong gawaing pagmimisyonero, at tunay ngang masasabi na ang mabuting balita ng Kaharian ni Jehova ay literal na nakaabot sa “pinakamalayong bahagi ng lupa.”​—Gawa 1:8.

[Mga mapa sa pahina 20]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

CIPRUS

NICOSIA (Ledra)

Salamis

Pafos

Kourion

Amathus

Larnaca

KBDK. NG KYRENIA

KAPATAGAN NG MESAORIA

KBDK. NG TROODOS

[Larawan sa pahina 21]

Nang mapuspos ng banal na espiritu, binulag ni Pablo ang manggagaway na si Elimas samantalang nasa Pafos