Namuhay Kami sa Pamamagitan ng Lakas ni Jehova
Namuhay Kami sa Pamamagitan ng Lakas ni Jehova
AYON SA SALAYSAY NI ERZSÉBET HAFFNER
“Hindi ako makapapayag na ipatapon ka nila,” ang sabi ni Tibor Haffner nang malaman niyang pinalalayas ako sa Czechoslovakia. Pagkatapos ay sinabi pa niya: “Kung papayag ka, pakakasalan kita, at mananatili ka sa piling ko magpakailanman.”
NOONG Enero 29, 1938, mga ilang linggo lamang pagkatapos ng di-inaasahang alok na iyon, ikinasal kami ni Tibor, ang Kristiyanong kapatid na lalaking unang nagpatotoo sa aming pamilya. Hindi madaling pasiya iyon. Katutuntong ko pa lamang ng 18 taóng gulang, at bilang isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova, gusto kong italaga ang aking kabataan sa pantanging paglilingkod sa Diyos. Umiyak ako. Nanalangin ako. Pagkatapos kong huminahon saka ko natanto na higit pa sa isang gawa ng kabaitan ang inialok sa akin ni Tibor, at nadama kong nais kong mamuhay sa piling ng lalaking ito na talagang nagmamahal sa akin.
Ngunit bakit ba ako nanganganib na ipatapon? Kung tutuusin, nakatira ako sa isang bansa na ipinagmamalaki ang demokratikong sistema at relihiyosong kalayaan nito. Buweno, sa palagay ko’y kailangan ko nang sabihin sa iyo sa pagkakataong ito ang iba pang bagay tungkol sa aking pinagmulan.
Isinilang ako noong Disyembre 26, 1919, sa Griego-Katolikong mga magulang sa nayon ng Sajószentpéter, Hungary, mga 160 kilometro sa silangan ng Budapest. Nakalulungkot nga, namatay ang tatay ko bago pa ako isinilang. Di-nagtagal, napangasawa ng nanay ko ang isang balo na may apat na anak, at lumipat kami sa Lučenec, isang magandang lunsod sa noo’y Czechoslovakia. Noong mga panahong iyon, hindi madali ang makisama sa isang panibagong pamilya. Bilang bunso sa limang anak, nadama kong parang hindi ako
kapamilya. Mahirap ang kalagayan ng ekonomiya, at pinagkaitan ako hindi lamang ng materyal na mga bagay kundi pati na rin ng katamtamang pansin at pag-ibig ng magulang.Mayroon Bang Sinuman na Nakaaalam ng Kasagutan?
Nang ako’y 16 na taon, naguguluhan ako dahil sa seryosong mga katanungan. Binasa ko nang may matinding interes ang kasaysayan ng Digmaang Pandaigdig I, at nabigla ako sa lahat ng patayang naganap sa pagitan ng sibilisadong mga bansang nag-aangking Kristiyano. Bukod pa riyan, nakikita ko ang lumalagong militarismo sa maraming dako. Walang isa man dito ang kasuwato ng natutuhan ko sa simbahan tungkol sa pag-ibig sa kapuwa.
Kaya, nagpunta ako sa isang paring Romano Katoliko at nagtanong sa kaniya: “Anong utos po ba ang dapat na magbuklod sa atin bilang mga Kristiyano—ang makidigma at patayin ang ating kapuwa o ibigin sila?” Palibhasa’y nainis sa aking tanong, sumagot siya na itinuturo lamang niya kung ano ang sinasabi sa kaniya ng nakatataas na mga awtoridad. Gayundin ang nangyari nang dumalaw ako sa isang ministrong Calvinista at pagkatapos ay sa isang rabbing Judio naman. Wala akong nakuhang kasagutan, kundi ang kanilang pagkamangha sa aking naiibang tanong. Sa wakas, nakipagkita ako sa isang ministrong Luterano. Nagalit siya, subalit bago ako umalis, sinabi niya: “Kung talagang gusto mong malaman ang tungkol diyan, magtanong ka sa mga Saksi ni Jehova.”
Hinanap ko ang mga Saksi subalit hindi ko sila nakita. Pagkaraan ng ilang araw, nang pauwi na ako mula sa trabaho, nakita kong bahagyang nakabukas ang pinto. Isang makisig na binata ang nagbabasa ng Bibliya sa nanay ko. Bigla kong naisip, ‘Ito na siguro iyon, isang Saksi ni Jehova!’ Pinapasok namin ang binatang ito, si Tibor Haffner, at inulit ko ang aking mga katanungan. Sa halip na sagutin ito sa kaniyang sariling pananalita, ipinakita niya sa akin kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagkakakilanlan ng tunay na mga Kristiyano, gayundin ang tungkol sa mga panahong kinabubuhayan natin.—Juan 13:34, 35; 2 Timoteo 3:1-5.
Sa loob ng ilang buwan, bago ako maging 17, nabautismuhan ako. Nadama ko na kailangang marinig ng lahat ang mahahalagang katotohanang ito na talagang pinaghirapan ko muna bago ko nasumpungan. Nagsimula akong mangaral nang buong-panahon, na lubhang mapanghamon noong huling mga taon ng dekada ng 1930 sa Czechoslovakia. Bagaman ang aming gawain ay opisyal na nakarehistro, nakaharap namin ang matinding pagsalansang sa pagsulsol ng klero.
Unang Karanasan sa Pag-uusig
Isang araw noong dakong huli ng 1937, nangangaral ako kasama ng isang Kristiyanong sister sa isang nayong malapit sa Lučenec. Di-nagtagal, kami ay inaresto at ikinulong. “Dito na kayo mamamatay,” ang sabi ng guwardiya, sabay bagsak sa pinto ng aming selda.
Kinagabihan, apat pa ang nakasama namin sa selda. Sinimulan namin silang aliwin at magpatotoo sa kanila. Huminahon sila, at naging abala kami sa magdamag na pakikipag-usap sa kanila hinggil sa katotohanan ng Bibliya.
Noong ikaanim ng umaga, pinalabas ako ng guwardiya sa selda. Sinabi ko sa aking kasama: “Magkita na lang tayo sa Kaharian ng Diyos.” Hiniling ko sa kaniya na sabihin sa aking pamilya ang nangyari kung makaligtas siya. Nanalangin ako nang tahimik at sumama sa guwardiya. Dinala niya ako sa kaniyang apartment sa lugar ng bilangguan. “Mayroon akong ilang katanungan sa iyo, ineng,” ang sabi niya. “Sinabi mo kagabi na ang pangalan ng Diyos ay Jehova. Maipakikita mo ba iyan sa akin sa Bibliya?” Nagulat ako at nakahinga nang maluwag! Dinala niya ang kaniyang Bibliya, at ipinakita ko sa kanilang mag-asawa ang pangalang Jehova. Marami pa siyang katanungan tungkol sa mga paksang tinalakay namin sa apat na babae kagabi. Dahil sa nasiyahan sa mga kasagutan, inutusan niya ang kaniyang asawa na maghanda ng almusal para sa akin at sa kasama ko.
Pagkalipas ng dalawang araw, kami’y pinalaya, subalit ipinasiya ng isang hukom na yamang
isa akong mamamayang taga-Hungary, kailangan kong umalis ng Czechoslovakia. Sa pagkakataong ito ako inalok ni Tibor Haffner na maging asawa niya. Nagpakasal kami, at lumipat ako sa bahay ng kaniyang mga magulang.Tumindi ang Pag-uusig
Nagpatuloy kami sa gawaing pangangaral bilang mag-asawa, bagaman si Tibor ay may gawain ding pang-organisasyon na dapat asikasuhin. Mga ilang araw bago nagmartsa ang mga sundalong taga-Hungary papasok sa aming lunsod noong Nobyembre 1938, isinilang ang aming anak, si Tibor, Jr. Sa Europa, napipinto na ang Digmaang Pandaigdig II. Sinakop ng Hungary ang malaking bahagi ng Czechoslovakia, anupat tumindi ang pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova na nakatira sa mga dakong sinakop ng Hungary.
Noong Oktubre 10, 1942, nagtungo si Tibor sa Debrecen upang makipagkita sa ilang kapatid. Gayunman, sa pagkakataong ito ay hindi na siya bumalik. Nang maglaon, sinabi niya sa akin ang nangyari. Sa halip na makipagkita sa mga kapatid, ilang pulis na nakasuot pantrabaho ang nasa tulay kung saan sila magkikita. Hinihintay ng mga ito ang asawa ko at si Pál Nagypál, na mga huling dumating. Dinala sila ng mga pulis sa istasyon ng pulisya at pinagpapalo ng batuta ang kanilang mga paa hanggang sa sila’y mawalan ng malay dahil sa sakit.
Pagkatapos, inutusan silang isuot ang kanilang bota at tumayo. Sa kabila ng kirot, pinilit silang magtungo sa istasyon ng tren. Dinala ng mga pulis ang isa pang lalaki na ang ulo ay balot na balot ng benda anupat hindi siya halos makakita. Ito si Brother András Pilling, na makikipagkita rin sana sa mga kapatid. Isinakay ang asawa ko sa tren patungo sa kulungan sa Alag, malapit sa Budapest. Isa sa mga guwardiya na nakakita sa bugbog na mga paa ni Tibor ang may-panunuyang nagsabi: “Napakalupit nga naman ng ilang tao! Huwag kang mag-alala, pagagalingin ka namin.” Sinimulang paluin ng dalawa pang guwardiya ang mga paa ni Tibor, anupat tumilamsik ang dugo sa buong palibot. Pagkalipas ng ilang minuto, nawalan siya ng malay.
Nang sumunod na buwan, si Tibor at ang mahigit na 60 iba pang mga kapatid ay nilitis. Sina Brother András Bartha, Dénes Faluvégi, at János Konrád ay nahatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng pagbitay. Si Brother András Pilling ay tumanggap ng habambuhay na pagkabilanggo, at ang aking asawa naman ay nahatulan ng 12 taóng pagkabilanggo. Ang kanilang krimen? Pinaratangan sila ng tagausig ng matinding pagtataksil sa bayan, pagtangging maglingkod sa militar, pag-eespiya, at paninirang-puri sa kabanal-banalang simbahan. Nang maglaon, binago ang sentensiyang kamatayan tungo sa habambuhay na pagkabilanggo.
Pagsunod sa Aking Asawa
Dalawang araw pagkaalis ni Tibor para makipagkita sa mga kapatid sa Debrecen, gising na ako bago mag-ikaanim ng umaga at namamalantsa ng aming mga damit. Walang anu-ano, may malakas na katok sa pinto. ‘Narito na sila,’ naisip ko. Anim na pulis ang pumasok at ipinaalam sa akin na may pahintulot sila para maghalughog sa bahay. Ang lahat ng nasa bahay ay inaresto at dinala sa istasyon ng pulisya, pati na ang aming tatlong-taóng-gulang na anak na lalaki. Nang mismong araw na iyon, kami ay inilipat sa isang bilangguan sa Pétervására, Hungary.
Pagdating doon, nilagnat ako at inihiwalay sa ibang mga bilanggo. Nang gumaling ako, dalawang sundalo ang nasa loob ng selda ko at pinag-aawayan ako. “Dapat natin siyang barilin! Babarilin ko siya!” ang sabi ng isa. Subalit gusto naman ng isa na alamin ang kondisyon ng aking kalusugan bago nila ako barilin. Nagmakaawa ako sa kanila na hayaan nila akong mabuhay. Sa wakas ay lumabas sila sa selda ko, at nagpasalamat ako kay Jehova sa pagtulong sa akin.
May pantanging paraan sa pagtatanong ang mga guwardiya. Inutusan nila akong dumapa sa
sahig, pinasakan ng medyas ang aking bibig, itinali ang aking mga kamay at paa, at hinagupit ako hanggang sa magdugo ang aking likod. Tumigil lamang sila nang ang isa sa mga sundalo ay magsabing pagod na siya. Tinanong nila ako kung kanino makikipagkita ang aking asawa noong araw na maaresto siya. Hindi ko sinabi sa kanila, kaya nagpatuloy ang pagpalo sa loob ng tatlong araw. Noong ikaapat na araw, pinayagan ako na ihatid ang aking anak sa nanay ko. Sa napakalamig na panahon, pinasan ko ang aking munting anak sa aking sugatang likod at naglakad nang mga 13 kilometro patungo sa istasyon ng tren. Mula roon, umuwi ako sakay ng tren, subalit kailangan kong bumalik sa kampo nang araw ring iyon.Nahatulan ako ng anim na taóng pagkabilanggo sa Budapest. Pagdating ko roon, nalaman kong naroon din si Tibor. Anong ligaya namin nang pahintulutan kaming makapag-usap, bagaman ilang minuto lamang sa nakapagitang rehas! Nadama namin kapuwa ang pag-ibig ni Jehova at napatibay kami ng mahahalagang sandaling ito. Bago kami nagkitang muli, kapuwa kami dumanas ng kahila-hilakbot na mga pagsubok, anupat paulit-ulit na muntik-muntikan nang mamatay.
Palipat-lipat ng Bilangguan
Mga 80 kaming mga kapatid na babae na nagsisiksikan sa isang selda. Sabik na sabik kami sa espirituwal na pagkain, subalit waring imposibleng makapagpasok ng anumang bagay sa loob ng bilangguan. May makuha kaya kami sa loob ng bilangguan? Hayaan mong sabihin ko sa iyo ang ginawa namin. Nagboluntaryo akong tahiin ang mga sirang medyas ng mga kawani sa bilangguan. Sa isa sa mga medyas, naglagay ako ng isang pirasong papel na humihiling ng numero ng katalogo ng Bibliya sa aklatan ng bilangguan. Upang maiwasan ang anumang paghihinala, nagdagdag ako ng dalawa pang pamagat ng mga aklat.
Kinabukasan, tumanggap ako ng isang tambak na mga medyas mula sa mga kawani. Nasa isa sa mga ito ang kasagutan. Pagkatapos ay ibinigay ko sa isang guwardiya ang mga numerong ito at hiniling ko ang mga aklat. Anong laking kagalakan namin nang makuha namin ang mga aklat, pati na ang Bibliya! Ang ibang mga aklat ay pinapalitan namin bawat linggo, subalit nanatili sa amin ang Bibliya. Kapag tinatanong ng guwardiya ang tungkol dito, lagi naming sinasabi: “Malaking aklat kasi ito, at gusto itong basahin ng lahat.” Sa gayon ay nabasa namin ang Bibliya.
Isang araw, inanyayahan ako ng isang opisyal sa kaniyang opisina. Waring napakagalang niya.
“Gng. Haffner, may magandang balita ako sa iyo,” aniya. “Makauuwi ka na. Bukas siguro. Kung may tren, kahit ngayon.”
“Magandang balita po iyan,” ang tugon ko.
“Talagang, magandang balita ito,” ang sabi niya. “May anak ka, at naniniwala akong gusto mo siyang palakihin.” Pagkatapos ay idinagdag niya, “Pirmahan mo lang ang liham na ito.”
“Ano po ito?” ang tanong ko.
“Huwag kang mag-alala tungkol dito,” ang giit niya. “Pirmahan mo lang ito, at makaaalis ka na.” Pagkatapos ay sinabi niya sa akin: “Pag-uwi mo, gawin mo ang anumang gusto mo. Subalit ngayon ay dapat kang pumirma na ayaw mo nang maging isa sa mga Saksi ni Jehova.”
Umatras ako at matatag na tumanggi.
“Kung gayon ay mamamatay ka rito!” ang galit na galit na sigaw niya at pinaalis ako.
Noong Mayo 1943, inilipat ako sa isa pang bilangguan sa Budapest at nang maglaon sa nayon ng Márianosztra, kung saan tumira kami sa isang monasteryo kasama ng mga 70 madre. Sa kabila ng gutom at iba pang pahirap, sabik naming ibinahagi sa kanila ang aming pag-asa. Isa sa mga madre ang nagpakita ng tunay na interes sa aming mensahe at nagsabi: “Ang gagandang turo nito. Ngayon lamang ako nakarinig ng ganito. Sige, magsalita ka pa.” Sinabi namin sa kaniya ang tungkol sa bagong sanlibutan at ang kamangha-manghang buhay roon. Habang nag-uusap kami, dumating ang madre superyora. Agad na dinala ang interesadong madre, hinubaran, at hinagupit nang hinagupit. Nang muli namin siyang makita, nagsumamo siya: “Pakisuyo, manalangin
kayo kay Jehova upang iligtas niya ako at alisin ako rito. Gusto kong maging isa sa inyo.”Ang sumunod naming destinasyon ay isang lumang bilangguan sa Komaróm, isang lunsod sa Ilog Danube, mga 80 kilometro sa kanluran ng Budapest. Terible ang mga kalagayan ng pamumuhay. Katulad ng maraming mga kapatid na babae, nagkatipus ako, anupat sumusuka ako ng dugo at naging napakahina. Wala kaming gamot, at naisip kong katapusan ko na ito. Subalit ang mga opisyal ay naghahanap ng isa na makapagtatrabaho sa opisina. Binanggit ng mga kapatid ang pangalan ko. Kaya, binigyan ako ng gamot, at gumaling.
Muling Nakasama ang Aking Pamilya
Habang papalapit ang hukbong Sobyet sa silangan, napilitan kaming lumipat sa kanluran. Mahabang kuwento kung ilalarawan ko ang lahat ng kakila-kilabot na dinanas namin. Ilang beses nang muntik-muntikan akong mamatay, subalit dahil sa mapagsanggalang na kamay ni Jehova, nakaligtas ako. Nang matapos ang digmaan, nasa lunsod kami ng Tábor sa Czech, mga 80 kilometro mula sa Prague. Mahigit na tatlong linggo bago kami nakauwi ng hipag kong si Magdalena sa aming tahanan sa Lučenec, noong Mayo 30, 1945.
Mula sa malayo ay nakita ko ang aking biyenang babae at ang anak ko, si Tibor, sa bakuran. Tigib ng luha ang aking mga mata, at sumigaw ako, “Tibike!” Tumakbo siya at lumukso sa aking mga bisig. “Hindi na po kayo aalis muli, Inay, di ba?” Iyon ang una niyang mga salita sa akin, at hinding-hindi ko malilimutan iyon.
Maawain din si Jehova sa aking asawa, si Tibor. Mula sa bilangguan sa Budapest, ipinadala siya sa kampo ng puwersahang pagtatrabaho sa Bor, kasama ng mga 160 iba pang kapatid. Maraming ulit na sila’y napasabingit ng kamatayan, subalit bilang isang grupo, silang lahat ay naingatang buháy. Umuwi si Tibor noong Abril 8, 1945, mga isang buwan bago ako nakauwi.
Pagkatapos ng digmaan, kinailangan pa rin namin ang lakas ni Jehova upang makaligtas sa lahat ng mga pagsubok sa sumunod na 40 taon sa ilalim ng pamamahalang Komunista sa Czechoslovakia. Si Tibor ay muling nahatulan ng matagal na pagkabilanggo, at mag-isa kong pinalaki ang aming anak na lalaki. Pagkatapos niyang mapalaya, si Tibor ay naglingkod bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa. Sa loob ng 40 taon ng Komunismo, ginamit namin ang bawat pagkakataon upang ibahagi ang aming pananampalataya. Natulungan namin ang marami na matuto ng katotohanan. Sa gayon, naging espirituwal na mga anak namin sila.
Kaylaking kagalakan nang makamit namin ang kalayaan sa relihiyon noong 1989! Nang sumunod na taon, dumalo kami sa unang kombensiyon sa aming bansa pagkatapos ng napakatagal na panahong iyon. Nang makita namin ang libu-libo sa aming mga kapatid na nag-ingat ng kanilang integridad sa loob ng mga dekada, alam namin na si Jehova ang makapangyarihang pinagmumulan ng lakas para sa kanilang lahat.
Ang aking mahal na asawa, si Tibor, ay namatay nang tapat sa Diyos noong Oktubre 14, 1993, at ako ngayon ay nakatira malapit sa aking anak sa Žilina, Slovakia. Hindi na gaanong malakas ang katawan ko, subalit malakas pa rin ang espiritu ko sa pamamagitan ng lakas ni Jehova. Walang pag-aalinlangang naniniwala ako na mababata ko ang anumang pagsubok sa matandang sistemang ito sa pamamagitan ng kaniyang lakas. Karagdagan pa, pinananabikan ko ang panahon kung saan, sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova, mabubuhay ako magpakailanman.
[Larawan sa pahina 20]
Ang anak kong si Tibor, Jr., (sa edad na 4) na kinailangan kong iwan
[Larawan sa pahina 21]
Si Tibor, Sr., kasama ang ibang mga kapatid sa Bor
[Larawan sa pahina 22]
Kasama sina Tibor at Magdalena, ang hipag ko, noong 1947, sa Brno
[Mga larawan sa pahina 23]
Ilang beses nang muntik-muntikan akong mamatay, subalit dahil sa mapagsanggalang na kamay ni Jehova, nakaligtas ako