Nakikinig sa Mabuting Balita ang mga Katutubo sa Mexico
Nakikinig sa Mabuting Balita ang mga Katutubo sa Mexico
NOONG Nobyembre 10, 2002, isang grupo ng Mixe, mga katutubo ng Mexico, ang nagtipon sa San Miguel, Quetzaltepec. Isa itong bayan sa magandang timugang estado ng Oaxaca. Ang grupo ay dumadalo sa isang pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Ang tampok na bahagi ng programa sa umagang iyon ay isang drama sa Bibliya.
Nang marinig ang panimulang mga salita ng drama sa Bibliya, lubhang namangha ang mga tagapakinig. Nagsimula silang magpalakpakan, at marami sa kanila ang lumuha. Iniharap ang drama sa wikang Mixe! Nang matapos ito, marami ang nagpahayag ng lubos na pagpapahalaga sa di-inaasahang pagpapalang ito. “Sa kauna-unahang pagkakataon, naunawaan ko ang drama. Naantig nito ang aking puso,” ang sabi ng isa. “Puwede na akong mamatay ngayon nang maligaya dahil ipinahintulot ni Jehova na marinig ko ang drama sa aking sariling wika,” ang sabi ng isa pa.
Ang nangyari nang umagang iyon ay bahagi ng marubdob na pagsisikap na pinasimulan kamakailan ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico upang ipaabot sa mga katutubo ang mabuting balita ng Kaharian.—Mateo 24:14; 28:19, 20.
Pinakinggan ni Jehova ang mga Panalangin
May mahigit na 6,000,000 katutubo sa Mexico—sapat na upang bumuo sila ng kanilang sariling bansa, isang bansa na may sari-saring kultura at may 62 iba’t ibang wika. Labinlima sa mga wikang iyon ang ginagamit ng mahigit sa tig-100,000 katao. Mahigit sa 1,000,000 katutubo ang hindi nakapagsasalita ng Kastila, ang opisyal na wika ng Mexico. At hinggil sa mga nakapagsasalita ng Kastila, marami ang mas madaling matututo ng katotohanan sa Bibliya sa kanilang sariling wika. (Gawa 2:6; 22:2) Ang ilan ay nag-aaral ng Bibliya at palagian nang dumadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong sa loob ng maraming taon, subalit limitado lamang ang kanilang kaunawaan. Kaya sa loob ng ilang panahon ay ipinananalangin nilang marinig ang mensahe ng katotohanan sa kanilang sariling wika.
Upang harapin ang hamong ito, pinasimulan ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico noong 1999 na gumawa ng mga kaayusan upang idaos ang mga pulong ng kongregasyon sa mga wika ng mga katutubo. Binuo rin ang mga pangkat sa pagsasalin. Pagsapit ng taóng 2000, ang drama sa pandistritong kombensiyon ay iniharap sa wikang Maya at nang maglaon ay sa ilan pang wika.
Ang sumunod na hakbang na ginawa ay ang pagsasalin ng mga pantulong sa pag-aaral sa Bibliya na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova. Una, ang brosyur na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman! ay isinalin sa Huave, Maya, Mazatec, Totonac, Tzeltal, at Tzotzil. Marami pang publikasyon ang isinalin, kasama na ang regular na edisyon ng Ating Ministeryo sa Kaharian sa wikang Maya. Gumawa rin ng mga rekording ng ilang publikasyon sa audiocassette. Upang turuan ang mga katutubo na bumasa at sumulat sa kanilang sariling wika, isang brosyur na pinamagatang Apply Yourself to Reading and Writing ang ginamit sa kanilang lugar. Ang mga literatura sa Bibliya ay kasalukuyang
inilalathala sa 15 wika ng mga katutubo, at marami pang publikasyon ang ilalathala.‘Ginagawa ang Buong Makakaya’
Hindi madali ang gawaing pagsasalin. Ang isa sa mga dahilan ay kakaunti lamang ang sekular na literatura na inililimbag sa katutubong mga wika ng Mexico. Kalimitan, isang hamon na humanap ng mga diksyunaryo. Gayundin, maraming diyalekto ang ilan sa mga wika. Halimbawa, sa Zapotec lamang, may di-kukulangin sa limang diyalekto ang sinasalita. Naging lubhang magkakaiba ang mga diyalektong ito anupat hindi magkaintindihan ang mga Zapotec na nagmula sa iba’t ibang lugar.
Karagdagan pa, kung walang itinakdang mga pamantayan sa isang wika, kailangang gumawa ng sarili nilang mga pamantayan ang mga tagapagsalin. Nangangailangan ito ng maraming pagsasaliksik at pagsasanggunian. Hindi kataka-taka na nadama ng marami sa kanila ang gaya ng nadama ni Élida, mula sa pangkat ng wikang Huave! Naaalaala niya: “Nang anyayahan ako sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico upang magsalin, dalawang bagay ang nadama ko—kagalakan at pangamba.”
Ang mga tagapagsalin ay kailangan ding matuto ng mga kasanayan sa computer, pag-iiskedyul, at mga pamamaraan sa pagsasalin. Talagang malaking hamon para sa kanila ang gawain. Ano ang nadarama nila hinggil dito? Ganito ang tugon ni Gloria, na kabilang sa pangkat ng wikang Maya: “Hindi namin mailarawan ang aming kagalakan sa pagkakaroon ng bahagi sa pagsasalin ng mga publikasyon sa Bibliya sa Maya, ang aming katutubong wika.” At ganito ang napansin ng isang tagapangasiwa sa Departamento ng Pagsasalin hinggil sa mga tagapagsalin: “Napakasidhi ng kanilang pagnanais na maisalin sa kanilang wika ang mga publikasyon sa Bibliya anupat ginagawa nila ang kanilang buong makakaya upang harapin ang hamon.” Sulit naman ba ang mga pagsisikap?
“Salamat, Jehova!”
Kitang-kita ang pagpapala ni Jehova sa gawain sa larangan ng mga katutubo. Tumaas ang bilang ng mga dumadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong at asamblea. Halimbawa, noong 2001, nagtipon ang 223 Saksing nagsasalita ng Mixe upang ipagdiwang ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Gayunman, ang kabuuang bilang ng dumalo ay 1,674—pito at kalahating ulit ng bilang ng mga Saksi!
Ang katotohanan ay madali nang maunawaan sa ngayon ng ilang taong tumatanggap dito sa pasimula pa lamang. Naaalaala ni Mirna ang nangyari sa kaniya bago pa maidaos ang mga pulong sa wikang Maya. “Nabautismuhan ako pagkatapos mag-aral ng Bibliya sa loob ng tatlong buwan,” ang sabi niya. “Alam kong dapat akong magpabautismo, subalit aaminin kong hindi ko talaga lubusang nauunawaan ang mga katotohanan sa Bibliya gaya ng nararapat. Sa palagay ko, ang dahilan nito ay sapagkat Maya ang aking katutubong wika, at hindi ko gaanong nauunawaan ang Kastila. Lumipas pa ang ilang panahon bago ko lubusang naunawaan ang katotohanan.” Sa ngayon, siya at ang kaniyang asawa ay nagagalak na maging kabilang sa pangkat ng mga tagapagsalin sa wikang Maya.
Para sa lahat ng kabilang sa kongregasyon, lubhang nakagagalak na tumanggap ng mga publikasyon sa kanilang sariling wika. Nang ilabas ang bagong-saling brosyur na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman! sa wikang Tzotzil, niyakap ito ng isang babae na dumadalo na sa mga Kristiyanong pagpupulong at bumulalas:
“Salamat, Jehova!” Ipinakikita ng mga ulat na maraming estudyante sa Bibliya ang mas mabilis na sumusulong tungo sa pagpapabautismo, ang di-aktibong mga mamamahayag ay natutulungang maging aktibong muli, at nadarama ng maraming Kristiyanong kapatid na lalaki na kuwalipikado na silang tumanggap ng mga pananagutan sa kongregasyon. Ang ilang may-bahay ay mas handang tumanggap ng literatura sa Bibliya sa kanilang sariling wika at pag-aralan ito.Sa isang pagkakataon, magdaraos sana ng pag-aaral sa Bibliya ang isang Saksi, subalit wala sa bahay ang estudyante. Nang lumabas ng pinto ang asawang lalaki, iminungkahi ng Saksi na babasahin niya sa kaniya ang isang bahagi ng brosyur. “Ayoko ng anuman,” ang sagot nito. Sinabi ng sister sa wikang Totonac na ang brosyur ay inilathala sa kanilang wika. Sa pagkarinig nito, kumuha ang lalaki ng upuan at naupo. Habang binabasahan siya ng sister, paulit-ulit nitong sinasabi, “Totoo ‘yan. Oo, totoo ‘yan.” Dumadalo na siya ngayon sa Kristiyanong mga pulong.
Sa Yucatán, salansang sa katotohanan ang asawang lalaki ng isang Saksi at kung minsan, binubugbog siya nito pag-uwi niya mula sa mga pulong. Nang pasimulang idaos ang mga pulong sa wikang Maya, ipinasiya niyang anyayahan ito. Dumalo siya at talagang nasiyahan sa mga pulong. Sa ngayon, regular na siyang dumadalo sa mga pulong, nag-aaral na ng Bibliya at, siyempre, hindi na niya binubugbog ang kaniyang asawa.
Sinabi ng isang lalaking nagsasalita ng Totonac sa dalawang Saksi na hindi siya kailanman nananalangin dahil sinabi sa kaniya ng paring Katoliko na nakikinig lamang ang Diyos sa mga panalangin sa wikang Kastila. Sa katunayan, kailangan pa niyang magbayad sa pari upang ipanalangin nito ang mga Totonac. Ipinaliwanag ng mga Saksi na 2 Cronica 6:32, 33; Awit 65:2.
nakikinig ang Diyos sa mga panalangin sa anumang wika, at binigyan nila siya ng isang brosyur sa wikang Totonac, na buong kagalakan naman niyang tinanggap.—“Kualtsin Tajtoua”
Palibhasa’y labis na natutuwa sa mga pagsulong na ito, maraming mamamahayag ng Kaharian ang nagsisikap na matuto ng wika ng mga katutubo o mapasulong pa ang kaalaman nila sa isa sa mga wikang ito. Ganito mismo ang ginagawa ng isang tagapangasiwa ng sirkito na naglilingkod sa limang kongregasyon na gumagamit ng wikang Nahuatl sa hilagang Puebla. Inilahad niya: “Ang mga bata na dating nakakatulog sa mga pulong ay alistung-alisto at nakikinig na mabuti kapag nagsasalita ako sa Nahuatl. Pagkatapos ng isang pulong, isang apat-na-taóng-gulang na bata ang lumapit sa akin at nagsabi: ‘Kualtsin tajtoua’ (ang galing po ninyong magsalita). Nadama kong sulit ang aking mga pagsisikap dahil dito.”
Oo, ang larangan ng mga nagsasalita ng wika ng mga katutubo ay talagang “mapuputi na para sa pag-aani,” at lubhang napatitibay ang lahat ng nakikibahagi rito. (Juan 4:35) Binuod ito ni Roberto, na siyang nag-organisa sa mga pangkat sa pagsasalin, sa ganitong mga pananalita: “Isang di-malilimot na karanasan na makitang lumuluha ang mga kapatid dahil sa kagalakan habang pinakikinggan nila ang katotohanan sa kanilang katutubong wika at nakukuha ang diwa nito. Nagiging emosyonal ako kapag iniisip ko ang hinggil sa bagay na ito.” Walang alinlangan, ang pagtulong sa taimtim na mga taong ito na pumanig sa Kaharian ay nagdudulot din ng kagalakan sa puso ni Jehova.—Kawikaan 27:11.
[Kahon sa pahina 10, 11]
Kilalanin ang Ilan sa mga Tagapagsalin
● “Itinuro sa akin ng mga magulang ko ang katotohanan mula nang magkaisip ako. Nakalulungkot, nang ako ay 11 taóng gulang, iniwan ng aking tatay ang kongregasyong Kristiyano. Pagkalipas ng dalawang taon, iniwan kami ng aming nanay. Dahil ako ang panganay sa limang magkakapatid, kailangan kong balikatin ang mga pananagutan ng aking nanay, bagaman nag-aaral pa ako.
“Maibigin kaming sinuportahan ng aming espirituwal na mga kapatid, subalit mahirap ang buhay. Nag-iisip ako kung minsan: ‘Bakit nangyayari ito sa akin? Napakabata ko pa!’ Sa tulong lamang ni Jehova kung kaya ko napagtagumpayan ito. Nang makatapos ako ng haiskul, naging buong-panahong ministro ako, at nakatulong ito nang malaki sa akin. Nang buuin ang pangkat ng mga tagapagsalin sa Nahuatl, naanyayahan akong maging bahagi nito.
“Nakabalik na ang tatay ko sa kongregasyon, at ang nakababata kong mga kapatid ay naglilingkod kay Jehova. Sulit ang mga pagsisikap ko na manatiling tapat kay Jehova. Lubos niyang pinagpala ang aking pamilya.”—Alicia.
● “Isang kamag-aral na Saksi ang nagtalumpati hinggil sa pinagmulan ng buhay. Lumiban ako sa klaseng iyon at nababahala ako hinggil sa pagsusulit, kaya hiniling ko sa kaniya na ipaliwanag sa akin ang hinggil sa paksa. Madalas kong itanong noon kung bakit namamatay ang mga tao. Nang ialok niya sa akin ang aklat na Creation * at isang pag-aaral sa Bibliya, tinanggap ko ito. Lubha akong naantig sa layunin at pag-ibig ng Maylalang.
“Nang makatapos ako sa pag-aaral, nagkaroon ako ng pagkakataong maging guro ng dalawang wika, ang Kastila at Tzotzil. Subalit kakailanganin kong lumayo, mag-aral sa mga dulo ng sanlinggo, at lumiban sa mga Kristiyanong pagpupulong. Sa halip, nagtrabaho ako bilang tagapaglatag ng ladrilyo. Talagang hindi nagustuhan ng tatay ko, na hindi Saksi, ang aking desisyon. Nang maglaon, samantalang naglilingkod ako bilang ministrong payunir, inorganisa ang isang pangkat upang magsalin ng literatura sa Bibliya sa wikang Tzotzil. Pinasigla ako na makibahagi rito.
“Nalalaman kong ang pagkakaroon ng mga kapatid ng mga publikasyon sa kanilang sariling wika ay nagpapadama sa kanila na sila’y pinahahalagahan at pinararangalan. Talagang kasiya-siya ito. Itinuturing kong malaking karangalan na tanggapin ang atas na ito.”—Humberto.
● “Nang anim na taóng gulang ako, iniwan kami ng aming nanay. Noong tin-edyer ako, nagsimulang makipag-aral ng Bibliya ang aking tatay sa mga Saksi ni Jehova. Isang araw, inalukan ako ng isang sister ng pag-aaral sa Bibliya na naglalakip ng payo para sa mga kabataan. Bilang isang tin-edyer na walang nanay, inisip kong ito mismo ang kailangang-kailangan ko. Nabautismuhan ako sa edad na 15.
“Noong 1999, ang tatay ko ay pinatay ng ilang masasamang tao na gustong umangkin sa kaniyang lupa. Nanlumo ako. Dumanas ako ng matinding depresyon at nadama kong hindi ko na kaya pang mabuhay. Subalit patuloy akong nanalangin kay Jehova ukol sa lakas. Lubos akong pinatibay ng naglalakbay na tagapangasiwa at ng kaniyang asawa. Naging regular pioneer ako nang maglaon.
“Sa isang pagkakataon, napansin kong may ilan na naglakad nang anim na oras para lamang makinig sa 20-minutong pahayag sa wikang Totonac, bagaman ang natitirang bahagi ng pulong ay sa wikang Kastila, na hindi nila nauunawaan. Kaya nga, tuwang-tuwa ako nang ako’y maanyayahang tumulong sa pagsasalin ng mga publikasyon sa Bibliya sa wikang Totonac.
“Sinasabi ko noon sa aking tatay na pinapangarap kong maglingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Sinabi niya sa akin na malayong mangyari ito dahil sa dalaga ako at napakabata ko pa. Kapag binuhay siyang muli, tiyak na matutuwa siyang malaman na nagawa ko ito, na nagsasalin ng literatura sa Bibliya sa aming wika!”—Edith.
[Talababa]
^ par. 28 Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova noong 1985.
[Larawan sa pahina 9]
Pinag-uusapan ng mga kabilang sa pangkat ng mga tagapagsalin sa wikang Tzotzil ang isang salita na mahirap isalin