Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Capadocia—Kung Saan Namuhay ang mga Tao sa mga Tirahang Inukit ng Hangin at Tubig

Capadocia—Kung Saan Namuhay ang mga Tao sa mga Tirahang Inukit ng Hangin at Tubig

Capadocia​—Kung Saan Namuhay ang mga Tao sa mga Tirahang Inukit ng Hangin at Tubig

BINANGGIT ni apostol Pedro ang Capadocia. Ipinatungkol niya ang kaniyang unang kinasihang liham sa “mga pansamantalang naninirahan na nakapangalat sa . . . Capadocia,” bukod sa iba pa. (1 Pedro 1:1) Anong uri ng lupain ang Capadocia? Bakit namuhay ang mga naninirahan dito sa mga tirahang inukit sa bato? Paano nakarating sa kanila ang Kristiyanismo?

“Hindi namin inaasahang maliligaw kami sa kagubatan ng mga kono [cone] at haliging bato,” ang sabi ng isang Britanong manlalakbay na si W. F. Ainsworth, na dumalaw sa Capadocia noong dekada ng 1840. Nagugulat pa rin ang modernong-panahong mga panauhin sa naiibang tanawin sa rehiyong ito ng Turkey. Nasa gitna ng mga libis sa Capadocia ang kakaibang “mga estatuwa” na yari sa bato, na nagsisiksikang gaya ng tahimik na mga tanod. Ang ilan ay nakakatulad ng higanteng mga tsiminea na ang taas ay 30 metro o higit pa. Ang iba naman ay mukhang higanteng mga apa ng sorbetes, obelisko, o kabute.

Ang liwanag ng araw ay nagbibigay sa mga estatuwang ito ng iba’t ibang magagandang kulay sa buong maghapon! Sa madaling-araw, ang mga ito ay mapusyaw na kulay-rosas. Sa katanghaliang-tapat, nagiging mapusyaw na kulay-garing ang mga ito, at nagiging kayumanggi na manilaw-nilaw naman sa paglubog ng araw. Paano nabuo ang “kagubatan ng mga kono at haliging bato” na ito? At bakit dito itinayo ng mga tao sa rehiyong iyon ang kanilang mga tirahan?

Inukit ng Hangin at Tubig

Ang Capadocia ay nasa pusod ng Peninsula ng Anatolia, na nagdurugtong sa Asia at Europa. Ang rehiyong ito ay isang talampas kung wala ang dalawang bulkan nito. Libu-libong taon na ang nakalilipas, nagkaroon ng malalakas na pagsabog ang mga bulkan anupat natabunan ang rehiyon ng dalawang uri ng bato​—matigas na basalto at malambot na tufa, isang mapusyaw na bato na nabuo mula sa tumigas na bulkanikong abo.

Dahil sa pagkaagnas ng malambot na tufa sanhi ng mga ilog, ulan, at hangin, nabuo ang malalalim na bangin. Nang maglaon, ang ilan sa mga dalisdis sa magkabilang panig ng malalalim na banging ito ay unti-unting nahati at naging di-mabilang na hanay ng mabatong mga kono, na nagbibigay sa lupain ng mga eskultura na hindi matatagpuan sa ibang bahagi ng daigdig. Ang ilan sa mabatong mga kono ay mukhang mga bahay-pukyutan. Ang mga tumatahan sa lugar na iyon ay umukit ng mga silid sa malambot na bato at gumawa ng mas marami pang silid habang lumalaki ang pamilya. Nasumpungan din nilang malamig ang mga tirahang ito tuwing tag-araw at mainit naman tuwing taglamig.

Pamumuhay sa Sangandaan ng Sibilisasyon

Ang mga naninirahan sa kuweba sa Capadocia ay malamang na mamumuhay nang nakabukod kung hindi sila nakatira sa mahalagang sangandaan ng sibilisasyon. Ang bantog na Daang Seda, ang 6,500 kilometrong ruta ng kalakalan na nag-uugnay sa Imperyo ng Roma at Tsina, ay dumaraan sa Capadocia. Bukod sa mga negosyante, naglakbay sa kahabaan ng rutang ito ang mga sundalong Persiano, Griego, at Romano. Nagdala ang mga manlalakbay na ito ng bagong relihiyosong mga ideya.

Pagsapit ng ikalawang siglo B.C.E., mayroon nang pamayanan ng mga Judio sa Capadocia. At ang mga Judio sa rehiyong ito ay naroroon sa Jerusalem noong taóng 33 C.E. Naroroon sila upang ipagdiwang ang Kapistahan ng Pentecostes. Kaya, nangaral si apostol Pedro sa mga Judiong taga-Capadocia pagkatapos ng pagbubuhos ng banal na espiritu. (Gawa 2:1-9) Maliwanag na tumugon ang ilan sa kaniyang mensahe at dinala ng mga ito ang kanilang bagong-tuklas na pananampalataya sa pag-uwi nila. Kaya nga, binati ni Pedro ang mga Kristiyano sa Capadocia sa kaniyang unang liham.

Gayunman, sa paglipas ng mga taon, ang mga Kristiyano sa Capadocia ay nagsimulang maimpluwensiyahan ng paganong mga pilosopiya. Mahigpit pa ngang ipinagtanggol ng tatlong maimpluwensiyang lider ng simbahan sa Capadocia noong ikaapat na siglo ang di-makakasulatang doktrina ng Trinidad. Sila ay sina Gregory ng Nazianzus, Basil na Dakila, at ang kaniyang kapatid na si Gregory ng Nyssa.

Pinasigla rin ni Basil na Dakila ang istilo ng pamumuhay na gaya ng mga monghe. Ang simple at inukit-sa-batong mga tirahan ng mga taga-Capadocia ay bagay na bagay sa napakasimpleng paraan ng pamumuhay na kaniyang inirekomenda. Habang patuloy na lumalaki ang komunidad ng mga monghe, itinayo sa loob ng ilang mas malalaking kono ang kumpletong mga simbahan. Pagsapit ng ika-13 siglo, mga tatlong daang simbahan na ang naiukit sa bato. Marami sa mga ito ang naingatan hanggang sa ngayon.

Bagaman hindi na ginagamit ang mga simbahan at monasteryo, hindi gaanong nagbago ang istilo ng pamumuhay ng mga tao roon sa paglipas ng maraming siglo. Maraming kuweba ang nagsisilbi pa ring mga tirahan. Marami sa mga dumadalaw sa Capadocia ang namamangha kung paano ginawang kapaki-pakinabang na mga tirahan ng mapamaraang mga naninirahan doon ang likas na mga pormasyon.

[Mapa sa pahina 24, 25]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

CAPADOCIA

TSINA (Cathay)