Paghahanap ng Pinakakapaki-pakinabang na Payo
Paghahanap ng Pinakakapaki-pakinabang na Payo
TALAGANG kanais-nais ang isang matagumpay na buhay. Ang mabuting payo at ang paghahangad na kumilos kasuwato nito ang mga susi sa pagkakamit ng gayong buhay sa masalimuot na daigdig na ito. Gayunman, ang mga tao ay hindi laging handang magbigay-pansin sa kapaki-pakinabang na payo. Marami ang nagsasabi na dapat mamuhay ang tao ayon sa sarili niyang kagustuhan. Sa katunayan, ipinakikita ng ulat ng Bibliya na si Satanas, ang orihinal na kaaway ng soberanya ng Diyos, ay nag-alok ng kasarinlan sa unang mga tao. Iniuulat ng Genesis 3:5 ang kaniyang paggigiit kay Eva: “Nalalaman ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo mula [sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama] ay madidilat nga ang inyong mga mata at kayo nga ay magiging tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.”
Nabuhay ba nang matagumpay sina Adan at Eva pagkatapos niyaon, nang walang masamang epekto, na ginagabayan lamang ng kanilang sariling mga opinyon? Tiyak na hindi. Kaagad silang nabigo sa naging mga resulta ng pag-aakalang alam nila ang pagkakaiba ng mabuti at masama. Natamo nila ang makatarungang hatol ng Diyos at nagsimulang mamuhay ng isang malupit na buhay sa di-kasakdalan, anupat ang kamatayan ang naging huling hantungan. (Genesis 3:16-19, 23) Tayong lahat ay naaapektuhan ng kamatayan. Sinasabi ng Bibliya: “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan] ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.”—Roma 5:12.
Bagaman may masasamang epekto ang pagpili nina Adan at Eva, marami pa rin ang hindi kumbinsido sa karunungan ng pagkakapit ng payo mula sa Maylikha ng tao. Gayunman, sinasabi ng Bibliya na ito “ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang,” at makatutulong ito sa atin upang “maging lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.” (2 Timoteo 3:16, 17) Tiyak na magiging mas maligaya tayo kung susundin natin ang payo ng Bibliya. Ang buhay pampamilya ay isang pangunahing pitak kung saan kumakapit ito.
Pagkamatapat sa Pag-aasawa
Ayon sa Bibliya, nilayon ng Diyos ang pag-aasawa na maging permanente. (Genesis 2:22-24; Mateo 19:6) Karagdagan pa, sinasabi ng Kasulatan na dapat “maging walang dungis ang higaang pangmag-asawa,” na nangangahulugang ang pagsasamang ito ay hindi dapat marumhan ng seksuwal na pagtatalik sa labas ng pag-aasawa. (Hebreo 13:4) Gayunman, malamang na batid mo na maraming pag-aasawa sa ngayon ang hindi nakatutugon sa pamantayang ito. Ugali ng ilang tao na makipagligaw-biro sa lugar ng trabaho, sa mga hindi nila asawa. Nagsisinungaling naman ang iba sa kanilang pamilya upang gumugol ng panahon kasama ng isa na mayroon silang romantikong interes na hindi nila kabiyak. Iniiwan pa nga ng ilan ang kanilang kabiyak upang manirahang kasama ng isang nakababatang kapareha, na nangangatuwirang sa ganitong paraan ay nadarama nilang mas bata at mas maligaya sila, kagaya ng nangyari kay Verónica, na binanggit sa naunang artikulo.
Magkagayunman, ang determinasyon na paluguran ang sarili anuman ang kapalit ay hindi magdudulot ng namamalaging kaligayahan. Maaari itong patotohanan ni Ronald. Palibhasa’y kumbinsido na mapabubuti niya ang kaniyang buhay, iniwan niya ang kaniyang asawa upang magkaroon ng bagong pamilya kasama ng babaing naging lihim na kalaguyo niya sa loob ng anim na taon at naanakan niya ng dalawa. Gayunman, pagkalipas ng ilang panahon pagkatapos niyang wakasan ang kaniyang pag-aasawa, iniwan naman siya ng kaniyang kalaguyo! Sa dakong huli ay nakitira si Ronald sa kaniyang mga magulang. Inilarawan niya ang kaniyang situwasyon bilang “nakakawalang-dangal.” Isang halimbawa lamang iyan. Ang gayong paggawing nauudyukan ng makasariling mga pagnanasa ay sanhi ng wala-pang-katulad na dami ng mga diborsiyo at pagkakawatak-watak ng mga pamilya, na nagbubunga naman ng pagdurusa sa di-mabilang na mga indibiduwal—kapuwa sa mga adulto at mga bata.
Sa kabilang dako, ang pagsunod sa payo ng Bibliya ay nagdudulot ng tunay na kaligayahan. Ganiyan ang nangyari kay Roberto, na nagsabi: “Sa tulong ng payo ng Bibliya, hindi kailangang mawala ang misis ko. Hindi namin nakakamit ang tunay na kaligayahan sa pamamagitan ng pagpapadala sa tukso na sumama sa isa na hindi naman namin kabiyak, kahit na waring kaakit-akit ang taong iyon. Tinulungan ako ng edukasyon sa Bibliya na pahalagahan ang aking asawa, na kasama ko sa loob ng napakarami nang taon.” Ang payo ng Bibliya na “sa asawa ng iyong kabataan ay wala nawang makitungo nang may kataksilan” ay nagkaroon ng mahalagang papel sa buhay ni Roberto. (Malakias 2:15) Sa anong iba pang mga pitak maaari tayong makinabang sa payo ng Diyos?
Pagpapalaki sa Ating mga Anak
Mga ilang dekada na ang nakalilipas, naging popular ang ideya na sa pagpapalaki ng kanilang mga anak, hindi dapat magtakda ang mga magulang ng napakaraming pagbabawal. Pinalitaw na makatuwirang hayaan ang mga bata na magpasiya sa kanilang ganang sarili hinggil sa kung paano sila dapat mag-isip at gumawi. Ang tunguhin nito ay upang maiwasan daw ang paghadlang sa kanilang pagsulong. Sa ilang lugar, itinatag ang mga sistemang pang-edukasyon na hindi gaanong
organisado kung saan, bukod sa iba pang mga bagay, ang mga mag-aaral ay maaaring magpasiya kung papasok sila o hindi sa paaralan at makapipili ng dami ng paglilibang o instruksiyon na tatanggapin nila. Ang patakaran ng isang paaralang ganito ang uri ay “pahintulutan ang mga bata na ipahayag ang kanilang damdamin nang hindi pinupuna at pinakikialaman ng isang adulto.” Sa ngayon, kinukuwestiyon pa rin ng ilang tagapayo sa paggawi ng tao ang mga kapakinabangan ng pagpapataw ng ilang uri ng disiplina, kahit sa mga kasong iniisip ng mga magulang na dapat magbigay ng maibiging disiplina.Ano ang naging resulta? Maraming tao ang naniniwala na ang mapagparayang mga paraan ng pagpapalaki sa bata ay nagpapahintulot sa mga bata na magkaroon ng sobra-sobrang kalayaan. Ipinapalagay nila na humantong ito sa pagtaas ng krimen at paggamit ng droga. Isinisiwalat ng isang surbey sa Estados Unidos na halos 70 porsiyento ng mga tumugon ang nag-iisip na ang mga bata at mga kabataan ay hindi nakatatanggap ng sapat na patnubay ng magulang na kailangan nila. Kapag sinisikap na ipaliwanag kung bakit may mga barilan sa paaralan at iba pang kahila-hilakbot na mga krimeng ginawa ng mga tin-edyer, sinisisi ng marami ang “pagiging maluwag ng mga magulang.” At kahit na hindi masyadong masaklap ang mga resulta, inaani ng mga magulang at mga bata ang mapapait na bunga ng maling paraan ng pagpapalaki sa mga bata.
Ano naman ang masasabi ng Bibliya hinggil dito? Ang maka-Kasulatang payo ay na dapat isagawa ang awtoridad ng magulang nang may pag-ibig gayundin nang may katatagan. Sinasabi ng Bibliya: “Ang kamangmangan ay nakatali sa puso ng bata; ang pamalong pandisiplina ang maglalayo nito sa kaniya.” (Kawikaan 22:15) Siyempre pa, dapat iangkop sa kalagayan ang lahat ng disiplina ng magulang. Dapat mangibabaw ang kahinahunan, pagpipigil sa sarili, at konsiderasyon sa anumang disiplinang ibibigay. Sa gayon ay nagiging tanda ito ng pag-ibig. Ang paglalapat ng awtoridad ng magulang sa maibiging paraan, hindi sa malupit na paraan, ay mas malamang na magdudulot ng tagumpay.
May makikitang mabubuting resulta sa pagkakapit ng payong ito. Si Arturo, isang 30-taóng-gulang na lalaki sa Mexico na kamakailan lamang nag-asawa, ay nagsabi: “Niliwanag ng aking ama sa aming magkakapatid na siya at ang aking ina ang awtoridad sa pamilya. Hindi sila kailanman nag-atubiling disiplinahin kami. Gayunman, palagi silang may panahong makipag-usap sa amin. Ngayon bilang adulto, pinahahalagahan ko ang matatag na buhay na tinatamasa ko, at alam ko na may malaking bahagi rito ang mabuting patnubay na natanggap ko.”
Samantalahin ang Pinakakapaki-pakinabang na Payo
Ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay naglalaman ng pinakakapaki-pakinabang na payo na makukuha
ng sangkatauhan. Ang patnubay nito ay hindi lamang para sa loob ng pamilya. Tinutulungan tayo nito sa maraming paraan dahil itinuturo nito sa atin kung paano kikilos sa isang daigdig kung saan hindi handang tanggapin ng karamihan ang isang nakahihigit na Pinagmumulan ng karunungan, na siyang dapat mamahala sa kanilang buhay para sa kanilang ikabubuti.Ang Diyos na Jehova, ang Maylalang ng sangkatauhan, ay nagbibigay ng katiyakang ito sa pamamagitan ng salmistang si David: “Pagkakalooban kita ng kaunawaan at tuturuan kita hinggil sa daan na dapat mong lakaran. Magpapayo ako habang ang aking mata ay nakatingin sa iyo.” (Awit 32:8) Naiisip mo ba kung ano ang ibig sabihin ng binabantayan tayo ng Maylalang upang ingatan tayo mula sa mga panganib? Subalit ang tanong para sa bawat isa sa atin ay: ‘May-kapakumbabaan ko bang tatanggapin ang nagsasanggalang na patnubay ni Jehova?’ Maibiging sinasabi sa atin ng kaniyang Salita: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.”—Kawikaan 3:5, 6.
Ang pagkilala kay Jehova ay humihiling ng pagsisikap at pagtitiyaga, subalit matatamo naman ito ng sangkatauhan sa pamamagitan ng Bibliya. Ang paraan ng pamumuhay na inirerekomenda niya ay yaong may ‘hawak sa pangako sa buhay ngayon at yaong darating.’ Tunay na malaking pakinabang ito kung isasaalang-alang ang mga pagpapalang iniaalok nito.—1 Timoteo 4:8; 6:6.
Kung naaakit ka sa kaunawaang iniaalok ng Bibliya at sa mga pagpapalang naidudulot ng pamumuhay kasuwato nito, gawin mong pangunahin sa iyong buhay ang pagbabasa at pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos. Ang paggawa nito ay tutulong sa iyo na matagumpay na harapin ang mga hamon sa ngayon at sa hinaharap. Karagdagan pa, matututuhan mo ang pag-asang mabuhay sa bagong sanlibutan ng Diyos, kung saan ang lahat ay tuturuan ni Jehova at ang kanilang kapayapaan ay sasagana.—Isaias 54:13.
[Larawan sa pahina 5]
Mapatitibay ng payo ng Bibliya ang buklod ng pag-aasawa
[Mga larawan sa pahina 6]
Ang payo ng Bibliya ang saligan ng mainam na patnubay, subalit pinahihintulutan din nito ang pagsasaya
[Mga larawan sa pahina 7]
Yaong mga nagkakapit ng payo ng Bibliya ay makapagtatamasa ng timbang na pamumuhay