Hindi Lamang Basta Laro
Hindi Lamang Basta Laro
GUSTUNG-GUSTONG maglaro ng mga bata. Pero “hindi ito isang gawaing walang halaga o saysay,” ang paliwanag ng aklat na The Developing Child. “Waring sa gawaing ito nakasalig ang pagbuo ng pananaw ng bata sa kaniyang kapaligiran.” Sa paglalaro, ang mga bata ay natututong gumamit ng kanilang mga pandama, maunawaan ang kanilang kapaligiran, at makisalamuha sa iba.
Mula sa edad na apat o lima, magsisimulang isadula ng mga bata ang mga papel ng mga adulto sa kanilang mga laro. Binanggit minsan ni Jesus ang tungkol sa mga batang naglalaro. Gusto ng iba na maglaro ng kasal-kasalan, nais naman ng iba na magkunwa-kunwariang nagpapahayag sa libing at, gaya ng karaniwang nangyayari sa mga bata, nagtatalu-talo sila dahil ayaw sumali ng iba. (Mateo 11:16, 17) Ang ganitong uri ng paglalaro ay tumutulong upang maikintal sa isip ng lumalaking bata ang makabuluhang mga papel ng mga tao.
Ang mga bata sa larawan ay nagkukunwa-kunwariang guro ng Bibliya at estudyante. Hindi ito tunay na pag-aaral sa Bibliya, subalit malinaw sa kanilang isipan ang ideya ng pagbabahagi ng mensahe ng Bibliya. At mahalaga ang aral na ito, sapagkat iniutos ni Jesus sa lahat ng kaniyang mga tagasunod na gumawa ng mga alagad at ituro sa mga tao ang lahat ng mga bagay na itinuro niya sa kanila.—Mateo 28:19, 20.
May dahilang matuwa ang mga magulang ng mga anak na gustong magkunwa-kunwariang nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya, nagpapahayag, o nangangaral sa bahay-bahay. Likas lamang sa mga bata na tularan ang mga nakikita nilang ginagawa ng mga adulto sa kanilang paligid. Ang mga laro ng mga bata na may kinalaman sa Bibliya ay nagpapakita na sila ay pinalalaki “ayon sa edukasyon at payo na sinasang-ayunan ng Panginoon.”—Efeso 6:4, Charles B. Williams.
Nais ni Jehova na magkaroon ng bahagi ang mga bata sa tunay na pagsamba. Sinabi niya kay Moises na isama “ang maliliit na bata” kapag binabasa ang Kautusan. (Deuteronomio 31:12) Kapag nadarama ng mga bata na kasali sila, malamang na makita ito sa kanilang mga laro. At ang batang nagkukunwa-kunwariang ministro ng Diyos ay gumagawa ng kaniyang unang hakbang patungo sa pagiging gayon nga.