Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Panalangin ng Panginoon—Ang Kahulugan Nito Para sa Iyo

Ang Panalangin ng Panginoon—Ang Kahulugan Nito Para sa Iyo

Ang Panalangin ng Panginoon​—Ang Kahulugan Nito Para sa Iyo

ANG Panalangin ng Panginoon, na binigkas ni Jesu-Kristo sa Sermon sa Bundok, ay nakaulat sa Bibliya sa Mateo kabanata 6, mga talata 9 hanggang 13. Bago bigkasin ang panalanging ito, sinabi ni Jesus: “Kapag nananalangin, huwag ninyong sabihin ang gayunding mga bagay nang paulit-ulit, gaya ng ginagawa ng mga tao ng mga bansa, sapagkat inaakala nila na pakikinggan sila dahil sa kanilang paggamit ng maraming salita.”​—Mateo 6:7.

Kung gayon, maliwanag na hindi nilayon ni Jesus na bigkasin ang Panalangin ng Panginoon nang salita por salita. Totoo, inulit niya ang panalanging ito nang maglaon sa kapakinabangan ng ibang mga tagapakinig. (Lucas 11:2-4) Pero bahagyang magkaiba ang mga salita sa panalanging ito sa mga ulat ng Ebanghelyo nina Mateo at Lucas. Isa pa, nang maglaon ay hindi ginamit sa mga panalangin ni Jesus at ng kaniyang mga alagad ang eksakto at espesipikong mga salita ng kaniyang huwarang panalangin.

Bakit iniulat sa Bibliya ang Panalangin ng Panginoon? Sa pamamagitan ng huwarang ito, itinuturo sa atin ni Jesus kung paano maaaring maging kanais-nais sa Diyos ang ating mga panalangin. Sa panalanging ito, nasusumpungan din natin ang mga kasagutan sa ilang mahahalagang katanungan sa buhay. Kaya isaalang-alang natin ang bawat bahagi ng Panalangin ng Panginoon.

Ano ba ang Pangalan ng Diyos?

“Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.” (Mateo 6:9) Tinutulungan tayo ng panimulang mga salitang ito ng huwarang panalangin na maging malapít sa Diyos sa pamamagitan ng pagtawag sa kaniya bilang ‘Ama natin.’ Tulad ng isang bata, na likas na malapít sa isang maibigin at maunawaing magulang, makalalapit tayo sa ating makalangit na Ama taglay ang pagtitiwalang nais niya tayong mapakinggan. “O Dumirinig ng panalangin,” ang awit ni Haring David, “sa iyo nga ay paroroon ang mga tao mula sa lahat ng laman.”​—Awit 65:2.

Tinuturuan tayo ni Jesus na ipanalanging pakabanalin nawa ang pangalan ng Diyos, o italaga bilang banal. Ngunit ano ba ang pangalan ng Diyos? Sumasagot ang Bibliya sa mga pananalitang ito: “Ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.” (Awit 83:18) Nabasa mo na ba ang pangalang Jehova sa Bibliya?

Sa katunayan, lumilitaw ang pangalan ng Diyos, na Jehova, nang halos 7,000 ulit sa sinaunang mga manuskrito ng Bibliya. Gayunman, inalis pa nga ng ilang tagapagsalin ang pangalang ito sa kanilang mga bersiyon ng Bibliya. Samakatuwid, tama lamang na ipanalangin natin sa ating Maylalang na pakabanalin ang kaniyang pangalan, o gawin itong banal. (Ezekiel 36:23) Ang isang paraan upang kumilos na kasuwato ng panalanging iyon ay gamitin ang pangalan ni Jehova kapag tayo ay nananalangin sa Diyos.

Pinalaking Katoliko ang isang babaing nagngangalang Patricia at pamilyar na pamilyar siya sa Panalangin ng Panginoon. Ano ang naging reaksiyon niya nang ipakita sa kaniya ng isang Saksi ni Jehova ang pangalan ng Diyos sa Bibliya? “Hindi ako makapaniwala!” ang bulalas niya. “Kaya kinuha ko ang aking sariling salin ng Bibliya, at naroon din ito. Pagkatapos, ipinakita sa akin ng Saksi ang Mateo 6:9, 10 at ipinaliwanag na ang pangalan ng Diyos ay kasama sa Panalangin ng Panginoon. Talagang tuwang-tuwa ako at hiniling ko sa kaniya na aralan ako sa Bibliya.”

Mangyari ang Kalooban ng Diyos sa Lupa

“Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Paano matutupad ang bahaging ito ng huwarang panalangin ni Jesus? Iniisip ng karamihan sa mga tao ang langit bilang isang dako ng kapayapaan at katahimikan. Tinutukoy ng Kasulatan ang langit bilang ang “marangal na tahanan ng kabanalan at kagandahan” ni Jehova. (Isaias 63:15) Kaya naman idinadalangin nating mangyari nawa ang kalooban ng Diyos sa lupa “kung paano sa langit”! Subalit mangyayari pa kaya ito?

Inihula ng propeta ni Jehova na si Daniel: “Magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng [makalupang] mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.” (Daniel 2:44) Malapit nang kumilos ang makalangit na Kahariang ito, o gobyerno, upang magkaroon ng pangglobong kapayapaan sa ilalim ng matuwid na pamamahala.​—2 Pedro 3:13.

Ang pananalangin na dumating nawa ang Kaharian ng Diyos at mangyari ang kaniyang kalooban sa lupa ay isang kapahayagan ng pananampalataya na hindi aakay sa kabiguan. Ang Kristiyanong apostol na si Juan ay sumulat: “Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono na nagsasabi: ‘Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.’ ” Pagkatapos ay idinagdag ni Juan: “At ang Isa na nakaupo sa trono ay nagsabi: . . . ‘Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.’ ”​—Apocalipsis 21:3-5.

Ang Panalangin at ang Ating Pisikal na mga Pangangailangan

Sa sinabi niya sa huwarang panalangin, ipinakita ni Jesus na ang pangunahing bagay na ating iniisip kapag nananalangin tayo ay dapat na nauugnay sa pangalan at kalooban ng Diyos. Gayunman, nagpapatuloy ang huwarang panalangin sa pamamagitan ng personal na mga kahilingan na wastong idinudulog kay Jehova.

Ang una sa mga ito ay: “Ibigay mo sa amin ngayon ang aming tinapay para sa araw na ito.” (Mateo 6:11) Hindi ito isang kahilingan para sa materyal na kayamanan. Hinihimok tayo ni Jesus na manalangin para sa ‘ating tinapay para sa araw na ito ayon sa pangangailangan sa araw na ito.’ (Lucas 11:3) Kasuwato ng Panalangin ng Panginoon, makapananalangin tayo taglay ang pananampalataya na ilalaan ng Diyos ang ating mga pangangailangan sa araw-araw kung iniibig at sinusunod natin siya.

Baka makaligtaan natin ang ating espirituwal na pangangailangan kung labis tayong nababalisa sa mga suliranin sa kabuhayan anupat hindi natin magawa ang inaasahan sa atin ng Diyos. Subalit kung uunahin natin sa ating buhay ang pagsamba sa Diyos, makatitiyak tayo na ang ating mga pagsamo sa Diyos para sa materyal na mga pangangailangan, gaya ng pagkain at pananamit, ay may-pagsang-ayong pakikinggan. Sinabi ni Jesus: “Patuloy . . . na hanapin muna ang kaharian at ang katuwiran [ng Diyos], at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” (Mateo 6:26-33) Isang hamon na hanapin ang katuwiran ng Diyos, yamang tayong lahat ay makasalanan at nangangailangan ng kapatawaran. (Roma 5:12) Inilalakip din sa Panalangin ng Panginoon ang bagay na ito.

Ang Ating mga Panalangin at Kapatawaran

“Patawarin mo kami sa aming mga pagkakautang, kung paanong pinatawad din namin ang mga may utang sa amin.” (Mateo 6:12) Sa ulat ni Lucas sa Panalangin ng Panginoon, ang “mga pagkakautang” na ito ay tumutukoy sa “mga kasalanan.” (Lucas 11:4) Talaga bang patatawarin ng Diyos na Jehova ang ating mga kasalanan?

Bagaman nakagawa ng malulubhang kasalanan si Haring David ng sinaunang Israel, nagsisi siya at may-pagtitiwalang nanalangin: “Ikaw, O Jehova, ay mabuti at handang magpatawad; at ang maibiging-kabaitan sa lahat ng tumatawag sa iyo ay sagana.” (Awit 86:5) Nakaaaliw ngang isipin! “Handang magpatawad” ang ating makalangit na Ama sa mga kasalanan ng mga may-pagsisising tumatawag sa kaniya. Kung paanong maaaring kanselahin nang lubusan ang isang utang, maaari ring lubusang patawarin ng Diyos na Jehova ang ating mga kasalanan.

Gayunman, binanggit ni Jesus ang isang kondisyon: Upang patawarin ng Diyos, dapat nating patawarin ang iba. (Mateo 6:14, 15) Bagaman pinakitunguhan nang hindi mabuti ang matuwid na taong si Job ng tatlong kasamahan, pinatawad niya sila at ipinanalangin pa nga sila. (Job 42:10) Kung patatawarin natin ang mga nagkakasala laban sa atin, mapalulugdan natin ang Diyos at makikinabang tayo sa kaniyang awa.

Ang pagkukusa ng Diyos na pakinggan ang ating mga pagsusumamo ay dapat na magpakilos sa atin na hangarin ang kaniyang pagsang-ayon. At magagawa natin iyon kahit na hindi tayo sakdal. (Mateo 26:41) Matutulungan din tayo rito ni Jehova, gaya ng ipinakita ni Jesus nang tapusin niya ang huwarang panalangin sa pamamagitan ng isang mahalagang kahilingan.

Manalangin Para sa Tulong Upang Maitaguyod ang Matuwid na Landasin

“Huwag mo kaming dalhin sa tukso, kundi iligtas mo kami mula sa isa na balakyot.” (Mateo 6:13) Hindi tayo pinababayaan ni Jehova na madaig ng tukso ni pangyayarihin man niya na mahulog tayo sa pagkakasala. Sinasabi ng kaniyang Salita: “Sa masasamang bagay ay hindi masusubok ang Diyos ni sinusubok man niya ang sinuman.” (Santiago 1:13) Pinapayagan nga ng Diyos na tayo’y matukso, ngunit maililigtas niya tayo mula sa Pangunahing Manunukso​—ang “isa na balakyot” na kilala bilang si Satanas na Diyablo.

Hinimok ni apostol Pedro ang mga kapuwa Kristiyano: “Panatilihin ang inyong katinuan, maging mapagbantay. Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng masisila.” (1 Pedro 5:8) Aba, tinukso pa nga ni Satanas ang sakdal na taong si Jesu-Kristo! Ano ba ang tunguhin ng Diyablo? Ang italikod si Jesus sa dalisay na pagsamba sa Diyos na Jehova. (Mateo 4:1-11) Kung hinahangad mong maglingkod sa Diyos, tunguhin ni Satanas na ikaw man ay silain niya!

Sa pamamagitan ng sanlibutang nasa ilalim ng kaniyang kontrol, maaari tayong tuksuhin ng Diyablo na gumawa ng mga bagay na hindi sinasang-ayunan ng Diyos. (1 Juan 5:19) Kaya nga, mahalagang regular tayong bumaling sa Diyos upang humingi ng tulong, lalo na kapag napapaharap tayo sa isang namamalaging tukso. At kung sinasamba natin si Jehova ayon sa kaniyang kinasihang Salita, ang Bibliya, ililigtas niya tayo sa pamamagitan ng pagtulong sa atin na labanan ang Diyablo. “Ang Diyos ay tapat,” ang sabi sa atin ng Bibliya, “at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo.”​—1 Corinto 10:13.

Mahalaga ang Pananampalataya sa Diyos

Nakaaaliw ngang malaman na ang ating makalangit na Ama ay interesado sa bawat isa sa atin! Pinangyari pa nga niyang turuan tayo ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, kung paano manalangin. Tiyak na ito ang nag-uudyok sa atin na palugdan ang Diyos na Jehova. Paano natin magagawa ito?

Sinasabi ng Bibliya: “Kung walang pananampalataya ay imposibleng palugdan [ang Diyos] nang lubos, sapagkat siya na lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya nga ay umiiral at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Paano natin matatamo ang gayong pananampalataya? “Ang pananampalataya ay kasunod ng bagay na narinig,” sabi ng Bibliya. (Roma 10:17) Nalulugod ang mga Saksi ni Jehova na makipag-usap tungkol sa maka-Kasulatang mga bagay sa lahat ng nagnanais maglingkod sa Diyos taglay ang tunay na pananampalataya.

Inaasahang mapalalalim ng pagtalakay na ito hinggil sa Panalangin ng Panginoon ang iyong kaunawaan sa kahulugan nito. Sa pamamagitan ng pagkuha ng karagdagang kaalaman tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga gantimpala para “sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya,” mapalalakas mo ang iyong pananampalataya sa Diyos. Matuto ka nawa nang higit pa tungkol sa kaniya at sa kaniyang mga layunin upang magkaroon ka ng isang malapít na kaugnayan sa iyong makalangit na Ama magpakailanman.​—Juan 17:3.

[Blurb sa pahina 5]

“Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa. Ibigay mo sa amin ngayon ang aming tinapay para sa araw na ito; at patawarin mo kami sa aming mga pagkakautang, kung paanong pinatawad din namin ang mga may utang sa amin. At huwag mo kaming dalhin sa tukso, kundi iligtas mo kami mula sa isa na balakyot.”​—Mateo 6:9-13

[Larawan sa pahina 7]

Inilalaan ni Jehova ang mga pangangailangan ng mga umiibig sa kaniya

[Larawan sa pahina 7]

Tinutulungan din tayo ng Diyos upang labanan ang Diyablo

[Larawan sa pahina 7]

Tulad ni Job, kung patatawarin natin ang mga nagkakasala laban sa atin, makikinabang tayo sa awa ng Diyos