Paglilinang ng Tulad-Kristong Pangmalas sa Kadakilaan
Paglilinang ng Tulad-Kristong Pangmalas sa Kadakilaan
“Ang sinumang nagnanais na maging dakila sa inyo ay dapat na maging lingkod ninyo.”—MATEO 20:26.
1. Ano ang pangmalas ng sanlibutan sa kadakilaan?
MALAPIT sa sinaunang lunsod ng Thebes (makabagong-panahong Karnak) sa Ehipto, mga 500 kilometro sa timog mula sa Cairo, nakatayo ang isang estatuwa ni Paraon Amenhotep III na 18 metro ang taas. Manliliit ang isa kapag tumingin siya sa pagkalaki-laking imaheng iyon. Ang monumentong ito, na walang pagsalang nilayon upang pumukaw ng pagpipitagan sa tagapamahala, ay simbolo ng pangmalas ng sanlibutan sa kadakilaan—ang magmukhang malaki at importante ang sarili hangga’t maaari at ipadama sa iba na sila’y walang halaga.
2. Anong halimbawa ang ipinakita ni Jesus para sa kaniyang mga tagasunod, at anu-ano ang kailangan nating itanong sa ating sarili?
2 Ihambing ang ganitong pangmalas sa kadakilaan sa itinuro ni Jesu-Kristo. Bagaman siya ang “Panginoon at Guro” ng kaniyang mga tagasunod, itinuro ni Jesus sa kanila na ang kadakilaan ay nagmumula sa paglilingkod sa iba. Sa huling araw ng kaniyang buhay sa lupa, ipinakita ni Jesus ang Juan 13:4, 5, 14) Maglingkod o paglingkuran—alin ang mas kaakit-akit sa iyo? Ang halimbawa ba ni Kristo ay pumupukaw sa iyo na magnais na maging mapagpakumbabang gaya niya? Kung gayon ay suriin natin ang pagkakaiba ng pangmalas ni Kristo sa kadakilaan at ang pangmalas na karaniwan sa sanlibutan.
kahulugan ng kaniyang itinuro sa pamamagitan ng paghuhugas sa mga paa ng kaniyang mga alagad. Tunay ngang isang gawa ng mapagpakumbabang paglilingkod! (Iwasan ang Pangmalas ng Sanlibutan sa Kadakilaan
3. Anu-anong halimbawa sa Bibliya ang nagpapakita na malungkot ang kalalabasan ng mga naghahangad ng kaluwalhatian mula sa mga tao?
3 Maraming halimbawa sa Bibliya ang nagpapakita na humahantong sa kapahamakan ang pangmalas ng sanlibutan sa kadakilaan. Isipin ang makapangyarihang si Haman, na prominente sa maharlikang korte ng Persia noong panahon nina Esther at Mardokeo. Ang paghahangad ni Haman ng kaluwalhatian ay umakay sa kaniyang pagkapahiya at kamatayan. (Esther 3:5; 6:10-12; 7:9, 10) Kumusta naman ang palalong si Nabucodonosor, na nabaliw habang nasa tugatog ng kaniyang kapangyarihan? Ang kaniyang pilipit na ideya sa kadakilaan ay ipinahayag sa mga salitang ito: “Hindi ba ito ang Babilonyang Dakila, na ako mismo ang nagtayo para sa maharlikang bahay sa lakas ng aking kapangyarihan at para sa dangal ng aking karingalan?” (Daniel 4:30) Nariyan din ang mapagmapuring si Herodes Agripa I, na tumanggap ng di-nararapat na kaluwalhatian para sa kaniyang sarili sa halip na ibigay ang kaluwalhatian sa Diyos. Siya ay “kinain ng mga uod at nalagutan ng hininga.” (Gawa 12:21-23) Ang hindi pagkaunawa sa pangmalas ni Jehova sa kadakilaan ay umakay sa lahat ng lalaking ito sa kanilang kahiya-hiyang pagbagsak.
4. Sino ang nasa likod ng mapagmapuring saloobin ng sanlibutan?
4 Angkop naman para sa atin na naising gamitin ang ating buhay sa paraang magdudulot sa atin ng karangalan at paggalang. Gayunman, sinasamantala ng Diyablo ang hangaring ito sa pamamagitan ng pagtataguyod ng mapagmapuring saloobin, na mababanaag sa kaniyang sariling mga ambisyon. (Mateo 4:8, 9) Huwag kalimutan kailanman na siya ang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” at determinado siyang itaguyod ang kaniyang kaisipan dito sa lupa. (2 Corinto 4:4; Efeso 2:2; Apocalipsis 12:9) Palibhasa’y alam kung kanino nagmumula ang gayong pag-iisip, iniiwasan ng mga Kristiyano ang pangmalas ng sanlibutan sa kadakilaan.
5. Magagarantiyahan ba ng ating nakamit, katanyagan, at kayamanan ang namamalaging kasiyahan? Ipaliwanag.
5 Ang isang ideya na itinataguyod ng Diyablo ay na ang tanyag na pangalan sa sanlibutan, papuri mula sa mga tao, at ang mga bulsang punô ng salapi ay tiyak na magbubunga ng maligayang buhay. Totoo ba ito? Magagarantiyahan ba ng ating nakamit, katanyagan, at kayamanan ang isang buhay na lipos ng kasiyahan? Pinag-iingat tayo ng Bibliya na huwag palinlang sa gayong pag-iisip. Sumulat ang marunong na si Haring Solomon: “Nakita ko mismo ang lahat ng pagpapagal at ang lahat ng kahusayan sa paggawa, na iyon ay nagbubunga ng pagpapaligsahan sa isa’t isa; ito rin ay walang kabuluhan at paghahabol sa hangin.” (Eclesiastes 4:4) Maraming indibiduwal na nagtalaga ng kanilang buhay sa pagsisikap na maging tanyag sa sanlibutan ang makapagpapatunay na totoo ang kinasihang payo na iyon ng Bibliya. Ang isang halimbawa ay ang lalaki na tumulong sa pagdisenyo, pagbuo, at pagsubok sa sasakyang pangkalawakan na naghatid sa tao sa buwan. Ganito ang nabulay niya: “Nagpagal ako nang husto at naging napakahusay sa aking ginagawa. Subalit naging walang saysay, o walang kabuluhan, ito sa pagbibigay sa akin ng namamalaging kaligayahan at kapayapaan ng isip.” * Ang makasanlibutang ideya sa kadakilaan, ito man ay sa larangan ng negosyo, isport, o libangan, ay hindi gumagarantiya ng namamalaging kasiyahan.
Kadakilaang Mula sa Paglilingkod na Udyok ng Pag-ibig
6. Ano ang nagpapakita na mali ang pangmalas nina Santiago at Juan sa kadakilaan?
6 Isinisiwalat ng isang pangyayari sa buhay ni Jesus kung ano ang sangkot sa tunay na kadakilaan. Si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay naglalakbay patungo sa Jerusalem para sa Paskuwa noong 33 C.E. Habang nasa daan, nagpakita ng maling pangmalas sa kadakilaan ang dalawa sa mga pinsan ni Jesus, sina Santiago at Juan. Sa pamamagitan ng kanilang ina, ganito ang hiniling nila kay Jesus: ‘Sabihin mo na makaupo kami sa iyong kanan at sa iyong kaliwa, sa iyong kaharian.’ (Mateo 20:21) Sa mga Judio, ang maupo sa kanan o kaliwa ng isang tao ay itinuturing na isang malaking karangalan. (1 Hari 2:19) Mapag-ambisyong tinangka nina Santiago at Juan na makuha ang pinakanatatanging mga puwesto. Nais nilang angkinin ang mga posisyong ito ng awtoridad. Alam ni Jesus kung ano ang kanilang iniisip at ginamit niya ang pagkakataong ito upang ituwid ang kanilang maling pangmalas sa kadakilaan.
7. Paano inilarawan ni Jesus ang daan tungo sa tunay na Kristiyanong kadakilaan?
7 Alam ni Jesus na sa mapagmapuring sanlibutan na ito, ang taong itinuturing na dakila ay ang isa na kumokontrol at nag-uutos sa iba at sa isang pitik ng kaniyang mga daliri ay nasusunod ang lahat ng nais niya. Ngunit sa mga tagasunod ni Jesus, ang mapagpakumbabang paglilingkod ang sukatan ng kadakilaan. Sinabi ni Jesus: “Ang sinumang nagnanais na maging dakila sa inyo ay dapat na maging lingkod ninyo, at ang sinumang nagnanais na maging una sa inyo ay dapat na maging alipin ninyo.”—Mateo 20:26, 27.
8. Ano ang ibig sabihin ng pagiging isang ministro, at anu-ano ang maaari nating itanong sa ating sarili?
8 Ang salitang Griego na isinaling “lingkod” sa Bibliya ay tumutukoy sa isa na masikap at palagiang nagpapagal sa paglilingkod alang-alang sa iba. Itinuturo ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang isang mahalagang aral: Hindi nagiging dakila ang isa dahil sa pag-uutos sa mga tao na gawin ang mga bagay-bagay; kundi dahil sa paglilingkod sa iba na udyok ng pag-ibig. Tanungin ang iyong sarili: ‘Paano kaya ako tutugon kung ako si Santiago o si Juan? Makukuha ko kaya ang punto na ang tunay na kadakilaan ay nagmumula sa 1 Corinto 13:3.
paglilingkod na ang motibo ay pag-ibig?’—9. Anong halimbawa ang ipinakita ni Jesus sa kaniyang pakikitungo sa iba?
9 Ipinakita ni Jesus sa kaniyang mga alagad na hindi ang pamantayan ng kadakilaan sa sanlibutan ang pamantayan ng tulad-Kristong kadakilaan. Hindi siya kailanman nagkaroon ng saloobin na nakahihigit siya sa mga pinaglilingkuran niya ni ipinadama man niya sa kanila na nakabababa sila. Palagay ang loob sa kaniya ng lahat ng uri ng tao—mga lalaki, babae, at bata, mayaman, mahirap, at makapangyarihan, gayundin ang kilalang mga makasalanan. (Marcos 10:13-16; Lucas 7:37-50) Madalas na nayayamot ang mga tao sa mga may limitasyon. Iba naman si Jesus. Bagaman walang-ingat at palaaway kung minsan ang kaniyang mga alagad, matiyaga niyang tinuruan sila, anupat ipinakikita sa kanila na talagang mapagpakumbaba at mahinahong-loob siya.—Zacarias 9:9; Mateo 11:29; Lucas 22:24-27.
10. Paano ipinakikita ng buong landasin ng buhay ni Jesus ang di-makasariling paglilingkod alang-alang sa iba?
10 Ang di-makasariling halimbawa na ibinigay ng pangunahing Anak ng Diyos ay nagpakita kung ano ang talagang kahulugan ng kadakilaan. Si Jesus ay hindi nagtungo sa lupa upang paglingkuran kundi upang maglingkod sa iba, anupat pinagagaling ang “iba’t ibang sakit” at pinalalaya ang mga tao mula sa pagsupil ng mga demonyo. Bagaman napapagod siya at nangangailangan ng panahon para magpahinga, lagi niyang inuuna ang mga pangangailangan ng iba kaysa sa kaniyang sarili, anupat nagsasakripisyo pa nga upang aliwin sila. (Marcos 1:32-34; 6:30-34; Juan 11:11, 17, 33) Inudyukan siya ng kaniyang pag-ibig na tulungan ang mga tao sa espirituwal na paraan, anupat naglakbay nang daan-daang kilometro sa maalikabok na mga kalsada upang ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian. (Marcos 1:38, 39) Walang alinlangan, seryoso si Jesus sa paglilingkod sa iba.
Tularan ang Kapakumbabaan ni Kristo
11. Anu-anong katangian ang hinahanap sa mga kapatid na lalaking inatasang maglingkod bilang mga tagapangasiwa sa kongregasyon?
11 Noong huling mga taon ng ika-19 na siglo, idiniin ang wastong saloobin na dapat linangin ng mga tagapangasiwang Kristiyano nang piliin ang mga lalaking magiging naglalakbay na mga kinatawan upang maglingkod sa mga pangangailangan ng bayan ng Diyos. Ang mga hinahanap, ayon sa Zion’s Watch Tower ng Setyembre 1, 1894, ay mga lalaking “may kaamuan—upang hindi sila magmalaki . . . , may mapagpakumbabang pag-iisip na ang hangad ay hindi ang itaguyod ang kanilang sarili, kundi ang Kristo—hindi upang ipahayag ang kanilang sariling kaalaman, kundi ang kaniyang Salita na simple at makapangyarihan.” Maliwanag, hindi dapat hangarin kailanman ng mga Kristiyano na magkaroon ng pananagutan upang sapatan ang personal na ambisyon o upang magtamo ng katanyagan, kapangyarihan, at kontrol sa iba. Laging isinasaisip ng mapagpakumbabang tagapangasiwa na ang kaniyang mga pananagutan ay “isang mainam na gawa,” hindi isang itinaas na posisyon upang dulutan ng kaluwalhatian ang kaniyang sarili. (1 Timoteo 3:1, 2) Dapat gawin ng lahat ng matatanda at ministeryal na lingkod ang kanilang buong makakaya upang mapagpakumbabang maglingkod alang-alang sa iba at manguna sa sagradong paglilingkod, anupat nagpapakita ng halimbawa na karapat-dapat tularan ng iba.—1 Corinto 9:19; Galacia 5:13; 2 Timoteo 4:5.
12. Anu-ano ang maaaring itanong sa kanilang sarili ng mga umaabot ng mga pribilehiyo sa kongregasyon?
12 Sinumang kapatid na lalaking umaabot ng mga pribilehiyo ay baka kailangang magtanong sa kaniyang sarili: ‘Humahanap ba ako ng mga pagkakataong maglingkod sa iba, o may hilig akong maghangad na paglingkuran ng iba? Handa ba akong gumanap ng nakatutulong na mga atas na hindi madaling napapansin ng iba?’ Halimbawa, maaaring handang magbigay ng mga pahayag sa kongregasyong Kristiyano ang isang kabataang lalaki ngunit baka nag-aatubili naman siyang tumulong sa mga may-edad na. Baka nasisiyahan siyang makisama sa responsableng mga lalaki sa kongregasyon ngunit atubili namang makibahagi sa gawaing pangangaral. Dapat itanong ng gayong kabataang lalaki sa kaniyang sarili: ‘Pangunahin ko bang pinagtutuunan ng pansin ang mga aspekto ng paglilingkod sa Diyos na nagdudulot ng pagkilala at papuri? Nagsisikap ba akong maging prominente?’ Tiyak na hindi tulad-Kristo ang paghahangad ng personal na kaluwalhatian.—Juan 5:41.
13. (a) Paano makaaapekto sa iba ang halimbawa ng kapakumbabaan ng isang tagapangasiwa? (b) Bakit masasabi na ang kapakumbabaan, o kababaan ng pag-iisip, ay hindi opsyonal para sa isang Kristiyano?
13 Kapag nagsisikap tayong tularan ang kapakumbabaan ni Kristo, nauudyukan tayong maglingkod sa iba. Isaalang-alang ang halimbawa ng isang tagapangasiwa ng sona na nagsusuri sa gawain ng isa sa mga tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Sa kabila ng napakaabalang iskedyul at mabigat na pananagutan, huminto ang tagapangasiwang ito upang tulungan ang isang kabataang lalaki na nahihirapang itama ang mga setting ng isang stitching machine. “Hindi ako makapaniwala!” ang gunita ng kapatid na lalaki. “Sinabi niya na pinatakbo niya ang gayunding uri ng makina nang siya ay isa pang kabataang lalaki na naglilingkod sa Bethel, at naalaala niya kung gaano kahirap makuha ang tamang-tamang mga setting ng makina. Magkasama naming inayos ang makinang iyon sa loob ng ilang panahon bagaman napakaraming iba pang mahahalagang bagay na kailangan niyang gawin. Talagang napahanga ako dahil doon.” Naaalaala pa rin ng kapatid na lalaking iyon, na ngayon ay isa nang tagapangasiwa sa isa sa mga tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova, ang gawang iyon ng kapakumbabaan. Huwag nawa nating madama kailanman na napakatayog natin upang gawin ang hamak na mga bagay o napakahalaga natin upang gawin ang mabababang atas. Sa halip, dapat nating bigkisan ang ating sarili ng “kababaan ng pag-iisip.” Hindi ito opsyonal. Bahagi ito ng “bagong personalidad” na dapat isuot ng isang Kristiyano.—Filipos 2:3; Colosas 3:10, 12; Roma 12:16.
Kung Paano Malilinang ang Tulad-Kristong Pangmalas sa Kadakilaan
14. Paano makatutulong sa atin ang pagbubulay-bulay sa ating kaugnayan sa Diyos at sa ating kapuwa upang malinang ang tamang pangmalas sa kadakilaan?
14 Paano natin malilinang ang tamang pangmalas sa kadakilaan? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa ating kaugnayan sa Diyos na Jehova. Ang kaniyang karingalan, kapangyarihan, at karunungan ay lubhang nagtataas sa kaniya sa daigdig ng hamak na mga tao. (Isaias 40:22) Ang pagbubulay-bulay sa ating kaugnayan sa ating mga kapuwa ay tumutulong din sa atin na malinang ang kababaan ng pag-iisip. Halimbawa, maaaring nakahihigit tayo sa iba sa ilang larangan, ngunit maaaring nakahihigit sila sa mga aspekto ng buhay na lubhang mas mahalaga, o baka taglay ng ating mga kapatid na Kristiyano ang ilang katangian na wala sa atin. Sa katunayan, marami sa mga taong mahalaga sa paningin ng Diyos ay may tendensiyang hindi maging prominente dahil sa kanilang maamo at mapagpakumbabang ugali.—Kawikaan 3:34; Santiago 4:6.
15. Paano ipinakikita ng katapatan ng bayan ng Diyos na walang sinuman ang may dahilan upang makadama na nakahihigit siya sa iba?
15 Ang puntong ito ay angkop na inilalarawan Roma 12:3. *
ng mga karanasan ng mga Saksi ni Jehova na nililitis dahil sa kanilang pananampalataya. Kadalasan, yaong mga itinuturing ng sanlibutan na pangkaraniwan ang nananatiling tapat sa Diyos sa ilalim ng matitinding pagsubok. Ang pagbubulay-bulay sa gayong mga halimbawa ay makatutulong sa atin na manatiling mapagpakumbaba at magtuturo sa atin na ‘huwag mag-isip nang higit tungkol sa ating sarili kaysa sa nararapat isipin.’—16. Paano malilinang ng lahat sa kongregasyon ang kadakilaan bilang pagtulad sa parisang iniwan ni Jesus?
16 Dapat sikapin ng lahat ng Kristiyano, bata at matanda, na linangin ang tulad-Kristong pangmalas sa kadakilaan. Sa kongregasyon, iba’t ibang atas ang dapat gampanan. Huwag kailanman maghinanakit kung hilingan kang gawin ang mga bagay na waring hamak. (1 Samuel 25:41; 2 Hari 3:11) Mga magulang, pinasisigla ba ninyo ang inyong mga anak at mga tin-edyer na masayang gampanan ang anumang atas na ipinagagawa sa kanila, ito man ay sa Kingdom Hall, sa isang asamblea, o sa lugar ng kombensiyon? Nakikita ba nila kayong gumaganap ng hamak na mga atas? Isang kapatid na lalaki, na naglilingkod ngayon sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, ang malinaw na nakaaalaala sa halimbawa ng kaniyang mga magulang. Sinabi niya: “Ang turing nila sa trabahong paglilinis sa Kingdom Hall o sa lugar ng kombensiyon ay nagpapahiwatig sa akin na itinuturing nila itong mahalaga. Madalas silang magboluntaryo upang gampanan ang mga atas na kapaki-pakinabang sa kongregasyon o sa kapatiran, gaano man kababa ang waring tingin sa mga atas na iyon. Nakatulong sa akin ang saloobing ito na maging handang tumanggap ng anumang atas na trabaho dito sa Bethel.”
17. Sa anu-anong paraan maaaring maging pagpapala sa kongregasyon ang mapagpakumbabang mga babae?
17 May kaugnayan sa pag-una sa mga kapakanan ng iba kaysa sa ating sarili, mahusay na halimbawa para sa atin si Esther, na naging reyna ng Imperyo ng Persia noong ikalimang siglo B.C.E. Bagaman nakatira sa palasyo, handa niyang itaya ang kaniyang sariling buhay alang-alang sa bayan ng Diyos, anupat kumilos siya kasuwato ng Kaniyang kalooban. (Esther 1:5, 6; 4:14-16) Anuman ang kanilang mga kalagayan sa kabuhayan, maipakikita ng mga babaing Kristiyano sa ngayon ang saloobing kagaya ng kay Esther sa pamamagitan ng pagpapasigla sa nanlulumo, pagdalaw sa mga maysakit, pakikibahagi sa gawaing pangangaral, at pakikipagtulungan sa matatanda. Tunay ngang isang pagpapala sa kongregasyon ang gayong mapagpakumbabang mga babae!
Ang mga Pagpapala ng Tulad-Kristong Kadakilaan
18. Anu-anong pakinabang ang natatamasa mula sa pagpapakita ng tulad-Kristong kadakilaan?
18 Maraming pakinabang ang matatamasa mo kung pananatilihin mo ang isang tulad-Kristong pangmalas sa kadakilaan. Ang di-makasariling paglilingkod sa iba ay nagdudulot ng kagalakan kapuwa sa kanila at sa iyo. (Gawa 20:35) Habang handa at sabik kang nagpapagal alang-alang sa iyong mga kapatid, napapamahal ka sa kanila. (Gawa 20:37) Higit na mahalaga, ang iyong ginagawang pagtataguyod sa kapakanan ng iyong mga kapuwa Kristiyano ay itinuturing ni Jehova na kalugud-lugod na hain ng papuri sa kaniya.—Filipos 2:17.
19. Ano ang dapat nating maging determinasyon tungkol sa tulad-Kristong pangmalas sa kadakilaan?
19 Kailangang suriin ng bawat isa sa atin ang kaniyang sariling puso at itanong: ‘Ipakikipag-usap ko lamang ba ang paglilinang ng pangmalas ni Kristo sa kadakilaan, o pagsisikapan kong ikapit ito?’ Maliwanag kung ano ang nadarama ni Jehova sa mga palalo. (Kawikaan 16:5; 1 Pedro 5:5) Ipakita nawa ng ating mga kilos na nalulugod tayong ikapit ang tulad-Kristong pangmalas sa kadakilaan, ito man ay sa kongregasyong Kristiyano, sa ating buhay pampamilya, o sa ating araw-araw na pakikitungo sa mga kapuwa tao—anupat ginagawa ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati at ikapupuri ng Diyos.—1 Corinto 10:31.
[Mga talababa]
^ par. 5 Tingnan Ang Bantayan, Nobyembre 1, 1982, pahina 3-7, “Paghahanap ng Tagumpay.”
^ par. 15 Para sa mga halimbawa, tingnan ang 1992 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 181-2, at Ang Bantayan ng Setyembre 1, 1993, pahina 27-31.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Bakit natin dapat iwasan ang makasanlibutang pangmalas sa kadakilaan?
• Paano sinukat ni Jesus ang kadakilaan?
• Paano matutularan ng mga tagapangasiwa ang kapakumbabaan ni Kristo?
• Ano ang makatutulong sa atin upang malinang ang tulad-Kristong kadakilaan?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Kahon sa pahina 17]
Sino ang May Tulad-Kristong Kadakilaan?
Ang isa na nagnanais paglingkuran o ang isa na handang maglingkod?
Ang isa na mas gustong maging tampulan ng pansin o ang isa na tumatanggap ng hamak na mga atas?
Ang isa na nagtataas ng kaniyang sarili o ang isa na nagtataas sa iba?
[Larawan sa pahina 14]
Pagkalaki-laking imahen ni Paraon Amenhotep III
[Larawan sa pahina 15]
Alam mo ba kung ano ang umakay sa pagbagsak ni Haman?
[Mga larawan sa pahina 16]
Humahanap ka ba ng mga pagkakataon upang maglingkod sa iba?