Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

‘Hanapin Ninyo Kung Sino ang Karapat-dapat’

‘Hanapin Ninyo Kung Sino ang Karapat-dapat’

‘Hanapin Ninyo Kung Sino ang Karapat-dapat’

ANG Damasco ay isang maunlad na lunsod noong unang siglo ng ating Karaniwang Panahon. Palibhasa’y napalilibutan ng mga taniman, ito’y mistulang oasis para sa mga pulutong na nagmula sa silangan. Di-nagtagal pagkamatay ni Jesu-Kristo, nagkaroon ng isang kongregasyong Kristiyano sa Damasco. Kabilang sa mga miyembro nito ang mga Judio na malamang na naging mga tagasunod ni Jesus noong Kapistahan ng Pentecostes sa Jerusalem noong 33 C.E. (Gawa 2:5, 41) Ang ilang alagad sa Judea ay malamang na lumipat sa Damasco nang bumangon ang pag-uusig pagkatapos ng pagbato kay Esteban.​—Gawa 8:1.

Malamang na 34 C.E. noon nang tumanggap ng isang di-karaniwang atas ang isang Kristiyanong taga-Damasco na nagngangalang Ananias. Sinabi sa kaniya ng Panginoon: “Bumangon ka, pumaroon ka sa lansangan na tinatawag na Tuwid, at sa bahay ni Hudas ay hanapin mo ang isang lalaki na nagngangalang Saul, mula sa Tarso. Sapagkat, narito! nananalangin siya.”​—Gawa 9:11.

Ang lansangan na tinatawag na Tuwid ay may haba na mga 1.5 kilometro at bumabagtas sa sentro ng Damasco. Kung titingnan natin ang lilok noong ika-19 na siglo na nasa pahinang ito, magkakaroon tayo ng ideya kung ano ang hitsura ng lansangang iyon noong sinaunang panahon. Dahil sa disenyo ng lansangan, malamang na matagal-tagal ding hinanap ni Ananias ang bahay ni Hudas. Gayunman, nasumpungan ito ni Ananias, at dahil sa pagdalaw niya kung kaya si Saul ay naging si apostol Pablo, isang masigasig na tagapaghayag ng mabuting balita.​—Gawa 9:12-19.

Isinugo ni Jesus ang kaniyang mga alagad at sinabihan sila na ‘hanapin kung sino ang karapat-dapat’ sa mabuting balita. (Mateo 10:11) Maliwanag na literal na hinanap ni Ananias si Saul. Gaya ni Ananias, may-kagalakang hinahanap ng mga Saksi ni Jehova ang mga karapat-dapat at nalulugod sila kapag tinatanggap ng mga tao ang mabuting balita ng Kaharian. Sulit ang mga pagsisikap kapag nasumpungan ang mga ito.​—1 Corinto 15:58.

[Larawan sa pahina 32]

Ang “lansangan na tinatawag na Tuwid” sa ngayon

[Picture Credit Line sa pahina 32]

From the book La Tierra Santa, Volume II, 1830