Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pamahalaan ng Kaharian ng Diyos—Umiiral Na sa Ngayon

Ang Pamahalaan ng Kaharian ng Diyos—Umiiral Na sa Ngayon

Ang Pamahalaan ng Kaharian ng Diyos​—Umiiral Na sa Ngayon

“Paano mangyayari na ang napakaraming bansa, na may gayong iba’t ibang kultura at gayong iba’t ibang antas ng pagsulong, ay magkakasundo? Sinasabi na tanging isang pagsalakay mula sa ibang planeta ang makapagkakaisa sa lahi ng tao.”​—The Age, diyaryo sa Australia.

ISANG pagsalakay mula sa ibang planeta? Bagaman hindi natin alam kung ang gayong pagsalakay ay makapagkakaisa sa mga bansa sa lupa o hindi, binabanggit talaga ng hula sa Bibliya ang isang nagbabantang krisis na magiging dahilan upang magkaisa ang mga bansa sa daigdig. At sa katunayan, ang krisis na iyan ay pasasapitin ng mga puwersang mula sa labas ng daigdig.

Makahulang binanggit ni Haring David ng sinaunang Israel ang sasapit na kalagayang ito sa daigdig. Sa ilalim ng pagkasi ng Diyos ay sumulat siya: “Ang mga hari sa lupa ay tumitindig at ang matataas na opisyal ay nagpipisan na tila iisa laban kay Jehova at laban sa kaniyang pinahiran, na sinasabi: ‘Lagutin natin ang kanilang mga panggapos at itapon ang kanilang mga panali mula sa atin!’” (Awit 2:2, 3; Gawa 4:25, 26) Pansinin na ang mga tagapamahala sa daigdig ay magpipisan laban kay Jehova, ang Maylalang ng uniberso, at sa kaniyang pinahiran, o sa kaniyang hinirang na Hari, si Jesu-Kristo. Paano iyan magaganap?

Ayon sa kronolohiya ng Bibliya at natupad na mga hula, noong 1914, itinatag sa langit ang Kaharian ng Diyos kung saan si Jesu-Kristo ang Hari. * Nang panahong iyon ang mga bansa sa lupa ay may iisang kaisipan lamang. Sa halip na magpasakop sa soberanya ng bagong-silang na Kaharian ng Diyos, nasangkot sila sa pakikipag-agawan ng kapangyarihan​—ang Malaking Digmaan, o Digmaang Pandaigdig I.

Paano itinuring ng Diyos na Jehova ang gayong reaksiyon sa bahagi ng mga tagapamahalang tao? “Ang mismong Isa na nakaupo sa langit ay magtatawa; ilalagay sila ni Jehova sa kaalipustaan. Sa panahong iyon ay magsasalita siya sa kanila sa kaniyang galit at sa kaniyang matinding pagkayamot ay liligaligin niya sila.” Pagkatapos, sasabihin ni Jehova sa kaniyang Anak, ang hinirang na Hari ng Kaharian: “Humingi ka sa akin, upang maibigay ko ang mga bansa bilang iyong mana at ang mga dulo ng lupa bilang iyong sariling pag-aari. Babaliin mo sila sa pamamagitan ng isang setrong bakal, dudurugin mo silang gaya ng sisidlan ng magpapalayok.”​—Awit 2:4, 5, 8, 9.

Ang pangwakas na pagdurog na ito sa magkakalabang mga bansa sa pamamagitan ng setrong bakal ay magaganap sa Armagedon, o Har–​Magedon. Inilalarawan ng huling aklat ng Bibliya na Apocalipsis ang kapana-panabik na pangyayaring ito bilang ang “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” kung saan tinitipon ang “mga hari ng buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 16:14, 16) Sa ilalim ng impluwensiya ng mga demonyo, ang mga bansa sa lupa ay magkakaisa na sa wakas taglay ang iisang tunguhin​—makipagdigma laban sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.

Ang panahon kung kailan magpipisan ang mga tao para labanan ang soberanya ng Diyos ay mabilis na dumarating. Balintuna nga, ang kanilang “pagkakaisa” ay walang idudulot na mga kapakinabangan sa kanila. Sa halip, ang kanilang pagkilos ay magbibigay-daan sa matagal nang hinihintay na kapayapaan para sa buong sangkatauhan. Paano? Sa pangwakas na pakikipagbakang iyan, “dudurugin at wawakasan [ng Kaharian ng Diyos] ang lahat ng mga kahariang ito [sa daigdig], at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.” (Daniel 2:44) Ang Kaharian ng Diyos, hindi ang anumang organisasyon ng tao, ang pamahalaan na tutupad sa hangarin ng sangkatauhan para sa pandaigdig na kapayapaan.

Ang Punong Administrador ng Pamahalaan ng Kaharian

Iyan ang Kaharian na ipinananalangin ng maraming taimtim na mga tao, na sinasabi: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Sa halip na isang mahirap-unawaing kalagayan ng puso, ang Kaharian ng Diyos ay isang totoong pamahalaan na may naisakatuparan nang kamangha-manghang mga gawa mula nang pasinayaan ito sa langit noong 1914. Isaalang-alang natin ang ilang susing salik na nagpapakitang ang Kaharian ng Diyos ay umiiral at lubusang kumikilos sa ngayon.

Una sa lahat, mayroon itong makapangyarihan at mahusay na sangay ng ehekutibo na pinamumunuan ng nakaluklok sa trono na Hari, si Jesu-Kristo. Noong 33 C.E., ginawa ng Diyos na Jehova si Jesu-Kristo na Ulo ng kongregasyong Kristiyano. (Efeso 1:22) Magmula noon, ginagampanan na ni Jesus ang kaniyang pagkaulo, sa gayo’y ipinakikita ang kaniyang kakayahang pang-administratibo. Halimbawa, nang magkaroon ng malaking taggutom sa Judea noong unang siglo, kaagad na kumilos ang kongregasyong Kristiyano upang tulungan ang mga miyembro nito. Isang gawaing pagtulong ang inorganisa, at sina Bernabe at Saulo ay isinugo mula sa Antioquia upang magdala ng tulong bilang paglilingkod.​—Gawa 11:27-30.

Higit pa ang ating maaasahan kay Jesu-Kristo ngayong kumikilos na ang pamahalaan ng Kaharian. Kailanma’t may nagaganap na kasakunaan​—mga lindol, taggutom, baha, buhawi, bagyo, o pagputok ng bulkan​—ang Kristiyanong kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay mabilis na tumutugon sa mga pangangailangan ng kanilang mga kapananampalataya at iba pang tao sa apektadong mga lugar. Halimbawa, nang yanigin ng mapangwasak na mga lindol ang El Salvador noong Enero at Pebrero 2001, nag-organisa ng mga gawaing pagtulong sa lahat ng bahagi ng bansa, at ang mga grupo ng mga Saksi ni Jehova mula sa Canada, Guatemala, at Estados Unidos ay nagbigay ng tulong. Tatlo sa kanilang mga dako ng pagsamba gayundin ang mahigit na 500 bahay ay itinayong-muli sa loob ng maikling panahon.

Mga Sakop ng Pamahalaan ng Kaharian ng Diyos

Mula nang itatag ito noong 1914, ang makalangit na Kaharian ng Diyos ay nagtitipon na at nag-oorganisa ng kaniyang mga sakop mula sa mga tao sa palibot ng daigdig. Katuparan ito ng isang kamangha-manghang hula na iniulat ni Isaias: “Mangyayari sa huling bahagi ng mga araw na ang bundok ng bahay ni Jehova [ang kaniyang itinaas na tunay na pagsamba] ay matibay na matatatag na mataas pa sa taluktok ng mga bundok, . . . at doon ay huhugos ang lahat ng mga bansa.” Ipinakikita ng hulang iyan na “maraming bayan” ang aakyat sa bundok na iyon at tatanggapin ang mga tagubilin at mga kautusan ni Jehova.​—Isaias 2:2, 3.

Ang gawaing ito ay nagbunga ng pinakamahalagang kilusan sa makabagong panahon​—isang internasyonal na kapatiran ng mahigit na 6,000,000 Kristiyano sa mahigit na 230 lupain sa daigdig. Sa internasyonal na mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova, madalas na lubhang namamangha ang mga nagmamasid na makita ang pag-ibig, kapayapaan, at pagkakaisa sa gitna ng malaking pulutong ng mga tao, anupat napagtatagumpayan ang mga hadlang ng nasyonalidad, kultura, at wika. (Gawa 10:34, 35) Hindi ka ba sasang-ayon na upang mapagkaisa sa kapayapaan at pagkakaisa ng isang pamahalaan ang daan-daang etnikong grupo, dapat itong maging mabisa at matatag​—at umiiral?

Ang Kaharian ng Diyos at Edukasyon

Ang bawat pamahalaan ay may mga pamantayang inaasahan na susundin ng mga mamamayan nito, at dapat maabot ng lahat ng gustong mabuhay sa ilalim ng pamahalaang iyan ang mga pamantayang iyon. Sa katulad na paraan, may mga pamantayan ang Kaharian ng Diyos na dapat maabot ng lahat ng magiging kuwalipikadong sakop nito. Gayunman, tiyak na napakalaking pagsisikap ang kailangan upang tanggapin at sundin ng maraming tao na may lubhang iba’t ibang pinagmulan ang iisang pamantayan. Kung gayon, narito ang isa pang salik na nagpapatotoo na umiiral ang Kaharian ng Diyos​—ang mabisang programa nito ng edukasyon na umaantig at bumabago hindi lamang sa isip kundi gayundin sa puso.

Paano naisasakatuparan ng pamahalaan ng Kaharian ang napakalaking gawaing ito? Sa pamamagitan ng pamamaraang iniwan ng mga apostol sa pangangaral “sa bahay-bahay” at pagtuturo ng Salita ng Diyos sa indibiduwal na paraan. (Gawa 5:42; 20:20) Gaano kabisa ang anyong ito ng edukasyon? Si Jacques Johnson, isang paring Katoliko, ay sumulat sa isang lingguhang diyaryo sa Canada hinggil sa kaniyang mga pagsisikap na hadlangan ang isang babae sa pakikipag-aral sa mga Saksi ni Jehova. “Lubha akong nagulumihanan at napag-isip-isip ko na kasangkot ako sa isang laban na wala akong panalo,” ang sabi niya. “Napagtanto ko na sa loob ng ilang buwan ang mga babaing ito na mga Saksi ni Jehova ay nakabuo ng makabuluhang pakikipag-ugnayan sa kabataang ina na ito na hindi makalabas ng bahay. Nakabuo sila ng isang malapít na kaugnayan sa kaniya sa pamamagitan ng pagtulong sa kaniya, pakikipagkaibigan sa kaniya, at pagtatatag ng makabuluhang buklod ng puso. Hindi nagtagal at naging isang aktibong miyembro siya ng kanilang relihiyon at wala na akong magawa para hadlangan ito.” Kung paanong ang puso ng dating Katolikong ito ay naantig ng mensahe ng Bibliya na itinuturo ng mga Saksi ni Jehova at ng kanilang paggawing Kristiyano, naaantig din ang puso ng milyun-milyon sa buong daigdig.

Ang anyong ito ng edukasyon​—edukasyon ng Kaharian​—ay nakasentro sa Bibliya, anupat itinataguyod ang mga simulain at mga pamantayan nito sa moral. Tinuturuan nito ang mga tao na ibigin at igalang ang isa’t isa anuman ang kanilang pinagmulan. (Juan 13:34, 35) Tinutulungan din nito ang mga tao na tumugon sa babala: “Huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.” (Roma 12:2) Palibhasa’y iniwan ang kanilang dating paraan ng pamumuhay at maligayang sinusunod ang mga kautusan at mga simulain ng pamahalaan ng Kaharian, milyun-milyon ang nakasumpong ng kapayapaan at kaligayahan ngayon at ng maaliwalas na pag-asa para sa hinaharap.​—Colosas 3:9-11.

Ang isang namumukod-tanging tulong sa pagtatamo ng ganitong pandaigdig na pagkakaisa ay ang magasing ito, Ang Bantayan. Sa pamamagitan ng organisadong mga pamamaraan sa pagsasalin at ng kagamitan sa paglalathala sa maraming wika, ang pangunahing mga artikulo sa Ang Bantayan ay inilalathala nang sabay-sabay sa 135 wika, at maaaring pag-aralan ng mahigit na 95 porsiyento ng mga mambabasa nito sa buong daigdig ang materyal na ito sa kanilang sariling wika nang sabay-sabay.

Isang manunulat na Mormon ang gumawa ng talaan ng pinakakatangi-tanging mga tagumpay sa pagmimisyonero sa labas ng kaniyang simbahan. Itinala niya Ang Bantayan at Gumising!, na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova, bilang ang pinakamahuhusay na magasin sa pag-eebanghelyo at sinabi: “Walang sinuman ang makapag-aakusa kailanman sa Bantayan o Gumising! ng pagtataguyod ng pagiging kampante​—sa kabaligtaran, lumilikha sila ng pagkadama ng pagiging alisto na bihira kong makita sa iba pang relihiyosong mga publikasyon. Ang Bantayan at Gumising! ay nakagiginhawa dahil sa makatotohanan, sinaliksik-na-mabuti, at totoo-sa-buhay na nilalaman nito.”

Napakaraming patotoo na ang Kaharian ng Diyos ay umiiral at lubusang kumikilos. Buong-ligaya at buong-siglang ibinabahagi ng mga Saksi ni Jehova “ang mabuting balitang ito ng kaharian” sa kanilang kapuwa, anupat inaanyayahan ang mga ito na maging mga sakop ng Kaharian. (Mateo 24:14) Kaakit-akit ba sa iyo ang gayong pag-asa? Matatamasa mo ang mga pagpapalang nagmumula sa pakikisama sa mga tinuturuan at nagsisikap na mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Kaharian. Higit pa riyan, maaari mong tamasahin ang pag-asang mabuhay sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian sa ipinangakong bagong sanlibutan kung saan “tatahan ang katuwiran.”​—2 Pedro 3:13.

[Talababa]

^ par. 5 Para sa detalyadong pagtalakay, tingnan ang kabanata 10, “Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos,” sa aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova, pahina 90-7.

[Larawan sa pahina 4, 5]

Noong 1914, nasangkot ang mga bansa sa isang digmaang pandaigdig

[Mga larawan sa pahina 6]

Ang boluntaryong gawaing pagtulong ay isang patotoo ng Kristiyanong pag-ibig na may gawa

[Larawan sa pahina 7]

Nakikinabang ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig mula sa iisang programa ng edukasyon