Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Paghahanap sa Mabuting Pamahalaan

Ang Paghahanap sa Mabuting Pamahalaan

Ang Paghahanap sa Mabuting Pamahalaan

“Ang lumalawak na pag-aasahan sa daigdig ay nagdulot ng sunud-sunod na mga problema sa daigdig na hindi na kayang lutasing mag-isa ng indibiduwal na mga bansa. Tanging sa pamamagitan ng pandaigdig na pagtutulungan natin mapagtatagumpayan ang dumaraming mga panganib at mga hamon na napapaharap sa sangkatauhan.”​—Ghulam Umar, manunuri ng pulitika sa Pakistan.

PUNUNG-PUNO ng mga kabalintunaan ang daigdig sa ngayon. Kahit napalilibutan ng materyal na kasaganaan, marami ang nahihirapang maghanap ng ikabubuhay. Ang mga taong nabubuhay sa henerasyong ito ng pinakabagong kagamitang elektroniko ay masasabi talagang ang pinaka-edukado at may pinakamalawak na kaalaman kailanman, gayunma’y parami nang paraming tao ang nahihirapang makahanap ng matatag na trabaho. Bagaman ang mga tao ay waring mas malaya higit kailanman, milyun-milyon ang nabubuhay sa takot, kawalang-katiwasayan, at kawalang-katiyakan. Maaaring napalilibutan tayo ng kaakit-akit na mga oportunidad, ngunit ang katiwalian at katampalasanan sa lahat ng antas ng lipunan ay nagdulot ng kawalang-pag-asa sa marami.

Napakalaki ng saklaw ng mga problemang napapaharap sa sangkatauhan anupat di-hamak na mas higit pa ito kaysa sa kayang lutasin ng kahit anumang bansa, o maging grupo ng mga bansa. Kaya naman, maraming nagmamasid ang nagsabi na upang magkatotoo ang pandaigdig na kapayapaan at katiwasayan, dapat magkaisa ang lahat ng bansa sa ilalim ng iisang pamahalaan. Bilang halimbawa, matagal nang itinataguyod ni Albert Einstein ang gayong ideya. Noong 1946, sinabi niya: “Lubos akong naniniwala na mas gusto ng karamihan ng mga tao sa daigdig na mabuhay sa kapayapaan at katiwasayan . . . Ang paghahangad ng sangkatauhan sa kapayapaan ay matutupad lamang sa pamamagitan ng pagbuo ng isang pandaigdig na pamahalaan.”

Pagkatapos ng limang dekada, hindi pa rin nabibigyang-katuparan ang napakahalagang pangangailangang ito. Sa pagtatala ng mga hamon sa ika-21 siglo, sinabi ng isang komentaryo sa diyaryong Le Monde sa Paris, Pransiya: “Kinakailangang bumuo ng panghukuman, pang-administratibo, at pangkonstitusyong mga saligan ng isang internasyonal na pamahalaan na kayang mamagitan kaagad, saanman sa daigdig, sakaling may mangyaring mga kaso ng masaker sa mga etnikong grupo. Kinakailangan ding tanggapin ang ideya na kung magkagayon ang Lupa ay iisang bansa.” Sino at ano ang may kapangyarihan at kakayahang gawin ito upang matiyak na ang sangkatauhan ay may mapayapang kinabukasan?

Ang United Nations ba ang Kasagutan?

Marami ang naglalagak ng kanilang pag-asa sa organisasyon ng United Nations para sa pandaigdig na kapayapaan. Ang UN ba ay isang pamahalaan na kayang magdulot ng tunay na kapayapaan at katiwasayan sa daigdig? Walang alinlangan, maraming magagandang talumpati sa pulitika na waring nakapagbibigay ng inspirasyon at punung-puno ng pangako. Halimbawa, sa kanilang “Kapahayagan sa Milenyo” noong taóng 2000, ganito ang naging taimtim na pasiya ng United Nations General Assembly: “Gagawin namin ang lahat ng aming makakaya upang palayain ang aming mga mamamayan mula sa salot ng digmaan, ito man ay sa loob o sa pagitan ng mga Estado, na kumitil ng mahigit na 5 milyong buhay noong nakalipas na dekada.” Ang gayong mga kapahayagan ay naging dahilan upang umani ang UN ng papuri at paghanga mula sa maraming tao at sektor, gayundin ng 2001 Nobel Peace Prize. Sa pagpaparangal sa UN, sinabi ng Nobel Committee sa Norway na “ang tanging landas na maaaring tahakin tungo sa pandaigdig na kapayapaan at pagtutulungan ay sa pamamagitan ng United Nations.”

Sa kabila ng lahat ng ito, napatunayan na ba ng organisasyon ng United Nations, na itinatag noong 1945, na isa itong pamahalaan na kayang magdulot ng tunay at namamalaging kapayapaan sa daigdig? Hindi, sapagkat ang pansariling kapakanan at makabansang mga ambisyon ng mga miyembrong bansa nito ay bumigo sa maraming pagsisikap nito. Ang pangmalas ng publiko, sa mga salita ng isang editor ng diyaryo, ay na ang UN ay “isang sukatan [lamang] ng mga opinyon ng mga tao sa daigdig” at na “ang mga panukala nito ay punô ng mga isyu na maraming taon nang pinagtatalunan na wala naman gaanong pagsulong kung mayroon man tungo sa kalutasan.” Nananatili pa rin ang tanong: Talaga bang magkakaisa ang mga bansa sa daigdig balang-araw?

Isinisiwalat ng Bibliya na ang gayong pagkakaisa ay malapit nang maganap. Paano ito mangyayari? At anong pamahalaan ang magdudulot nito? Para sa mga kasagutan, pakisuyong basahin ang susunod na artikulo.

[Larawan sa pahina 3]

Itinaguyod ni Einstein ang pangangailangan para sa isang pandaigdig na pamahalaan

[Credit Line]

Einstein: U.S. National Archives photo