Si Jehova, ang Ating ‘Tanggulan sa mga Panahon ng Kabagabagan’
Si Jehova, ang Ating ‘Tanggulan sa mga Panahon ng Kabagabagan’
“Ang kaligtasan ng mga matuwid ay mula kay Jehova; siya ang kanilang tanggulan sa panahon ng kabagabagan.”—AWIT 37:39.
1, 2. (a) Ano ang ipinanalangin ni Jesus alang-alang sa kaniyang mga alagad? (b) Ano ang kalooban ng Diyos hinggil sa kaniyang bayan?
SI Jehova ay makapangyarihan-sa-lahat. May kapangyarihan siyang ipagsanggalang ang kaniyang tapat na mga mananamba sa anumang paraang nais niya. Maaari pa nga niyang pisikal na ihiwalay ang kaniyang bayan mula sa sanlibutan at ilagay sila sa isang ligtas at mapayapang kapaligiran. Gayunman, tungkol sa mga alagad niya, ipinanalangin ni Jesus sa kaniyang makalangit na Ama: “Humihiling ako sa iyo, hindi upang alisin sila sa sanlibutan, kundi upang bantayan sila dahil sa isa na balakyot.”—Juan 17:15.
2 Ipinasiya ni Jehova na hindi tayo ‘alisin sa sanlibutan.’ Sa halip, kalooban niya na mamuhay tayong kasama ng mga tao sa sanlibutang ito upang ihayag sa iba ang kaniyang mensahe ng pag-asa at kaaliwan. (Roma 10:13-15) Subalit gaya ng ipinahiwatig ni Jesus sa kaniyang panalangin, nahahantad tayo sa “isa na balakyot” yamang namumuhay tayo sa sanlibutang ito. Ang masuwaying sangkatauhan at ang balakyot na mga puwersang espiritu ay nagdudulot ng maraming kirot at hapis, at hindi ligtas ang mga Kristiyano sa kabagabagan.—1 Pedro 5:9.
3. Anong katotohanan ang kailangang harapin maging ng tapat na mga mananamba ni Jehova, ngunit anong kaaliwan ang masusumpungan natin sa Salita ng Diyos?
3 Sa ilalim ng gayong mga pagsubok, likas lamang na dumanas ng mga yugto ng panghihina ng loob. (Kawikaan 24:10) Ang Bibliya ay naglalaman ng maraming ulat tungkol sa mga taong tapat na dumanas ng kabagabagan. “Marami ang mga kapahamakan ng matuwid,” ang sabi ng salmista, “ngunit mula sa lahat ng mga iyon ay inililigtas siya ni Jehova.” (Awit 34:19) Oo, nangyayari rin ang masasamang bagay kahit sa “matuwid.” Tulad ng salmistang si David, tayo kung minsan ay maaari pa ngang maging ‘manhid at masiil nang lubusan.’ (Awit 38:8) Gayunman, nakaaaliw malaman na “si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.”—Awit 34:18; 94:19.
4, 5. (a) Kasuwato ng Kawikaan 18:10, ano ang dapat nating gawin upang maipagsanggalang tayo ng Diyos? (b) Anu-ano ang ilang espesipikong hakbang na maaari nating gawin upang makatanggap ng tulong ng Diyos?
4 Kasuwato ng panalangin ni Jesus, binabantayan nga tayo ni Jehova. Siya ang ating “tanggulan sa panahon ng kabagabagan.” (Awit 37:39) Gumamit ng gayunding pananalita ang aklat ng Kawikaan nang sabihin nito: “Ang pangalan ni Jehova ay matibay na tore. Doon tumatakbo ang matuwid at ipinagsasanggalang.” (Kawikaan 18:10) Isinisiwalat ng kasulatang ito ang isang saligang katotohanan tungkol sa magiliw na malasakit ni Jehova sa kaniyang mga nilalang. Ipinagsasanggalang ng Diyos lalo na ang mga matuwid na aktibong humahanap sa kaniya, na para bang tumatakbo tayo sa matibay na tore para manganlong.
5 Kapag napapaharap sa nakababagabag na mga suliranin, paano tayo makatatakbo kay Jehova upang maipagsanggalang niya tayo? Isaalang-alang natin ang tatlong mahahalagang hakbang na maaari nating gawin upang makatanggap ng tulong ni Jehova. Una, dapat tayong bumaling sa ating makalangit na Ama sa panalangin. Ikalawa, dapat tayong sumunod sa patnubay ng banal na espiritu. At ikatlo, dapat tayong magpasakop sa kaayusan ni Jehova sa pamamagitan ng pakikipagsamahan sa ating kapuwa mga Kristiyano na makababawas sa ating kabagabagan.
Ang Kapangyarihan ng Panalangin
6. Paano itinuturing ng tunay na mga Kristiyano ang panalangin?
6 Iminumungkahi ng ilang eksperto sa kalusugan ang panalangin bilang panggamot sa depresyon at kaigtingan. Bagaman totoo na nakababawas ng kaigtingan ang tahimik na sandali ng pagninilay-nilay na gaya sa pananalangin, gayundin naman ang nagagawa ng partikular na mga tunog ng kalikasan o ng masahe pa nga sa likod. Hindi minamaliit ng tunay na mga Kristiyano ang panalangin sa pamamagitan ng pagturing dito bilang isa lamang terapi na nakapagpapaginhawa. Itinuturing natin ang panalangin bilang mapagpitagang pakikipagtalastasan sa Maylalang. Sangkot sa panalangin ang ating debosyon at pananalig sa Diyos. Oo, bahagi ng ating pagsamba ang panalangin.
7. Ano ang ibig sabihin ng manalangin nang may pananalig, at paano tayo tinutulungan ng gayong mga panalangin upang makayanan ang kabagabagan?
7 Kalakip dapat sa ating mga panalangin ang pagkadama ng pananalig, o pagtitiwala, kay Jehova. Sumulat si apostol Juan: “Ito ang pagtitiwala na taglay natin sa kaniya, na, anumang bagay ang hingin natin ayon sa kaniyang kalooban, tayo ay pinakikinggan niya.” (1 Juan 5:14) Si Jehova, ang Kataas-taasang Persona, ang tanging Diyos na tunay at makapangyarihan-sa-lahat, ay aktuwal na nagtutuon ng pantanging pansin sa marubdob na mga panalangin ng kaniyang mga mananamba. Ang pagkaalam na pinakikinggan tayo ng ating maibiging Diyos kapag ipinababatid natin sa kaniya ang ating mga kabalisahan at mga suliranin ay nakapagbibigay na ng kaaliwan.—Filipos 4:6.
8. Bakit hindi dapat kailanman mahiya o makadama na hindi karapat-dapat ang tapat na mga Kristiyano kapag lumalapit kay Jehova sa panalangin?
8 Ang tapat na mga Kristiyano ay hindi kailanman dapat mahiya, makadama na hindi sila karapat-dapat, o mawalan ng pananalig kapag lumalapit kay Jehova sa panalangin. Totoo, kapag nasisiphayo tayo sa ating sarili o waring nadaraig ng mga suliranin, baka hindi tayo laging nauudyukang lumapit kay Jehova sa panalangin. Sa gayong mga pagkakataon, dapat nating alalahanin na si Jehova ay “nagpapakita . . . ng habag sa kaniyang Isaias 49:13; 2 Corinto 7:6) Kailangan tayong bumaling nang may pananalig sa ating makalangit na Ama bilang ating tanggulan lalo na sa mga panahon ng hapis at kabagabagan.
mga napipighati” at na siya ay “umaaliw doon sa mga inilugmok.” (9. Anong papel ang ginagampanan ng pananampalataya sa ating paglapit sa Diyos sa panalangin?
9 Upang lubos na makinabang sa pribilehiyo ng panalangin, dapat tayong magkaroon ng tunay na pananampalataya. Sinasabi ng Bibliya na “siya na lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya nga ay umiiral at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Ang pananampalataya ay hindi lamang paniniwala na may Diyos, na “siya nga ay umiiral.” Sangkot sa tunay na pananampalataya ang matibay na paniniwala sa kakayahan ng Diyos at sa pagnanais niyang gantimpalaan ang ating landasin ng buhay na masunurin sa kaniya. “Ang mga mata ni Jehova ay nasa mga matuwid, at ang kaniyang mga tainga ay nakatuon sa kanilang pagsusumamo.” (1 Pedro 3:12) Nagbibigay ng pantanging kahulugan sa ating mga panalangin ang palaging pagsasaisip na maibiging nagmamalasakit sa atin si Jehova.
10. Paano tayo dapat manalangin upang makatanggap ng espirituwal na pag-alalay mula kay Jehova?
10 Nakikinig si Jehova sa ating mga panalangin kapag sinasambit ito nang buong puso. Sumulat ang salmista: “Tumawag ako nang aking buong puso. Sagutin mo ako, O Jehova.” (Awit 119:145) Di-tulad ng ritwalistikong mga panalangin sa maraming relihiyon, ang ating mga panalangin ay hindi rutin lamang o di-taimtim. Kapag nananalangin tayo nang “buong puso” kay Jehova, nalilipos ng kahulugan at layunin ang ating mga salita. Pagkatapos ng gayong marubdob na mga panalangin, mararanasan naman natin ang kaginhawahan na nagmumula sa paghagis ng ating “pasanin kay Jehova.” Gaya ng ipinangangako ng Bibliya, “siya ang aalalay” sa atin.—Awit 55:22; 1 Pedro 5:6, 7.
Ang Espiritu ng Diyos ay Ating Katulong
11. Ano ang isang paraan na sinasagot tayo ni Jehova kapag ‘patuloy na humihingi’ tayo ng tulong niya?
11 Si Jehova ay hindi lamang Dumirinig ng panalangin kundi Tagasagot din. (Awit 65:2) Sumulat si David: “Sa araw ng aking kabagabagan ay tatawag ako sa iyo, sapagkat sasagutin mo ako.” (Awit 86:7) Kaya naman, pinasigla ni Jesus ang kaniyang mga alagad na “patuloy na humingi” ng tulong kay Jehova sapagkat “ang Ama sa langit ay magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya.” (Lucas 11:9-13) Oo, ang aktibong puwersa ng Diyos ay kumikilos bilang katulong, o mang-aaliw, ng kaniyang bayan.—Juan 14:16.
12. Paano tayo matutulungan ng espiritu ng Diyos kapag waring napakabigat na ng mga suliranin?
12 Kahit na napapaharap tayo sa mga pagsubok, maaari tayong bigyan ng espiritu ng Diyos ng “lakas na higit sa karaniwan.” (2 Corinto 4:7) May-pananalig na sinabi ni apostol Pablo, na nagbata ng maraming maiigting na kalagayan: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.” (Filipos 4:13) Sa katulad na paraan, maraming Kristiyano sa ngayon ang nakadaramang napanunumbalik ang kanilang espirituwal at emosyonal na lakas bilang sagot sa kanilang mga pagsusumamo. Kadalasang waring hindi na gayon kabigat ang nakababagabag na mga suliranin pagkatanggap natin ng tulong ng espiritu ng Diyos. Dahil sa bigay-Diyos na lakas na ito, masasabi natin, kagaya ng nabanggit ng apostol: “Ginigipit kami sa bawat paraan, ngunit hindi nasisikipan anupat hindi na makakilos; naguguluhan kami, ngunit hindi lubos na walang malabasan; pinag-uusig kami, ngunit hindi iniiwan sa kagipitan; ibinabagsak kami, ngunit hindi napupuksa.”—2 Corinto 4:8, 9.
13, 14. (a) Paano natin nagiging tanggulan si Jehova sa pamamagitan ng kaniyang nasusulat na Salita? (b) Paano nakatulong sa iyo mismo ang pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya?
13 Kinasihan at iningatan din ng banal na espiritu ang nasusulat na Salita ng Diyos para sa ating kapakinabangan. Paano natin nagiging tanggulan si Jehova sa mga panahon ng kabagabagan sa pamamagitan ng mga pahina ng kaniyang Salita? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng praktikal na karunungan at kakayahang mag-isip. (Kawikaan 3:21-24) Sinasanay ng Bibliya ang ating mental na kakayahan at pinasusulong nito ang ating kakayahan sa pangangatuwiran. (Roma 12:1) Sa pamamagitan ng regular na pagbabasa at pag-aaral ng Salita ng Diyos, kalakip na ang pagkakapit dito, ‘masasanay natin ang ating mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.’ (Hebreo 5:14) Baka naranasan mo mismo kung paano ka natulungan ng mga simulain sa Bibliya na gumawa ng matatalinong pasiya noong napaharap ka sa mga suliranin. Binibigyan tayo ng Bibliya ng katalinuhan na makatutulong sa atin upang makahanap ng praktikal na mga solusyon sa nakababagabag na mga suliranin.—Kawikaan 1:4.
14 Naglalaan sa atin ang Salita ng Diyos ng isa pang pinagmumulan ng lakas—ang pag-asa ng kaligtasan. (Roma 15:4) Sinasabi sa atin ng Bibliya na hindi habang panahong patuloy na mangyayari ang masasamang bagay. Pansamantala lamang ang anumang kapighatian na dinaranas natin. (2 Corinto 4:16-18) Mayroon tayong “pag-asa sa buhay na walang hanggan na ipinangako ng Diyos, na hindi makapagsisinungaling, bago pa ang lubhang mahabang mga panahon.” (Tito 1:2) Kung nagsasaya tayo sa pag-asang iyan, na laging isinasaisip ang maliwanag na kinabukasan na ipinangangako ni Jehova, makapagbabata tayo sa ilalim ng kapighatian.—Roma 12:12; 1 Tesalonica 1:3.
Ang Kongregasyon—Kapahayagan ng Pag-ibig ng Diyos
15. Paano maaaring maging pagpapala ang mga Kristiyano sa isa’t isa?
15 Ang isa pang paglalaan mula kay Jehova na makatutulong sa atin sa mga panahon ng kabagabagan ay ang pakikipagsamahan na tinatamasa natin sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Sinasabi ng Bibliya: “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.” (Kawikaan 17:17) Pinasisigla ng Salita ng Diyos ang lahat sa kongregasyon na parangalan at ibigin ang isa’t isa. (Roma 12:10) “Patuloy na hanapin ng bawat isa, hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan, kundi yaong sa ibang tao,” ang sulat ni apostol Pablo. (1 Corinto 10:24) Makatutulong ang pagkakaroon ng gayong saloobin upang makapagtuon tayo ng pansin sa pangangailangan ng iba sa halip na sa sarili nating mga pagsubok. Kapag tumutulong tayo sa iba, hindi lamang sila ang natutulungan natin kundi natatamasa rin natin ang isang antas ng kaligayahan at kasiyahan na nagpapagaan ng ating sariling mga pasanin.—Gawa 20:35.
16. Paano makapagpapatibay ang bawat Kristiyano?
16 Maaaring gumanap ng mahalagang papel sa pagpapatibay sa iba ang mga lalaki at babaing maygulang sa espirituwal. Upang magawa ito, ipinakikita nilang sila ay madaling lapitan at handang tumulong. (2 Corinto 6:11-13) Talagang pinagpala ang kongregasyon kapag ang lahat ay naglalaan ng panahon upang magbigay ng komendasyon sa mga kabataan, magpatibay ng bagong mga mananampalataya, at magpasigla sa mga nanlulumo. (Roma 15:7) Ang pag-ibig na pangkapatid ay tutulong din sa atin na maiwasan ang espiritu ng paghihinala sa isa’t isa. Hindi tayo dapat kaagad-agad maghinuha na tanda ng espirituwal na kahinaan ang personal na mga suliranin. Angkop na hinihimok ni Pablo ang mga Kristiyano na “magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo.” (1 Tesalonica 5:14) Ipinakikita ng Bibliya na dumaranas ng kabagabagan maging ang tapat na mga Kristiyano.—Gawa 14:15.
17. Anu-ano ang mga pagkakataon natin para patibayin ang buklod ng kapatirang Kristiyano?
17 Nagbibigay ng napakainam na pagkakataon Hebreo 10:24, 25) Hindi limitado ang maibiging pakikipag-ugnayang ito sa mga pulong sa kongregasyon. Sa halip, naghahanap din ng mga pagkakataon ang bayan ng Diyos upang matamasa ang mabuting pagsasamahan sa di-pormal na mga tagpo. Kapag bumangon ang nakababagabag na mga kalagayan, handa nating alalayan ang isa’t isa dahil sa matitibay na buklod ng pagkakaibigan na nabuo na. Sumulat si apostol Pablo: “Huwag magkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa katawan, kundi ang mga sangkap nito ay magkaroon ng . . . pagmamalasakit sa isa’t isa. At kung ang isang sangkap ay nagdurusa, ang lahat ng iba pang sangkap ay nagdurusang kasama nito; o kung ang isang sangkap ay niluluwalhati, ang lahat ng iba pang sangkap ay nakikipagsaya rito.”—1 Corinto 12:25, 26.
ang mga pulong Kristiyano upang maaliw at mapatibay natin ang isa’t isa. (18. Anong tendensiya ang dapat nating iwasan kapag nalulumbay tayo?
18 Kung minsan, baka masyado tayong nalulumbay anupat hindi na tayo nasisiyahan sa pakikipagsamahan sa kapuwa mga Kristiyano. Dapat nating paglabanan ang gayong damdamin upang hindi natin mapagkaitan ang ating mga sarili ng kaaliwan at tulong na maibibigay ng ating mga kapananampalataya. Binababalaan tayo ng Bibliya: “Ang nagbubukod ng kaniyang sarili ay naghahanap ng kaniyang makasariling hangarin; laban sa lahat ng praktikal na karunungan ay sasalansang siya.” (Kawikaan 18:1) Ang ating mga kapatid ay kapahayagan ng pagmamalasakit sa atin ng Diyos. Kung kikilalanin natin ang maibiging paglalaang iyan, makasusumpong tayo ng kaginhawahan sa mga panahon ng kabagabagan.
Panatilihin ang Positibong Saloobin
19, 20. Paano nakatutulong ang Kasulatan upang maiwaksi natin ang negatibong mga kaisipan?
19 Kapag nasisiraan tayo ng loob at nalulungkot, madaling mag-isip ng negatibong mga kaisipan. Halimbawa, kapag nakararanas ng kapighatian, baka pag-alinlanganan ng ilan ang kanilang sariling espirituwalidad, anupat naghihinuha na tanda ng di-pagsang-ayon ng Diyos ang paghihirap nila. Gayunman, tandaan na hindi sinusubok ni Jehova ang sinuman sa “masasamang bagay.” (Santiago 1:13) “Hindi buhat sa kaniyang sariling puso kung kaya . . . pinipighati o dinadalamhati [ng Diyos] ang mga anak ng mga tao,” ang sabi ng Bibliya. (Panaghoy 3:33) Sa kabaligtaran, lubhang nalulungkot si Jehova kapag naghihirap ang kaniyang mga lingkod.—Isaias 63:8, 9; Zacarias 2:8.
20 Si Jehova “ang Ama ng magiliw na kaawaan at ang Diyos ng buong kaaliwan.” (2 Corinto 1:3) Nagmamalasakit siya sa atin, at itataas niya tayo sa takdang panahon. (1 Pedro 5:6, 7) Ang laging pagsasaisip na mahal tayo ng Diyos ay tutulong sa atin na mapanatili ang positibong saloobin, at magsaya pa nga. Sumulat si Santiago: “Ituring ninyong buong kagalakan, mga kapatid ko, kapag napaharap kayo sa iba’t ibang pagsubok.” (Santiago 1:2) Bakit? Sumagot siya: “Sapagkat kapag sinang-ayunan siya ay tatanggapin niya ang korona ng buhay, na ipinangako ni Jehova doon sa mga patuloy na umiibig sa kaniya.”—Santiago 1:12.
21. Sa kabila ng mga paghihirap na napapaharap sa atin, anong garantiya ang ibinibigay ng Diyos sa mga napatunayang tapat sa kaniya?
21 Gaya ng babala sa atin ni Jesus, magkakaroon tayo ng kapighatian sa sanlibutan. (Juan 16:33) Subalit ipinangangako ng Bibliya na walang ‘kapighatian o kabagabagan o pag-uusig o gutom o kahubaran o panganib’ ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Jehova at sa pag-ibig ng kaniyang Anak. (Roma 8:35, 39) Nakaaaliw malaman na pansamantala lamang ang anumang kabagabagan na nakakaharap natin! Samantala, habang hinihintay natin ang wakas ng paghihirap ng tao, binabantayan tayo ng ating maibiging Ama, si Jehova. Kung tatakbo tayo sa kaniya upang maipagsanggalang niya tayo, siya ay magiging “isang matibay na kaitaasan para sa sinumang nasisiil, isang matibay na kaitaasan sa mga panahon ng kabagabagan.”—Awit 9:9.
Ano ang Ating Natutuhan?
• Ano ang dapat asahan ng mga Kristiyano habang namumuhay sa balakyot na sanlibutang ito?
• Paano nakapagpapalakas ang marubdob na mga panalangin natin kapag napapaharap tayo sa mga pagsubok?
• Paanong isang katulong ang espiritu ng Diyos?
• Ano ang magagawa natin upang matulungan ang isa’t isa?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 18]
Dapat nating hanapin si Jehova na para bang tumatakbo tayo sa isang matibay na tore
[Mga larawan sa pahina 20]
Ginagamit ng mga maygulang sa espirituwal ang bawat pagkakataon upang magbigay ng komendasyon at magpatibay sa iba