Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

‘Ang Tag-araw at Taglamig ay Hindi Maglilikat’

‘Ang Tag-araw at Taglamig ay Hindi Maglilikat’

‘Ang Tag-araw at Taglamig ay Hindi Maglilikat’

DINADARANG ng nagngangalit na araw ang disyerto. Sa ibang bahagi ng lupa, nagdudulot ito ng init pagkatapos ng isang maginaw na taglamig. Oo, ang init ng araw ay isa sa mga pangunahing dahilan ng mga klima at kapanahunan.

Nagkakaiba-iba ang mga kapanahunan sa buong daigdig. Subalit paano ka ba naaapektuhan ng mga kapanahunan? Nalulugod ka ba sa nakapagpapasiglang kasariwaan ng tagsibol kapag nakikita mong namumulaklak ang mga punungkahoy at namukadkad ang mga bulaklak? Ano ang nadarama mo tungkol sa kaayaayang mga gabi kung tag-araw? Nasisiyahan ka ba sa nakapagpapasiglang mga araw kung taglagas kapag itinatanghal ng magagandang dahon ang pagpapalit nito ng mga kulay? Nagiginhawahan ka bang makita ang isang kagubatang nababalutan ng niyebe?

Ano ang nagpapangyari ng mga kapanahunan? Sa maikli, ito ay dahil sa paghilig ng lupa. Ang axis ng pag-ikot nito ay nakahilig nang mga 23.5 digri may kaugnayan sa plane ng orbit ng lupa sa palibot ng araw. Kung ang axis ng lupa ay hindi nakahilig, walang mga kapanahunan. Iisa ang magiging klima sa lahat ng panahon. Maaapektuhan nito ang pananim at ang siklo ng pamumunga ng halaman.

Sa likod ng sunud-sunod na mga kapanahunan, makikita ng isa ang katibayan ng disenyo ng Maylalang. Nagsasalita patungkol sa Diyos na Jehova, angkop na sinabi ng salmista: “Ikaw ang nagtatag ng lahat ng hangganan ng lupa; ang tag-araw at ang taglamig​—ikaw mismo ang nagtalaga ng mga iyon.”​Awit 74:17. *

Mula sa pangmalas ng isang nagmamasid sa lupa, nagsisilbing maliwanag na tagapagpahiwatig ng mga kapanahunan ang mga bagay sa kalangitan. Nang lalangin ang ating sistema solar, iniutos ng Diyos: “Magkaroon ng mga tanglaw sa kalawakan ng langit . . . , at ang mga iyon ay magsisilbing mga tanda at para sa mga kapanahunan at para sa mga araw at mga taon.” (Genesis 1:14) Sa loob ng isang taon, nararating ng lupa ang dalawang punto sa pag-ikot nito kung saan tirík ang araw sa katanghalian sa ekwador. Ang mga pangyayaring ito ay tinatawag na mga equinox, at hudyat ito ng pasimula ng tagsibol at ng taglagas sa maraming lupain. Sa panahon ng mga equinox, halos magkasinghaba ang araw at gabi sa buong lupa.

Ang pag-iral at pasimula ng mga kapanahunan ay hindi lamang nagsasangkot sa pagkilos at posisyon ng mga bagay sa kalangitan. Pawang magkakaugnay ang mga kapanahunan, klima, at lagay ng panahon sa isang masalimuot na sistema na nagtutustos sa buhay. Sa pakikipag-usap sa mga taong nakatira sa Asia Minor​—marami sa kanila ay pamilyar sa agrikultura at produksiyon ng pagkain​—binanggit ng Kristiyanong apostol na si Pablo at ng kaniyang kasamang si Bernabe na ang Diyos ang isa na ‘nagbibigay sa inyo ng mga ulan mula sa langit at mabubungang kapanahunan, na lubusang pinupuno ang inyong mga puso ng pagkain at pagkagalak.’​—Gawa 14:14-17.

Tinutustusan ng kamangha-manghang proseso ng potosintesis ang pananim sa lupa at ang pagkaliliit na pananim sa karagatan. Dahil dito, ang kasalukuyang kawing ng pagkain at ang sistema ng pagkakasari-sari ng buhay ay tumutugon sa lagay ng panahon at klima sa masalimuot na mga paraan. Angkop na tinukoy ni Pablo ang kamay ni Jehova sa lahat ng ito, na sinasabi: “Ang lupa na umiinom sa ulan na bumubuhos dito nang madalas, at pagkatapos ay nagsisibol ng pananim na nararapat sa mga ipinagsaka, ay tumatanggap ng pagpapala mula sa Diyos bilang ganti.”​—Hebreo 6:7.

Nagkakaroon ng bagong kahulugan ang salitang “pagpapala” kung pag-iisipan mo ang nangyayari sa mga lugar kung saan ang tagsibol ay nagdudulot ng katamtamang mga temperatura, mas mahahabang araw, mas maraming sikat ng araw, at kaayaayang mga ulan. Namumukadkad ang mga bulaklak at lumalabas ang mga insekto mula sa kanilang mga tirahan kung taglamig, handang gawin ang polinisasyon sa mga pananim. Pinupuno ng mga ibon, gaya ng blue jay na nakikita mo rito, ng kulay at awit ang kagubatan, at sumisigla ang tanawin. Bumibilis ang tibok ng buhay, at nagpapatuloy ang mga organismo sa kanilang mga siklo ng pagsilang, muling pagsilang, at paglaki. (Awit ni Solomon 2:12, 13) Inihahanda nito ang tanghalan para sa pag-aani sa dakong huli ng tag-araw o ng tagsibol.​—Exodo 23:16.

Kamangha-manghang pinatototohanan ang mga gawa ni Jehova sa pagkakapuwesto niya sa lupa, anupat naglalaan ng araw at gabi, mga kapanahunan, at panahon ng paghahasik at pag-aani. Nagtitiwala tayo na kasunod ng tag-araw ang taglamig. Tutal, ang Diyos ang nangako: “Sapagkat sa lahat ng mga araw na ang lupa ay nananatili, ang paghahasik ng binhi at pag-aani, at ang lamig at init, at ang tag-araw at taglamig, at ang araw at gabi, ay hindi maglilikat.”​—Genesis 8:22.

[Talababa]

^ par. 6 Tingnan ang 2004 Calendar of Jehovah’s Witnesses, July/​August.

[Kahon/​Larawan sa pahina 9]

Isang Satelayt na Mahalaga sa Buhay

Sa nakalipas na mga panahon, nagbigay ng inspirasyon ang buwan at pinamangha nito ang mga tao. Gayunman, alam mo ba na naaapektuhan ng buwan ang mga kapanahunan? Ang buwan ay tumutulong upang patatagin ang antas ng paghilig ng lupa sa pag-ikot nito sa kaniyang axis. Gumaganap ito ng “mahalagang papel sa paggawa ng mga kalagayan sa Lupa na makasusustini sa buhay,” ang sabi ng awtor sa siyensiya na si Andrew Hill. Kung walang malaking likas na satelayt upang gawing matatag ang paghilig ng axis ng ating planeta, iinit nang husto anupat magiging imposible ang buhay sa lupa. Kaya, ganito ang naging konklusyon ng isang pangkat ng mga astronomo: “Masasabing hinahadlangan ng Buwan ang posibleng mga pagbabago ng klima sa Lupa.”​—Awit 104:19.

[Credit Line]

Buwan: U.S. Fish & Wildlife Service, Washington, D.C./​Bart O’Gara

[Larawan sa pahina 9]

Mga kamelyo, Hilagang Aprika at Peninsula ng Arabia