Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Deuteronomio

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Deuteronomio

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Deuteronomio

TAÓNG 1473 B.C.E. Apatnapung taon na ang nakalilipas mula nang iligtas ni Jehova ang mga anak ni Israel sa pagkaalipin sa Ehipto. Pagkatapos magpagala-gala ng mga Israelita sa ilang sa loob ng maraming taon, isa pa rin silang bansa na walang lupain. Gayunman, sa wakas ay nakatayo na sila sa hangganan ng Lupang Pangako. Ano ang mangyayari kapag inari na nila ito? Anu-anong suliranin ang daranasin nila, at paano nila haharapin ang mga ito?

Bago tumawid ang Israel sa Ilog Jordan patungo sa lupain ng Canaan, inihanda ni Moises ang kongregasyon para sa malaking atas. Paano? Ipinahayag niya ang isang serye ng diskurso na nagpapatibay at humihimok, nagpapayo at nagbababala. Ipinaalaala niya sa mga Israelita na karapat-dapat ang Diyos na Jehova sa bukod-tanging debosyon at hindi nila dapat tularan ang mga daan ng nakapalibot na mga bansa. Ang mga pahayag na ito ang bumubuo sa kalakhang bahagi ng aklat ng Deuteronomio sa Bibliya. At ang mga payo rito ang mismong kailangan natin sa ngayon, sapagkat tayo rin ay nabubuhay sa isang sanlibutan na ang pag-uukol ng bukod-tanging debosyon kay Jehova ay isang hamon.​—Hebreo 4:12.

Maliban sa huling kabanata, isinulat ni Moises ang aklat ng Deuteronomio at sumasaklaw ito sa yugto na mahigit sa dalawang buwan. * (Deuteronomio 1:3; Josue 4:19) Tingnan natin kung paano makatutulong ang nakasaad dito upang ibigin natin ang Diyos na Jehova nang ating buong puso at upang mapaglingkuran natin siya nang tapat.

‘HUWAG MONG KALIMUTAN ANG MGA BAGAY NA NAKITA NG IYONG MGA MATA’

(Deuteronomio 1:1–4:49)

Sa unang diskurso, inilahad ni Moises ang ilan sa mga karanasan sa ilang​—lalo na yaong makatutulong sa mga Israelita habang naghahanda silang ariin ang Lupang Pangako. Ang ulat ng paghirang sa mga hukom ay malamang na nagpaalaala sa kanila na inoorganisa ni Jehova ang kaniyang bayan sa paraang tiyak na maibiging mapangangalagaan sila. Isinaysay rin ni Moises na dahil sa masamang ulat ng sampung tiktik hindi nakapasok ang naunang salinlahi sa lupang pangako. Isip-isipin ang malamang na naging epekto ng babalang halimbawang ito sa mga tagapakinig ni Moises habang natatanaw nila mismo ang lupaing iyon.

Ang paggunita sa mga tagumpay na ibinigay ni Jehova sa mga anak ni Israel bago sila tumawid sa Jordan ay malamang na nagpalakas ng kanilang loob habang naghahanda silang kubkubin ang kabilang ibayo ng ilog. Laganap ang idolatriya sa lupaing aariin nila. Angkop nga lamang na bigyan sila ni Moises ng mahigpit na babala laban sa pagsamba sa idolo!

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

2:4-6, 9, 19, 24, 31-​35; 3:1-6—Bakit nilipol ng mga Israelita ang ilan sa mga taong nakatira sa silangan ng Jordan samantalang hindi naman nila ito ginawa sa iba? Ipinag-utos ni Jehova sa Israel na hindi sila dapat makipaghidwaan sa mga anak ni Esau. Bakit? Sapagkat sila ay mga inapo ng kapatid ni Jacob. Hindi liligaligin ng mga Israelita ni makikipagdigma man sila sa mga Moabita at mga Ammonita, sapagkat sila ay mga inapo ng pamangkin ni Abraham na si Lot. Gayunman, hindi masasabi ng mga Amoritang hari na sina Sihon at Og ang bagay na ito hinggil sa lupaing nasa ilalim ng kanilang kontrol. Kaya naman, nang hindi paraanin ni Sihon ang mga Israelita at nang salubungin sila ni Og sa pagbabaka, iniutos ni Jehova na wasakin ng mga Israelita ang kanilang mga lunsod, anupat walang ititirang buháy.

4:15-​20, 23, 24—Ang pagbabawal ba na gumawa ng inukit na mga imahen ay nangangahulugan na mali ang gumawa ng kawangis na mga bagay bilang dekorasyon? Hindi. Ang pagbabawal dito ay laban sa paggawa ng mga imahen sa pagsamba​—laban sa ‘pagyukod sa mga idolo at paglilingkod sa mga iyon.’ Hindi ipinagbabawal ng Kasulatan ang pag-ukit ng mga eskultura o pagpinta ng mga bagay bilang dekorasyon.​—1 Hari 7:18, 25.

Mga Aral Para sa Atin:

1:2, 19. Nagpagala-gala sa ilang ang mga anak ni Israel sa loob ng mga 38 taon, bagaman ang Kades-barnea ay “labing-isang araw nga [lamang] mula sa Horeb [ang bulubunduking pook sa paligid ng Bundok Sinai kung saan ibinigay ang Sampung Utos] sa daan ng Bundok Seir.” Kaylaking halaga nga ng ibinayad nila sa pagsuway sa Diyos na Jehova!​—Bilang 14:26-34.

1:16, 17. Ang mga pamantayan ng Diyos sa paghatol ay pareho rin ng sa ngayon. Hindi dapat hayaan ng mga pinagkatiwalaan ng pananagutang maglingkod sa mga hudisyal na komite na pilipitin ng paboritismo o takot sa tao ang kanilang hatol.

4:9. Mahalaga sa tagumpay ng Israel ang ‘hindi paglimot sa mga bagay na nakita ng kanilang mga mata.’ Habang papalapit ang ipinangakong bagong sanlibutan, mahalagang ituon din natin ang ating pansin sa kamangha-manghang mga gawa ni Jehova sa pamamagitan ng pagiging masisikap na estudyante ng kaniyang Salita.

IBIGIN SI JEHOVA, AT SUNDIN ANG KANIYANG MGA UTOS

(Deuteronomio 5:1–​26:19)

Sa kaniyang ikalawang pahayag, ginunita ni Moises ang pagbibigay ng Kautusan sa Bundok Sinai at inulit niya ang Sampung Utos. Espesipikong binanggit ang pitong bansa na lubusang pupuksain. Ipinaalaala sa mga anak ni Israel ang isang mahalagang aral na natutuhan nila sa ilang: “Hindi sa tinapay lamang nabubuhay ang tao kundi sa bawat pananalita sa bibig ni Jehova ay nabubuhay ang tao.” Sa kanilang bagong kalagayan, dapat nilang ‘tuparin ang buong utos.’​—Deuteronomio 8:3; 11:8.

Habang namamayan sila sa lupang pangako, kakailanganin ng mga Israelita ang mga batas na may kinalaman hindi lamang sa pagsamba kundi sa paghatol, pamahalaan, digmaan, at pang-araw-araw na buhay sa pamayanan. Nirepaso ni Moises ang mga batas na ito at idiniin niya ang pangangailangang ibigin si Jehova at sundin ang kaniyang mga utos.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

8:3, 4​—Sa anong paraan hindi naluma ang mga damit ng mga Israelita at hindi namaga ang kanilang mga paa noong naglalakbay sila sa ilang? Ito ay makahimalang paglalaan, gaya ng regular na suplay ng manna. Ginamit ng mga Israelita ang mga damit at panyapak na mismong suot nila bago maglakbay sa ilang, na malamang na ipinasa nila sa iba kapag lumaki na ang isang bata o may namatay na adulto. Yamang isinisiwalat ng dalawang sensus, na isinagawa noong simula at wakas ng paglalakbay sa ilang, na ang bilang ng mga Israelita ay hindi lumaki, naging sapat ang orihinal na suplay ng mga gamit na ito.​—Bilang 2:32; 26:51.

14:21​—Bakit maibibigay ng mga Israelita sa naninirahang dayuhan o maipagbibili nila sa isang banyaga ang bangkay ng hayop na hindi pinatulo ang dugo at hindi kinakain ng mga Israelita? Sa Bibliya, ang terminong “naninirahang dayuhan” ay maaaring tumukoy sa isang di-Israelita na naging proselita o kaya ay sa isang nakikipamayan na namumuhay ayon sa saligang mga batas ng lupain ngunit hindi naging mananamba ni Jehova. Ang isang banyaga at naninirahang dayuhan na hindi naging mga proselita ay wala sa ilalim ng Kautusan at maaari nilang gamitin sa iba’t ibang paraan ang bangkay ng hayop na hindi pinatulo ang dugo. Pinahintulutan ang mga Israelita na ibigay o ipagbili ang gayong mga hayop sa kanila. Sa kabilang banda, ang proselita ay dapat sumunod sa tipang Kautusan. Gaya ng nakasaad sa Levitico 17:10, ipinagbabawal sa kaniya ang pagkain ng dugo ng hayop.

24:6​—Bakit inihalintulad ang pag-agaw sa “isang gilingang pangkamay o sa pang-ibabaw na batong panggiling nito bilang panagot” sa pag-agaw sa “isang kaluluwa”? Ang gilingang pangkamay at ang pang-ibabaw na batong panggiling nito ay kumakatawan sa “kaluluwa” ng isang tao, o sa kaniyang panustos sa buhay. Ang pag-agaw sa alinman sa mga ito ay magkakait sa buong pamilya ng pang-araw-araw na suplay nila ng tinapay.

25:9​—Ano ang kahulugan ng paghubad sa sandalyas at pagdura sa mukha ng isang lalaki na ayaw tumupad sa pag-aasawa bilang bayaw? Ayon sa “kaugalian sa Israel noong mga panahong nagdaan may kinalaman sa karapatang tumubos . . . , huhubarin ng isang tao ang kaniyang sandalyas at ibibigay iyon sa kaniyang kapuwa.” (Ruth 4:7) Kung gayon, ang paghubad sa sandalyas ng isang lalaki na ayaw tumupad sa pag-aasawa bilang bayaw ay nagpapatunay na itinatatwa niya ang kaniyang posisyon at karapatang magluwal ng tagapagmana para sa kaniyang namatay na kapatid. Kahiya-hiya ito. (Deuteronomio 25:10) Ang pagdura sa kaniyang mukha ay panghihiya.​—Bilang 12:14.

Mga Aral Para sa Atin:

6:6-9. Kung paanong ipinag-utos sa mga Israelita na alamin ang Kautusan, dapat din nating alamin ang mga utos ng Diyos, tandaan ang mga ito sa lahat ng pagkakataon, at ikintal ang mga ito sa ating mga anak. Dapat nating ‘itali iyon bilang tanda sa ating mga kamay’ sa diwa na dapat makita sa ating mga kilos​—na kinakatawan ng ating mga kamay​—na masunurin tayo kay Jehova. At gaya ng ‘pangharap na pamigkis sa pagitan ng mga mata,’ dapat makita ng lahat ang ating pagiging masunurin.

6:16. Huwag nawa nating ilagay sa pagsubok si Jehova gaya ng walang-katapatang ginawa ng mga Israelita sa Masah, kung saan sila nagbulung-bulungan hinggil sa kawalan ng tubig.​—Exodo 17:1-7.

8:11-​18. Maaari nating makalimutan si Jehova dahil sa materyalismo.

9:4-6. Dapat tayong mag-ingat laban sa pagmamatuwid sa sarili.

13:6. Hindi natin dapat hayaang ilayo tayo ng sinuman mula sa pagsamba kay Jehova.

14:1. Ang paghiwa sa sarili ay nagpapakita ng kawalan ng paggalang sa katawan ng tao, maaaring may kinalaman sa huwad na relihiyon, at dapat iwasan. (1 Hari 18:25-28) Dahil sa ating pag-asa na pagkabuhay-muli, hindi angkop ang gayong sukdulang kapahayagan ng pagdadalamhati para sa patay.

20:5-7; 24:5. Dapat magpakita ng konsiderasyon sa mga nasa pantanging mga kalagayan, kahit na ang atas na ginagawa mo ay mahalaga.

22:23-27. Ang isa sa pinakamabisang depensa ng isang babaing nanganganib gahasain ay ang sumigaw.

“PILIIN MO ANG BUHAY”

(Deuteronomio 27:1–​34:12)

Sa kaniyang ikatlong pahayag, sinabi ni Moises na pagkatawid ng Jordan, dapat isulat ng mga Israelita ang Kautusan sa malalaking bato at magpahayag ng mga sumpa para sa pagsuway at ng mga pagpapala para sa pagsunod. Nagsimula ang ikaapat na diskurso sa pag-uulit ng tipan sa pagitan ni Jehova at ng Israel. Muling nagbabala si Moises laban sa pagsuway at nagpayo na ‘piliin ng bayan ang buhay.’​—Deuteronomio 30:19.

Bukod sa pagbibigay ng apat na diskurso, tinalakay rin ni Moises ang pagpapalit ng lider at tinuruan niya ang mga Israelita ng isang magandang awit na pumupuri kay Jehova at nagbabala siya ng mga kaabahan na bunga ng kawalang-katapatan. Pagkatapos pagpalain ang mga tribo, namatay si Moises sa edad na 120 at inilibing. Tumagal nang 30 araw ang yugto ng pagdadalamhati, na katumbas ng halos kalahati ng panahong saklaw ng Deuteronomio.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

32:13, 14—Yamang ipinagbawal sa mga Israelita ang kumain ng anumang taba, ano ang kahulugan ng pagkain nila ng “taba ng mga barakong tupa”? Makasagisag ang pananalita rito at tumutukoy sa pinakamainam ng kawan. Ang gayong makatang paggamit ay ipinahihiwatig ng pagbanggit sa talata ring iyon ng “taba ng bato ng trigo” at ng “dugo ng ubas.”

33:1-​29​—Bakit hindi espesipikong binanggit si Simeon sa pagpapala na ipinagpala ni Moises sa mga anak ni Israel? Dahil si Simeon at si Levi ay kumilos “nang may kabagsikan,” at ang kanilang galit ay “malupit.” (Genesis 34:13-31; 49:5-7) Ang kanilang mana ay hindi eksaktong katulad ng sa ibang tribo. Tumanggap si Levi ng 48 lunsod, at yaong kay Simeon ay nasa loob ng teritoryo ni Juda. (Josue 19:9; 21:41, 42) Kaya hindi espesipikong pinagpala ni Moises si Simeon. Gayunman, ang pagpapala kay Simeon ay kasama sa pangkalahatang pagpapala sa Israel.

Mga Aral Para sa Atin:

31:12. Ang mga kabataan ay dapat umupong kasama ng mga adulto sa mga pulong ng kongregasyon at magsikap na makinig at matuto.

32:4. Ang lahat ng gawain ni Jehova ay sakdal sa diwa na sakdal ang pagkakatimbang ng pagpapahayag niya ng kaniyang mga katangian na katarungan, karunungan, pag-ibig, at kapangyarihan.

Malaking Kapakinabangan sa Atin

Si Jehova ay inihaharap ng Deuteronomio bilang “iisang Jehova.” (Deuteronomio 6:4) Isang aklat ito tungkol sa isang bayan na may pantanging kaugnayan sa Diyos. Nagbababala rin ang aklat ng Deuteronomio laban sa idolatriya at nagdiriin sa pangangailangang magbigay ng bukod-tanging debosyon sa tunay na Diyos.

Tiyak na malaking kapakinabangan sa atin ang Deuteronomio! Bagaman wala na tayo sa ilalim ng Kautusan, marami tayong matututuhan mula rito na makatutulong sa atin na ‘ibigin si Jehova na ating Diyos nang ating buong puso, kaluluwa, at lakas.’​—Deuteronomio 6:5.

[Talababa]

^ par. 3 Ang huling kabanata, na naglalaman ng ulat ng kamatayan ni Moises, ay maaaring idinagdag ni Josue o ng mataas na saserdoteng si Eleazar.

[Mapa sa pahina 24]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

SEIR

Kades-barnea

Bdk. Sinai (Horeb)

Dagat na Pula

[Credit Line]

Based on maps copyrighted by Pictorial Archive (Near Eastern History) Est. and Survey of Israel

[Larawan sa pahina 24]

Ang mga diskurso ni Moises ang bumubuo sa kalakhang bahagi ng Deuteronomio

[Larawan sa pahina 26]

Anong aral ang itinuturo ng paglalaan ni Jehova ng manna?

[Larawan sa pahina 26]

Ang pag-agaw sa gilingang pangkamay o sa pang-ibabaw na batong panggiling nito bilang panagot ay inihalintulad sa pag-agaw sa “isang kaluluwa”