Natatandaan Mo Ba?
Natatandaan Mo Ba?
Pinahalagahan mo ba ang pagbabasa sa katatapos na mga isyu ng Ang Bantayan? Bakit hindi tingnan kung masasagot mo ang sumusunod na mga tanong?
• Ano ang Complutensian Polyglot, at bakit ito mahalaga?
Ito ang inilimbag na Bibliya sa maraming wika na inilagay na magkakatabi sa mga tudling ang pinakamainam na teksto na makukuha noon sa wikang Hebreo, Griego, at Latin, pati na ang ilang bahagi sa Aramaiko. Isang malaking hakbang sa paggawa ng mas tumpak na teksto sa orihinal na mga wika ang Bibliyang polyglot na ito.—4/15, pahina 28-31.
• Paano mapasasaya ng mga tao ang Diyos?
Bilang isang tunay at nabubuhay na persona, si Jehova ay may kakayahang mag-isip, kumilos, at magpamalas ng damdamin. Siya ang “maligayang Diyos” at nalulugod siya sa pagsasakatuparan ng kaniyang layunin. (1 Timoteo 1:11; Awit 104:31) Habang lalo tayong nagiging sensitibo sa damdamin ng Diyos, lalo naman tayong nagkakaroon ng kabatiran sa maaari nating gawin upang mapasaya ang kaniyang puso.—5/15, pahina 4-7.
• Bakit pinahintulutan ni David ang kaniyang asawang si Mical na magkaroon ng isang imaheng terapim?
Nang magpakana si Haring Saul na patayin si David, tinulungan siya ni Mical na makatakas, anupat inilagay niya ang isang imahen sa higaan na marahil ay kahugis ng isang tao. Maaaring mayroon siyang terapim sapagkat ang kaniyang puso ay hindi naging sakdal sa Diyos. Maaaring hindi alam ni David ang tungkol dito o pinayagan niya ito sapagkat si Mical ay anak ni Haring Saul. (1 Cronica 16:25, 26)—6/1, pahina 29.
• Anong mahalagang katotohanan ang itinatampok ng mga dekreto ng Diyos tungkol sa dugo?
Sa pamamagitan ng sinabi ng Diyos pagkatapos ng Baha, sa Kautusang Mosaiko, at sa dekreto na masusumpungan sa Gawa 15:28, 29, itinampok niya ang hain may kinalaman sa itinigis na dugo ni Jesus. Tanging sa pamamagitan ng dugong iyon natin matatamo ang kapatawaran at kapayapaan sa Diyos. (Colosas 1:20)—6/15, pahina 14-19.
• Ilang himala ni Jesus ang binabanggit sa Bibliya?
Binabanggit ng mga ulat ng Ebanghelyo ang 35 himala ni Jesus. Subalit hindi isiniwalat ang eksaktong bilang ng mga himala ni Jesus, pati na ang mga hindi napaulat. (Mateo 14:14)—7/15, pahina 5.