Isang Walang Takot na “Manlalakbay na Nagpapalaganap ng Ebanghelyo”
Isang Walang Takot na “Manlalakbay na Nagpapalaganap ng Ebanghelyo”
INIULAT na sa edad na 18, si George Borrow ay may kabatiran sa 12 wika. Pagkaraan ng dalawang taon, nagawa niyang magsalin “nang walang kahirap-hirap at nang elegante” sa 20 iba’t ibang wika.
Noong 1833 ang lalaking ito na may pambihirang kaloob ay inanyayahan upang kapanayamin ng British and Foreign Bible Society sa London, Inglatera. Palibhasa’y walang maipamasahe subalit determinadong samantalahin ang pagkakataong ito, nilakad ng 30-taóng-gulang na si Borrow ang 180 kilometro mula sa kaniyang bahay sa Norwich sa loob lamang ng 28 oras.
Iniharap sa kaniya ng Bible Society ang isang hamon—ang pag-aralan sa loob ng anim na buwan ang wikang Manchu, na ginagamit sa ilang bahagi ng Tsina. Humiling siya ng isang aklat sa balarila, subalit isang kopya lamang ng Ebanghelyo ni Mateo sa Manchu at isang diksyunaryong Manchu-Pranses ang kaya nilang ibigay sa kaniya. Gayunman, sa loob lamang ng 19 na linggo, sumulat siya sa London, “Natutuhan ko na nang lubos ang Manchu,” gaya ng pagkakasabi niya, sa “tulong ng Diyos.” Lalo pang kahanga-hanga ang tagumpay na ito sapagkat kasabay nito ay napaulat na iwinasto niya ang Ebanghelyo ni Lucas sa Nahuatl, isa sa mga katutubong wika sa Mexico.
Ang Bibliya sa Wikang Manchu
Noong ika-17 siglo, nang unang lumitaw ang Manchu sa nasusulat na anyo, gamit ang isang sulat na hiniram mula sa abakadang Mongolian na Uighur, ito ang wikang ginamit ng pamahalaan ng Tsina. Bagaman hindi na ito gaanong ginagamit sa paglipas ng panahon, sabik ilimbag at ipamahagi ng mga miyembro ng British and Foreign Bible Society ang mga Bibliya sa wikang Manchu. Noong 1822, tinustusan nila ang isang edisyon ng 550 kopya ng Ebanghelyo ni Mateo, na isinalin ni Stepan V. Lipoftsoff. Miyembro siya ng Russian Foreign Office na tumira sa Tsina sa loob ng 20 taon. Inilimbag ito sa St. Petersburg, subalit matapos maipamahagi ang iilang kopya lamang, nasira sa baha ang natitira pa sa mga ito.
Agad itong sinundan ng isang salin ng buong Kristiyanong Griegong Kasulatan. Noong 1834, nagkaroon ng higit na interes sa Bibliya nang matuklasan ang isang sinaunang manuskritong bersiyon ng karamihan sa Hebreong Kasulatan. Sino ang magsasaayos sa rebisyon ng umiiral na Bibliyang Manchu at tatapos sa iba pang bahagi ng salin? Isinugo ng British and Foreign Bible Society si George Borrow upang gawin ang atas na ito para sa kanila.
Patungo sa Russia
Pagdating sa St. Petersburg, gumugol si Borrow ng maraming panahon sa mas malalim na pag-aaral ng Manchu upang ma-proofread at ma-edit niya ang teksto sa Bibliya nang may higit na katumpakan. Magkagayon man, napakahirap ng atas, at nagtrabaho siya nang hanggang 13 oras
isang araw na tumutulong upang mabuo ang tipo para sa The New Testament, na nang maglaon ay inilarawan bilang “isang magandang edisyon ng isang akda ng taga-silangan.” Isang libong kopya ang inilimbag noong 1835. Subalit nabigo ang pinakamimithing plano ni Borrow na dalhin at ipamahagi ang mga ito sa Tsina. Palibhasa’y ikinatatakot ng pamahalaan ng Russia na maaari itong ipalagay na isang gawaing pagmimisyonero na malamang na magsapanganib sa magandang kaugnayang tinatamasa nila sa Tsina, hindi nito pinayagan si Borrow na maglakbay sa hanggahan ng Tsina kung magdadala siya ng “isang Bibliyang Manchu.”Naipamahagi ang ilang kopya pagkalipas ng humigit-kumulang sampung taon, at lumitaw noong 1859 ang mga salin ng mga Ebanghelyo nina Mateo at Marcos na magkatabi ang salin sa wikang Manchu at Tsino. Gayunman nang panahong iyon, mas pinipili ng karamihan ng mga taong nakababasa ng wikang Manchu na magbasa sa wikang Tsino, at naglaho na ang mga pag-asang matapos ang isang Bibliyang Manchu. Sa katunayan, ang Manchu ay hindi na gaanong ginagamit na wika at malapit nang palitan noon ng Tsino. Lubusang naganap ang pagbabago pagsapit ng 1912 nang maging republika ang Tsina.
Ang Iberian Peninsula
Dahil napasigla ng kaniyang mga karanasan, nagbalik si George Borrow sa London. Tumanggap siya ng panibagong atas noong 1835 sa Portugal at Espanya, “upang alamin kung gaano kahanda ang isipan ng mga tao na tanggapin ang mga katotohanan ng Kristiyanismo,” gaya ng pagkakasabi niya nang maglaon. Nang panahong iyon ang dalawang bansa ay hindi pa gaanong naaabot ng British and Foreign Bible Society dahil sa malawakang kaguluhan sa pulitika at lipunan. Nalulugod si Borrow na ipakipag-usap sa mga tao sa mga pamayanan sa lalawigan ng Portugal ang tungkol sa Bibliya, subalit sa loob ng maikling panahon, ang relihiyosong kawalang-interes at pagwawalang-bahala na nakaharap niya roon ay nag-udyok sa kaniya na maglakbay sa Espanya.
Ibang hamon naman ang napaharap sa kaniya sa Espanya, lalo na sa mga taong Hitano na nang maglaon ay naging malapít kay Borrow, yamang nakapagsasalita siya sa kanilang wika. Di-nagtagal pagdating niya, sinimulan niyang isalin ang “Bagong Tipan” sa wikang Kastila ng mga Hitano. Para sa bahagi ng gawaing ito, inanyayahan niya ang dalawang Hitana upang tumulong sa kaniya. Babasahin niya sa kanila ang bersiyong Kastila at pagkatapos ay hihilingan niya sila na isalin ito para sa kaniya. Sa ganitong paraan niya natutuhan ang tamang gamit ng mga idyomang Hitano. Bunga ng pagsisikap na ito, ang Ebanghelyo ni Lucas ay nailathala noong tagsibol ng 1838, anupat napabulalas ang isang obispo: “Kukumbertehin niya ang buong Espanya sa pamamagitan ng wikang Hitano.”
Binigyan ng karapatan si George Borrow na humanap ng “isang taong may kakayahang magsalin ng Kasulatan sa wikang Basque.” Ang atas na iyon ay ibinigay kay Dr. Oteiza, isang manggagamot na “bihasa sa diyalektong iyon, na medyo alam ko rin,” ang sulat ni Borrow. Noong 1838, ang Ebanghelyo ni Lucas ang naging kauna-unahang aklat ng Bibliya na lumitaw sa Kastilang Basque.
Udyok ng kaniyang pagnanais na maliwanagan
ang karaniwang mga tao, nagsagawa si Borrow ng mahaba at kadalasan ay mapanganib na mga paglalakbay upang ipamahagi ang mga aklat ng Bibliya sa mahihirap sa mga pamayanan sa lalawigan. Naisip niyang palayain sila mula sa relihiyosong kawalang-alam at pamahiin. Halimbawa, sa paghahantad sa kawalang-saysay ng mga indulhensiyang binibili nila, nangatuwiran siya: “Posible kayang sang-ayunan ng Diyos, na mabuti, ang pagbebenta ng kasalanan?” Dahil sa takot na ang gayong pagsalakay sa nakatatag nang mga paniniwala ay maaaring humantong sa pagbabawal sa kanilang mga gawain, ipinag-utos sa kaniya ng Bible Society na pagtuunan lamang ng pansin ang pamamahagi ng Kasulatan.Natamo ni Borrow ang bibigang pahintulot na ilimbag ang El Nuevo Testamento, isang Kastilang Bagong Tipan, na hindi kasama ang Romano Katolikong doktrinal na mga nota. Iyan ay sa kabila ng unang pagsalansang ng punong ministro, na naglarawan sa saling ito bilang isang mapanganib at “di-wastong aklat.” Pagkatapos ay nagbukas si Borrow ng isang depo sa Madrid upang ipagbili ang Kastilang Bagong Tipan na ito, isang pagkilos na nagdala sa kaniya sa pakikipagbaka kapuwa sa mga lider ng relihiyon at sa sekular na mga awtoridad. Nabilanggo siya sa loob ng 12 araw. Nang magprotesta siya, hinilingan si Borrow na umalis nang tahimik. Palibhasa’y alam na alam niyang ilegal ang pagkakabilanggo sa kaniya, binanggit niya ang halimbawa ni apostol Pablo at pinili niyang manatili hanggang sa siya ay wastong mapawalang-sala, anupat walang batik sa karangalan na maiuugnay sa kaniyang pangalan.—Gawa 16:37.
Nang umalis sa Espanya ang kanilang masigasig na sugo noong 1840, ang Bible Society ay makapag-uulat: “Halos 14,000 kopya ng Kasulatan ang nasa sirkulasyon sa Espanya sa nakalipas na limang taon.” Palibhasa’y gumanap ng malaking papel dito, binuod ni Borrow ang kaniyang mga karanasan sa Espanya bilang “ang pinakamaliligayang taon sa aking buhay.”
Ang aklat na The Bible in Spain, unang inilathala noong 1842—at inilalathala pa rin—ay ang mismong malinaw at personal na ulat ni George Borrow ng kaniyang mga paglalakbay at pakikipagsapalaran. Sa aklat na ito, na kaagad na naging mabili, tinawag niya ang kaniyang sarili na “manlalakbay na nagpapalaganap ng Ebanghelyo.” Sumulat siya: “Balak kong dalawin ang lihim at nabubukod na mga lugar sa mababatong burol at kabundukan, at makipag-usap sa mga tao, sa aking paraan, tungkol kay Kristo.”
Sa pamamahagi at pagsasalin ng Kasulatan taglay ang gayong kasigasigan, nag-iwan si George Borrow ng saligan para sa iba—isa ngang mahalagang pribilehiyo.
[Mapa sa pahina 29]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang mga pagsisikap ni George Borrow na isalin at ipamahagi ang Bibliya ay nagdala sa kaniya mula sa (1) Inglatera tungo sa (2) Russia, (3) Portugal, at (4) Espanya
[Credit Line]
Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.
[Larawan sa pahina 28]
Ang panimulang pananalita ng Ebanghelyo ni Juan sa Manchu, inilimbag noong 1835, na binabasa mula itaas pababa, mula sa kaliwa pakanan
[Credit Line]
Mula sa aklat na The Bible of Every Land, 1860
[Picture Credit Line sa pahina 27]
Mula sa aklat na The Life of George Borrow ni Clement K. Shorter, 1919