Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Anong Uri ng Mapaghintay na Saloobin ang Taglay Mo?

Anong Uri ng Mapaghintay na Saloobin ang Taglay Mo?

Anong Uri ng Mapaghintay na Saloobin ang Taglay Mo?

SA DAIGDIG sa ngayon, kakaunti lamang ang nasisiyahang maghintay sa isang tao o isang bagay. Sumusubok ito sa kanilang pagkamatiisin. Gayunman, pinasisigla ng Kasulatan ang bayan ng Diyos na linangin ang isang “mapaghintay na saloobin.” Di-tulad ng mga taong nasa palibot niya, sinabi ng propetang si Mikas: “Ako ay magpapakita ng mapaghintay na saloobin sa Diyos ng aking kaligtasan.”​—Mikas 7:7; Panaghoy 3:26.

Subalit ano ba ang kahulugan ng hintayin si Jehova? Paano dapat hintayin ng mga Kristiyano ang Diyos? May wasto at di-wasto bang paraan upang gawin ito? Ang karanasan ng propetang si Jonas noong ikasiyam na siglo B.C.E. ay nagbibigay ng aral hinggil sa bagay na ito.

Isang Halimbawa ng Maling Paghihintay

Inutusan ng Diyos na Jehova si Jonas na magtungo at mangaral sa mga tao sa Nineve, ang kabisera ng Imperyo ng Asirya. Kilala ang Nineve bilang “lunsod ng pagbububo ng dugo” dahil sa walang-habas na kabangisan at kalupitan nito, isang katotohanan na pinatunayan ng mga istoryador at arkeologo. (Nahum 3:1) Sa pasimula, tinangkang iwasan ni Jonas ang atas na ito, subalit tiniyak ni Jehova na makapunta ang propeta sa Nineve sa bandang huli.​—Jonas 1:3–3:2.

“Si Jonas ay nagsimulang pumasok sa lunsod sa layong nilalakad nang isang araw, at siya ay patuloy na naghahayag at nagsasabi: ‘Apatnapung araw na lamang, at ang Nineve ay gigibain.’ ” (Jonas 3:4) Ang mga pagsisikap ni Jonas ay pumukaw ng kapansin-pansing pagtugon: “Ang mga tao ng Nineve ay nagsimulang manampalataya sa Diyos, at sila ay naghayag ng pag-aayuno at nagsuot ng telang-sako, mula sa pinakadakila sa kanila at maging hanggang sa pinakamababa sa kanila.” (Jonas 3:5) Kaya ang lunsod ay hindi winasak ni Jehova, isang Diyos na ‘hindi nagnanais na ang sinuman ay mapuksa kundi nagnanais na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.’​—2 Pedro 3:9.

Ano ang naging tugon ni Jonas? Sinasabi ng ulat: “Gayunman ay lubhang di-kalugud-lugod iyon kay Jonas, at siya ay nag-init sa galit.” (Jonas 4:1) Bakit? Malamang, nadama ni Jonas na mawawalan siya ng kredibilidad bilang propeta dahil hindi natupad ang inihayag niyang pagpuksa sa isang itinakdang panahon. Maliwanag na higit siyang nabahala sa kaniyang sariling reputasyon kaysa sa awa at kaligtasan ng iba.

Mangyari pa, hindi naman umabot sa puntong nagbitiw sa pagiging propeta si Jonas. Gayunpaman, naghintay siya upang “makita . . . kung ano ang mangyayari sa lunsod.” Oo, nagkaroon siya ng matampuhing saloobin na nagtulak sa kaniya na tumigil sa gawain at maghintay na lamang kung ano ang mangyayari. Nang matanto niyang hindi nangyari ang mga bagay-bagay ayon sa kaniyang inaasahan, nagtayo siya ng isang kubol, naupo sa lilim, at may-paghihinanakit na naghintay sa mangyayari. Gayunman, hindi sinang-ayunan ni Jehova ang saloobin ni Jonas, kaya maibigin niyang itinuwid ang pag-iisip ng nalilihis na propeta.​—Jonas 4:5, 9-11.

Kung Bakit Matiisin si Jehova

Bagaman nagsisi ang Nineve at hindi ito winasak, muli itong nagbalik sa balakyot na mga daan nang maglaon. Sa pamamagitan ng mga propetang sina Nahum at Zefanias, inihula ni Jehova ang pagkawasak nito. Tinutukoy ang “lunsod ng pagbububo ng dugo,” inihayag ni Jehova na wawasakin niya ang Asirya at gagawing tiwangwang na kaguhuan ang Nineve. (Nahum 3:1; Zefanias 2:13) Noong 632 B.C.E., winasak ang Nineve at hindi na muling nakabangon.

Sa katulad na paraan, ang daigdig sa ngayon ay nagkasala ng walang-taros na pagbububo ng dugo na mas malubha pa kaysa sa sinaunang Nineve. Dahil dito at sa iba pang kadahilanan, itinakda ni Jehova na wakasan ang kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay sa wala pang katulad na “malaking kapighatian.”​—Mateo 24:21, 22.

Gayunman, ipinagpaliban ni Jehova ang ipinangakong pagpuksa upang makapagsisi at makaligtas ang taimtim na mga tao sa ngayon, gaya ng nagsising mga taga-Nineve. Tinukoy ng apostol na si Pedro ang pagtitiis ng Diyos sa pananalitang ito: “Si Jehova ay hindi mabagal may kinalaman sa kaniyang pangako, gaya ng itinuturing ng ilang tao na kabagalan, kundi siya ay matiisin sa inyo sapagkat hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nais niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.”​—2 Pedro 3:9, 10, 13.

Wastong Paraan ng Paghihintay

Nagpatuloy pa sa pagsasabi si Pedro: “Yamang ang lahat ng mga bagay na ito ay mapupugnaw nang gayon, ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon, na hinihintay at iniingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova!” (2 Pedro 3:11, 12) Pansinin na samantalang hinihintay ang araw ni Jehova, dapat nating ipamalas ang “banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon”​—pagkilos at hindi kawalang-ginagawa ang naaangkop.

Oo, nahahayag sa wastong mapaghintay na saloobin ang ganap na pagtitiwala na darating ang araw ni Jehova nang eksakto ayon sa nilayon ni Jehova. Ang gayong pananampalataya ay nagluluwal ng banal na mga paggawi at makadiyos na mga gawa, at pangunahin sa mga ito ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Nagpakita ng mahusay na halimbawa si Jesus sa pangangaral, at inutusan niya ang kaniyang mga tagasunod: “Bigkisan ninyo ang inyong mga balakang at paningasin ang inyong mga lampara, at kayo mismo ay maging tulad ng mga taong naghihintay sa kanilang panginoon kapag bumalik siya mula sa kasalan, upang sa kaniyang pagdating at pagkatok ay karaka-raka nilang mapagbuksan siya. Maligaya ang mga aliping iyon na sa pagdating ng panginoon ay masumpungang nagbabantay!”​—Lucas 12:35-37.

Ang mga alipin noong unang siglo ay ‘nagbibigkis ng kanilang mga balakang’ sa pamamagitan ng pagsusuksok ng mga laylayan ng kanilang mahahabang damit sa ilalim ng paha upang mapadali ang mabibigat na pisikal na gawain. Kaya, ang isang Kristiyano ay kailangang maging masigla at masigasig sa mabubuting gawa. Kailangan niyang labanan ang anumang tendensiya na “magmakupad” anupat di-aktibo sa espirituwal, marahil ay ibinabaling ang kaniyang lakas sa mga kaluguran at materyal na mga tunguhin. Sa halip, dapat na ‘marami siyang ginagawa sa gawain ng Panginoon’ samantalang hinihintay ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.​—Roma 12:11; 1 Corinto 15:58.

Aktibo Samantalang Naghihintay

Nananatiling abala ang mga Saksi ni Jehova samantalang hinihintay ang araw ni Jehova. Halimbawa, sa 2003 taon ng paglilingkod, gumugol sila ng katamtamang 3,383,000 oras bawat araw sa pangangaral ng salita ni Jehova. Aba, ang isang indibiduwal ay kailangang mangaral nang walang pahinga sa loob ng 386 na taon upang magawa ang naisasakatuparan sa loob ng isang araw!

Magkagayunman, dapat nating tanungin ang ating sarili, ‘Anong uri ng mapaghintay na saloobin ang taglay ko bilang indibiduwal?’ Nagbigay si Jesus ng isang talinghaga na naglalarawan sa kasipagang inaasahan sa tapat na pinahirang mga Kristiyano. May binanggit siyang tatlong alipin: “Sa isa ay nagbigay [ang panginoon] ng limang talento, sa isa naman ay dalawa, sa isa pa ay isa, sa bawat isa ayon sa kaniyang sariling kakayahan, at siya ay pumaroon sa ibang lupain. Kaagad na humayo ang isa na tumanggap ng limang talento at ipinangalakal ang mga iyon at nagtamo ng lima pa. Sa gayunding paraan ang isa na tumanggap ng dalawa ay nagtamo ng dalawa pa. Ngunit ang isa na tumanggap ng isa lamang ay umalis, at humukay sa lupa at itinago ang salaping pilak ng kaniyang panginoon. Pagkatapos ng mahabang panahon ang panginoon ng mga aliping iyon ay dumating at nakipagtuos ng mga kuwenta sa kanila.”​—Mateo 25:15-19.

Pare-parehong naghintay ang tatlong alipin sa pagbabalik ng kanilang panginoon. Nang dumating ito, ang dalawa na naging abala samantalang naghihintay sa kanilang panginoon ay sinabihan: “Mahusay, mabuti at tapat na alipin!” Gayunman, iba ang naging pakikitungo sa aliping naghintay nang walang ginagawa. Sinabi ng panginoon: “Itapon ninyo ang walang-kabuluhang alipin sa kadiliman sa labas.”​—Mateo 25:20-30.

Bagaman kumakapit sa pinahirang mga Kristiyano ang talinghagang ito, may aral ito para sa ating lahat anuman ang ating pag-asa. Inaasahan ng Panginoon, si Jesu-Kristo, na masikap na maglilingkod sa kaniya ang bawat isa sa atin samantalang hinihintay natin ang kaniyang pagdating sa dakilang araw ni Jehova. Pinahahalagahan niya ang pagpapagal ng bawat isa “ayon sa kaniyang sariling kakayahan” at mga kalagayan. Nakagagalak nga kung sasabihan tayo ng Panginoon ng “mahusay” kapag natapos na sa wakas ang paghihintay!

Nangangahulugan ng Kaligtasan ang Pagtitiis ng Ating Panginoon

Paano kung ang sistemang ito ng mga bagay ay magtagal nang higit kaysa sa dati nating inaakala o inaasahan? Tiyak na may dahilan ito. Sumulat si apostol Pedro: “Ituring ninyo ang pagtitiis ng ating Panginoon bilang kaligtasan.” (2 Pedro 3:15) Ang tumpak na kaalaman sa layunin ng Diyos at ang mapagpakumbabang pagkilala na mas mahalaga ang mga layuning ito kaysa sa atin ay tutulong upang maging matiisin tayo gaanuman katagal naisin ni Jehova na pagtiisan ang lumang sistemang ito.

Upang pasiglahing magtiis ang mga Kristiyano, naglahad ng isang ilustrasyon ang manunulat ng Bibliya na si Santiago. Isinulat niya: “Narito! Ang magsasaka ay patuloy na naghihintay sa mahalagang bunga ng lupa, na nagiging matiisin dito hanggang sa tanggapin niya ang maagang ulan at ang huling ulan. Kayo rin naman ay maging matiisin; patatagin ang inyong mga puso, sapagkat ang pagkanaririto ng Panginoon ay malapit na.”​—Santiago 5:7, 8.

Hindi nais ng Diyos na Jehova na manghimagod tayo o sumuko samantalang naghihintay. May ipinagagawa siya sa atin at nalulugod siya kapag ginagamit natin ang panahon ng paghihintay upang masipag na makibahagi sa gawaing iyon. Nais niyang mapabilang tayo sa mga inilarawan ni apostol Pablo sa kaniyang liham sa mga Hebreo: “Nais namin na ang bawat isa sa inyo ay magpakita ng gayunding kasipagan upang magkaroon ng lubos na katiyakan ng pag-asa hanggang sa wakas, upang hindi kayo maging makupad, kundi maging mga tagatulad niyaong mga sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiis ay nagmamana ng mga pangako.”​—Hebreo 6:11, 12.

Kaya huwag tayong manghimagod. Sa halip, ang atin nawang kaugnayan sa Diyos na Jehova, ang ating pananampalataya sa haing pantubos ni Jesus, at ang ating maligayang pag-asa sa bagong sistema ng mga bagay ang maging nakapagpapalakas na mga impluwensiya sa ating buhay. Gaya ng “mabuti at tapat” na mga alipin sa talinghaga ni Jesus, mapatunayan nawa natin na karapatdapat tayo sa papuri at gantimpala sa pamamagitan ng pananatiling abala sa pagpuri sa ating Diyos, gaya ng salmista na nagsabi: “Kung tungkol sa akin, ako ay laging maghihintay, at ako ay magdaragdag sa lahat ng iyong papuri.”​—Awit 71:14.

[Larawan sa pahina 21]

Palibhasa’y nasiraan ng loob, naghintay si Jonas sa mangyayari sa Nineve

[Mga larawan sa pahina 22, 23]

Magpamalas tayo ng makadiyos na debosyon samantalang hinihintay ang araw ni Jehova