Kinapopootan Nang Walang Dahilan
Kinapopootan Nang Walang Dahilan
“Kinapootan nila ako nang walang dahilan.”—JUAN 15:25.
1, 2. (a) Bakit nagtataka ang ilan kapag may nagsasalita ng masama laban sa mga Kristiyano, ngunit bakit hindi tayo dapat magtaka sa gayong kapahayagan? (b) Aling diwa ng salitang “poot” ang tatalakayin natin sa artikulong ito? (Tingnan ang talababa.)
PINAGSISIKAPAN ng mga Saksi ni Jehova na mamuhay ayon sa mga simulaing masusumpungan sa Salita ng Diyos. Dahil dito, may mainam silang reputasyon sa maraming lupain. Gayunman, kung minsan ay mali ang ibinibigay na impormasyon tungkol sa kanila. Halimbawa, isang opisyal ng gobyerno sa lunsod ng St. Petersburg, Russia, ang nakaalaala: “Ang mga Saksi ni Jehova ay inilarawan sa amin bilang isang uri ng lihim na sekta na pumapatay ng mga bata at nagpapatiwakal.” Subalit matapos makatrabaho ang mga Saksi ni Jehova may kaugnayan sa isang internasyonal na kombensiyon, ang opisyal ding iyon ay nagsabi: “Ngayon ay nakikita ko ang normal at nakangiting mga tao . . . Sila ay mapapayapa at mahihinahon, at mahal na mahal nila ang isa’t isa.” Idinagdag pa niya: “Hindi ko talaga maintindihan kung bakit nagsasabi ng gayong mga kasinungalingan ang mga tao tungkol sa kanila.”—1 Pedro 3:16.
2 Hindi natutuwa ang mga lingkod ng Diyos kapag sila’y sinisiraang-puri bilang mga manggagawa ng kasamaan, ngunit hindi sila nagtataka kapag nagsasalita ng masama ang mga tao laban sa kanila. Patiunang binabalaan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod: “Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, alam ninyo na napoot ito sa akin bago ito napoot sa inyo. . . . Ito ay upang matupad ang salita na nakasulat sa kanilang Kautusan, ‘Kinapootan nila ako nang walang dahilan.’” * (Juan 15:18-20, 25; Awit 35:19; 69:4) Nauna rito sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Kung tinawag ng mga tao na Beelzebub ang may-bahay, lalo pa nga nilang tatawagin nang gayon ang kaniyang mga kasambahay?” (Mateo 10:25) Nauunawaan ng mga Kristiyano na ang pagbabata ng gayong pandurusta ay bahagi ng “pahirapang tulos” na tinanggap nila nang maging mga tagasunod sila ni Kristo.—Mateo 16:24.
3. Hanggang sa anong antas pinag-uusig ang tunay na mga mananamba?
3 Ang pag-uusig sa tunay na mga mananamba ay matagal nang nangyayari, mula pa noong panahon ng “matuwid na si Abel.” (Mateo 23:34, 35) Ito ay hindi iilang paisa-isang insidente lamang. Sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay magiging “mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga tao” dahil sa kaniyang pangalan. (Mateo 10:22) Karagdagan pa, sumulat si apostol Pablo na lahat ng mga lingkod ng Diyos—pati na ang bawat isa sa atin—ay dapat umasang pag-uusigin din. (2 Timoteo 3:12) Ano ang dahilan nito?
Ang Pinagmumulan ng Di-makatuwirang Pagkapoot
4. Paano isinisiwalat ng Bibliya ang pinagmumulan ng lahat ng di-makatuwirang pagkapoot?
4 Isinisiwalat ng Salita ng Diyos na mula sa pasimula, mayroon nang di-nakikitang manunulsol. Isaalang-alang ang malupit na pagpatay sa unang taong may pananampalataya, si Abel. Sinasabi ng Bibliya na ang kaniyang mapamaslang na kapatid, si Cain, ay “nagmula sa isa na balakyot,” si Satanas na Diyablo. (1 Juan 3:12) Ginaya ni Cain ang saloobin ni Satanas, at ginamit siya ng Diyablo upang isagawa ang balakyot na mga pakana nito. Isinisiwalat din ng Bibliya ang papel ni Satanas sa mabalasik na mga pagsalakay kay Job at kay Jesu-Kristo. (Job 1:12; 2:6, 7; Juan 8:37, 44; 13:27) Maliwanag na tinutukoy ng aklat ng Apocalipsis ang pinagmumulan ng pag-uusig sa mga tagasunod ni Jesus, na sinasabi: “Patuloy na itatapon ng Diyablo ang ilan sa inyo sa bilangguan upang lubos kayong mailagay sa pagsubok.” (Apocalipsis 2:10) Oo, si Satanas ang pinagmumulan ng lahat ng di-makatuwirang pagkapoot laban sa bayan ng Diyos.
5. Ano ang dahilan ng pagkapoot ni Satanas sa tunay na mga mananamba?
5 Ano ang dahilan ng pagkapoot ni Satanas sa tunay na mga mananamba? Sa isang pakana na naghahantad ng sukdulang kahambugan, hinamon ni Satanas ang “Haring walang hanggan,” ang Diyos na Jehova. (1 Timoteo 1:17; 3:6) Iginigiit niya na ang Diyos ay masyadong mahigpit sa kaniyang pamamahala sa kaniyang mga nilalang at na walang naglilingkod kay Jehova taglay ang dalisay na motibo, na ginagawa lamang ito ng mga tao dahil sa sakim na pakinabang. Inaangkin ni Satanas na kung pahihintulutan siyang subukin ang mga tao, kaya niyang italikod silang lahat sa paglilingkod sa Diyos. (Genesis 3:1-6; Job 1:6-12; 2:1-7) Sa paninirang-puri kay Jehova bilang maniniil, sinungaling, at bigo, sinisikap ni Satanas na maging karibal na soberano. Kaya, ang kaniyang pagngangalit laban sa mga lingkod ng Diyos ay udyok ng kaniyang paghahangad na siya’y sambahin.—Mateo 4:8, 9.
6. (a) Paano tayo personal na nasasangkot sa isyu ng soberanya ni Jehova? (b) Paanong ang pagkaunawa sa isyung ito ay tumutulong sa atin na mapanatili ang ating katapatan? (Tingnan ang kahon sa pahina 16.)
6 Nakikita mo ba kung paano naaapektuhan ng isyung ito ang iyong buhay? Bilang lingkod ni Jehova, malamang na batid mong bagaman ang paggawa ng kalooban ng Diyos ay nangangailangan ng marubdob na pagsisikap, nakahihigit naman ang mga kapakinabangan sa paggawa nito. Gayunman, paano kung dahil sa mga kalagayan mo sa buhay ay nagiging mahirap, makirot pa nga, ang patuloy mong pagtalima sa mga kautusan at simulain ni Jehova? At paano kung waring wala ka namang nakukuhang pakinabang sa paggawa nito? Sasabihin mo bang hindi sulit ang patuloy na maglingkod kay Jehova? O pakilusin ka kaya ng iyong pag-ibig kay Jehova at malalim na pagpapahalaga sa kaniyang mariringal na katangian upang patuloy na lumakad sa lahat ng kaniyang mga daan? (Deuteronomio 10:12, 13) Sa pamamagitan ng pagpapahintulot kay Satanas na pahirapan tayo, pinagkakalooban ni Jehova ang bawat isa sa atin ng pagkakataong personal na sagutin ang hamon ni Satanas.—Kawikaan 27:11.
“Kapag Dinudusta Kayo ng mga Tao”
7. Ano ang isang taktika na ginagamit ng Diyablo upang ilayo tayo kay Jehova?
7 Mas masusi nating talakayin ngayon ang isa sa mga tusong pakana na ginagamit ni Satanas sa pagsisikap na patunayan ang kaniyang panig sa isyu—ang paggamit niya ng pandurusta na may kasinungalingan. Tinawag ni Jesus si Satanas na “ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) Ang naglalarawan na pangalang Diyablo, na nangangahulugang “Maninirang-puri,” ay nagpapakilala sa isang iyon bilang pangunahing maninirang-puri laban sa Diyos, sa kaniyang mabuting salita, at sa kaniyang banal na pangalan. Gumagamit ang Diyablo ng mga pasaring, maling mga paratang, at tahasang mga kasinungalingan upang hamunin ang soberanya ni Jehova, at ginagamit niya ang mga taktika ring ito upang siraang-puri ang matapat na mga lingkod ng Diyos. Sa pandurusta sa mga Saksing ito, lalo niyang ginagawang mahirap para sa kanila na batahin ang matinding pagsubok.
8. Paano nagdulot si Satanas ng kadustaan kay Job, at ano ang naging epekto?
8 Isaalang-alang ang sinapit ni Job, na ang pangalan ay nangangahulugang “Tudlaan ng Pagkapoot.” Bukod sa pagiging dahilan ng pagkawala ng kabuhayan ni Job, pagkamatay ng kaniyang mga anak, at pagkakasakit niya, pinalitaw ni Satanas na si Job ay isang makasalanang tao na pinarurusahan ng Diyos. Bagaman lubha siyang iginagalang noon, si Job ay hinamak, maging ng Job 19:13-19; 29:1, 2, 7-11) Karagdagan pa, sa pamamagitan ng huwad na mga mang-aaliw, sinikap ni Satanas na ‘siilin ng mga salita si Job,’ anupat nagpasaring muna na baka nakagawa siya ng malubhang pagkakasala at pagkatapos ay tuwiran nilang hinatulan siya bilang manggagawa ng kamalian. (Job 4:6-9; 19:2; 22:5-10) Talaga ngang nakapanghihina ito ng loob para kay Job!
kaniyang mga kamag-anak at matalik na mga kaibigan. (9. Paano napalitaw na waring makasalanan si Jesus?
9 Bilang pangunahing tagapagtaguyod ng soberanya ni Jehova, ang Anak ng Diyos ay naging pangunahing tudlaan ng pagkapoot ni Satanas. Nang pumarito si Jesus sa lupa, sinikap ni Satanas na siraan siya sa espirituwal na paraan, gaya ng ginawa niya kay Job, anupat pinalilitaw na si Jesus ay makasalanan. (Isaias 53:2-4; Juan 9:24) Tinawag siya ng mga tao na lasenggo at matakaw at sinabi nilang siya ay “may demonyo.” (Mateo 11:18, 19; Juan 7:20; 8:48; 10:20) Siya ay may-kabulaanang pinaratangan ng pamumusong. (Mateo 9:2, 3; 26:63-66; Juan 10:33-36) Nakabagabag ito kay Jesus, sapagkat alam niyang magdudulot ito ng di-makatarungang upasala sa kaniyang Ama. (Lucas 22:41-44) Sa wakas, ibinayubay si Jesus bilang isang isinumpang kriminal. (Mateo 27:38-44) Sa pagpapanatili ng sakdal na katapatan, binata ni Jesus ang maraming “pasalungat na pananalita ng mga makasalanan.”—Hebreo 12:2, 3.
10. Paano naging puntirya ni Satanas sa makabagong panahon ang nalabing mga pinahiran?
10 Sa makabagong panahon, ang mga nalabi sa pinahirang mga tagasunod ni Kristo ay naging mga tudlaan din ng pagkapoot ng Diyablo. Si Satanas ay inilarawan bilang “tagapag-akusa sa . . . mga kapatid [ni Kristo], na siyang umaakusa sa kanila araw at gabi sa harap ng ating Diyos.” (Apocalipsis 12:9, 10) Mula nang palayasin siya sa langit at panatilihin na lamang sa kapaligiran ng lupa, pinag-ibayo ni Satanas ang kaniyang mga pagsisikap upang palitawin ang mga kapatid ni Kristo bilang kasuklam-suklam na mga itinakwil. (1 Corinto 4:13) Sa ilang bansa, sila ay may-paninirang-puring tinatawag na mapanganib na sekta, tulad ng itinawag sa mga Kristiyano noong unang siglo. (Gawa 24:5, 14; 28:22) Gaya ng binanggit sa pasimula, sila ay sinisiraang-puri sa pamamagitan ng walang katotohanang mga propaganda. Gayunman, “sa pamamagitan ng kaluwalhatian at kasiraang-puri, sa pamamagitan ng masamang ulat at mabuting ulat,” ang pinahirang mga kapatid ni Kristo, na sinusuportahan ng kanilang mga kasamahang “ibang mga tupa,” ay mapagpakumbabang nagsisikap na ‘tuparin ang mga utos ng Diyos at magpatotoo tungkol kay Jesus.’—2 Corinto 6:8; Juan 10:16; Apocalipsis 12:17.
11, 12. (a) Ano ang maaaring dahilan ng ilang pandurusta na dinaranas ng mga Kristiyano? (b) Sa anu-anong paraan maaaring magdusa nang di-makatarungan ang isang Kristiyano dahil sa kaniyang pananampalataya?
11 Sabihin pa, hindi lahat ng pandurusta na dinaranas ng indibiduwal na mga lingkod ng Diyos ay “dahil sa katuwiran.” (Mateo 5:10) Ang ilang problema ay maaaring bunga ng ating sariling mga di-kasakdalan. Walang pantanging kapurihan kung tayo ay ‘nagkakasala at sinasampal, binabata natin iyon.’ Gayunman, kung ang isang Kristiyano “dahil sa budhi ukol sa Diyos, ay nagtitiis sa ilalim ng mga bagay na nakapipighati at nagdurusa nang di-makatarungan, ito ay kaayaayang bagay” sa paningin ni Jehova. (1 Pedro 2:19, 20) Sa ilalim ng anong mga kalagayan ito maaaring mangyari?
12 Ang ilan ay pinakitunguhan nang may pang-aabuso dahil tumanggi silang makibahagi sa di-makakasulatang mga kaugalian sa libing. (Deuteronomio 14:1) Naging tampulan ng walang-tigil na berbal na pang-aabuso ang mga kabataang Saksi dahil sa panghahawakan sa moral na mga pamantayan ni Jehova. (1 Pedro 4:4) May-kamaliang binansagan na “pabaya” o “mapang-abuso” ang ilang magulang na Kristiyano dahil humihiling sila ng paggagamot na walang dugo para sa kanilang mga anak. (Gawa 15:29) Ang mga Kristiyano ay itinakwil ng kanilang mga kamag-anak at mga kapitbahay dahil lamang sa pagiging mga lingkod ni Jehova. (Mateo 10:34-37) Ang lahat ng gayong indibiduwal ay sumusunod sa parisan ng di-makatarungang pagdurusa na ipinakita ng mga propeta at ni Jesus mismo.—Mateo 5:11, 12; Santiago 5:10; 1 Pedro 2:21.
Pagbabata sa Ilalim ng Pandurusta
13. Ano ang makatutulong sa atin na mapanatili ang ating espirituwal na pagkatimbang kapag napapaharap tayo sa matinding pandurusta?
13 Kapag napapaharap tayo sa matinding pandurusta dahil sa ating pananampalataya, baka masiraan tayo ng loob, gaya ni propeta Jeremias, at ating madama na hindi na natin kayang magpatuloy sa paglilingkod sa Diyos. (Jeremias 20:7-9) Ano ang makatutulong sa atin na mapanatili ang ating espirituwal na pagkatimbang? Sikaping tingnan ang mga bagay-bagay mula sa pangmalas ni Jehova. Itinuturing niyang mga nagtagumpay at hindi mga biktima ang mga nananatiling matapat sa ilalim ng pagsubok. (Roma 8:37) Sikaping ilarawan sa iyong isipan ang mga nagtaguyod ng soberanya ni Jehova sa kabila ng bawat paghamak ng Diyablo laban sa kanila—mga lalaki at babae na gaya nina Abel, Job, ang ina ni Jesus na si Maria, at iba pang tapat na mga tao noong sinauna, gayundin ang ating mga kapuwa lingkod sa makabagong panahon. (Hebreo 11:35-37; 12:1) Bulay-bulayin ang kanilang landasin ng katapatan. Inaanyayahan tayo ng malaking ulap ng matapat na mga indibiduwal na iyan na sumama sa kanila sa hanay ng mga nanaig sa sanlibutan sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya.—1 Juan 5:4.
14. Paano tayo mapalalakas ng marubdob na pananalangin upang manatiling tapat?
14 Kapag ang ‘ating mga nakababalisang kaisipan ay dumami sa loob natin,’ maaari tayong bumaling kay Jehova sa marubdob na panalangin, at kaniya tayong aaliwin at palalakasin. (Awit 50:15; 94:19) Pagkakalooban niya tayo ng karunungan na kailangan natin upang maharap ang pagsubok at tutulungan niya tayong manatiling nakatuon ang pansin sa malaking isyu, ang soberanya ni Jehova, na siyang dahilan ng di-makatuwirang pagkapoot sa kaniyang mga lingkod. (Santiago 1:5) Maaari rin tayong pagkalooban ni Jehova ng “kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.” (Filipos 4:6, 7) Ang bigay-Diyos na kapayapaang ito ay tumutulong sa atin na manatiling mahinahon at matatag sa harap ng matinding panggigipit, anupat hindi nagpapadala sa pag-aalinlangan o takot. Sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, aalalayan tayo ni Jehova upang makayanan natin ang anumang ipinahihintulot niyang sumapit sa atin.—1 Corinto 10:13.
15. Ano ang makatutulong sa atin na maiwasang maghinanakit kapag nagdurusa tayo?
15 Ano ang makatutulong upang hindi tayo malipos ng paghihinanakit sa mga napopoot sa atin nang walang dahilan? Tandaan na ang ating pangunahing mga kaaway ay si Satanas at ang mga demonyo. (Efeso 6:12) Bagaman kusa at sinasadya tayong pinag-uusig ng ilang tao, marami sa mga sumasalansang sa bayan ng Diyos ang gumagawa nito dahil sa kawalang-alam o pagmamanipula ng iba. (Daniel 6:4-16; 1 Timoteo 1:12, 13) Nais ni Jehova na “lahat ng uri ng mga tao” ay magkaroon ng pagkakataong “maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:4) Sa katunayan, ang ilang dating mga mananalansang ay mga Kristiyanong kapatid na natin ngayon dahil naobserbahan nila ang ating walang-kapintasang paggawi. (1 Pedro 2:12) Karagdagan pa, maaari tayong matuto mula sa halimbawa ng anak ni Jacob na si Jose. Bagaman nagdusa nang malaki si Jose dahil sa kaniyang mga kapatid sa ama, hindi siya nagkimkim ng poot sa kanila. Bakit? Dahil naunawaan niya na kasangkot si Jehova sa bagay na iyon, anupat minamaniobra ang mga pangyayari upang matupad ang Kaniyang layunin. (Genesis 45:4-8) Maaari ring pangyarihin ni Jehova na magdulot ng kaluwalhatian sa kaniyang pangalan ang anumang di-makatarungang pagdurusa na puwede nating danasin.—1 Pedro 4:16.
16, 17. Bakit hindi tayo dapat mabalisa sa mga pagsisikap ng mga mananalansang na hadlangan ang gawaing pangangaral?
16 Hindi tayo dapat labis na mabahala kung sa loob ng ilang panahon ay waring nagtatagumpay ang mga mananalansang sa paghadlang sa pagsulong ng mabuting balita. Inuuga na ngayon ni Jehova ang mga bansa sa pamamagitan ng pangglobong pagpapatotoo, at ang mga kanais-nais na bagay ay dumarating. (Hagai 2:7) Si Kristo Jesus, ang Mabuting Pastol, ay nagsabi: “Ang aking mga tupa ay nakikinig sa aking tinig, at kilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. At binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan, . . . at walang sinumang aagaw sa kanila mula sa aking kamay.” (Juan 10:27-29) Nasasangkot din ang banal na mga anghel sa malaking espirituwal na pag-aani. (Mateo 13:39, 41; Apocalipsis 14:6, 7) Samakatuwid, walang anumang bagay na sinasabi o ginagawa ang mga mananalansang na makabibigo sa layunin ng Diyos.—Isaias 54:17; Gawa 5:38, 39.
17 Madalas, nababaligtad ang epekto ng mga pagsisikap ng mga mananalansang. Sa isang komunidad sa Aprika, maraming napakasamang kasinungalingan ang ikinalat tungkol sa mga Saksi ni Jehova, pati na ang bagay na sila raw ay mga mananamba ng Diyablo. Dahil dito, tuwing dumadalaw ang mga Saksi, tumatakbo si Grace sa likod ng kaniyang bahay at nagtatago hanggang sa umalis sila. Isang araw, ipinakita ng pastor sa kaniyang simbahan ang isa sa ating mga publikasyon at sinabi sa lahat na huwag babasahin ito dahil magiging dahilan ito para iwan nila ang kanilang pananampalataya. Napukaw nito ang pagkamausisa ni Grace. Nang sumunod na dumalaw ang mga Saksi, sa halip na magtago, nakipag-usap siya sa kanila at tumanggap ng kaniyang personal na kopya ng publikasyon. Isang pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan, at noong 1996 ay nabautismuhan siya. Ginagamit ngayon ni Grace ang kaniyang panahon upang hanapin ang iba pa na maaaring nakatanggap ng maling impormasyon tungkol sa mga Saksi ni Jehova.
Patibayin na Ngayon ang Iyong Pananampalataya
18. Bakit natin kailangang patibayin ang ating pananampalataya bago bumangon ang matitinding pagsubok, at paano natin ito magagawa?
18 Yamang maaaring biglaang sumalakay si Satanas anumang oras sa pamamagitan ng di-makatuwirang pagkapoot, napakahalagang patibayin na natin ngayon ang ating pananampalataya. Paano natin ito magagawa? Isang ulat mula sa isang bansa kung saan pinag-uusig ang bayan ni Jehova ang nagsabi: “Isang bagay ang naging napakaliwanag: Yaong may mabuting espirituwal na mga kaugalian at matinding pagpapahalaga sa katotohanan na nasa Bibliya ay walang problema sa paninindigang matatag pagdating ng mga pagsubok. Subalit yaong mga pumapalya sa mga pulong sa ‘kaayaayang kapanahunan,’ di-regular sa paglilingkod sa larangan, at nagkokompromiso sa maliliit na isyu ay kadalasang nabubuwal sa ilalim ng ‘maapoy’ na 2 Timoteo 4:2) Kung may makita kang mga pitak na kailangan mong pasulungin, sikapin mong gawin ito kaagad.—Awit 119:60.
pagsubok.” (19. Ano ang naisasakatuparan ng katapatan ng mga lingkod ng Diyos sa harap ng di-makatuwirang pagkapoot?
19 Ang katapatan ng tunay na mga mananamba sa ilalim ng salot ng satanikong pagkapoot ay isang buháy na patotoo sa pagiging nararapat, karapat-dapat, at sa pagiging matuwid ng soberanya ni Jehova. Ang kanilang katapatan ay nagpapasaya sa puso ng Diyos. Bagaman maaaring dustain sila ng mga tao, ang isa na ang dangal ay mataas sa lupa at langit ay ‘hindi nahihiya na matawag siyang kanilang Diyos.’ Sa katunayan, hinggil sa gayong mga matapat, angkop na masasabi: “Ang sanlibutan ay hindi naging karapat-dapat sa kanila.”—Hebreo 11:16, 38.
[Talababa]
^ par. 2 Sa Kasulatan, may bahagyang pagkakaiba-iba ng kahulugan ang salitang “poot.” Sa ilang konteksto, nangangahulugan lamang ito ng hindi gaanong ibigin. (Deuteronomio 21:15, 16) Ang “poot” ay maaari ring tumukoy sa matinding pagkamuhi ngunit walang anumang layunin na saktan ang kinapopootan, sa halip ay sinisikap itong iwasan dahil sa pagkarimarim dito. Gayunman, ang salitang “poot” ay maaari ring magpahiwatig ng matindi at patuluyang pakikipag-alit na kadalasang may kasamang masamang hangarin. Ang diwang ito ng salita ang tinatalakay sa artikulong ito.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Ano ang nasa likod ng di-makatuwirang pagkapoot sa tunay na mga mananamba?
• Paano ginamit ni Satanas ang pandurusta sa pagsisikap na sirain ang katapatan ni Job at ni Jesus?
• Paano tayo pinalalakas ni Jehova upang makatayong matatag sa harap ng satanikong pagkapoot?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Kahon/Larawan sa pahina 16]
Naunawaan Nila ang Tunay na Isyu
Isang Saksi ni Jehova sa Ukraine, kung saan ipinagbawal ang pangangaral ng Kaharian sa loob ng mahigit na 50 taon, ang nagsabi: “Ang kalagayan ng mga Saksi ni Jehova ay hindi dapat suriin sa pamamagitan lamang ng pakikitungo ng ibang mga tao sa atin. . . . Ginagawa lamang ng karamihan sa mga opisyal ang kanilang trabaho. Kapag nagpapalit ng pamahalaan, nagpapalit din ng pinagpapakitaan ng katapatan ang mga opisyal, ngunit hindi kami nagbabago. Naunawaan namin na ang tunay na pinagmumulan ng aming mga problema ay isiniwalat na sa Bibliya.
“Hindi namin itinuring ang aming sarili na inosenteng mga biktima lamang ng mapaniil na mga tao. Ang nakatulong sa amin na magbata ay ang malinaw na pagkaunawa sa isyu na ibinangon sa hardin ng Eden—ang isyu ng karapatan ng Diyos na mamahala. . . . Nanindigan kami sa isang isyu na nauugnay hindi lamang sa personal na kapakanan ng mga tao kundi sa kapakanan din ng Soberano ng uniberso. Mas matayog ang pagkaunawa namin sa tunay na mga isyung nasasangkot. Ito ang nagpalakas sa amin at nakatulong para mapanatili namin ang aming katapatan maging sa ilalim ng pinakamatitinding kalagayan.”
[Larawan]
Si Victor Popovych, inaresto noong 1970
[Larawan sa pahina 13]
Sino ang nasa likod ng pandurustang dinanas ni Jesus?
[Mga larawan sa pahina 15]
Itinaguyod nina Job, Maria, at ng mga lingkod ng Diyos sa makabagong panahon, gaya ni Stanley Jones, ang soberanya ni Jehova