Kailangan ba ang Mabuting Payo?
Kailangan ba ang Mabuting Payo?
SA NGAYON, marami ang naniniwala na kaya nilang malaman ang pagkakaiba ng mabuti at masama at na karapatan nilang gawin ang anumang gusto nila. Sinasabi ng iba na halos lahat ng bagay ay katanggap-tanggap hangga’t nakapagpapasaya ito sa isang tao. Lubhang naaapektuhan ang pag-aasawa at buhay pampamilya, na matagal nang itinuturing bilang pangunahing mga pundasyon ng lipunan ng tao.—Genesis 3:5.
Isaalang-alang si Verónica, * na nakatira sa Mexico. Isinaysay niya: “Noong malapit nang dumating ang ika-15 anibersaryo ng aming kasal, sinabi sa akin ng mister ko na mayroon siyang kinakasamang ibang babae. Sinabi niya na yamang mas bata ang babaing ito at mas maligaya siya rito, hindi niya maiwan ang babae. Nagitla ako nang matanto ko na ang aking pinakamatalik na kaibigan ay hindi ko na makakasama. Akala ko noong una, ang kamatayan ng ating mga minamahal ang pinakamatinding sanhi ng kirot sa buhay. Pero para sa akin, mas matindi ang pangangalunya dahil hindi lamang nawala sa akin ang isa na pinakamamahal ko kundi patuloy pa niyang ginagawa ang mga bagay na nakasasakit sa akin.”
Nariyan din ang kalagayan ng isang 22-taóng-gulang na lalaking diborsiyado na at may anak na lalaki ngunit hindi handang balikatin ang kaniyang mga pananagutan bilang ama. Inaasahan niyang ang kaniyang ina ang mangangalaga sa kaniya at sa kaniyang anak. Kapag hindi sinusunod ng kaniyang ina ang lahat ng kagustuhan niya, galit na galit siya at pinagwiwikaan ito ng masasakit na salita, na kagayang-kagaya ng isang napakapilyong bata. Walang magawa ang kaniyang ina sa harap ng gayong nakasasakit na paggawi.
Karaniwan na ang ganitong mga kalagayan. Dumarami ang legal na paghihiwalay at diborsiyo kahit saan. Nararanasan ng maraming bata ang pag-alis sa tahanan ng isa sa kanilang mga magulang upang magsimula ng panibagong buhay. Ang ilang kabataan naman ay nawalan na ng paggalang sa iba, pati na sa kanilang mga
magulang, at nakikibahagi sa gawaing halos di-sukat akalaing magagawa ng mga kabataan noon. Ang pag-eeksperimento sa sekso, pag-abuso sa droga, pagsalakay ng mga kabataan, at pagpaslang ng mga bata sa mga guro o mga magulang ay waring nagiging karaniwan na lamang sa maraming lupain. At maaaring napapansin mo na hindi lamang ang larangan ng pagpapalaki sa mga anak at pag-aasawa ang nagkakaproblema sa daigdig sa ngayon.Habang nasasaksihan natin ang mga kaganapang ito, maaaring nag-iisip tayo kung ano na nga ba ang nangyayari sa lipunan. Kung talagang alam ng mga tao kung ano ang kaibahan ng mabuti at masama, bakit napakarami pa ring problemang hindi nalulutas? May pangangailangan ba ukol sa mabuting payo? Mayroon bang mapagkukunan ng gayong kapaki-pakinabang na payo, yaong napatunayang mapagkakatiwalaan? Bagaman marami ang nagsasabing naniniwala sila sa Diyos at sa kaniyang nasusulat na Salita, tila wala naman itong impluwensiya sa kanilang mga desisyon. Subalit anu-ano bang mga kapakinabangan ang matatamo natin kapag humihingi at tumatanggap tayo ng payo mula sa Diyos? Isasaalang-alang natin iyan sa susunod na artikulo.
[Talababa]
^ par. 3 Binago ang pangalan.