Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Talagang Nagmamalasakit sa Iyo ang Diyos

Talagang Nagmamalasakit sa Iyo ang Diyos

Talagang Nagmamalasakit sa Iyo ang Diyos

NATURAL lamang na humingi ng tulong sa Diyos kapag tayo ay nasa kagipitan. Tutal, siya “ay dakila at sagana sa kapangyarihan; ang kaniyang unawa ay higit pa sa maisasalaysay.” (Awit 147:5) Siya ang nasa pinakamabuting posisyon upang tumulong sa atin na malutas ang ating mga problema. Bukod pa riyan, inaanyayahan tayo ng Bibliya na ‘ibuhos natin ang ating puso’ sa harap niya. (Awit 62:8) Kung gayon, bakit nadarama ng napakaraming tao na hindi sinasagot ng Diyos ang kanilang mga panalangin? Ibig bang sabihin niyan na hindi siya nagmamalasakit?

Sa halip na kaagad sisihin ang Diyos sa anumang tila hindi pagkilos, alalahanin ang panahon noong ikaw ay isang bata. Kapag hindi ibinigay sa iyo ng mga magulang mo ang lahat ng iyong kahilingan, pinaratangan mo ba sila kailanman na hindi ka nila mahal? Ginagawa iyon ng maraming bata. Gayunman, nang lumaki ka na, natanto mo na ang pag-ibig ay ipinakikita sa maraming paraan at na ang pagsang-ayon sa bawat maibigan ng bata ay hindi talaga pagpapakita ng pag-ibig.

Sa katulad na paraan, kapag hindi laging sinasagot ni Jehova ang ating mga panalangin sa paraan na inaasahan natin, hindi ito nangangahulugan na winawalang-bahala niya tayo. Ang totoo, ipinakikita ng Diyos ang kaniyang pagmamalasakit sa ating lahat sa maraming paraan.

“Sa Pamamagitan Niya, Tayo ay May Buhay”

Una sa lahat, dahil sa Diyos kung kaya “tayo ay may buhay at kumikilos at umiiral.” (Gawa 17:28) Tiyak na pagpapakita ng kaniyang maibiging pagmamalasakit para sa atin ang pagbibigay niya sa atin ng buhay!

Isa pa, ibinibigay ni Jehova ang kailangan natin upang manatili tayong buháy. Mababasa natin: “Nagpapasibol siya ng luntiang damo para sa mga hayop, at ng mga pananim para sa paglilingkod sa sangkatauhan, upang maglabas ng pagkain mula sa lupa.” (Awit 104:14) Sa katunayan, higit pa ang ginagawa ng ating Maylalang bukod sa paglalaan ng pangunahing mga pangangailangan sa buhay. Sagana siyang nagbibigay ng “mga ulan mula sa langit at mabubungang kapanahunan, na lubusang pinupuno ang [ating] mga puso ng pagkain at pagkagalak.”​—Gawa 14:17.

Sa kabila nito, maaaring magtanong ang ilan, ‘Kung gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa atin, bakit niya tayo hinahayaang magdusa?’ Alam mo ba ang sagot sa tanong na iyan?

Dapat Bang Sisihin ang Diyos?

Ang karamihan ng pagdurusa ng tao ay dahil sa kaniyang kagagawan. Halimbawa, kilalang-kilala ang ilang gawain na madaling makapagdudulot ng pinsala. Gayunman, ang mga tao ay nagsasagawa pa rin ng seksuwal na imoralidad, nag-aabuso sa inuming de-alkohol at iba pang droga, naninigarilyo, nakikibahagi sa lubhang mapanganib na mga isport, nagmamaneho nang napakabilis, at iba pa. Kung ang gayong mapanganib na paggawi ay nagbubunga ng pagdurusa, sino ang dapat sisihin? Ang Diyos ba o ang isa na kumikilos nang hindi matalino? Sinasabi ng kinasihang Salita ng Diyos: “Huwag kayong palíligaw: Ang Diyos ay hindi isa na malilibak. Sapagkat anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.”​—Galacia 6:7.

Karagdagan pa, madalas na sinasaktan ng mga tao ang isa’t isa. Kapag nagdeklara ng digmaan ang isang bansa, tiyak na hindi natin masisisi ang Diyos sa pagdurusang ibubunga nito. Kapag sinalakay ng isang kriminal ang isang kapuwa mamamayan, dapat bang sisihin ang Diyos sa anumang pinsala o kamatayang idudulot nito? Siyempre hindi! Kapag sinisiil, pinahihirapan, at pinapaslang ng isang diktador ang mga nasa ilalim ng kaniyang pamamahala, dapat ba nating sisihin ang Diyos? Hindi makatuwiran iyan.​—Eclesiastes 8:9.

Kumusta naman ang milyun-milyong namumuhay sa kahabag-habag na karalitaan o nagugutom? Dapat bang sisihin ang Diyos? Hindi. Ang ating lupa ay nagsusuplay ng labis-labis na pagkain upang pakanin ang lahat. (Awit 10:2, 3; 145:16) Ang di-pantay na pamamahagi ng bigay-Diyos na saganang panustos ang siyang dahilan ng malawakang gutom at karalitaan. At hinahadlangan ng kasakiman ng tao na malutas ang problemang ito.

Ang Pangunahing Dahilan

Kung gayon, sino ang dapat sisihin kapag may nagkakasakit o namamatay dahil sa katandaan? Magugulat ka bang malaman na hindi rin masisisi ang Diyos sa bagay na iyan? Hindi nilalang ng Diyos ang tao upang tumanda at mamatay.

Nang ilagay ang unang mag-asawa, sina Adan at Eva, sa hardin ng Eden, binigyan sila ni Jehova ng pag-asang mabuhay magpakailanman sa isang makalupang paraiso. Gayunman, maliwanag na gusto niyang ang lupa ay tirahan ng mga taong magpapahalaga sa kanilang mana. Kaya, ginawa niyang may pasubali ang kanilang pag-asa sa buhay sa hinaharap. Sina Adan at Eva ay mamumuhay sa Paraiso sa kondisyon na mananatili silang masunurin sa kanilang maibiging Maylalang.​—Genesis 2:17; 3:2, 3, 17-23.

Nakalulungkot nga, naghimagsik sina Adan at Eva. Pinili ni Eva na makinig kay Satanas na Diyablo. Nagsinungaling ito sa kaniya at sa diwa ay nagsabing may mabuting bagay na ipinagkakait ang Diyos sa kaniya. Kaya tinahak niya ang isang makasariling landasin at sinikap na ‘maging tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.’ Sumama rin sa kaniya si Adan sa paghihimagsik.​—Genesis 3:5, 6.

Nang magkasala sila sa ganitong paraan, ipinakita nina Adan at Eva na sila ay hindi karapat-dapat mabuhay magpakailanman. Naranasan nila ang kapaha-pahamak na mga resulta ng kasalanan. Nabawasan ang kanilang lakas at sigla, at nang maglaon sila ay namatay. (Genesis 5:5) Gayunman, ang kanilang paghihimagsik ay nagkaroon ng mas malulubhang resulta. Nararanasan pa rin natin ang mga epekto ng kasalanan nina Adan at Eva. Sumulat si apostol Pablo: “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan] ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Oo, dahil sa paghihimagsik nina Adan at Eva, lumaganap ang kasalanan at kamatayan na gaya ng isang nakamamatay na sakit sa lahat ng lahi ng tao.

Ang Pinakamatibay na Ebidensiya ng Pagmamalasakit ng Diyos

Nangangahulugan ba iyan na permanente nang napahamak ang taong nilalang ng Diyos? Hindi, at narito ang pinakamatibay na ebidensiya na nagmamalasakit sa atin ang Diyos. Bagaman nangahulugan ito ng malaking sakripisyo sa kaniyang bahagi, naglaan ang Diyos ng paraan upang matubos ang sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan. Ang halagang pantubos ay ang sakdal na buhay ni Jesus, na kusang ibinigay alang-alang sa atin. (Roma 3:24) Sa gayon, sumulat si apostol Juan: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Dahil sa namumukod-tanging gawang ito ng pag-ibig, tayo ay minsan pang nagkaroon ng pag-asang mabuhay magpakailanman. Sumulat si Pablo sa mga taga-Roma: “Sa pamamagitan ng isang gawa ng pagbibigay-katuwiran ang resulta sa lahat ng uri ng mga tao ay ang pagpapahayag sa kanila na matuwid para sa buhay.”​—Roma 5:18.

Makatitiyak tayo na sa takdang panahon ng Diyos, hindi na magkakaroon ng pagdurusa o kamatayan sa planetang Lupa. Sa halip, magkakatotoo ang mga kalagayang patiunang nakita sa aklat ng Apocalipsis: “Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” (Apocalipsis 21:3, 4) Baka sabihin mo, ‘Malamang na patay na ako kapag nangyari iyan.’ Gayunman, ang totoo ay na maaari kang mabuhay at maranasan ito. At kahit na mamatay ka, maaari kang ibangon ng Diyos mula sa mga patay. (Juan 5:28, 29) Iyan ang layunin ng Diyos para sa atin, at iyan ang mangyayari. Kaylaking kasinungalingan ngang sabihin na hindi nagmamalasakit ang Diyos sa sangkatauhan!

‘Maging Malapít sa Diyos’

Nakaaaliw na malamang pinasimulan na ng Diyos ang isang pangmatagalan at permanenteng solusyon sa problema ng pagdurusa ng tao. Kumusta naman ang tungkol sa kasalukuyan? Ano ang magagawa natin kung mamatay ang isang minamahal o magkasakit ang ating anak? Buweno, hindi pa panahon ng Diyos upang alisin ang sakit at kamatayan. Ipinakikita ng Bibliya na kailangan pa nating maghintay ng kaunting panahon upang malutas iyon. Subalit hindi tayo pinabayaan ng Diyos. Sinabi ng alagad na si Santiago: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:8) Oo, inaanyayahan tayo ng ating Maylalang na magkaroon ng isang malapít at personal na kaugnayan sa kaniya, at yaong mga may gayong malapít na kaugnayan sa Diyos ay laging nakadarama ng kaniyang alalay kahit sa pinakamahirap na mga kalagayan.

Paano tayo maaaring maging malapít sa Diyos? Gayundin ang itinanong ni Haring David mga tatlong milenyo na ang nakalipas, na sinasabi: “O Jehova, . . . sino ang tatahan sa iyong banal na bundok?” (Awit 15:1) Sinagot ni David ang kaniya mismong tanong nang magpatuloy siya sa pagsasabing: “Siyang lumalakad nang walang pagkukulang at nagsasagawa ng katuwiran at nagsasalita ng katotohanan sa kaniyang puso. Hindi siya naninirang-puri sa pamamagitan ng kaniyang dila. Sa kaniyang kasamahan ay wala siyang ginagawang masama.” (Awit 15:2, 3) Sa ibang pananalita, malugod na tinatanggap ni Jehova ang mga sumusunod sa landasing tinanggihan nina Adan at Eva. Nagiging malapít siya sa mga gumagawa ng kaniyang kalooban.​—Deuteronomio 6:24, 25; 1 Juan 5:3.

Paano natin magagawa ang kalooban ng Diyos? Kailangan nating malaman kung ano ang “mainam at kaayaaya sa paningin ng ating Tagapagligtas, ang Diyos,” at pagkatapos ay magpasiyang kumilos na kasuwato nito. (1 Timoteo 2:3) Nangangahulugan iyan ng pagkuha ng tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. (Juan 17:3; 2 Timoteo 3:16, 17) Hindi sapat ang basta pagbabasa lamang ng Bibliya. Kailangan nating tularan ang unang-siglong mga Judio sa Berea na nakarinig sa pangangaral ni Pablo. Tungkol sa kanila, mababasa natin: “Tinanggap nila ang salita nang may buong pananabik ng kaisipan, na maingat na sinusuri ang Kasulatan sa araw-araw kung totoo nga ang mga bagay na ito.”​—Gawa 17:11.

Gayundin sa ngayon, ang masusing pag-aaral ng Bibliya ay nagpapatibay sa ating pananampalataya sa Diyos at tumutulong sa atin na magkaroon ng isang malapít na kaugnayan sa kaniya. (Hebreo 11:6) Tumutulong din ito sa atin na maunawaan kung paano mismo nakikitungo si Jehova sa sangkatauhan​—hindi lamang para sa panandaliang mga kapakinabangan kundi lalo na sa pangmatagalang kabutihan ng lahat ng wastong nakaayon.

Isaalang-alang ang mga kapahayagan ng ilang Kristiyano na may malapít na kaugnayan sa Diyos. “Mahal na mahal ko si Jehova, at napakaraming bagay ang dapat kong ipagpasalamat sa kaniya,” ang sabi ng 16-anyos na si Danielle. “Binigyan niya ako ng maibiging mga magulang na may tunay na pag-ibig sa kaniya at nagturo sa akin ayon sa kaniyang Salita.” Isang Kristiyano sa Uruguay ang sumulat: “Ang aking puso ay nag-uumapaw sa pagpapahalaga, at nauudyukan akong magpasalamat kay Jehova dahil sa kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan at dahil sa kaniyang pakikipagkaibigan.” Malugod na tinatanggap ng Diyos kahit ang mga bata. Ganito ang sabi ng pitong-taóng-gulang na si Gabriela: “Mahal ko ang Diyos nang higit sa anumang bagay sa buong daigdig! Mayroon akong sariling Bibliya. Gustung-gusto kong matuto tungkol sa Diyos at sa kaniyang Anak.”

Sa ngayon, milyun-milyong tao sa buong daigdig ang buong-pusong sumasang-ayon sa salmista na nagsabi: “Ang paglapit sa Diyos ay mabuti para sa akin.” (Awit 73:28) Natulungan silang malutas ang mga problemang napapaharap sa kanila sa ngayon, at mayroon silang tiyak na pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa. (1 Timoteo 4:8) Bakit hindi mo gawing tunguhin na maging ‘malapít sa Diyos’? Sa katunayan, tinitiyak sa atin: “Hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.” (Gawa 17:27) Oo, talagang nagmamalasakit sa iyo ang Diyos!

[Mga larawan sa pahina 5]

Nakikita sa maraming paraan ang pagmamalasakit sa atin ni Jehova

[Larawan sa pahina 7]

Maaaring maging malapít sa Diyos kahit ang mga bata

[Mga larawan sa pahina 7]

Sa ngayon, tinutulungan tayo ni Jehova na magbata. Sa takdang panahon, aalisin niya ang sakit at kamatayan