Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Maaasahang Mana

Isang Maaasahang Mana

Isang Maaasahang Mana

“KAPAG tumanggap ka ng sulat mula sa isang ‘estate locator’ na nagsasabing may naghihintay sa iyong isang mana na wala pang umaangkin, mag-ingat ka. Maaaring puntirya ka ng isang tusong manloloko.”

Iyan ang babalang inilagay ng United States Postal Inspection Service sa Web site nito. Bakit? Sapagkat libu-libong tao ang tumatanggap ng sulat na nagsasabing, ‘Isang kamag-anak mo ang namatay at nag-iwan sa iyo ng mana.’ Bunga nito, marami ang nagpadala sa koreo ng $30 o higit pa para sa isang ‘report ng ari-arian’ na magpapaliwanag sana kung saan naroon ang mana at kung paano ito makukuha. Bigung-bigo sila. Lahat ng tumugon ay tumanggap ng iisang report​—at walang tsansang magmana ang sinuman ng anumang bagay.

Nakaaakit ang gayong mga pakana sa likas na hangarin ng tao na tumanggap ng mana. Gayunman, may pagsang-ayong binabanggit ng Bibliya ang mga naglalaan ng mana nang sabihin nito: “Ang isa na mabuti ay mag-iiwan ng mana sa mga anak ng mga anak.” (Kawikaan 13:22) Sa katunayan, sinabi mismo ni Jesu-Kristo ang kilalá at lubhang kinagigiliwang pananalitang ito sa kaniyang Sermon sa Bundok: “Mapapalad ang maaamo: sapagka’t mamanahin nila ang lupa.”​—Mateo 5:5, Ang Biblia.

Ipinaaalaala ng mga pananalita ni Jesus ang kinasihang isinulat ni Haring David ng sinaunang Israel mga ilang siglo na ang nakalilipas: “Ang maamo ay magmamana ng lupain [“lupa” NW], at masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”​—Awit 37:11, Ang Biblia.

“Magmamana ng lupain”​—isa ngang kapana-panabik na pag-asa! Subalit nakatitiyak kaya tayo na hindi ito isang tusong pakana lamang na nilayon upang linlangin ang mga tao? Oo, makatitiyak tayo. Yamang kabilang ang lupa sa kamangha-manghang mga nilalang ni Jehova, siya bilang Maylikha at May-ari nito ang may legal na karapatang ipamana ito sa kaninumang piliin niya. Sa pamamagitan ni Haring David, makahulang ipinangako ito ni Jehova sa Kaniyang minamahal na Anak, si Jesu-Kristo: “Humingi ka sa akin, upang maibigay ko ang mga bansa bilang iyong mana at ang mga dulo ng lupa bilang iyong sariling pag-aari.” (Awit 2:8) Sa kadahilanang ito, inilarawan ni apostol Pablo si Jesus bilang ang isa “na inatasan [ng Diyos na] tagapagmana ng lahat ng bagay.” (Hebreo 1:2) Kaya, lubusan tayong makapagtitiwala na nang sabihin ni Jesus na “mamanahin [ng maaamo] ang lupa,” ginawa niya iyon nang buong katapatan, at siya ang may tunay na awtoridad upang tuparin ang kaniyang pangako.​—Mateo 28:18.

Kung gayon, ang mahalagang tanong ay, Paano magkakatotoo ang pangakong iyan? Saanman tayo tumingin ngayon, tila ang mga agresibo at mapagmataas ang pinakamatagumpay at nakakakuha ng gusto nila. Ano pa ang matitira para manahin ng maaamo? Bukod pa riyan, ang lupa ay sinasalot ng malulubhang problema sa polusyon, at ang mga yaman nito ay pinagsasamantalahan ng mga sakim at makikitid ang pananaw. Magkakaroon pa kaya ng isang lupa na sulit manahin? Inaanyayahan ka naming basahin ang susunod na artikulo upang masumpungan ang sagot dito at sa iba pang mahahalagang katanungan.

[Larawan sa pahina 3]

Tatanggap ka kaya ng isang tunay na mana?