Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang banggitin niya sa kaniyang mga alagad: “Namamasdan ko na si Satanas na nahulog na tulad ng kidlat mula sa langit”?

Katatapos pa lamang pumili ni Jesus ng 70 alagad, at “isinugo [niya] sila nang dala-dalawa sa unahan niya sa bawat lunsod at dako na kaniya mismong paroroonan.” Nang magbalik ang 70, nagsaya sila sa tagumpay ng kanilang misyon. “Panginoon, maging ang mga demonyo ay napasasakop sa amin sa pamamagitan ng paggamit ng iyong pangalan,” ang sabi nila. Sa pagkakataong iyon, sinabi ni Jesus: “Namamasdan ko na si Satanas na nahulog na tulad ng kidlat mula sa langit.”​—Lucas 10:1, 17, 18.

Sa unang tingin, waring tinutukoy ni Jesus ang isang pangyayaring naganap na. Gayunman, 60 taon pagkatapos banggitin ni Jesus ang mga salita sa itaas, ang matanda nang si apostol Juan ay gumamit ng nakakahawig na mga salita nang isulat niya: “Inihagis ang malaking dragon, ang orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa; siya ay inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya.”​—Apocalipsis 12:9.

Nang isulat ni Juan ang mga salitang iyon, naninirahan pa sa langit si Satanas. Paano natin nalaman ito? Sapagkat ang Apocalipsis ay isang aklat ng hula, hindi ng kasaysayan. (Apocalipsis 1:1) Kaya, noong panahon ni Juan, hindi pa naihahagis sa lupa si Satanas. Sa katunayan, ipinakikita ng katibayan na nangyari lamang ito di-nagtagal matapos iluklok si Jesus bilang Hari ng Kaharian ng Diyos noong 1914. *​—Apocalipsis 12:1-10.

Kung gayon, bakit binanggit ni Jesus ang pagpapalayas kay Satanas sa langit na para bang naganap na ito? Ipinahihiwatig ng ilang iskolar na sinasaway ni Jesus ang kaniyang mga alagad dahil nagpamalas sila ng di-wastong pagmamapuri. Naniniwala sila na, sa diwa, sinasabi ni Jesus: ‘Nagtagumpay kayo laban sa mga demonyo, subalit huwag kayong magmalaki. Si Satanas ay naging mapagmapuri, at umakay iyon sa kaniyang mabilis na pagbagsak.’

Hindi tayo maaaring maging dogmatiko sa bagay na ito. Gayunman, waring mas malamang na nakikigalak si Jesus sa kaniyang mga alagad at tinutukoy niya ang pagbagsak ni Satanas sa hinaharap. Mas alam ni Jesus kaysa sa kaniyang mga alagad ang mabalasik at matinding pagkapoot ng Diyablo. Gunigunihin ang kagalakang nadama ni Jesus nang marinig niyang napasasakop sa kaniyang di-sakdal na mga taong alagad ang makapangyarihang mga demonyo! Ang pagsupil na ito sa mga demonyo ay patiunang pagpapaaninaw lamang hinggil sa mangyayari sa hinaharap kung kailan si Jesus, bilang si Miguel na arkanghel, ay makikipagdigma kay Satanas at ihahagis niya ito mula sa langit patungo sa lupa.

Nang sabihin ni Jesus na namasdan niyang “nahulog na” si Satanas, maliwanag na idiniriin niya ang katiyakan ng pagbagsak ni Satanas. Nakakatulad ito ng iba pang mga hula sa Bibliya na bumabanggit sa panghinaharap na mga pangyayari sa panahunang pangnagdaan. Halimbawa, pansinin na parehong ginamit ang panahunang pangnagdaan at panghinaharap sa hula hinggil sa Mesiyas sa Isaias 52:13–53:12. Malamang na ipinahahayag ni Jesus ang kaniyang pagtitiwala na magaganap ang pagpapatalsik kay Satanas mula sa langit ayon sa layunin ng Kaniyang Ama. Nakatitiyak din si Jesus na sa takdang panahon ng Diyos, si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay ibubulid sa kalaliman at sa kalaunan ay pupuksain minsan at magpakailanman.​—Roma 16:20; Hebreo 2:14; Apocalipsis 20:1-3, 7-10.

[Talababa]