Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Magkaroon Kayo ng Magiliw na Pagmamahal sa Isa’t Isa”

“Magkaroon Kayo ng Magiliw na Pagmamahal sa Isa’t Isa”

“Magkaroon Kayo ng Magiliw na Pagmamahal sa Isa’t Isa”

“Sa pag-ibig na pangkapatid ay magkaroon kayo ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa.”​—ROMA 12:10.

1, 2. Anong kaugnayan ang tinamasa ng isang makabagong-panahong misyonero at ni apostol Pablo sa kanilang mga kapatid?

SA BUONG 43 taon ng kaniyang paglilingkod bilang misyonero sa Malayong Silangan, kilalá si Don sa pagiging magiliw sa kaniyang mga pinaglilingkuran. Habang pinaglalabanan niya noon ang huling sakit na dumapo sa kaniya, ang ilan sa kaniyang dating mga inaaralan sa Bibliya ay naglakbay nang libu-libong kilometro upang madalaw siya at sabihing, “Kamsahamnida, kamsahamnida!”​—“Salamat sa iyo, salamat sa iyo!” sa wikang Koreano. Ang magiliw na pagmamahal ni Don ay nakaantig sa kanilang puso.

2 Hindi lamang si Don ang may ganitong halimbawa. Noong unang siglo, ipinahayag ni apostol Pablo ang matinding pagmamahal sa mga pinaglingkuran niya. Mapagsakripisyo sa sarili si Pablo. Bagaman isa siyang lalaking may matibay na pananalig, banayad at mapagmalasakit din naman siya, “gaya ng isang nagpapasusong ina na nag-aaruga ng kaniyang sariling mga anak.” Sumulat siya sa kongregasyon sa Tesalonica: “Taglay ang magiliw na pagmamahal sa inyo, lubos kaming nalugod na ibahagi sa inyo, hindi lamang ang mabuting balita ng Diyos, kundi gayundin ang aming sariling mga kaluluwa, sapagkat napamahal kayo sa amin.” (1 Tesalonica 2:7, 8) Nang maglaon, nang sabihin ni Pablo sa kaniyang mga kapatid sa Efeso na siya ay hindi na nila muling makikita, “nagkaroon ng . . . pagtangis sa gitna nilang lahat, at sumubsob sila sa leeg ni Pablo at magiliw siyang hinalikan.” (Gawa 20:25, 37) Maliwanag, hindi lamang basta magkapananampalataya ang kaugnayan nina Pablo at ng kaniyang mga kapatid. Mayroon silang magiliw na pagmamahal sa isa’t isa.

Magiliw na Pagmamahal at Pag-ibig

3. Paano magkaugnay ang mga termino sa Bibliya para sa pagmamahal at pag-ibig?

3 Sa Kasulatan, ang magiliw na pagmamahal, pakikipagkapuwa-tao, at pagkamahabagin ay pawang may malapit na kaugnayan sa pinakadakila sa mga katangiang Kristiyano​—pag-ibig. (1 Tesalonica 2:8; 2 Pedro 1:7) Gaya ng mga tapyas ng magandang brilyante, tinitimbangan at pinupunan ng lahat ng makadiyos na mga katangiang ito ang isa’t isa. Hindi lamang pinaglalapít ng mga ito ang mga Kristiyano sa isa’t isa kundi inilalapít din sila sa kanilang makalangit na Ama. Kaya naman, hinimok ni apostol Pablo ang kaniyang mga kapananampalataya: “Ang inyong pag-ibig ay huwag magkaroon ng pagpapaimbabaw. . . . Sa pag-ibig na pangkapatid ay magkaroon kayo ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa.”​—Roma 12:9, 10.

4. Ano ang kahulugan ng pananalitang “magiliw na pagmamahal”?

4 Ang salitang Griego na ginamit ni Pablo para sa “magiliw na pagmamahal” ay binubuo ng dalawang bahagi, ang isang bahagi ay nangangahulugang pagkakaibigan at ang isa naman ay likas na pagmamahal. Gaya ng ipinaliliwanag ng isang iskolar sa Bibliya, nangangahulugan ito na ang mga Kristiyano “ay dapat kakitaan ng debosyon na karaniwan sa isang pamilyang maibigin, malapít sa isa’t isa, at sumusuporta sa isa’t isa.” Ganiyan ba ang nadarama mo sa iyong mga kapatid na Kristiyano? Dapat mangibabaw sa kongregasyong Kristiyano ang magiliw na pagsasamahan​—isang damdamin ng pagkakamag-anak. (Galacia 6:10) Kaya naman ganito ang pagkakasalin ng The New Testament in Modern English, ni J. B. Phillips, sa Roma 12:10: “Magkaroon nawa tayo ng tunay na magiliw na pagmamahal sa isa’t isa na gaya ng magkakapatid.” At ganito naman ang mababasa sa Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino: “Mag-ibigan kayo na parang tunay na magkakapatid.” Oo, iniibig ng mga Kristiyano ang isa’t isa hindi lamang dahil makatuwiran itong gawin o dahil obligado silang gawin ito. Taglay ang “walang-pagpapaimbabaw na pagmamahal na pangkapatid,” dapat nating ‘ibigin ang isa’t isa nang masidhi mula sa puso.’​—1 Pedro 1:22.

“Tinuruan ng Diyos na Ibigin ang Isa’t Isa”

5, 6. (a) Paano ginagamit ni Jehova ang internasyonal na mga kombensiyon upang turuan ang kaniyang bayan hinggil sa Kristiyanong pagmamahal? (b) Paano lalong tumitibay ang buklod sa pagitan ng magkakapatid sa loob ng isang yugto ng panahon?

5 Bagaman sa sanlibutang ito ay lumalamig “ang pag-ibig ng nakararami,” tinuturuan ni Jehova ang kaniyang makabagong-panahong bayan na “ibigin ang isa’t isa.” (Mateo 24:12; 1 Tesalonica 4:9) Ang internasyonal na mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova ay naglalaan ng pambihirang mga pagkakataon para masanay sa bagay na ito. Sa mga kombensiyong ito, nakakasama ng lokal na mga Saksi ang mga kapatid mula sa malalayong lupain, at marami ang nagpatulóy ng banyagang mga delegado sa kanilang mga tahanan. Sa isang kombensiyon kamakailan, ang ilan ay nanggaling sa mga bansa na doo’y hindi lantarang ipinahahayag ng mga tao ang kanilang damdamin. “Noong unang dumating ang mga delegadong ito, labis silang ninenerbiyos at nahihiya,” ang paglalahad ng isang Kristiyano na tumulong sa pag-aayos ng matutuluyan. “Ngunit pagkalipas lamang ng anim na araw nang magpaalam na sila, sila at ang mga nagpatulóy sa kanila ay nagyakapan at nag-iyakan. Sila ay nasiyahan sa isang uri ng Kristiyanong pag-ibig na hindi nila malilimutan kailanman.” Ang pagiging mapagpatuloy sa ating mga kapatid, anuman ang kanilang pinagmulan, ay makapupukaw ng maiinam na katangian kapuwa sa panauhin at sa punong-abala.​—Roma 12:13.

6 Bagaman kapana-panabik ang gayong mga karanasan sa kombensiyon, nabubuo ang mas matalik na kaugnayan kapag magkakasamang naglingkod kay Jehova ang mga Kristiyano sa loob ng isang yugto ng panahon. Kapag kilalá nating mabuti ang ating mga kapatid, mas lalo nating mapahahalagahan ang kanilang kaibig-ibig na mga katangian​—ang kanilang pagkamatapat, pagkamapagkakatiwalaan, katapatan, kabaitan, pagkabukas-palad, pagkamakonsiderasyon, pagkamahabagin, at kawalang-kasakiman. (Awit 15:3-5; Kawikaan 19:22) Si Mark, na naglingkod bilang isang misyonero sa Silangang Aprika, ay nagsabi, “Ang balikatang paggawa kasama ng ating mga kapatid ay lumilikha ng isang buklod na hindi masisira.”

7. Ano ang hinihiling sa atin upang matamasa ang Kristiyanong pagmamahal sa loob ng kongregasyon?

7 Upang makamit at mapanatili ang gayong buklod sa loob ng kongregasyon, dapat na maging malapít sa isa’t isa ang mga miyembro nito. Sa pamamagitan ng regular na pagdalo sa Kristiyanong mga pagpupulong, pinasisidhi natin ang ating pagmamahal sa ating mga kapatid. Sa pamamagitan ng pagdalo at pakikibahagi sa mga pulong, at pakikisalamuha bago at pagkatapos ng mga pulong, nagpapatibayang-loob tayo at nag-uudyukan “sa pag-ibig at sa maiinam na gawa.” (Hebreo 10:24, 25) Isang elder sa Estados Unidos ang naglahad, “Nakatutuwang gunitain na noong bata pa ako, ang aking pamilya ay kabilang sa mga huling umaalis sa Kingdom Hall, anupat tinatamasa ang palakaibigan at makabuluhang pag-uusap hangga’t maaari.”

Kailangan Ka Bang “Magpalawak”?

8. (a) Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang himukin niya ang mga taga-Corinto na “magpalawak”? (b) Ano ang magagawa natin upang itaguyod ang pagmamahal sa loob ng kongregasyon?

8 Upang lubusang maipakita ang gayong pagmamahal, baka kailangan nating ‘palawakin’ ang ating puso. Sa kongregasyon sa Corinto, sumulat si apostol Pablo: “Ang aming puso ay lumawak. Hindi kayo nasisikipan sa loob namin.” Hinimok sila ni Pablo na “magpalawak” bilang pagtugon. (2 Corinto 6:11-13) Maaari mo rin bang ‘palawakin’ ang iyong pagmamahal? Hindi mo kailangang hintaying mauna ang iba. Sa kaniyang liham sa mga taga-Roma, iniugnay ni Pablo ang pangangailangang magkaroon ng magiliw na pagmamahal sa kaniyang payo: “Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.” (Roma 12:10) Upang makapagpakita ng dangal sa iba, maaari kang maunang bumati sa kanila sa mga pulong. Maaari mo rin silang anyayahang samahan ka sa ministeryo sa larangan o sa paghahanda para sa pulong. Ang paggawa nito ay nagbibigay-daan sa paglago ng magiliw na pagmamahal.

9. Anu-anong hakbang ang ginawa ng ilan upang maging mas matalik na mga kaibigan ang mga kapuwa Kristiyano? (Ilakip ang anumang lokal na mga halimbawa.)

9 Maaaring “magpalawak” ang mga pamilya at mga indibiduwal sa kongregasyon sa pamamagitan ng pagdalaw sa isa’t isa, marahil ay pinagsasaluhan ang isang simpleng pagkain, at magkakasamang nakikibahagi sa kapaki-pakinabang na mga gawain. (Lucas 10:42; 14:12-14) Paminsan-minsan ay nagsasaayos ng mga piknik si Hakop para sa maliliit na grupo. “Kabilang dito ang mga bata at matanda, gayundin ang nagsosolong mga magulang,” ang sabi niya. “Umuuwi ang bawat isa nang may masasayang alaala, at lalo silang napapalapít sa isa’t isa.” Bilang mga Kristiyano, dapat nating sikapin na maging tunay na mga kaibigan at hindi mga kapananampalataya lamang.​—3 Juan 14.

10. Ano ang maaari nating gawin kapag nagiging maigting ang mga ugnayan?

10 Subalit kung minsan, nagiging hamon ang paglinang ng pagkakaibigan at pagmamahal dahil sa mga di-kasakdalan. Ano ang magagawa natin? Una, maaari tayong manalangin para sa mabuting pakikipag-ugnayan sa ating mga kapatid. Kalooban ng Diyos na maging maganda ang ugnayan ng kaniyang mga lingkod, at sasagutin niya ang gayong taimtim na mga panalangin. (1 Juan 4:20, 21; 5:14, 15) Dapat din tayong kumilos kasuwato ng ating mga panalangin. Naalaala ni Ric, isang naglalakbay na tagapangasiwa sa Silangang Aprika, na nahirapan siyang makitungo sa isang kapatid na lalaki dahil sa magaspang na personalidad nito. “Sa halip na iwasan ang kapatid na ito, ipinasiya kong kilalanin siya nang higit,” ang paliwanag ni Ric. “Nalaman ko na mahigpit palang magdisiplina ang ama ng kapatid na ito. Nang maunawaan ko kung gaano katindi ang pakikipagpunyagi ng kapatid na ito upang mapagtagumpayan ang ganitong kinalakhan at kung gaano na kalaki ang nagawa niyang pagsulong, hinangaan ko siya. Naging matalik na magkaibigan kami.”​—1 Pedro 4:8.

Ipahayag ang Nilalaman ng Iyong Puso!

11. (a) Ano ang kailangan upang lumago ang pagmamahalan sa loob ng kongregasyon? (b) Bakit maaaring makapinsala sa espirituwal ang pananatiling hindi nagpapahayag ng damdamin sa iba?

11 Sa ngayon, maraming tao ang nabubuhay nang hindi kailanman nakapaglilinang ng matalik na pakikipagkaibigan sa sinuman. Napakalungkot nito! Hindi kailangan​—at hindi dapat​—na ganito ang mangyari sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Ang tunay na pag-ibig na pangkapatid ay hindi lamang nangangahulugan ng magalang na pakikipag-usap at mapitagang paggawi; ni nangangahulugan ito ng pagpapamalas sa iba ng labis-labis na mga kapahayagan ng damdamin. Sa halip, dapat na handa nating ipahayag ang nilalaman ng ating puso, gaya ng ginawa ni Pablo sa mga taga-Corinto, at ipakita sa ating mga kapananampalataya na talagang nagmamalasakit tayo sa kanilang kapakanan. Bagaman hindi lahat ay likas na mahilig makihalubilo o madaling magpahayag ng damdamin, ang labis na pagbubukod ng sarili ay makapipinsala. “Ang nagbubukod ng kaniyang sarili ay naghahanap ng kaniyang makasariling hangarin,” ang babala ng Bibliya. “Laban sa lahat ng praktikal na karunungan ay sasalansang siya.”​—Kawikaan 18:1.

12. Bakit mahalaga ang mabuting pag-uusap sa matalik na mga ugnayan sa loob ng kongregasyon?

12 Mahalaga ang tapatang pag-uusap sa tunay na pagkakaibigan. (Juan 15:15) Tayong lahat ay nangangailangan ng mga kaibigan na mapagtatapatan natin ng ating kaloob-loobang iniisip at nadarama. Bukod diyan, kapag mas kilalá natin ang isa’t isa, mas madaling tugunan ang mga pangangailangan ng isa’t isa. Kapag nagmamalasakit tayo sa mga kapakanan ng isa’t isa sa ganitong paraan, pinasisigla natin ang pagpapakita ng magiliw na pagmamahal, at mararanasan natin ang katotohanan ng mga salita ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”​—Gawa 20:35; Filipos 2:1-4.

13. Ano ang magagawa natin upang ipakita na mayroon tayong tunay na pagmamahal sa ating mga kapatid?

13 Upang maging lubos na kapaki-pakinabang ang ating pagmamahal, kailangan natin itong ipahayag. (Kawikaan 27:5) Kapag tunay ang ating pagmamahal, malamang na makikita ito sa ating mukha, at maaari nitong pakilusing tumugon ang iba. “Ang ningning ng mga mata ay nagpapasaya ng puso,” ang sulat ng marunong na lalaki. (Kawikaan 15:30) Nagpapasigla rin ng magiliw na pagmamahal ang pagiging maalalahanin. Bagaman walang sinumang makabibili ng tunay na pagmamahal, maaaring maging lubhang makabuluhan ang isang regalo na taos-pusong ibinigay. Ang isang card, liham, at “salitang binigkas sa tamang panahon”​—ang lahat ng ito ay makapagpapahayag ng masidhing pagmamahal. (Kawikaan 25:11; 27:9) Kapag natamo natin ang pakikipagkaibigan ng iba, dapat natin itong ingatan sa pamamagitan ng patuloy na pagpapakita ng di-sakim na pagmamahal. Lalo na sa panahon ng pangangailangan, nanaisin nating makatulong sa ating mga kaibigan. Sinasabi ng Bibliya: “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.”​—Kawikaan 17:17.

14. Ano ang magagawa natin kung waring hindi tumutugon sa ating pagmamahal ang isang indibiduwal?

14 Ang totoo, hindi natin maaaring asahan na magiging malapít tayo sa lahat ng nasa kongregasyon. Likas lamang na magiging mas malapít tayo sa ilan kaysa sa iba pa. Kaya kung waring hindi gaanong palakaibigan sa iyo ang isang indibiduwal na gaya ng gusto mo, huwag agad isipin na may mali sa iyo o sa taong iyon. At huwag mong piliting magkaroon ng matalik na kaugnayan sa isang iyon. Kung magagawa mong maging palakaibigan sa taong iyon hangga’t ipinahihintulot niya, nakatutulong ka para mapanatiling bukás ang pintuan para sa mas matalik na ugnayan sa hinaharap.

“Ikaw ay Aking Sinang-ayunan”

15. Ano ang epekto sa iba ng komendasyon, o ng kawalan nito?

15 Malamang na tuwang-tuwa si Jesus nang sa kaniyang bautismo ay marinig niya ang mga salitang ito mula sa langit: “Ikaw ay aking sinang-ayunan”! (Marcos 1:11) Malamang na pinatibay ng kapahayagang ito ng pagtanggap ang pananalig ni Jesus na mahal siya ng kaniyang Ama. (Juan 5:20) Nakalulungkot, ang ilan ay hindi nakaririnig ng gayong komendasyon mula sa kanilang mga iginagalang at iniibig. “Maraming nakababatang tulad ko ang kabilang sa mga pamilyang hindi nanghahawakan sa mga paniniwalang Kristiyano,” ang sabi ni Ann. “Sa tahanan, puro pamimintas ang aming naririnig. Labis itong nakapagpapalungkot sa amin.” Subalit nang maging bahagi sila ng kongregasyon, nadama nila ang paggiliw ng matulungin at mapagmalasakit na espirituwal na pamilya​—mga ama at ina at mga kapatid na lalaki at babae sa pananampalataya.​—Marcos 10:29, 30; Galacia 6:10.

16. Bakit hindi nakatutulong ang pagpapamalas ng mapamintas na saloobin sa iba?

16 Sa ilang kultura, bihirang ipahayag ng mga magulang, mga nakatatanda, at mga guro ang buong-pusong pagsang-ayon sa mga nakababata, dahil iniisip nila na ang gayong papuri ay baka maging dahilan upang maging kampante o palalo sila. Maaari pa ngang makaapekto ang gayong kaisipan sa mga pamilyang Kristiyano at sa kongregasyon. Sa pagkokomento hinggil sa isang pahayag o sa ibang ginawa, maaaring sabihin ng mga nakatatanda: “Mahusay naman ang ginawa mo, pero mapahuhusay mo pa!” O sa iba pang paraan, baka ipahiwatig pa nga nila ang kanilang pagkadismaya sa nakababata. Sa paggawa nito, naniniwala ang marami na inuudyukan nila ang mga nakababata na gawin ang kanilang buong makakaya. Ngunit madalas na kabaligtaran ang epekto ng ganitong pamamaraan, yamang maaaring lumayo ang mga kabataan o makadama na hindi nila kaya ang ipinagagawa sa kanila.

17. Bakit tayo dapat humanap ng mga pagkakataon upang magbigay ng komendasyon sa iba?

17 Subalit ang komendasyon ay hindi lamang dapat ibigay bilang pambungad sa pagpapayo. Ang taimtim na komendasyon ay nagtataguyod ng magiliw na pagmamahal sa loob ng pamilya at ng kongregasyon, sa gayon ay napasisigla ang mga nakababata na humingi ng payo sa makaranasang mga kapatid. Kaya sa halip na hayaang idikta ng kultura kung paano natin pakikitunguhan ang iba, ‘ibihis natin ang bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat.’ Magbigay ng komendasyon kagaya ni Jehova.​—Efeso 4:24.

18. (a) Mga kabataan, paano ninyo dapat malasin ang payo mula sa mga nakatatanda? (b) Bakit maingat ang mga nakatatanda sa paraan ng kanilang pagpapayo?

18 Sa kabilang panig naman, kayong mga kabataan ay hindi dapat mag-isip na kapag itinutuwid o pinapayuhan kayo ng mga nakatatanda, nangangahulugan ito na ayaw nila sa inyo. (Eclesiastes 7:9) Ang kabaligtaran ang totoo! Malamang na naudyukan sila ng kanilang pagmamalasakit at masidhing pagmamahal sa inyo. Dahil kung hindi gayon, bakit pa nila poproblemahin na makipag-usap sa inyo hinggil sa bagay-bagay? Palibhasa’y nalalaman ang maaaring maging epekto ng mga salita, ang mga nakatatanda​—lalo na ang mga elder sa kongregasyon​—ay kadalasang gumugugol ng maraming panahon sa pag-iisip at pananalangin bago magpayo, yamang ang mabuti lamang ang nais nilang gawin.​—1 Pedro 5:5.

“Si Jehova ay Napakamagiliw sa Pagmamahal”

19. Bakit makaaasa sa tulong ni Jehova ang mga nakaranas ng kabiguan?

19 Dahil sa di-kaayaayang mga karanasan, baka nadarama ng ilan na hahantong lamang sa higit pang pagkabigo ang pagpapakita ng magiliw na pagmamahal. Kailangan ang lakas ng loob at matibay na pananampalataya upang muli nilang maipahayag ang nilalaman ng kanilang puso sa iba. Ngunit hindi nila dapat kalimutan na si Jehova ay ‘hindi malayo sa bawat isa sa atin.’ Inaanyayahan niya tayong lumapit sa kaniya. (Gawa 17:27; Santiago 4:8) Nauunawaan din niya ang ating pangamba na masaktan tayo, at ipinangangako niya na aalalayan at tutulungan tayo. Tinitiyak sa atin ng salmistang si David: “Si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.”​—Awit 34:18.

20, 21. (a) Paano natin nalalaman na maaari tayong magkaroon ng malapít na kaugnayan kay Jehova? (b) Ano ang kahilingan upang matamasa ang matalik na kaugnayan kay Jehova?

20 Ang matalik na pakikipagkaibigan kay Jehova ang pinakamahalagang kaugnayan na maaari nating linangin. Ngunit talaga bang posible ang gayong buklod? Oo. Isinisiwalat ng Bibliya kung gaano kalapit ang kaugnayang nadama ng matuwid na mga lalaki at babae sa ating makalangit na Ama. Iningatan ang ulat hinggil sa kanilang magiliw na mga kapahayagan upang bigyan tayo ng pananalig na maaari rin tayong maging malapít kay Jehova.​—Awit 23, 34, 139; Juan 16:27; Roma 15:4.

21 Maaaring maabot ng sinuman ang mga kahilingan ni Jehova para maging malapít sa kaniya. “O Jehova, sino ang magiging panauhin sa iyong tolda?” ang tanong ni David. “Siyang lumalakad nang walang pagkukulang at nagsasagawa ng katuwiran at nagsasalita ng katotohanan sa kaniyang puso.” (Awit 15:1, 2; 25:14) Habang nakikita natin na ang paglilingkod sa Diyos ay nagluluwal ng mabubuting bunga at nagiging dahilan upang makamit natin ang kaniyang patnubay at proteksiyon, makikilala natin na “si Jehova ay napakamagiliw sa pagmamahal.”​—Santiago 5:11.

22. Anong uri ng kaugnayan ang nais ni Jehova na matamasa ng kaniyang bayan?

22 Talagang pinagpala tayo dahil hangad ni Jehova na magkaroon ng gayong personal na kaugnayan sa di-sakdal na mga tao! Kung gayon, hindi ba natin dapat ipamalas ang magiliw na pagmamahal sa isa’t isa? Sa tulong ni Jehova, bawat isa sa atin ay makapagpapamalas at makapagtatamasa ng magiliw na pagmamahal na makikita sa ating kapatirang Kristiyano. Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, madarama ng lahat ng nasa lupa ang pagmamahal na ito magpakailanman.

Maipaliliwanag Mo Ba?

• Anong uri ng pagsasamahan ang dapat umiral sa loob ng kongregasyong Kristiyano?

• Paano makatutulong ang bawat isa sa atin sa pagpapakita ng magiliw na pagmamahal sa loob ng kongregasyon?

• Paano nagtataguyod ng Kristiyanong pagmamahal ang taimtim na komendasyon?

• Paano tayo inaalalayan at pinalalakas ng magiliw na pagmamahal ni Jehova?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 15]

Hindi lamang obligasyon ang masasalamin sa pag-ibig ng mga Kristiyano sa isa’t isa

[Mga larawan sa pahina 16, 17]

Maaari mo bang ‘palawakin’ ang iyong pagmamahal?

[Larawan sa pahina 18]

Ikaw ba ay mapamintas o nakapagpapatibay ng loob?