Kung Ano ang Talagang Kailangan Upang Lumigaya
Kung Ano ang Talagang Kailangan Upang Lumigaya
SI Jehova, na “maligayang Diyos,” at si Jesu-Kristo, na “maligaya at tanging Makapangyarihang Tagapamahala,” ang lubos na nakaaalam kung ano ang kailangan upang lumigaya. (1 Timoteo 1:11; 6:15) Kaya, hindi nakapagtataka na ang susi sa kaligayahan ay masusumpungan sa Salita ng Diyos, ang Bibliya.—Apocalipsis 1:3; 22:7.
Sa kaniyang bantog na Sermon sa Bundok, inilarawan ni Jesus kung ano ang kailangan upang lumigaya. Sinabi niya: “Maligaya yaong” mga (1) palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan, (2) nagdadalamhati, (3) mahinahong-loob, (4) nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, (5) maawain, (6) dalisay ang puso, (7) mapagpayapa, (8) pinag-uusig dahil sa katuwiran, at (9) dinudusta at pinag-uusig dahil sa kaniya.—Mateo 5:3-11. *
Tumpak ba ang mga Kapahayagan ni Jesus?
Hindi mapag-aalinlanganan ang pagiging totoo ng ilang pananalita ni Jesus. Sino ang magkakaila na magiging mas maligaya ang taong mahinahong-loob, maawain, at mapagpayapa na nauudyukan ng dalisay na puso kaysa sa isang taong magagalitin, palaaway, at walang awa?
Gayunman, maaaring pagtakhan natin kung sa anong paraan matatawag na maligaya ang mga taong nagugutom at nauuhaw sa katuwiran o yaong Ezekiel 9:4) Hindi naman sila nagiging maligaya dahil diyan. Gayunman, nang malaman nila ang layunin ng Diyos na magdulot ng matuwid na mga kalagayan sa lupa at maglapat ng katarungan sa mga naaapi, walang kahulilip ang kanilang kaligayahan.—Isaias 11:4.
mga nagdadalamhati. May makatotohanang pangmalas sa mga kalagayan sa daigdig ang gayong mga indibiduwal. Sila ay “nagbubuntunghininga at dumaraing dahil sa lahat ng karima-rimarim na bagay na ginagawa” sa ating panahon. (Ang pag-ibig sa katuwiran ay nag-uudyok din sa mga indibiduwal na ipagdalamhati ang madalas nilang pagkabigo na gawin ang tama. Kaya sila ay palaisip sa kanilang espirituwal na mga pangangailangan. Kusang-loob na umaasa ang gayong mga tao sa patnubay ng Diyos sapagkat alam nila na siya lamang ang makatutulong sa mga tao na pagtagumpayan ang kanilang mga kahinaan.—Kawikaan 16:3, 9; 20:24.
Ang mga taong nagdadalamhati, nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, at palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan ay nakababatid sa kahalagahan ng pagkakaroon ng mabuting kaugnayan sa Maylalang. Nakapagpapaligaya ang mabuting kaugnayan sa mga tao, subalit lalong higit ang mabuting kaugnayan sa Diyos. Oo, ang seryosong mga tao na umiibig sa kung ano ang tama at handang tumanggap ng patnubay mula sa Diyos ay tunay ngang matatawag na maligaya.
Gayunman, marahil ay nahihirapan kang paniwalaan na maaaring maging maligaya ang isa na pinag-uusig at dinudusta. Subalit, tiyak na totoo ito, yamang si Jesus mismo ang nagsabi nito. Kaya, paano ba dapat unawain ang kaniyang mga sinabi?
Pinag-uusig Subalit Maligaya—Paano Mangyayari Iyan?
Pansinin na hindi naman sinabi ni Jesus na ang pandurusta at pag-uusig mismo ang umaakay sa kaligayahan. Sinabi niya: “Maligaya yaong mga pinag-usig dahil sa katuwiran, . . . kapag dinudusta kayo ng mga tao at pinag-uusig kayo . . . dahil sa akin.” (Mateo 5:10, 11) Kaya magiging maligaya lamang ang isang tao kung dinudusta siya dahil sa pagiging tagasunod ni Kristo at dahil iniaayon niya ang kaniyang buhay sa matutuwid na simulaing itinuro ni Jesus.
Inilalarawan ito ng nangyari sa sinaunang mga Kristiyano. “Tinawag [ng mga miyembro ng Sanedrin, ang mataas na hukuman ng mga Judio,] ang mga apostol, pinagpapalo sila, at inutusan silang tumigil na sa pagsasalita salig sa pangalan ni Jesus, at pinawalan sila.” Paano tumugon ang mga apostol? “Nang magkagayon ay yumaon ang mga ito mula sa harap ng Sanedrin, na nagsasaya sapagkat ibinilang silang karapat-dapat na walaing-dangal alang-alang sa kaniyang pangalan. At bawat araw sa templo at sa bahay-bahay ay nagpatuloy sila nang walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.”—Gawa 5:40-42; 13:50-52.
Si apostol Pedro ay nagbigay ng higit na kaunawaan sa kaugnayan ng pandurusta at kaligayahan. Isinulat niya: “Kung dinudusta kayo dahil sa pangalan ni Kristo, kayo ay maligaya, sapagkat ang espiritu ng kaluwalhatian, ang espiritu mismo ng Diyos, ay namamalagi sa inyo.” (1 Pedro 4:14) Oo, ang pagdurusa bilang Kristiyano dahil sa paggawa ng tama, bagaman di-kaayaaya ang gayong pagdurusa, ay nagdudulot ng kaligayahan na nagmumula sa pagkaalam na tumatanggap ang isa ng banal na espiritu ng Diyos. Paano nauugnay ang espiritu ng Diyos sa kaligayahan?
Mga Gawa ng Laman o mga Bunga ng Espiritu?
Ang banal na espiritu ng Diyos ay namamalagi lamang sa mga sumusunod sa Diyos bilang tagapamahala. (Gawa 5:32) Hindi ibinibigay ni Jehova ang kaniyang espiritu sa mga nagsasagawa ng “mga gawa ng laman.” Ang mga gawang iyon ay “pakikiapid, karumihan, mahalay na paggawi, idolatriya, pagsasagawa ng espiritismo, mga alitan, hidwaan, paninibugho, mga silakbo ng galit, mga pagtatalo, mga pagkakabaha-bahagi, mga sekta, mga inggitan, mga paglalasingan, mga walang-taros na pagsasaya, at mga bagay na tulad ng mga ito.” (Galacia 5:19-21) Totoo, kitang-kita sa daigdig sa ngayon “ang mga gawa ng laman.” Gayunman, hindi nagtatamasa ng tunay at namamalaging kaligayahan ang mga nagsasagawa nito. Sa halip, ang paggawa ng gayong mga bagay ay sumisira sa mabuting kaugnayan ng isa sa kaniyang mga kamag-anak, kaibigan, at mga kakilala. Karagdagan pa, sinasabi ng Salita ng Diyos na yaong mga “nagsasagawa ng gayong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”
Kabaligtaran nito, ibinibigay ng Diyos ang kaniyang espiritu sa mga naglilinang ng “mga bunga ng espiritu.” Ang mga katangiang bumubuo sa mga bungang ito ay “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili.” (Galacia 5:22, 23) Kapag ipinamamalas natin ang mga katangiang ito, lumilikha tayo ng mga kalagayang umaakay sa pagkakaroon ng mapayapang kaugnayan sa iba at sa Diyos, na nagdudulot naman ng tunay na kaligayahan. (Tingnan ang kahon.) Higit na mahalaga, sa pamamagitan ng pagpapakita ng pag-ibig, kabaitan, kabutihan, at iba pang makadiyos na mga katangian, napaluluguran natin si Jehova at mayroon tayong maligayang pag-asa na buhay na walang hanggan sa bagong sanlibutan ng katuwiran ng Diyos.
Ang Kaligayahan ay Isang Mapagpipilian
Nang taimtim na mag-aral ng Bibliya sina Wolfgang at Brigitte, isang mag-asawang nakatira sa Alemanya, marami silang taglay na materyal na mga bagay na iniisip ng mga tao na kailangan upang lumigaya. Bata pa sila at malulusog. Mamahalin ang mga damit na isinusuot nila, naninirahan sa isang napakagandang bahay, at may matagumpay na negosyo. Ginugol nila ang kalakhang bahagi ng kanilang panahon sa pagsusumikap na magkamal ng mas marami pang materyal na mga bagay, pero hindi ito nagbigay sa kanila ng tunay na kaligayahan. Subalit nang maglaon, gumawa ng mahalagang pasiya sina Wolfgang at Brigitte. Pinasimulan nilang mag-ukol ng higit na panahon at pagsisikap sa pagtataguyod ng espirituwal na mga pamantayan at humanap ng mga paraan upang maging mas malapít kay Jehova. Di-nagtagal, ang pagpili nila ay nagpabago ng kanilang saloobin, na nagpakilos naman sa kanila na pasimplehin ang kanilang buhay at maglingkod bilang mga payunir, o buong-panahong mga ebanghelisador ng Kaharian. Sa ngayon, naglilingkod sila bilang mga boluntaryo sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Alemanya. Bukod dito, nag-aaral sila ng isang wikang Asiano upang tulungan ang mga banyaga na matuto ng katotohanang masusumpungan sa Salita ng Diyos, ang Bibliya.
Nasumpungan ba ng mag-asawang ito ang tunay na kaligayahan? Ganito ang sabi ni Wolfgang: “Magmula nang higit kaming naging abala sa pagtataguyod ng espirituwal na mga bagay, kami’y naging mas maligaya at nakaranas ng higit na kasiyahan. Tumibay rin ang aming pag-aasawa dahil sa buong-pusong paglilingkod kay Jehova. Maligaya
na ang pag-aasawa namin bago pa nito, pero mayroon kaming mga pananagutan at kinawiwilihang mga bagay na nagbibigay sa amin ng magkaibang mga tunguhin. Nagkakaisa na kami ngayon sa pagtataguyod ng iisang tunguhin.”Ano ang Kailangan Upang Lumigaya?
Sa madaling salita: Iwasan ang “mga gawa ng laman,” at linangin ang “mga bunga ng espiritu” ng Diyos. Upang lumigaya, dapat asamin ng isa na magkaroon ng malapít na kaugnayan sa Diyos. Ang isang taong nagsisikap magkamit ng kaugnayang ito ay magiging gaya ng maligayang tao na inilarawan ni Jesus.
Kaya, huwag magkamaling ipagpalagay na hindi ka maaaring lumigaya. Totoo, maaaring mahina ang iyong kalusugan ngayon o baka may mga problema ka pa nga sa iyong pag-aasawa. Marahil ay hindi ka na maaaring magkaanak, o baka nagpupunyagi kang magkaroon ng matagumpay na propesyon. Maaaring karampot na lamang ang iyong salapi di-gaya ng dati. Gayunman, magpakalakas-loob ka; walang dahilan upang mawalan ka ng pag-asa! Lulunasan ng Kaharian ng Diyos ang mga problemang ito at ang daan-daang iba pa. Sa katunayan, malapit nang tuparin ng Diyos na Jehova ang kaniyang pangako na ipinahayag ng salmista: “Ang iyong paghahari ay isang paghahari sa lahat ng panahong walang takda . . . Binubuksan mo ang iyong kamay at sinasapatan mo ang nasa ng bawat bagay na may buhay.” (Awit 145:13, 16) Gaya ng mapatutunayan ng milyun-milyong lingkod ni Jehova sa buong daigdig, ang pagsasaisip sa nakapagpapatibay-loob na pangakong ito ni Jehova ay lubusang makapagdudulot sa iyo ng kaligayahan ngayon.—Apocalipsis 21:3.
[Talababa]
^ par. 3 Bawat isa sa mga kapahayagang ito ni Jesus sa Sermon sa Bundok ay nagsisimula sa Griegong salita na ma·kaʹri·oi. Sa halip na isalin ito bilang “mapalad,” gaya ng ginawa ng ilang salin, ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin at ng iba pang salin, gaya ng The Jerusalem Bible at Today’s English Version, ang mas tumpak na terminong “maligaya.”
[Kahon sa pahina 6]
Mga Salik na Nagdudulot ng Kaligayahan
Pag-ibig ang nagpapakilos sa iba na ibigin ka bilang ganti.
Kagalakan ang nagbibigay sa iyo ng lakas upang mapagtagumpayan ang mga hamon.
Kapayapaan ang tumutulong upang mapanatili mong malaya mula sa alitan ang iyong mga pakikipag-ugnayan.
Mahabang pagtitiis ang tumutulong sa iyo na manatiling maligaya kahit na dumaranas ka ng pagsubok.
Napapalapit sa iyo ang iba dahil sa kabaitan.
Tutugon ang iba kapag kailangan mo ng tulong dahil sa iyong kabutihan.
Makatitiyak ka sa maibiging patnubay ng Diyos dahil sa pananampalataya.
Dahil sa kahinahunan, magiging kalmado ang iyong puso, isip, at katawan.
Kaunti lamang ang magiging pagkakamali mo kung mayroon kang pagpipigil sa sarili.
[Mga larawan sa pahina 7]
Upang matamo ang kaligayahan, kailangan mong sapatan ang iyong espirituwal na mga pangangailangan