Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Bakit sinasabi ng mga Saksi ni Jehova na literal at hindi makasagisag ang bilang na 144,000 na binabanggit sa aklat ng Apocalipsis?

Sumulat si apostol Juan: “Narinig ko ang bilang niyaong mga tinatakan, isang daan at apatnapu’t apat na libo.” (Apocalipsis 7:4) Sa Bibliya, ang pariralang “niyaong mga tinatakan” ay tumutukoy sa isang grupo ng mga indibiduwal na pinili mula sa sangkatauhan upang mamahalang kasama ni Kristo sa langit sa dumarating na Paraiso sa lupa. (2 Corinto 1:21, 22; Apocalipsis 5:9, 10; 20:6) Literal ang pagkaunawa sa kanilang bilang na 144,000 sa ilang kadahilanan. Ang isa ay masusumpungan sa konteksto ng Apocalipsis 7:4.

Matapos banggitin kay apostol Juan sa isang pangitain ang tungkol sa grupong ito ng 144,000 indibiduwal, isang grupo pa ang ipinakita sa kaniya. Inilalarawan ni Juan ang ikalawang grupong ito bilang “isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” Ang malaking pulutong na ito ay tumutukoy sa mga makaliligtas sa dumarating na “malaking kapighatian,” na siyang wawasak sa kasalukuyang balakyot na sanlibutan.​—Apocalipsis 7:9, 14.

Gayunman, pansinin ang pagkakaibang ipinakikita ni Juan sa mga talata 4 at 9 ng Apocalipsis kabanata 7. Binanggit niya na ang unang grupo, “niyaong mga tinatakan,” ay may tiyak na bilang. Gayunman, ang ikalawang grupo, “isang malaking pulutong,” ay walang tiyak na bilang. Dahil diyan, makatuwirang sabihin na ang bilang na 144,000 ay literal. Kung ang bilang na 144,000 ay makasagisag at tumutukoy sa isang grupo na aktuwal na walang tiyak na bilang, mawawalan ng bisa ang paghahambing sa dalawang talata. Kaya matibay na ipinakikita ng konteksto na ang bilang na 144,000 ay dapat ituring na literal.

Gayundin ang naging konklusyon ng iba’t ibang iskolar ng Bibliya, noon at ngayon​—na ang bilang ay literal. Halimbawa, sa pagkokomento tungkol sa Apocalipsis 7:4, 9, ganito ang sinabi ng leksikograpong Britano na si Dr. Ethelbert W. Bullinger mga 100 taon na ang nakalilipas: “Ito ang simpleng kapahayagan ng katotohanan: isang tiyak na bilang kung ihahambing sa di-tiyak na bilang sa kabanata ring ito.” (The Apocalypse or “The Day of the Lord,” pahina 282) Kamakailan, ganito ang isinulat ni Robert L. Thomas, Jr., propesor ng Bagong Tipan sa The Master’s Seminary sa Estados Unidos: “Walang matibay na saligan kung ituturing na makasagisag ang bilang.” Sinabi pa niya: “Isa itong tiyak na bilang [sa 7:4] kung ihahambing sa di-tiyak na bilang ng 7:9. Kung ito ay ituturing na makasagisag, wala nang bilang sa aklat [ng Apocalipsis] ang maituturing na literal.”​—Revelation: An Exegetical Commentary, Tomo 1, pahina 474.

Ikinakatuwiran ng ilan na yamang ang Apocalipsis ay naglalaman ng lubhang makasagisag na pananalita, lahat ng bilang na masusumpungan sa aklat na ito, pati na ang bilang na 144,000, ay malamang na makasagisag. (Apocalipsis 1:1, 4; 2:10) Subalit maliwanag na mali ang konklusyong iyan. Totoo na ang Apocalipsis ay naglalaman ng maraming makasagisag na mga bilang, subalit kasama rin dito ang literal na mga bilang. Halimbawa, binabanggit ni Juan “ang labindalawang pangalan ng labindalawang apostol ng Kordero.” (Apocalipsis 21:14) Maliwanag, ang bilang na 12 na binabanggit sa talatang ito ay literal, hindi makasagisag. Isa pa, isinulat ni apostol Juan ang tungkol sa “isang libong taon” na paghahari ni Kristo. Dapat ding ituring na literal ang bilang na iyan gaya ng ipinakikita ng maingat na pagsusuri sa Bibliya. * (Apocalipsis 20:3, 5-7) Kaya nga, depende sa konteksto nito kung ang isang bilang sa Apocalipsis ay ituturing na literal o makasagisag.

Ang konklusyon na ang bilang na 144,000 ay literal at tumutukoy sa isang limitadong bilang ng mga indibiduwal, na isa ngang maliit na grupo kung ihahambing sa “malaking pulutong,” ay kasuwato rin ng iba pang mga talata sa Bibliya. Halimbawa, nang maglaon sa pangitain na tinanggap ni apostol Juan, inilarawan ang 144,000 bilang yaong mga “binili mula sa sangkatauhan bilang mga unang bunga.” (Apocalipsis 14:1, 4) Ang pananalitang “mga unang bunga” ay tumutukoy sa isang maliit na bahagi na kumakatawan sa kabuuan. Gayundin, samantalang nasa lupa si Jesus, binanggit niya ang tungkol sa mga mamamahalang kasama niya sa kaniyang makalangit na Kaharian at tinawag niya silang isang “munting kawan.” (Lucas 12:32; 22:29) Tunay nga, ang mga mamamahala sa langit na mula sa sangkatauhan ay iilan lamang kung ihahambing sa sangkatauhan na maninirahan sa dumarating na Paraiso sa lupa.

Kaya, ang konteksto ng Apocalipsis 7:4 at ang nauugnay na mga paliwanag na masusumpungan sa Bibliya ay nagpapatunay na ang bilang na 144,000 ay dapat ituring na literal. Tumutukoy ito sa mga makakasama ni Kristo sa langit na mamamahala sa isang paraisong lupa, na mapupuno ng malaki at di-tiyak na bilang ng maliligayang tao na sumasamba sa Diyos na Jehova.​—Awit 37:29.

[Talababa]

^ par. 7 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, tingnan ang Apocalipsis​—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito! pahina 289-90, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Blurb sa pahina 31]

Ang bilang ng makalangit na mga tagapagmana ay limitado sa 144,000

[Larawan sa pahina 31]

Walang takdang bilang ang “malaking pulutong”

[Picture Credit Line sa pahina 31]

Mga bituin: Courtesy of Anglo-Australian Observatory, photograph by David Malin