Kung Paano Mahaharap ang Pagkasira ng Loob
Kung Paano Mahaharap ang Pagkasira ng Loob
NASISIRAAN ka ba ng loob? Sa panahong ito ng kawalang-katiyakan at alitan, maraming tao ang nasisiraan ng loob. Ang ilan ay nasisiraan ng loob sapagkat wala silang trabaho. Kinakaharap naman ng iba ang mga epekto ng isang aksidente. Ang iba pa ay nakikipagpunyagi sa mga problema ng pamilya, malubhang karamdaman, o kalungkutan.
Kung nasisiraan ka ng loob, saan ka makahihingi ng tulong? Milyun-milyon sa buong daigdig ang nakasumpong ng kaaliwan sa pagbabasa ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. Sila ay binibigyang-katiyakan ng mga salita ni apostol Pablo, na nagsabi: “Pagpalain nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, ang Ama ng magiliw na kaawaan at ang Diyos ng buong kaaliwan, na umaaliw sa amin sa lahat ng aming kapighatian.” (2 Corinto 1:3, 4) Bakit hindi ito basahin at ang iba pang mga talata sa iyong sariling Bibliya? Ang paggawa nito ay ‘aaliw sa iyong puso at magpapatatag sa iyo.’—2 Tesalonica 2:17.
Masusumpungan din ang tulong upang maharap ang pagkasira ng loob sa pamamagitan ng pakikisama sa mga naglilingkod kay Jehova. Ang Kawikaan 12:25 ay nagsasabi: “Ang pagkabalisa sa puso ng tao ang siyang magpapayukod nito, ngunit ang mabuting salita ang siyang nagpapasaya nito.” Kapag dumadalo tayo sa mga pagpupulong Kristiyano, naririnig natin ang “mabuting salita,” na “matamis sa kaluluwa at kagalingan sa mga buto.” (Kawikaan 16:24) Bakit hindi ka dumalo sa isang pulong sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova upang maranasan mo mismo ang nakapagpapalakas na epekto sa iyo ng gayong pagtitipon?
Makikinabang ka rin sa kapangyarihan ng panalangin. Kung nadarama mong nadaraig ka ng mga kabalisahan sa buhay, sabihin mo ang iyong mga niloloob sa “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Ang ating Maylalang, ang Diyos na Jehova, ay nakauunawa sa atin nang higit kaysa sa pagkaunawa natin sa ating sarili. Maaasahan natin ang kaniyang tulong. Nangangako sa atin ang kaniyang Salita: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo. Hindi niya kailanman ipahihintulot na ang matuwid ay makilos.” (Awit 55:22) Oo, “yaong mga umaasa kay Jehova ay magpapanibagong-lakas.”—Isaias 40:31.
Binigyan tayo ng Diyos na Jehova ng mabibisang paglalaan na makatutulong sa atin upang maharap natin nang matagumpay ang pagkasira ng loob. Gagamitin mo ba ang mga ito?