Ano ang Dapat Mong Ipamana sa Iyong mga Anak?
Ano ang Dapat Mong Ipamana sa Iyong mga Anak?
SI Pavlos, isang lalaking may pamilya mula sa timog Europa, ay bihirang nasa bahay upang gumugol ng panahon na kasama ng kaniyang asawa at mga anak—dalawang anak na babae, edad 13 at 11, at isang 7-taóng-gulang na lalaki. Nagtatrabaho si Pavlos nang mahahabang oras pitong araw sa isang linggo, anupat nagsisikap na kumita ng sapat na salapi upang matupad ang kaniyang pangarap. Gusto niyang bumili ng isang apartment para sa bawat isa sa kaniyang mga anak na babae, at gusto niyang magsimula ng isang maliit na negosyo para sa kaniyang anak na lalaki. Ang kaniyang asawa, si Sofia, ay nagpapagal upang makapagtipon ng mga kubre kama, kumot at punda, mga gamit sa kusina, mga pinggan at baso, at mga kubyertos para sa mga magiging pamilya ng kanilang mga anak sa hinaharap. Nang tanungin kung bakit sila nagtatrabaho nang
husto, iisa ang kanilang sagot, “Alang-alang sa aming mga anak!”Katulad nina Pavlos at Sofia, ginagawa ng maraming magulang sa buong daigdig ang kanilang buong makakaya upang mabigyan ang kanilang mga anak ng mabuting pasimula sa buhay. Ang ilan ay nagtatabi ng salapi para magamit ng kanilang mga anak sa hinaharap. Tinitiyak naman ng iba na ang kanilang anak ay magkaroon ng sapat na edukasyon at matuto ng mga kasanayan na magiging kapaki-pakinabang sa dakong huli. Bagaman itinuturing ng karamihan ng mga magulang ang gayong mga kaloob bilang isang pamana ng pag-ibig, ang gayong paglalaan ay kadalasang naglalagay sa mga magulang sa ilalim ng matinding panggigipit na tuparin ang inaasahan ng mga kamag-anak, kaibigan, at ng pamayanan na kanilang pinamumuhayan. Kaya nga, may kawastuang nagtatanong ang nababahalang mga magulang, ‘Gaano ba kalaki ang dapat naming ibigay sa aming mga anak?’
Paglalaan Para sa Hinaharap
Hindi lamang likas kundi maka-Kasulatan din naman para sa Kristiyanong mga magulang na maglaan para sa kanilang mga anak. Sinabi ni apostol Pablo sa mga Kristiyano noong kaniyang panahon: “Dapat maglaan ang mga magulang para sa kanilang mga anak, hindi ang mga anak para sa kanilang mga magulang.” (2 Corinto 12:14, The New English Bible) Sinabi pa ni Pablo na ang pangangalaga ng magulang ay isang seryosong pananagutan. Sumulat siya: “Kung ang sinuman nga ay hindi naglalaan para roon sa mga sariling kaniya, at lalo na para roon sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, itinatwa na niya ang pananampalataya at lalong masama kaysa sa taong walang pananampalataya.” (1 Timoteo 5:8) Ipinakikita ng maraming ulat sa Bibliya na ang mga bagay na may kinalaman sa mana ay mahalaga sa mga lingkod ng Diyos noong panahon ng Bibliya.—Ruth 2:19, 20; 3:9-13; 4:1-22; Job 42:15.
Gayunman, kung minsan, ang mga magulang ay nagiging abala sa paglalaan ng malaking mana para sa kanilang mga anak. Bakit? Binabanggit ni Manolis, isang ama na lumipat sa Estados Unidos mula sa timog Europa, ang isang dahilan: “Ang mga magulang na nakaranas ng pagsalanta ng Digmaang
Pandaigdig II, taggutom at karalitaan, ay determinadong pabutihin pa ang buhay ng kanilang mga anak.” Sabi pa niya: “Dahil sa kanilang labis-labis na pagkadama ng pananagutan at pagnanais na ibigay sa kanilang mga anak ang pinakamabuting pasimula sa buhay, kung minsan napipinsala ng mga magulang ang kanilang sarili.” Tunay nga, napagkakaitan ng ilang magulang ang kanilang sarili ng mga pangangailangan sa buhay o nagtitipid sila nang husto upang makapag-ipon ng materyal na mga pag-aari para sa kanilang mga anak. Subalit isang katalinuhan ba para sa mga magulang na itaguyod ang gayong landasin?“Walang Kabuluhan at Malaking Kapahamakan”
May babala si Haring Solomon ng sinaunang Israel may kinalaman sa mga mana. Sumulat siya: “Ako nga ay napoot sa lahat ng aking pagpapagal na pinagpapagalan ko sa ilalim ng araw, na iiwanan ko para sa tao na magiging kasunod ko. At sino ang nakaaalam kung siya ay magiging marunong o mangmang? Gayunma’y pamamahalaan niya ang lahat ng aking pagpapagal na pinagpagalan ko at pinagpakitaan ko ng karunungan sa ilalim ng araw. Ito rin ay walang kabuluhan. . . . Sapagkat may tao na ang pagpapagal ay may karunungan at may kaalaman at may kahusayan, ngunit sa isang tao na hindi nagpagal sa gayong bagay ay ibibigay ang takdang bahagi ng isang iyon. Ito rin ay walang kabuluhan at malaking kapahamakan.”—Eclesiastes 2:18-21.
Gaya ng ipinaliliwanag ni Solomon, maaaring hindi pahalagahan ng mga tumatanggap ng mana ang buong halaga nito dahil hindi nila mismo pinagpagalan ito. Dahil dito, maaaring gamitin nang may kamangmangan ng mga tagapagmana ang pinagsikapang ipunin ng mga magulang para sa kanila. Baka lustayin pa nga nila ang mga ari-arian na lubhang pinagpagalan. (Lucas 15:11-16) Magiging “walang kabuluhan at malaking kapahamakan” nga iyon!
Mana at Kasakiman
Mayroon pang dapat isaalang-alang ang mga magulang. Sa mga kulturang lubhang nababahala sa mga minanang pag-aari at mga kaloob sa kasal, maaaring maging sakim ang mga anak, anupat humihingi ng ari-arian, o dote, nang higit sa makatuwirang mailalaan ng mga magulang. “Sa aba ng ama na may dalawa o tatlong anak na babae,” ang sabi ni Loukas, isang ama mula sa Gresya. Sabi niya: “Maaaring ihambing ng mga anak na babae ang maibibigay ng kanilang ama sa kung ano ang ‘saganang’ naipon ng ibang magulang para sa kanilang mga anak. Maaaring sabihin nila na lumiliit ang kanilang pag-asa na makapag-asawa kung wala silang kasiya-siyang dote.”
Ganito ang sabi ni Manolis, na nabanggit kanina: “Maaaring patagalin ng isang binata ang pagliligawan hanggang sa mangako sa kaniya ang ama ng mapapangasawang babae ng isang bagay para sa babae, karaniwan nang isang lupain o malaki-laking halaga ng salapi. Maaari itong maging isang uri ng pangingikil.”
Nagbababala ang Bibliya laban sa lahat ng anyo ng kasakiman. Sumulat si Solomon: “Ang mana ay Kawikaan 20:21) Idiniin ni apostol Pablo: “Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay.”—1 Timoteo 6:10; Efeso 5:5.
nakukuha sa pamamagitan ng kasakiman sa pasimula, ngunit ang kinabukasan nito ay hindi pagpapalain.” (“Ang Karunungan na May Kasamang Mana”
Sabihin pa, mahalaga ang isang mana, subalit ang karunungan ay mas mahalaga kaysa sa materyal na mga ari-arian. Sumulat si Haring Solomon: “Ang karunungan na may kasamang mana ay mabuti at kapaki-pakinabang . . . Sapagkat ang karunungan ay pananggalang kung paanong ang salapi ay pananggalang; ngunit ang pakinabang sa kaalaman ay na iniingatang buháy ng karunungan ang mga nagtataglay nito.” (Eclesiastes 7:11, 12; Kawikaan 2:7; 3:21) Bagaman ang salapi ay nagbibigay ng proteksiyon, anupat nakukuha ng nagmamay-ari nito ang kailangan niya, maaari pa rin itong mawala. Sa kabilang dako naman, ang karunungan—ang kakayahang gamitin ang kaalaman sa paglutas sa mga problema o sa pagtatamo ng ilang tunguhin—ay makapagsasanggalang sa isang tao mula sa paggawa ng mangmang na pakikipagsapalaran. Kapag salig sa wastong pagkatakot sa Diyos, makatutulong ito sa kaniya na magtamo ng buhay na walang hanggan sa bagong sanlibutan ng Diyos na malapit nang dumating—isa ngang mahalagang mana!—2 Pedro 3:13.
Ipinakikita ng Kristiyanong mga magulang ang gayong karunungan sa pamamagitan ng pagtatakda ng wastong mga priyoridad para sa kanilang sarili at sa kanilang mga anak. (Filipos 1:10) Hindi dapat mauna sa espirituwal na mga bagay ang pagtitipon ng materyal na mga bagay para gamitin ng mga anak. Pinasigla ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian [ng Diyos] at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” (Mateo 6:33) Makaaasa ang mga magulang na nagtakda ng espirituwal na mga tunguhin para sa kanilang Kristiyanong sambahayan na sila’y saganang gagantimpalaan. Sumulat ang matalinong hari na si Solomon: “Ang ama ng matuwid ay walang pagsalang magagalak; ang ama na nagkaanak ng isa na marunong ay magsasaya rin sa kaniya. Ang iyong ama at ang iyong ina ay magsasaya, at siyang nagsilang sa iyo ay magagalak.”—Kawikaan 23:24, 25.
Isang Namamalaging Mana
Para sa mga Israelita noong una, napakahalaga ng mga bagay tungkol sa minanang pag-aari. (1 Hari 21:2-6) Gayunman, pinayuhan sila ni Jehova: “Ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo ngayon ay mapapasaiyong puso; at ikikintal mo iyon sa iyong anak at sasalitain mo iyon kapag nakaupo ka sa iyong bahay at kapag naglalakad ka sa daan at kapag nakahiga ka at kapag bumabangon ka.” (Deuteronomio 6:6, 7) Sinasabihan din ang Kristiyanong mga magulang: “Patuloy na palakihin [ang inyong mga anak] sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.”—Efeso 6:4.
Natatalos ng mga magulang na may espirituwal na pananaw na kalakip sa paglalaan para sa kanilang sambahayan ang pagbibigay ng instruksiyon mula sa Bibliya. Ganito ang komento ni Andreas, isang ama na may tatlong anak: “Kung matututuhan ng mga bata na ikapit ang makadiyos na mga simulain sa kanilang buhay, mas mainam silang masasangkapan para sa hinaharap.” Ang gayong mana ay nagtutuon din ng pansin sa pagtulong sa kanila na magtatag at maglinang ng personal na kaugnayan sa kanilang Maylalang.—1 Timoteo 6:19.
Napag-isipan mo na ba ang paglalaan para sa espirituwal na kinabukasan ng iyong anak? Halimbawa, ano ang magagawa ng mga magulang kung ang kanilang anak ay nagtataguyod ng buong-panahong ministeryo? Bagaman ang isang buong-panahong ministro ay hindi dapat humingi o umasa ng pinansiyal na tulong, maaaring magpasiya ang maibiging mga magulang na ‘bahaginan siya ayon sa kaniyang mga pangangailangan’ upang tulungan siyang manatili sa buong-panahong paglilingkod. (Roma 12:13; 1 Samuel 2:18, 19; Filipos 4:14-18) Tiyak na magiging kalugud-lugod kay Jehova ang gayong matulunging saloobin.
Kung gayon, ano ang dapat ibigay ng mga magulang sa kanilang mga anak? Bukod sa paglalaan para sa kanilang materyal na mga pangangailangan, titiyakin ng Kristiyanong mga magulang na makatanggap ang kanilang mga anak ng saganang espirituwal na mana na magiging kapaki-pakinabang sa kanila magpakailanman. Sa gayong paraan, magiging totoo ang mga salitang masusumpungan sa Awit 37:18: “Batid ni Jehova ang mga araw ng mga walang pagkukulang, at ang kanila mismong mana ay mananatili maging hanggang sa panahong walang takda.”
[Mga larawan sa pahina 26, 27]
Anong kinabukasan ang iniisip mo para sa iyong mga anak?